Monday, December 2, 2013

KAPAG NABUGTA ANG ANGAT DAM: 100,000 ang masasawi sa Bulacan



Bahang hatid ng bagyong Pedring at Quiel sa Hagonoy noong 2011.


MALOLOS CITY—Hindi bababa sa 100,000 Bulakenyo ang maaaring masawi kapag nasira ang Angat Dam, ayon sa mataas na opisyal ng Engineering and Development Corporation of the Philippines (EDCOP) na nagsagawa ng pag-aaral sa nasabing dam noong 2012.

Kaugnay nito, ikinakasa ng Kapitolyo ang isang malawakang earthquake at dam break drill ngayong Disyembre kung saan ay kasama ang malalaking pamantasan sa lalawigan bilang paghahanda sa posibilidad ng malakas na lindol na maaaring sumira sa Angat Dam at sumalanta sa Bulacan.

Noel Ortigas
Ang paghahanda ay bahagi ng pagpapataas ng kakayahan ng mga Bulakenyo sa mga kalamidad matapos masalanta ng magkakasunod na kalamidad ang ibat-ibang bahagi ng bansa na kumitil sa libo- libong buhay.

Ngunit kung ang pag-uusapan ay ang bilang ng nasawi sa Visayas na umaabot sa mahigit 5,560 matapos manalasa ang bagyong Yolanda, ito ay katiting lamang kumpara sa posibleng maging bilang ng masasawi sa Bulacan at ilang bayan sa Pampanga at Kalakhang Maynila.

Sa panayam kay Noel Ortigas, executive vice president ng EDCOP, sinabi niya ng tuwiran sa Mabuhay na aabot sa 50  hanggang 60 porsyento ng Bulacan ang maaapektuhan ng posibleng pagkasira ng Angat Dam. Ang pahayag na ito ay dalawang beses na nilinaw kung saan ay binanggit na umaabot na sa halos tatlong milyon na ang populasyon ng lalawigan.

Ayon kay Ortigas, “hindi naman lahat na yon ay fatal, may makaka- survive din” at idinagdag pa na batay sa kanialng pag-aaral may mga bahagi ng Bulacan na aabot sa 10 hanggang 30 metro ang lalim ng tubig, may bahagi rin na lima hanggang 10 metro at tatlo hanggang limang metro lamang.

Ngunit batay sa pagaaral ni Inhinyero Roderick Dela Cruz, isang dam safety expert na nagmula sa Hagonoy na nakabase sa Amerika, posibleng umabot sa 60 talampakan ang bahang ihahatid sa Hagonoy at ibang bahagi ng Bulacan kung masisira ang Angat Dam.

Inhinyero Dela Cruz
Inihalimbawa niya na noong 2011 ay 1,500 cubic meters lamang ng tubig ang pinatapon ng Angat Dam ay lumubog sa mahigit isang metrong baha ang Hagonoy. Kung masisira ang Angat Dam, tinatayang aabot sa mahigit 850-milyon kubiko metro ng tubig ang raragasa.

Dahil dito, higit pang inusisa ng Mabuhay si Ortigas kung ilan sa maaapektuhang 50 hanggang 60 porsyento ng tatlong milyong populasyon ng Bulacan ang posibleng masawi. Hindi agad kumibo si Ortigas, ngunit nang magbigay ng numero ang mamamhayag na ito tulad ng 100,000 ay umayon siya.

Si Ortigas ay nakapanayam ng Mabuhay matapos ang isang pulong ng mga bumubuo sa Angat Dam Break Technical Working Group na naghahanda ng emergency action plan.

Ngunit para sa mga opisyal ng Bulacan, ang bilang na ito ay konserbatibo. Sa hiwalay na panayam kay Gob.Wilhelmino Alvarado, inihalimbawa niya ang pinsalang ihahatid sa Bulacan ng posibleng pagkasira ng Angat Dam sa pagsabog ng isang bombang nukleyar.

Angat Dam
“Parang nuclear yan na sumabog, halos walang matitira,”sabi ni Alvarado. Una rito, sinabi ng gobernador na kapag nasira ang Angat Dam ay “sa West Philippine Sea na tayo pupulutin.” Gayunpaman, sinabi ng gobernador na ang mga pahayag na ito ay hindi upang takutin ang mga Bulakenyo.

Sa halip binigyang diin niya na ito ay isang pagtatangka sa pagmumulat ng isipan ng bawat isa upang bigyang importansiya ang paghahanda. Iginiit pa ni Alvarado na lubhang mahalaga ang paghahanda ng bawat mamamayan sa isang malawakang delubyo.

“Lindol ang pinag-uusapan natin, kapag umuga yan, hindi lang naman dito sa Bulacan ang apektado at hindi lang Angat Dam, dahil yung West Marikina Valley Faultline ay hanggang Batangas. So, marami ang mapipinsala, at marami ang mangangailangan ng tulong. Sino ang tutulong sa atin, kundi tayo rin,” sabi ni Alvarado. Dino Balabo

4 comments:

  1. Paghahanda ba kamo? Sa halip na paghahanda ang gawin ng tao, eh bakit hindi nila kaagad gawin at isaayos yung dam kung may sira man. Paano ka makakaligtas kung ang lindol eh hating gabi nangyari? Yung mga taga Leyte at Samar pinaghandaan nila yung bagyong yolanda, pero sadyang malakas ni yolanda at sa kabila ng ginawang paghahanda ng mga tao, madami pa din ang nasawi. May God save us.... Sana wag mangyari ito..

    ReplyDelete
  2. dapat may gawin na hakbang ang mga nanunungkulan sa pamahalaan upang di umabt sa kinatatakutan natin, hanggat maaga pa ayusin na ang lahat, mas malaki ang mawawala sa bansa PILIPINAS kung hindi ito gagawan ng aksyon!, di lamang ari arian ang mawawala pati ang mga buhay ng tao.. matuto na tayo sa mga naranasan natin kalamidad paghahanda, wla magagawa yang paghahanda nyo na yan kung ganyang kataas ang tubig na maaaring maging baha, kaya hanggat maaga gawin nyo na sana ito, wag po kayo magpaka fetix, dapat aksyon agad, ngayong may pundo naman pala nakalaan dito.. maawa kayo sa mga tao na maaapektuhan nito.. God is Good all the time hindi niya tayo pababayaan. nawa'y po hindi mangyari ito. Pansinin nyo po ang panawagan na ito.. kailangan nating magkaisa..

    ReplyDelete
  3. If Angat Dam breaks down, you cannot blame it to Natural Disaster or Earth Forces since this is a man made creature that has to be maintained. There are ways to fix it now so the government should stop talking and start working! 100K people is quite a lot of voters. Why don't you impress us with an excellent work of fixing Angat Dam and you'll surely get our hearts to vote for you to be our leaders!!!

    ReplyDelete
  4. takte!!! puro kase pag kukurakot ginagawa! asan na tuwid na landas nyo!! puro kayo pag papayaman bakit madadala nyo ba yan sa hukay nyo! isa pa mayaman na kayo bakit hindi nyo nalang hayaan mapunta sa dapat puntahan ang kaban ng bayan!!!! sana naman isipin natin kaligtasan ng nakakarami. lahat naman tayo ayaw mapahamak ang ating mga mahal sa buhay. KILOS KILOS DIN PAG MAY TIME!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!

    ReplyDelete