SAN
MIGUEL, Bulacan— Nananawagan sa gobyerno ang mga magsasaka sa bayang ito para
sa mabilisang rehabilitasyon ng mga small farm reservoir (SFR) o tinggalan ng
tubig upang masustinihan ang kanilang pananim sa susunod na taniman.
Ito
ay dahil sa natuyo na ang kanilang tinggalan ng tubig at nasunog sa init ng
panahon ang pananim na palay na isinisisi nila sa epekto ng pagbabago ng klima.
Batay sa pagtaya ng mga magsasaka, di bababa sa 100 ektarya sa Barangay
Lambakin ang napinsala ng kawalan ng tubig, samantalang tinatayang aabot sa
mahigit 1,000 ektarya ang apektado sa mga karatig bayan tulad ng San Ildefonso,
San Rafael at mga katabing lalawigan ng Nueva Ecija at Pampanga.
“Pag
hindi kumilos agad ang gobyerno, imposibleng matupad ang pangarap ng Department
of Agriculture (DA) para sa rice sufficiency,” sabi ni Simeon Sioson, 64, isa
sa mga opisyal ng Lambakin Agricultural Marketing Cooperative sa bayang ito.
Binigyang
diin niya na isa sa mga susi sa produksyon ng pagkain ay ang tubig para sa
irigasyon.
Sa
panayam ng Mabuhay Online noong Sabado, sinamahan ni Sioson ang ilang mamamahayag at
ipinakita ang kalagayan ng kanilang bukirin. Karaniwan sa kanilang tanim na
palay ay nasunog na o namumula, ang mga tanim na gulay ay natuyo, at ang mga
tinggalan ng tubig ay nagkabitak na sobrang pagkatuyot dahil sa kawalan ng
tubig.
Ilan
sa mga bukiring ipinakita ni Sioson ay nakasapaw na ang palay, ngunit nasunog
na ito sa init kaya’t hindi na rin pakikinabangan. Ang ibang palay naman ay
pinagsugahan na ng baka upang ang nakatanim doong palay ay makain ng hayop bago
tuluyang matuyo. Ipinaliwanag niya na ang kalagayang ito ay sanhi ng kawalan ng
ulan mula noong Disyembre. Dahil dito, naubos at natuyo na rin ang kanilang mga
SFR o tinggalan ng tubig.
Ayon
pa kay Sioson, ang pagkatuyo ng kanilang pananim ay ikalawang sunod na sa
dalawang magkasunod
na
taon. Ito ay dahil sa kinapos din silang tubig sa unang bahagi ng 2013 dahil
walang ulan na pumatak noong huling bahagi ng 2012.
Ang
kalagayang ito ay ipjnabatid na nila sa pangrehiyong tanggapan ng National
Irrigation Administration (NIA) sa pangunguna ni Inhinyero Reynaldo Puno na
diumano’y inendorso na ang kanilang kahilingan ngunit hindi pa nasisimulan.
Inayunan
din ito ng mga magsasakang sina Mauro Santos, Maria Libunao at Peter Balde.
Iginiit pa ng mga magsasaka na dahil sa nalugi sila sa loob ng dalawang
magkasunod na taon, nakabaon na sila sa utang sa kanilang mga kaanak.
Batay
sa pagtaya ni Libunao, umaabot sa P100,000 ang nalugi sa mga magsasaka sa bawat
isang ektaryang bukirin. Ito ay dahil sa umaabot sa mahigit 100 kabang palay
ang kanilang inaani doon sa bawat anihan.
Iginiit
din nila na dapat ng kumilos ang mga local na pamahalaan sa pamamagitan ng
pagpapahiram ng backhoe upang mapabilis ang paghukay. Ito ay dahil sa nagdaang
panahon ay sinubukan na nilang magbayanihan sa paghukay ng mga SFR ngunit hindi
naging sapat ito. Dino Balabo
No comments:
Post a Comment