“Di
alintana kung walang pera, basta’t tayo’y magkakasama. Ibang-iba talaga ang
Pasko sa ‘Pinas.”
Linya
ito mula sa isang awiting pamasko na nagsasabing hindi materyal na bagay ang
sentro ng selebrasyon ng Pasko ng mga Pilipino.
Ngunit
ilang araw na lamang bago magpasko, siksikan na ang mga mamimili mula sa
malalaking malls hanggang sa mga pamilihang bayan. Tuwing pasko rin ay
nagtataas ang mga bilihin dahil mataas ang demand para sa mga produktong bida
kapag pasko tulad ng hamon at queso de bola. At ang mga simbolo at tradisyon
tuwing pasko, ayon na rin sa ilang pari, ay nababago na din dahil sa
komersyalismo.
Kaya
naman bago sumapit ang araw ng pasko, sino nga ba talagang ang bida ng paskong
Pinoy? Si Hesu-Kristo o ang Komersyalismo?
Ang
parol halimbawa ay nabago na ang hugis at itsura sa paglipas ng panahon at ang
itinuturong dahilan ay ang pagnanais ng mga negosyanteng mas kumita at mas
maging mabenta.
"Ang
parol ang nagpapaalala sa atin ng pagdating ng Messias. Ang mga bagong disenyo
ay bunga na lamang ng komersyalismo," ani Rev. Fr. Romualdo Go.
Mula
sa original na disenyo ng Pilipinong artisan na si Francisco Estanislao, ang
sinaunang parol na hugis tala ay gawa lamang sa manipis na kahoy ng kawayan na
binabalutan ng makukulay na papel de hapon. Ngayon ay hindi na lamang
limang-kantong tala ang hugis ng parol at may mga makukulay na ilaw na ring
nakakabit dito.
Ayon
kay Go, na mula sa Diocesis ng Malolos, lumilikha ng iba't-ibang hugis at
gumagamit ng bagong materyales ang mga manggagawa ng parol upang sila ay mas
kumita.
“Likas
na malikhain ang mga Pilipino kaya naman para mas mabili ang parol ay ginawan
na ito ng iba’t ibang hugis at disenyo,” paliwanag ni Go.
Maliban
sa parol, ang ilang kaugalian din tuwing pasko ang nagiging patungkol na lamang
sa materyal na bagay at hindi na tungkol sa pananampalataya sa Diyos na dapat
na syang sentro ng Pasko ayon kay Archbishop Socrates Villegas.
Sa
isang panayam, sinabi ni Villegas na nalilimutan na ang tunay na diwa ng pasko at
itinuturing na lamang itong long weekend holiday, pista ng makukulay na
Christmas lights, panahon ng mga bargain sales at street market at kaliwa’t
kanang bigayan ng bonus at party.
Ayon
naman kay Daisy Balatbat, kagawad ng baranggay sa Hagonoy, hindi na dapat
maging komersyal ang pasko pagkatapos ng bagyo at lindol na naganap sa bansa.
“Noon
talaga karamihan puro materyal na bagay ang focus ng tao pero ngayon dapat
hindi na lalo na ngayon na madami tayong pinagdaanang sakuna,” ani Balatbat.
Hindi
man daw maiaalis ang materyal na bagay tuwing pasko, maari naman daw gawing mas
simple ang handa at regalo.
“Kung
babalikan natin yung totoong meaning ng kapaskuhan, hindi naman talaga dapat
magarbo (ang pagdiriwang ng pasko), dagdag pa niya.
Sinang-ayunan
ito ni Ma. Conchita Lopez, labing-pitong taon ng tagapanguna ng isang
kristiyanong iglesya sa Malolos.
“Sa
katunayan napakatahimik at simpleng-simple lamang ang unang pasko,” ani Lopez.
Ayon
pa sa kanya, marahil ay nagmula ang pagbibigay ng regalo at materyal na tuwing
pasko sa ginawang pag-aalay ng tatlong pantas sa sanggol na si Hesus.
Ngunit
binigyan niya ng diin na hindi materyal na bagay lamang ang maaaring ibahagi ng
bawat Pilipino sa kanilang kapwa tuwing panahon ng kapaskuhan.
“Sana
maunawaan ng bawat isa na hindi lamang Aguinaldo ang maaring ibigay at hindi
lamang sa pasko maaaring magbigayan,” ani Lopez.
Nararapat
lamang daw na katulad ng Diyos, na tunay na bida ng selebrasyong kapaskuhan,
araw-araw ay dapat na magbigayan ng kapatawaran at kapayapaan ang bawat
Pilipino.
“Dahil
ang Diyos arawaraw tayong binibigyan ng pag-ibig, kapayapaan at kagalingan
dahil para sa Diyos, araw-araw ay pasko,” dagdag niya. Rosemarie Gonzales
No comments:
Post a Comment