Saturday, December 21, 2013

PASKONG PINOY: Pinoy pa nga ba?



 
Parol for sale. Kuha ni Rosemarie Gonzales

Makulay. Maingay. Masagana. Masaya.

Ganito mailalarawan ang pagdiriwang ng Pasko sa Pilipinas na pinaniniwalaang nagsimulang idaos 200 taon bago pa man dumating sa bansa ang kastilang si Ferdinand Magellan.

Ayon sa mga tala, isang Pransiskanong prayle na nagngangalang Odoric de Perdenon ang unang nagdaos ng misa sa Pangasinan tungkol sa paggunita sa kapanganakan ni Hesus isang buwan ng Disyembre sa pagitan ng taong 1280-1320 A.D.

Mula noon, taun-taon ng ipinagdiriwang ng bawat Pilipino ang Pasko, isang salitang nagmula sa salitang Kastila na “Pascua de Natividad” na ang ibig sabihin ay “Easter of Nativity.”

Mahigit na limang dekada nang nasasaksihan ni Cherry dela Cruz, 55, tindera sa isang mall sa Malolos ang pagdiriwang ng Pinoy sa Pasko na buwan ng Setyembre pa lamang ay nagsisimula na.

Ayon sa kanya, “Sa paglipas ng panahon, may mga tradisyong nananatili at may mga tradisyon namang unti-unti ng nawawala.”

TRADISYONG BUHAY NA BUHAY
“Mahalaga ang Noche Buena dahil ito ay maituturing na ‘bonding’ ng pamilya.”

Ito ang kasagutan ni dela Cruz, na mula sa baranggay Atlag siyudad ng Malolos, nang siya ay tanungin ukol sa isang tradisyong kalakip na ng kapaskuhan, ang Noche Buena.

“(Disyembre) 24 palang ng gabi lumuluwas na kami ng aking pamilya pa-Maynila para doon mag-Noche Buena kasama ang aking mga kapatid at ang kani-kanilang pamilya,” aniya.

Ispageti at pansit daw ang pangunahin at lagi ng handa sa kanilang hapag-kainan tuwing sila ay nagsasalo.

Tulad ng pamilya ni dela Cruz, isa ring mahalagang parte ng kapaskuhan ang Noche Buena sa pamilya ni Dona Porcalla, 41, manunulat sa isang pahayagan.

“Noche Buena is our family tradition. We really prepare every December 24 for the Noche Buena that we will have after attending the December 24 evening mass,”ani Porcalla sa isang mensahe sa Facebook.

Ayon sa kanya, nananatili silang gising hanggang hating gabi para hintayin ang araw ng Pasko.

“We still do that (Noche Buena) lalo na na dalawa sa mga kapatid ko ang umuuwi pa galing abroad tuwing Christmas Season,” dagdag pa niya.

Ayon kay Rev. Fr. Romualdo Go, pari mula sa Diosesis ng Malolos, nananatiling buhay ang tradisyon ng Noche Buena sa kabila ng mahal na bilihin.

“Pagdating ng Noche Buena, talagang kahit papaano naghahanda ang bawat pamilya (ng mapagsa-salu-saluhan).”

Isa rin sa mga nagpapatuloy na tradisyon tuwing kapaskuhan ang simbang gabi o Misa de Gallo, siyam na sunod-sunod na misa na sinisimulang idaos tuwing madaling-araw ng ika-16 ng Disyembre.

“Sa nakikita ko, hindi bumababa ang bilang ng mga dumadalo sa simbang gabi, bagkus baka nga dumadami pa.”

Ito ang obserbasyong naibahagi ni Go na limang taon ng nangunguna sa Misa de Gallo ng iba’t-ibang simbahang bahagi ng Diocesis ng Malolos.
“Sa lahat ng mga simbahan sa buong Diocesis ng Malolos, talagang iba ang hatak ng simbang gabi,” aniya.

Ito raw marahil ang dahilan kung bakit ang Pilipinas lamang ang bansang binigyan ng pahintulot ng Roma na magkaroon ng pagdiriwang na kilala natin bilang Misa de Gallo o simbang gabi.

Ayon pa sa kanya, tanda ng masidhing debosyon ng mga Katoliko sa simbang gabi ang pagsasagawa ng simbang gabi sa patio ng Katedral ng Malolos noong nakararaang taon sapagkat hindi kasya ang mga nagsisimba sa loob ng Katedral.

Ngunit ayon na rin sa kanya, may mga pagbabagong naidulot ang modernong panahon sa simbang gabi.

“Kung noon talagang saktong alas-dose ng gabi natatapos ng misa dahil ito ang oras para magsalo-salo na ang pamilya sa kani-kanilang bahay, ngayon ay inaagahan na. Ito ay sa kadahilanan na ang mundo natin ngayon ay wala ng pinipili kaya for the safety of the people of God,inaagahan na din natin (ang tapos ng misa),” paliwanag ni Go.

NAGLALAHONG TRADISYON
“Hindi na accommodating ang mga tao sa carollers ngayon... And it’s not safe in the streets.”

Ito ang dahilan na isinaad ni Porcalla kung bakit hindi tulad nung siya ay bata pa, sa bahay lang ng kanyang magulang niya papayagang mangaroling ang kanyang limang taong anak na si Dodi kasama ang mga pinsan nito.

Ayon sa kanya, masaya ang kanyang karanasan sa pangangaroling noong siya ay bata kasama ang kanyang dalawang kapatid at ang kanilang kasambahay.

“Nagkatuwaan lang kami noon. Noon naman kasi for fun ang karoling at masaya ang bata pati na ang may-ari ng bahay,” kuwento ni Porcalla na mula sa Cainta, Rizal.


Naulit ang kanyang pangangaroling noong siya ay hayskul, taong 1985, kasama ang kanyang mga ka-bible study.

“That was just early December yet all the homes gave us money. We gave our best in every song. We were not able to practice yet we sang beautifully,” aniya.

Ayon kay Porcalla, kung noon daw ay talagang ginagandahan ng mga nagkaka-karoling ang pag-awit, ngayon naman ang mga bata ay maituturing na ‘noise makers’ na lamang kaya ang mga ito ay lagi ng sinasabihan ng ’patawad’.

“Before, neighbours don’t just shoo away the kids.Ngayon ‘patawad’ agad (ang sinasabi kasi) yung mga bata hindi magandang kumanta. Ang gusto lang nila Aguinaldo agad,” ani Porcalla.

Dahil daw dito, unti-unti ng  nawawawala ang tunay na saysay ng karoling na pinaniniwalaang nagsimula noon pang ika-19 na siglo sa bansang Inglatera.

“Wala na yung carolling spirit na dapat you try to cheer people with Christmas songs,” dagdag pa niya.

Ayon naman kay dela Cruz ang kakulangan sa salapi ang dahilan kaya laging ‘patatawarin’ang sinasabi ng marami sa mga bata o kahit hindi batang nangangaroling.

“Bihira na ang nangangaroling ngayon kasi bihira na ang nagbibigay.Puro na ‘patatawarin’ dahil mahirap ang pera ngayon,” aniya.

Maliban sa pangangaroling, unti-unti na ding nababawasan ang mga ninong at ninang na nagbibigay ng Aguinaldo sa kanilang mga inaanak.

“Yung ibang (ninong at ninang) nagtatago na kapag pasko saka ngayon medyo maliit na ang ibinibigay na Aguinaldo sa mga inaanak,” ani dela Cruz.

Ayon sa kanya, noong siya ay bata pa may mga ninong at ninang na nagbibigay pa ng damit at ng dyis na malaki ng pera noong panahon na iyon.

Tanda rin ng unti-unting pagkawala ng tradisyong pagbibigay ng Aguinaldo, salitang Kastila na ang kahulugan ay ‘bonus’ na pinaniniwalaang unang ginamit ng mga katutubong Pilipino na tumutukoy sa karagdagang bayad na kanilang natatanggap mula sa kanilang Kastilang amo tuwing magpapasko,  ang pagdalang ng mga bumibili ng laruan.

“Matumal ang sales ng laruan ngayon hindi katulad dati. Unang lingo palang ng December mabenta na ngayon wala,mahina,” ani Veronica Reyes, sampung-taon ng tindera ng laruan ng pamilihan ng Malolos.

Ayon kay Reyes na mula sa baranggay Sto.Nino, Malolos, pangunahing pang-regalo sa mga bata ang laruan. Ngunit dahil sa mga sakunang naganap sa bansa, mas marami ang mas pinipiling ibigay ang pera sa mga nasalanta kaysa kaysa ibili ng laruang pang-Aguinaldo sa inaanak.

“Dahil sa mga krisis katulad ng Yolanda mas nagse-save ang mga tao para ibigay don (sa mga nasalanta) kaysa bumili ng mga laruan na pangbigay sa mga inaanak,” ani Reyes.

Ngunit ayon pa kay Reyes, mahalaga pa ring magbigay sa mga inaanak lalo na sa mga bata.

“It’s not the price naman. Hindi naman kailangang mahal ang ibigay mo sa inaanak mo at hindi naman porke dumadaan tayo sa mga krisis ay kakalimutan na natin ang mga simpleng bagay na nagpapasaya sa Pasko ng isang bata,” aniya.

“Kasi ang bata hindi naman nila alam yung krisis,” dagdag pa niya.

Sa kabilang banda, hindi naman daw nangangahulugang nagiging kuripot ang mga pinoy kaya dumadalang ang mga ninong at ninang na nagbibigay ng Aguinaldo.

“Mahirap lang talaga ang buhay ng Pilipino ngayon. Pero tayong mga Pilipino ay likas talagang mapagbigay,” sabi naman ni dela Cruz.

Maliban sa karoling at Aguinaldo, unti-unti na rin daw nawawala ang tradisyon ng pagsasabit ng Parol, na nagmula sa salitang Kastilang ‘farol’ na ang kahulugan ay‘lantern’.

“Madalang na ang bahay na makikitaan ng parol sa aming baranggay hindi tulad noon na talagang halos bawat bahay meron,” ani Daisy Balatbat, 37, isang kagawad ng baranggay sa Hagonoy.
 
Simbang gabi. By Rosemarie Gonzales
Ayon kay Balatbat, mahalaga man daw ang parol na sinasabing sumisimbolo sa talang gumabay sa tatlong pantas patungo sa sabsaban sa Bethlehem, mas binibigyang halaga na ngayon ng mga Pilpino ang pagbili ng pagkaing maihahanda para sa Noche Buena.

“Mas inuuna na ng mga Pilipino ngayon yung mga pagkain. Hindi na nila masyadong pinapansin ang parol, mas iniintindi nila yung ihahanda nila sa kanilang hapag-kainan,” dagdag pa niya.

Patunay ng nababawasang pagtangkilik sa parol ang pag-aray ng mga nagbebenta at gumagawa ng mga makukulay na palamuting ito.

“Pababa ang benta ng parol ngayon hindi katulad nung mga nakakaraang taon,” ani Rodel Garcia, 20, mula sa Tikay, Malolos.

Ani Garcia, na labing-dalawang taon ng manggagawa at tindero ng parol sa Bulacan, labis na nakaapekto ang mga sakunang dinanas ng Pilipinas sa bentahan ng parol.

“Dahil sa bagyo, yung Yolanda, yung ibang mayayaman kesa bumili ng parol idino-donate na lang (nila ang pera sa mga nasalanta”,” paliwanag niya.

Sinang-ayunan ito ni Jacob Malonzo, mula sa San Fernando, Pampanga, na labing-tatlong taon na ding manggagawa at tindero ng parol.

“Madalang na talaga ngayon (ang bumibili ng parol). Gipit kasi ngayon,” ani Malonzo.

Ayon pa sa kanya, mas marami ang nagpapagawa na lamang ng lumang parol na nabili sa kanila kaysa bumibili ng mga bago.

Ipinapakita ng kanilang mga kasagutan nina dela Cruz at Porcalla na buhay na buhay pa ang tradisyon ng Noche Buena at Misa de Gallo. Ayon nga kay Fr. Go, nagpapakita ito na talagang family-oriented ang mga Pilipino.

“Tayong mga Pilipino kasi ay family-oriented kaya gayon na lamang ang ating pagpapahalaga sa mga araw ng kapaskuhan,” ani Go.

Sa kabilang banda, nakita rin ang unti-unting pagkawala ng tradisyong pagbibigay ng Aguinaldo, pangangaroling at pagsasabit ng parol.

Ngunit ayon pa rin kay Go, “Sa pagdaan ng panahon, may mga tradisyon talagang hindi naman nababago kundi sa aking palagay ay nai-improve lang. Pero naniniwala ako na ang tunay na pinag-ugatan ng pagdiriwang ng Pasko ng bawat Pilipino ay hinding-hindi na mababago.”

Mawala man ang kulay, ang ingay, ang sagana at ang sayang kalakip ng mga tradisyong tatak ng Paskong Pinoy, mas mahalagang ang maiwan at magpatuloy ay ang kaugaliang ugat ng okasyon, ang paniniwala na si Hesus ang tunay na dahilan kaya ang Pinoy ay may kapaskuhan. Rosemarie Gonzales

No comments:

Post a Comment