Thursday, February 20, 2014

Bakit naantala ang rehab ng Angat Dam at pagsasapribado sa ARHEPP?


 
MALOLOS— Bakit naaantala ang pagpapakumpuni sa Angat Dam at pagsasapribado sa Angat River Hydro Electric Power Plant (ARHEPP)?

Ito ang tanong ng maraming Bulakenyo matapos mabatid na hindi natuloy noong Enero ang pagsasalin ng National Power Corporation (Napocor) ng pamamahala sa ARHEPP patungo sa Korea Water Resources Corporation (K-Water).

Ang katanungang ito ay sa kabila ng sunod-sunod na pahayag ni Gob. Wilhelmino Alvarado na masisimulan na ang pagpapakumpuni sa Angat Dam na mahigit isang taon nang ipinapangako ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System  (MWSS) at ng kapitolyo.

Batay sa pahayag ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM), hindi pa nakumpleto ng K-Water ang mga dokumento para makapsimula ang operasyon ng tanggapan nito.

Kabilang sa mga kulang sa dokumento ay ang business permit mula sa pamahlaaang bayan ng Norzagaray na nakakasakop sa Hilltop sa Angat Dam kung saan matatagpuan ang kasalukuyang tanggapan ng ARHEPP.

Ito ay kinumpirma ni Inhinyero Rodolfo German, ang general manager ng ARHEPP na nagsabing, umaasa sila na magkakaroon na ng business permit ang K-Water at makakapag-take-over na sa operasyon ng ARHEPP sa Marso 25.

“Nagkaroon ng problema sa legal matters, at sa technical aspect,” sabi ni German kung saan ay tinukoy niya ang kawalan ng business permit ng K-Water bilang isa sa mga “legal matters.”

Sa nauna namang pahayag ni Alvarado, sinabi niya na kinausap na niya si Mayor Alfredo Germar ng Norzagaray upang bigyan ng business permit ang K-Water.

Ayon kay Alvarado, hindi agad ini-release ni Germar ang business permit ng K-Water dahil sinisingil ito ng Real Property Tax (RPT).

Batay sa pahayag ng ilang source, ang RPT na sinisingil ng Norzagaray sa K-Water ay ang RPT na hindi nabayaran ng ARHEPP sa mahabang panahon ng operasyon nito sa Hilltop, Norzagaray.

“Sabi ko kay Mayor Germar ay bigyan na ng business permit ang K-Water at saka na lang kami maniningil ng real property tax,” ani Alvarado at iginiit pa na hindi naman aalis ang K-Water.

Ipinaliwanag ni Alvarado na mahalagang makapagsimula na ng pamamahala ang K-Water sa ARHEPP upang magsimula ang proseso ng pagpapakumpuni sa Angat Dam.

Nagpahayag din ng pag-asa si Alvarado pormal na nang maisasalin sa K-Water ang  pamamahala sa ARHEPP sa Marso.

Ayon pa sa kanya, kapag ito ay natuloy ay maaari ng simulan ang pagpapasubasta ng pagpapakumpuni sa Angat Dam.

Ngunit ayon kay German, bukod sa legal na aspeto ay may hamon pang teknikal sa pormal na paghawak ng K-Water sa ARHEPP.

Ito ay ang kailangan maipakita ng ARHEPP sa K-Water na talagang may kakayahan ang plant na lumikha ng 200 megawatt ng kuryente.

Ayon kay German, apat ang pangunahing turbina ng ARHEPP na lumilikha ng kuryente, at bawa isa rito ay may kakayahang lumikha ng 50 megawatt ng kuryente.

Subalit isa lamang sa apat na turbina ang kasalukuyang umaandar.

Ang tatlo ay may sira, at ayon kay German, dalawa sa mga ito ay kinukumpuni dahil ang isa ay nagkaproblema sa vibrations, samantalang ang isa ay maayos naman ngunit ang generator ang may problema.

Ayon kay German, makukumpuni nila ang dalawa, ngunita ng isa ay maaaring K-Water na ang magpakumpuni at ang magagastos at babayaran na lamang ng PSALM.

Batay sa pagtaya ni German, ang pagkukumpuni ay gagastusan ng P15-Milyon.

Maaari din daw palitan ang turbina dahil matanda na ito o mahigit ng 20 taon.

Ngunit ag bawat isang turbina na na may 50 megawatt capacity at nagkakahalaga ng $50-Milyon o isang milyong dolyar sa bawat isang megawatt.

Dahil naman sa pagkaantala ng pagsasalin ng pamamahala sa  ARHEPP ng K-Water, ay naantala din ang planong pagpapakumpuni sa dam.

Ito ay matapos iurong ng MWSS ang pondong P5.7-B noong nakaraang taon matapos katigan ng Korte Suprema ang K-Water bilang winning bidder sa pagsasapribado ng ARHEPP.

Ayon sa MWSS, bahagi ng kontrata ng K-Water bilang wining bidder ay ang pagpapakumpuni sa dam.

Ngunit hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nakakapag-take-over ang K-Water at wala pa ring pormal na pahayag mula sa mga Koreano kung sila nga mismo ang gagastos sa pagpapakumpuni sa dam.

Bukod dito ay ang isyu kung tatanggapin ng buo ng K-Water ang anim na buwang pag-aaral ng Tonkin and Taylor sa katatagan ng Dam.

Ayon kay Inhinyero Roderick Dela Cruz, isang dam safety expert na Bulakenyo na nakabase sa Estado Unidos, ang nasabing pag-aaral ay masyadong maikli.

Inayunan naman ito ng isang opisyal ng Napocor na nagsabing, “it’s too shallow” patungkol sa isinagawang pag-aaral ng Tonkin and Taylor.  Dino Balabo

No comments:

Post a Comment