Sunday, February 2, 2014

Ka Blas



Kung siya ay nabubuhay ngayon, si Blas Fajardo Ople ay 87 taong gulang.

Ngunit siya ay inagaw ng kamatayan noong Disyembre 14, 2003 habang patungo sa Bahrain upang tumupad sa isang misyong diplomatiko bilang Kalihim ng Department of Foreign Affairs.
***
Kilala sa tawag na “Ka Blas”, siya ay isinilang sa bayan ng Hagonoy noong Pebrero 27, 1927.

Ang kanyang ama ay si Felix Antonio Ople, isang mandadaras o taga-kumpuni ng bangka; at ang kanyang ina ay si Segundina Fajardo.
***
Sa kanyang pagsilang, kayakap niya ang kahirapan, ngunit hindi ito naging hadlang sa kanya upang magsikap hanggang sa magtagumpay.

Ngunit hindi isang simpleng tagumpay ang kanyang nagawa.  Sa halip naging susi siya siya ng pagbabago sa buhay ng maraming pamilya.
***
Ito ay dahil si Ka Blas ang umakda ang Philippine Labor Code na nilagdaan upang maging batas ni dating Pangulong Ferdinand Marcos noong 1974.

Ang nasabing batas, ayon sa mga abogado ay halos di nababago o”basically intact.”
***
Sabi pa ng mga abogado at mag-aaral ng abogasya sa Bulacan, ang Philippine Labor Code na inakda ni Ka Blas ay kahanga-hanga.

Ito ay dahil sa ang umakda ay hindi naman isang abogado.
***
Ngunit ang higit na kahanga-hanga ay ang pagsisikap ni Ka Blas na makaahon mula sa kahirapan.

Ito ang bahagi ng kanyang buhay na hindi niya inilihim kanino man sapagkat  ang mga hamong kanyang pinagdaanan ang humubog sa kanya bilang isdang tao, bilang isang mamamayan, bilang isang mambabatas, at lider ng kanyang henerasyon na hanggang ngayon ay nararamdaman ang kontribusyon sa kasalukuyang salinlahi.
***
Sa batang edad, nagsikap si Ka Blas. Araw-araw naglalakad siya ng nakatapak makapasok lamang saHagonoy Central School.

Sa kabila ng kalagayang ito, nagtapos siya bilang valedictorian ng kanyang klase.
***
Sa ilang panayam ng Promdi kay Ka Blas sa Senado sa pagitan ng 2000 at 2001, ilang beses niyang nabanggit na noong graduation day niya nanghiram, lamang siya ng sapatos sakanyang kaanak upang makadalo at mai-deliver ang kanyang valedictory address, bukod sa personal na tanong na “kumusta na ang Central” (Hagonoy central School).

Ngunit hindi pa natatapos ang kanyang valedictory address ay masakit na ang kanyang paa dahil maliit ang sapatos na nahiram.  Dahil dito, pauwi pa lang siya ay hinubad na niya ang sapatos.
***
Noong high school, nag-aral siya sa Hagonoy Institute (HI) kung saan siya ay naging numero unong mag-aaral, sa kabila ng pagiging isang working student.

Kasama ang kanyang kapatid na si dating Bulacan Vice Governor Bernardo Ople, kapwa sila nagsilbi bilang janitor sa HI. At kapag may pagkakataon at nagpapahinga sila sa bahay ni dating Bulacan Governor Tomas Martin naang bahay ay di kalayuan sa HI.
***
Sa edad na 16 hanggang 18 ay napasama si Ka Blas sa mga mandirigmang Bulakenyo na nakipaglaban sa mga sundalong Hapones.

Kabilang siya sa mga sundalong Bulakenyo na nagpasuko kay Heneral Yamashit sa Kiangan Province noong 1945.
***
Bilang isang kabataang gerilya, hindi lamang kagitingan ang nakita ng mga kasama kay Ka Blas.  Nakita rin sa kanya ang sipag sa pag-aaral at pagbabasa.

Ito ay dahil sa hindi lamang riple ang laging dala ni Ka Blas, kadalasan ay may dalang libro, at kapag may libre oras ay nagbabasa kahit sa ilalim ng mga dayami na pinagkukublihan.
***
Matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig, nagtungo sa kalakhang Maynila si Ka Blas at nagtrabaho sa pier bilang isang estibador.

Dito niya nakita at naranasan ang ‘cabo system’ sa trabaho na ipinangako niyang babaguhin pagdating ng panahon at nabago nga niya ng siya ay maging Ministro ng Paggawa simula noong 1967.
***
Ang buhay ni Ka Blas matapos ang digmaan hanggang sa mapabilang sa hanay ng mga technical assistant ni dating Pangulong Ramon Magsaysay ay hindi simple, ngunit makulay.

Ito ang panahon kung kailan siya ay nakilala bilang isang magaling na mamamahayag.
***
Ayon sa kuwento ni Benjamin Gamos, isang beteranong mamamahayag sa Bulacan, ipinasok si Ka Blas ng kanyang Ninong bilang isang public relations writer ng Boy Scout of ther Philippines (BSP).

Ang kuwento ay nagsimula sa pagsundo kay Ka Blas sa kanyang bahay sa Hagonoy hanggang sa tanggapan ng BSP kung saan ay inuri siyang mabuti ng nooy chairman ng ahensiya.
***
Ayon kay Tatang Ben, hindi agad nagtiwala ang chairman ng BSP kay Ka Blas ngunit dahil kaibigan ang Ninong ni Ka Blas ay pinagbigyan na magsulat.

Kahit medyo may hangover pa daw ay hiniram lang ni Ka Blas ang typewriter ng BSP chairman at sinimulan ang pagsusulat ng isang editoryal.
***
Ilang minuto lamang ay natapos ang ipinasulat kay Ka Blas at ng mabasa ng BSP Chairman ay hindi lamang ito humanga, sa halip ay nagsabi pang, “superman ba yang inaaanak mo?”

Ang isa pang kuwento ay ang pagpasok ni Ka Blas sa Manila Times bilang desk editor.  Kaalinsabay nito ang pagsusulat niya ng kolum na “Jeepeney Tales” sa Daily Mirror, isang sister publication ng Manila Times.
***
Kung si dating Senador Benigno Aquino ang itinuturing na pinakabatang reporter ng Manila Times noong panaghong iyon; si Ka Blas naman ang pinakabatang kolumnista ng sister publication nito na Daily Mirror.

Kasunod nito ay ang pagkakasama ni Ka Blas sa grupo ni Magsaysaya, hanggang sa makilala siya ni Marcos at italaga bilang Minister at Labor at iakda ang Philippine Labor Code.
***
Bilang Labor Minister, si Ka Blas ang kauna-unahang Pilipino na naging pangulo ng International Labor Organization noong 1975. Itinalaga rin siya ni dating Pangulong Corazon Aqjuino bilang bahagi ng Constitutional Commission na umakda ang 1987 Freedom Constitution.

Unang nahalal si Ka Blas bilang Senador noong 1992, at noong 1996 bilang Senate President Pro Tempore; at 1999  bilang Senate President. Noong Hulyo 2000, nagbitiw siya bilang Senador at tinanggap ang pagtatalaga ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo bilang Secretary ng Department of Foreign Affairs.  

(Ang artikulong ito ay mula sa kolum na Promdi ni Dino Balabo sa pahayagang Mabuhay.  Ang larawan ni Ka Blas na black and white ay nagmula sa files ng Blas F. Ople Policy Center at ni Carlo Ople)

No comments:

Post a Comment