Wednesday, December 11, 2013

Kasado na ang earthquake at Angat Dam break drill sa Bulacan





MALOLOS—Kasado na ang malawakang pagsasagawa ng earthquake at dam break drill sa Lungsod na ito sa Biyernes, Disyembre13 kung saan ay kalahok ay may 12,000 katao kabilang ang mga mag-aaral ng mga pangunahing pamantasan.

Ito ay ang kauna-unahang earth at dam break drill na inorganisa ng pamahalaang panglalawigan, matapos ang katulad na drill noong Setyembre 2012 sa bayan ngh Calumpit na pinangunahan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Ayon kay Liz Mungcal, ang pagsasagawa ng nasabing drill ay bahagi ng paghahanda ng Bulacan sa posibilidad ng malakas na lindol na maaaring maging sanhi ng pagkabugta ng Angat Dam.

“Batay sa mga pag-aaral, anumang oras ay maaaring lumindol at maaaring masira ang Angat Dam, kaya dapat ay handa tayo at alam ang ating gagawin,” sabi ni Mungcal.

Inayunan din ito ni Gob. Wilhelmino Alvarado sa hiwalay na pahayag noong Miyerkoles, Disyembre 4.
 
Jojo Tomas, Calumpit MDRRMO
Ayon sa punong lalawigan, may paghahanda o wala ay malaki ang posibilidad na marami ang masawi sa pinangangambahang paglindol at pagkasira ng dam.

Ngunit iginiit ng punong lalawigan na mas marami ang maliligtas kung handa ang bawat isa, kabilang na ang taumbayan at mga namumuno sa gobyerno.

Inayunan din ito ni Jojo Tomas ang Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) ng bayan ng Calumpit na naging bahagi ng katuladna drill noong nakaraang taon.

Ayon kay Tomas, ikinagagalak nila na mapili ang Calumpit sa pagsasagawa ng earthquake at dam break drill noong nakaraang taon dahil marami silang natutuhan.

Kabilang dito ay ang akmang pagkilos ng mga tao at ng mga kagawad ng MDRRMO at mga barangay.

“Importante na maging kalmado tayo sa anumang sakuna na dumating, at bahagi ng pagiging kalmado ay ang kaalaman sa posibilida dng sakuna at kung ano ang dapat gawin,” sabi ni Tomas.

Inihalmbawa niya ang drill na isinagawa sa barangay Caniogan, Calumpit noong nakaraang taon.

Ayon kay Tomas, sa oras na makarating sa kanilaang babala ay agad nilang ipinahatid sa mga residenteng kalahok sa drill ang babala.

Bahagi nito ay paliwanag sa tao na maging kalmado at ang impormasyon kung anong oras ang posibleng pagdating ng tubig.

“May oras ng dating ang tubig kaya kalkulado namin ang gagawin at kung saan dadalhin ang mga tao,” sabi ni Tomas.

Batay naman sa pahayag ni Mungcal, kung sakaling gagalaw ang Marikina West Valley Faultline (MWVF), at magsasanhi ng lindol na may lakas na 7.2 magnitude, maaaring maghatid ito ng malawakang pinsala sa lalawigan, kasama na ang Angat Dam.

“Dalawa ang paghahandaan natin,” sabi ni Mungcal at sinabing “Lindol at Dam break.”

Ipinaliwanag niya na kung lilindol ng 7.2 magnitude, maaring may mga gusali sa Bulacan na mapinsala kaya isinusulong na ng kapitolyo ngayon ang pagsusuri sa bawat gusali sa lalawigan.

Ayon pa kay Mungcal, marami ng naisagawang earth quake drill sa Bulacan, lalo na sa pamantasan.

Ito ay tinampukan ng pagtatakip ng ulo at pagsuot ng tao sa mga ilalim ng mesa o matigas na istraktura na ligtas.

Kasunod nito ay ang paglilikas sa mga tao sa mga ligtas na lugar kung saan ay walang babagsak na gusali.

Sinabi ni Mungcal ang mga gawaing ito ang isasagawa sa earth quake drill, ngunit dadagdagan ng drill para sa dam break.

Ito ay dahil sa posibilidad na masundan ng malalim at malawakang pagbaha ang lindol kung masisira ang Angat Dam.

Dahil dito, target ng kapitolyo na makalahok sa nasabing dam break drill ang mga mag-aaral ng Bulacan State University, Centro Escola University, La Consolacion University-Philippines and Bulacan Polytechynic College  na pawang matatagpuan sa lungsod na ito.

Ayon pa kay Mungcal, ang nasabing earthquake at dam break drill ay isasagawa rin sa iba pang bayan at lungsod sa lalawigan sa mga susunod na buwan.  Dino Balabo

No comments:

Post a Comment