Showing posts with label dam break. Show all posts
Showing posts with label dam break. Show all posts

Thursday, February 20, 2014

Bakit naantala ang rehab ng Angat Dam at pagsasapribado sa ARHEPP?


 
MALOLOS— Bakit naaantala ang pagpapakumpuni sa Angat Dam at pagsasapribado sa Angat River Hydro Electric Power Plant (ARHEPP)?

Ito ang tanong ng maraming Bulakenyo matapos mabatid na hindi natuloy noong Enero ang pagsasalin ng National Power Corporation (Napocor) ng pamamahala sa ARHEPP patungo sa Korea Water Resources Corporation (K-Water).

Ang katanungang ito ay sa kabila ng sunod-sunod na pahayag ni Gob. Wilhelmino Alvarado na masisimulan na ang pagpapakumpuni sa Angat Dam na mahigit isang taon nang ipinapangako ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System  (MWSS) at ng kapitolyo.

Batay sa pahayag ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM), hindi pa nakumpleto ng K-Water ang mga dokumento para makapsimula ang operasyon ng tanggapan nito.

Kabilang sa mga kulang sa dokumento ay ang business permit mula sa pamahlaaang bayan ng Norzagaray na nakakasakop sa Hilltop sa Angat Dam kung saan matatagpuan ang kasalukuyang tanggapan ng ARHEPP.

Ito ay kinumpirma ni Inhinyero Rodolfo German, ang general manager ng ARHEPP na nagsabing, umaasa sila na magkakaroon na ng business permit ang K-Water at makakapag-take-over na sa operasyon ng ARHEPP sa Marso 25.

“Nagkaroon ng problema sa legal matters, at sa technical aspect,” sabi ni German kung saan ay tinukoy niya ang kawalan ng business permit ng K-Water bilang isa sa mga “legal matters.”

Sa nauna namang pahayag ni Alvarado, sinabi niya na kinausap na niya si Mayor Alfredo Germar ng Norzagaray upang bigyan ng business permit ang K-Water.

Ayon kay Alvarado, hindi agad ini-release ni Germar ang business permit ng K-Water dahil sinisingil ito ng Real Property Tax (RPT).

Batay sa pahayag ng ilang source, ang RPT na sinisingil ng Norzagaray sa K-Water ay ang RPT na hindi nabayaran ng ARHEPP sa mahabang panahon ng operasyon nito sa Hilltop, Norzagaray.

“Sabi ko kay Mayor Germar ay bigyan na ng business permit ang K-Water at saka na lang kami maniningil ng real property tax,” ani Alvarado at iginiit pa na hindi naman aalis ang K-Water.

Ipinaliwanag ni Alvarado na mahalagang makapagsimula na ng pamamahala ang K-Water sa ARHEPP upang magsimula ang proseso ng pagpapakumpuni sa Angat Dam.

Nagpahayag din ng pag-asa si Alvarado pormal na nang maisasalin sa K-Water ang  pamamahala sa ARHEPP sa Marso.

Ayon pa sa kanya, kapag ito ay natuloy ay maaari ng simulan ang pagpapasubasta ng pagpapakumpuni sa Angat Dam.

Ngunit ayon kay German, bukod sa legal na aspeto ay may hamon pang teknikal sa pormal na paghawak ng K-Water sa ARHEPP.

Ito ay ang kailangan maipakita ng ARHEPP sa K-Water na talagang may kakayahan ang plant na lumikha ng 200 megawatt ng kuryente.

Ayon kay German, apat ang pangunahing turbina ng ARHEPP na lumilikha ng kuryente, at bawa isa rito ay may kakayahang lumikha ng 50 megawatt ng kuryente.

Subalit isa lamang sa apat na turbina ang kasalukuyang umaandar.

Ang tatlo ay may sira, at ayon kay German, dalawa sa mga ito ay kinukumpuni dahil ang isa ay nagkaproblema sa vibrations, samantalang ang isa ay maayos naman ngunit ang generator ang may problema.

Ayon kay German, makukumpuni nila ang dalawa, ngunita ng isa ay maaaring K-Water na ang magpakumpuni at ang magagastos at babayaran na lamang ng PSALM.

Batay sa pagtaya ni German, ang pagkukumpuni ay gagastusan ng P15-Milyon.

Maaari din daw palitan ang turbina dahil matanda na ito o mahigit ng 20 taon.

Ngunit ag bawat isang turbina na na may 50 megawatt capacity at nagkakahalaga ng $50-Milyon o isang milyong dolyar sa bawat isang megawatt.

Dahil naman sa pagkaantala ng pagsasalin ng pamamahala sa  ARHEPP ng K-Water, ay naantala din ang planong pagpapakumpuni sa dam.

Ito ay matapos iurong ng MWSS ang pondong P5.7-B noong nakaraang taon matapos katigan ng Korte Suprema ang K-Water bilang winning bidder sa pagsasapribado ng ARHEPP.

Ayon sa MWSS, bahagi ng kontrata ng K-Water bilang wining bidder ay ang pagpapakumpuni sa dam.

Ngunit hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nakakapag-take-over ang K-Water at wala pa ring pormal na pahayag mula sa mga Koreano kung sila nga mismo ang gagastos sa pagpapakumpuni sa dam.

Bukod dito ay ang isyu kung tatanggapin ng buo ng K-Water ang anim na buwang pag-aaral ng Tonkin and Taylor sa katatagan ng Dam.

Ayon kay Inhinyero Roderick Dela Cruz, isang dam safety expert na Bulakenyo na nakabase sa Estado Unidos, ang nasabing pag-aaral ay masyadong maikli.

Inayunan naman ito ng isang opisyal ng Napocor na nagsabing, “it’s too shallow” patungkol sa isinagawang pag-aaral ng Tonkin and Taylor.  Dino Balabo

Saturday, December 21, 2013

Ligtas ang Angat Dam sa katatapos na lindol, Bulakenyo nabahala







MALOLOS—Tiniyak ng mataas na opisyal ng National Power Corporation (Napocor) na ligtas at walang naging sira ang Angat Dam matapos maramdaman sa Bulacan ang magnitude 4.9 na lindol noong Miyerkoles ng gabi, Disyembre 18.

Ikinabahala naman ito ng maraming Bulakenyo, kahit na ang ilan ay nagsabing hindi nila naramdaman ang nasabing lindol na ang sentro ay natukoy sa San Quintin, Pangasinan, ganap na alas-10:46 ng gabi noong Miyerkoles.

Ang paglindol ay naganap limang araw matapos isagawa ang pinagsamang earthquake at Angat Dam break drill sa lungsod ng Malolos noong Biyernes, Disyembre 13.

Layunin ng nasabing drill ay mapataas ang kaalaman at kahandaan ng mga Bulakenyo sa posibilidad ng pagkasira ng Angat Dam na maaaring ihatid ng lindol na may lakas na 7.2 na lilikhain ng napipintong paggalaw ng Marikina West Valley Faultline.

Ayon kay Inhinyero Rodolfo German, walang naging epekto sa 45-taong gulang na Angat Dam ang lindol noong Miyerkoles ng gabi.

Si German ay ang general manager ng Angat River Hydro Electric Power Plant (ARHEPP) ng Napocor na siyang namamahala ng Angat Dam sa bayan ng Norzagaray, Bulacan.

Dahil dito, sinabi niya na hindi na rin kailangang magsagawa ng pagsusuri sa Angat Dam.

”Maliit lamang yung intensity na yun para magkaroon ng effect at isagawa ang assessment,” sabi ni German sa panayam ng Mabuhay sa telepono noong Huwebes, Disyembre 19.

Idinagdag pa niya na hindi dapat katakutan ang lindol noong Miyerkoles dahil sa ito ay malayo sa tinatayang magnitude 7.2 na lindol na ihahatid ng paggalaw ng MWVF.

Batay sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), umabot sa magnitude 4.5 ang nasabing lindol.

Ngunit batay sa ulat ng United States Geological Survey sa kanilang website, ang lindol ay may lakas na 4.9 manitude.

Ang lindol ay naramdaman sa mga lungsod ng Caloocan, Mandaluyong, Dagupan, Baguio at bayan ng Binalonan, Pangasinan na may lakas na intensity 3; samantalang ang intensity 2 ay naramdaman sa mga lungsod ng Quezon, Pasig, Taguig, Gapan, Pasay, Cabanatuan, Palayan,  at mga bayan ng Pantabangan sa Nueva Ecija, at sa Baler , Aurora.

Naramdaman din ito sa Bulacan na ipinangamba ng maraming Bulakenyo dahil sa katatapos lamang ng pagsasagawa ng earthquake at Angat Dam break drill.

Layunin ng nasabing drill na mapalawak ang kaalaman at kahandaan ng mga Bulakenyo sa posibilidad ng malakas na lindol na maaaring sumira sa Angat Dam na maghahatid ng pagragasa ng tinatayang mahigit sa 800-Milyong kubiko metro ng tubig mula sa Angat Dam.

Marami sa mga Bulakenyo ang nagpahayag ng kanilang pangamba sa pamamagitan ng social media partikular na sa fan page ng Mabuhay Newspaper Bulacan.

Isa sa nakapanayam ng Mabuhay ay si Dante Orillos ng Leighbytes Conputer Center sa  Crossing ng Malolos.

Ayon kay Orillos, nagulat siya ng bilang umuga ang lupa at kinabahan.

Ito ay dahil sa posobilidad na masira ang Angat Dam.

Sa kabila naman na hindi naramdaman ng ibang Bulakenyo ang lindol ay nangamba rin sila matapos itong mabalitaan kinabukasan.

Kabilang sa kanila ay sina Sol Santos, Eric Regalado, Jeff Lobos at Katricia Carlos.

Nagpahayag sila ng takot ngunit nagpasalamat din dahil hindi nasira ang Angat Dam. Dino Balabo

Pagkukumpuni sa Angat dam, masisimulan daw sa 2014





MALOLOS—Inaasahang masisimula sa susunod na taon ang pagkukumpuni sa Angat Dam matapos maisalin ang isasapribadong bahagi nito sa pamamahala ng Korrean Water Resources Corporation (K-Water) sa unang bahagi ng 2014.

Ngunit ang pahayag na ito ay posibleng hindi matuloy ayon sa naunang pahayag ng isang dam safety expert dahil mahaba pa ang prosesong dadaanan ng pagsasapribado at pagkukumpuni sa dam.

Sa isang pahayag na inilabas noong Disyembre 9 ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (Psalm), kabilang sa obligasyon ng K-Water ang pagsasagawa ng mandatory rehabilitation sa dam.

Ang K-Water  ay isang kumpanyang Koreano na nagkamit ng kontrata para pamahalaan ang bahagi ng 218 megawatt ng isinasapribadong Angar River Hydro Electric Power Plant (Arhepp)).

Ang Arhepp ay ang bahagi ng Angat Dam na ginagamit sa paglikha ng kuryente sa pamamagitan ng mga turbinang pinatatakbo ng tubig mula sa dam.

“Under the Angat HEPP operation and maintenance (O&M) agreement, K-Water has the obligation to perform the mandatory rehabilitation activities to make Angat dam and its related facilities conform to international standards,” sabi ni Emmanuel Ledesma, pangulo ng Psalm.

Nilinaw ni Ledesma na ang pagsasagawa ng pag-aaral sa katatagan ng Angat Dam ay isinagawa bago pa ipagkaloob ng Psalm ang kontrata sa K-Water.

Iginiit pa niya na maaaring gamitin ng K-Water ang mgas naunang pag-aaral hinggil sa katatagan ng  Angat Dam, at maaari din itong magsagawa ng sariling pag-aaral para sa pagbuo ng pinal na disenyo para sa pagpapatibay sa dam.

“K-Water under the O&M agreement for the non-power components, however, can engage the services of at least two independent consultants to conduct its own study,” sabi ni Ledesma.

Ayon pa sa pahayag ng Psalm, sinab i naman ni Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) administrator Gerardo Esquivel na, “Angat dam and dyke rehabilitation is one of the key infrastructure projects of the government which we’re hoping will start next year through K-Water.”

Ito, ayon kay Esquivel ay matapos magpulong ang mga kinatawan ng MWSS, PSALM, National Power Corp., K-Water  at pamahalaang panglalawigan ng Bulacan noong Nobyembre 20 hinggil sa implementasyon ng panukalang rehabilitasyon sa dam.


Ayon kay Esquivel, isinasapinalna nila ang mga iskedyul samantalang bumubo na ng modelo ng Angat Dam ang K-Water sa kanilang laboratoryo sa Korea.

Ang scale modeling dam ay inaasahang matatapos ngayong Disyembre, at pagkatapos nito ay magsasagawa ng pagsusuri ang K-Water sa mga impormasyong naipon na inaasahang matatapos sa Marso 2104.

“We already gave them a Tonkin and Taylor study. So using this study and their laboratory and whatever independent studies they have, then we’re ready to proceed with the project,” sabi ni Esquivel.

“So we hope in the middle of next year, they already have an actual method that will be used in the rehabilitation and the project will already start by then,” dagdag pa niya.

Ayon pa kay Esquivel, ang pagbuo ng disenyo at pagsasagawa ng rehabilitasyon sa dam ay tatagal ng 42 buwan.

Una rito, sinabi ni Inhinyero Roderick Dela Cruz, isang Bulakenyong dam safety expert na nakabase sa California na kung ang K-Water ang gagastos sa pagpapatibay sa Angat Dam ay maaaring matagalan ito.

Sinabi ni Dela Cruz na metikuloso ang mga K-Water dahil may sarili itong mga dalubhasa sa pag-aaral sa dam.

“May posibilidad na hindi gamitin ng K-Water ang pag-aaralna isinagawa ng Tonkin & Taylor dahil mas sanay silang gumawa ng pag-aaral sa dam,”sabi ni Dela Cruz patungkol sa anim na buwang feasilibity study sa katatagan ng dam.

Nilinaw niya na maikli ang anim na buwang  ginugol ng Tonkin & Taylor sa pagpaaral, at inihalimbawa na sa Estados Unidos, umaabot sa tatlong taon ang pag-aaral sa dam bago simula ang rehabilitasyon.

Isa sa binigyang pansin ni Dela Cruz ay ang kawalan ng site specific seismic study sa isinagawang pag-aaral ng Tonkin and Taylor.

Ang site specific seismic study sa Angat Dam ay lubhang mahalaga upang matukoy kung gaano kalakas ang lindol na ihahatid ng paggalaw ng MWVF.

Ayon pa kay Dela Cruz isinasaad ng Terms of Reference sa nasabing feasibility study na ang pangunahing dahilan ng pag-aaral ay upang matukoy ang katatagan ng dam.

Ngunit ayon kay Noel Ortigas, Executive Vice President ng Engineering and Development Corporation of the Philippines (Edcop), hindi sila nagsagawa ng site specific seismic study dahil nasasagawa na ng pag-aala ang Philippine Institute of Volcanology and Sesimology (Phivolcs) sa kahabaan ng MWVF.

Ito naman ay kinumpirma ni Inhinyero Romualdo Beltran ng Napocor Dam Management Division ng kanyang sabihing ngsasagawa ng trenching study ang Phivolcs sa MWVF.

Gayunpaman, sinabi ni Dela Cruz na gamitin man ng K-Water ang pag-aaral ng Tonkin and Taylor at Phivolcs, magsusuri pa rin ang K-Water upang matiyak ang katatagan ng dam.

Kasunod nito ay ang pagbuo ng disenyo at aktwal na rehabilitasyon.  Dino Balabo

Saturday, September 28, 2013

Bahang may lalim na 60 feet ang magpapalubog sa Bulacan pag nasira ang dam?



  

HAGONOY, Bulacan—Alam ba ninyo kung gaano kalalim ang bahang magpapalubog sa Bulacan kung sakaling masisira ang Angat Dam?

May nagsasabing depende sa lugar, pero may nagsasabing isa hanggang 30 metro ang lalim ng bahang raragasa pag nasira ang Angat Dam na matatagpuan sa bulubunduking bahagi ng bayan ng Norzagaray. 

Batay sa ulat ng Tonkin & Taylor International, ang kumpanyang nagsagawa ng anim na buwang feasibility study sa Angat Dam, ang ang bahang may lalim na 10 hangang 30 metro ay maaring maranasan sa mga bayan ng Angat, Bustos, Baliwag, San Rafael at Plaridel.

Sa ibabang bahagi naman ng Ilog Angat kung saan matatagpuan ang mga bayan ng Calumpit, Hagonoy, at Paombong ay tinatayang aabot lamang sa isa hanggang aqpat na metro ang lalim. 

Ang bawat isang metro ay katumbas ng tatlong talampakan kaya’t ang 20 metro o 30 metro ay nakakatumbas ng 60 hanggang 90 talampakan.

Ngunit batay sa pag-aaral ni Inhinyero Roderick Dela Cruz, ang ulat ng Tonkin & Taylor ay posibleng bumaba ng 20 metro o tumaas pang 20 metro. 

Ito ay ang tinatawag na margin of error na ayon sa ulat ay 20 meters plus or minus.
  
Ayon kay Dela Cruz, walang dapat ipangamba kung ang ulat ng Tonkin & Taylor ay lalabas na minus 20 meters.

Ito ay nangangahulugan na halos walang baha sa bayan ng Hagonoy na sinasabing lulubog sa isa hanggang apat na metrong lalim ng baha.
  
Ngunit paano kung ang pagtaya ng Tonkin & Taylor ay mali at ang lumabas na baha ay plus 20 meters.

“Delikado yan, wala na tayong mapupuntahan,” ani Dela Cruz ngunit iginiit na “hindi na tinatakot natin ang taumbayan, dapat lang kasi na nauunawaan natin ang mga posibilidad upang mas higit tayong handa.”
  
Ilan sa mga pinagbabasihan ni Dela Cruz ng pananaw na posibleng maging plus 20 meters ang bahang ihahatid ng posibleng pagkasira ng dam ay ang karanasan noong 1978 at nitong 2011 kung kailan nanalasa ang mga bagyong Pedring at Quiel.


Matatandaan na noong Oktubre 1978, lumubog sa anim hanggang pitong talampakang baha ang bayan ng Hagonoy matapos ang bagyong Kading dahil sa nagkamali ang namamahala sa Angat Dam.
  
Batay sa tala, aksidenteng napalaki ang bukas sa floodgate ng ng Angat Dam at tumapon ang 5,000 cubic meters per second ng tubig sa Ilog Angat na naging sanhi ng pagkasawi ng may 100 katao at pagkasalanta ng maraming ari-arian.

 Noonfg 2011, lumubog sa tatlo hanggang limang talampakang baha ang Hagonoy dahil sa pagpapatapon ng may 1,500 cms a tubig ng Angat Dam.

 “Simpleng subjective analysis lang ito, kung 5,000 cms ipinatapon ng Angat Dam noong 1978 at lumubog sa halos dalawang metrong baha ang Hagonoy, paano kung masira ang dam,” sabi ni Dela Cruz.

 Batay sa tala ng National Power Corporation, ang Angat Dam ay may kakayahang magtinggalng mahigit sa 800-milyong kubiko metro ng tubig; at ito ay posibleng rumagsang lahat kung masisira ang dam.

 Ayon kay Dela Cruz, tinataya ng Tonkin & Taylor na aabot sa 22,000 cms ng tubig ang tatapon sa Angat River pag nasira ang dam.

 Ito ay nangangahulugan na posibleng umabot sa 20 metro o 60 talampakang lalim ng tubig ang maghpalubog sa bayan ng Hagonoy dahil noong 1978 ay 5,000 cms lamang ang tumapon ngunit halos dalawang metro ang lalim na nagpalubog sa nasabing bayan.


 Sa kabila ng pagsusuring ito,ipinayo ni Dela Cruz ang dagdag na pag-aaral upang higit na matantiyan ang posibleng baha na ihatid ng pagkasira ng dam.

 Binigyang diin niya na hindi ito maaring ipagwalang-bahala dahil buhay at kamatayan ang nakataya.

 Matatandaan na ilang araw bago manalsa ang bagyong Ondoy sa kalakhang Maynila at mga bayan ng Sta.Maria,Marilao,Bocaue at Lungsod ng Meycauayan noong Setyembre 2009 ay naging bisita ng Sangguniang Panglalawigan ng Bulacan si Dr. Renato Solidum, ang direktor ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

 Sa kanyang pahayag sa Sangguniang Panglalawigan na noo’y pinamumunuan ni Bise Gob. Wilhelmino Alvarado, nagbabala si Solidum na dapat paghandaan ng Bulacan ng posibilidad na masira ang Angat Dam.

 Sa panayam ng Mabuhay matapos ang kanyang presentasyon sa Sangguniang Panglalawigan, itinanong kung anogn antas ng paghahanda ang dapat gawin ng Bulacan.

Ayon kay Solidum,” Bulacan must prepare for the worst!” Dino Balabo