Saturday, February 1, 2014

Mayor Natividad nakaligtas, body guard nasawi, 2 pa sugatan sa aksidente



Makikita sa larawang kuha ni Kevin De Guzman ang pinsala sa sasakyan ni Mayor Natividad matapos ang aksidente. Nasa ibaba naman ang larawan ni Roderick Santiago na kuha ni Rolan Surio.



PULILAN, Bulacan—Ilang araw bago sumapit ang ika-30 kaarawan ni Roderick Santiago ay biniro ang mga kaibigan na bumisita sa kanyang bahay sa Barangay Canalate sa Malolos upang samahan siya sa pagdiriwang.

Ngunit hindi lamang mga inimbita niya ang dumating sa sa kanyang bahay, sa halip ay ang iba pang mga kaibigan, mga kakilala, kaanak at mga kasama sa trabaho.

Ang kanilang pagdalaw ay hindi lamang upang gunitain ang kaarawan ni Santiago, kundi upang ipagluksa ang kanyang pagkasawi noong Huwebes ng gabi, ilang oras bago sumapit ang kanyang ika-30 kaarawan.

Si Santiago ay nasawi matapos araruhin ng isang 14 wheeler trailer truck ang Mitsubishi Montero ni Mayor Christian Natividad ng Malolos noong Enero 30 sa Barangay Sto. Cristo sa bayang ito.

Nasugatan sa nasabing aksidente ang alkalde maging ang driver na si Nicanor Reyes at isa pang body guard na nakilalang si Maverick Jake Perez.

Bilang isa sa mga close in body guard ni Natividad, si Santiago ay nakaupo sa likod ng driver na si Reyes habang minamaneho sasakayan; samantalang si Natividad ay nasa harap katabi ni Reyes, at si Perez ay nasa likod ni Natividad, katabi ni Santiago.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, kasalukuyang tinatahak ang sasakyan ni Natividad ang kahabaan ng kalsada mula sa Baliwag patungo sa Plaridel sa bahagi ng Barangay Santo Cristo sa bayang ito noong  Huwebes, bandang alas-10:15 ng gabi.

Payapa ang biyahe ng sasakyan ngunit pagdating sa kanto ng Sto.Cristo at Plaridel-Pulilan diversion road ay inararo ito ng trailer truck na nagmula sa tulay ng Plaridel-Pulilan at patungo sa junction ng Pulilan.

Ang tinamaang bahagi ng sasakyan ay ang panig ng driver na si Reyes ngunit higit na mas malaki ang tama sa bahagi kung saan nakaupo si Santiago.

Nasugatan si Natividad at mga kasama niya, samantalang nawasak ang kanyang sasakyan.

Naisugod pa sa Bulacan Medical Center si Santiago, ngunit binawian din ng buhay sanhi ng mga tinamong pinsala sa katawan.

Habang sinusulat ang balitang ito ay wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang tanggapan ni Natividad hinggil sa kanyang kalagayan, ngunit ilang kaibigan ang nagsabing, ligtas ang alkalde at nasa maayos na kondisyon.

Sumuko naman ang driver ng trailer truckna na nakilalang Roger Garces na nagmula sa Tandang Sora sa Quezon City.

Nahaharap naman sa kasong reckless imprudence resulting to damage to property si Garces na kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ng Pulilan.  Dino Balabo at Rommel Ramos

1 comment: