Wednesday, February 26, 2014

Libong ektaryang bukirin sa Bulacan natutuyo


 


MALOLOS—Tinatayang aabot sa mahigit 1,000 ektarya ng bukirin sa hilagang Bulacan na dating pinatutubigan ng Upper Pampanga River Integrated Irrigation System (UPRIIS) ang masasalanta dahil sa kakulangan ng patubig.

Hindi pa kasama rito ang mga bukiring natuyo na at nasunog na init ang pananim sa mataas na bahagi ng bayang ng Miguel na natunghayan ng Mabuhay noong Sabado, Pebrero 15.

Para sa mga magsasaka, ang kalagayang ito ay isa lamang sa mga palatandaan ng mga epekto ng climate change  o pagbabago ng klima na tinampukan ng malalakasna ulan noong Oktubre at Nobyembre at sinundan ng kawalan ng ulan noong Disyembre hanggang Pebrero.

Ayon kay Gloria Carillo, pinuno ng Provincial Agriculture Office (PAO), sa bayan ng San Ildefonso pa lamang ay umaabot na sa mahigit 600 ektarya ang apektado  ng kakulangan ng tubig na inilarawan niya na “drought-like”  o nakakahalintulad ng epekto ng tagtuyot.

Sa katabing bayan ng San Miguel, sinabi ni Carillo na bineberipika pa nila ang ulat, ngunit inihayag niya na umaabot sa mahigit 12,000 ektarya ng bukirin sa hilagang bahagi ng nasabign bayan ang bahagi ng service area ng UPRIIS.

“Nasa dulo kasi ng service area ng UPRIIS ang San Miguel at San Ildefonso, kaya kinakapos sa patubig,” sabi ni Carillo sa isang panayam ng Radyo Bulacan noong Lunes, Pebrero 17.

Ang patubig ng UPRIIS ay nagmumula sa Pantabangan Dam na matatagpuan sa hilagang silangan ng lalawigan ng Nueva Ecija.

Sa kanyang pahayag, ikunuwento ni Carillona nakatanggap siya ng ulat na ang patubig ng UPRIIS ay nahaharang sa mga bayan ng Nueva Ecija.

Ito ang dahilan kaya’t hindi nakakarating sa Bulacan ang patubig na inaasahan ng mga magsasaka ng magsusustine sa kanilang pananim.

Samantalang inilarawan ni Carilloang kalagayan ng mga bukirin bilang “drought-like”, nilinaw niya na wala pang deklarasyon ng may tagtuyot o “drought” saan mang bahagi ng Gitnang Luzon.

Kinatigan din niya ang mas naunang pahayag ng mga magsasaka sa bayan ng San Miguel na bukod sa kapos na patubig, ang isang pang dahilan ng pagkatuyot ng bukirin sa lalawigan ay ang kawalan ng ulan.

Ito ay dahil sa matapos manalasa ang mga bagyo noong Oktubre at Nobyembre, animo nagsara ang langit at wala ng pumatak na ulan mula noong Disyembre.

Ang kalagayang ito ay naging sanhi ng madaling pagkaubos ng itininggal na tubig ng mga magsasaka sa mataas na bahagi ng San Miguel.

Ang pagka-ubos ng tubig samga small far reservoir (SFR) sa nasabing bayan, partikular na sa Barangay Lambakin ay nagsanhi ng “pagkasunog” ng mga panananim na palay at mga gulay.

Ang pagkasunog ay ang pagkatuyo ng pananim sanhi ng kakulangan sa tubig kaya ang mga dahon ay nanilaw at namula hanggang sa matuyo.

Sa pagbisita ng Mabuhay sa Barangay Lambakin, natunghayan ang kalagayang itonoong Sabado bukod pa sa pagkakabitak-bitak ng bukiring natatamnan pa ng palay, at mga SFR na walang tubig.

Maging mga pilapil ng SFR ay nagbitak-bitak na rin na ayon sa mga magsasakang sina Peter Balde at Mauro Santos ay isang palatandaan na matagal na silang walang tubig.

Para sa mga magsasaka, ang problemang kanilang nararanasan ay bahagi na ng bunga ng climate change o pagbabago ng klima.

“Laging ganyan kaya kailangang mag-adapt kami, kasi wala kaming ikabubuhay kung hindi kami makikipagsabayan,” sabi ni Simeon Sioson,isa sa mga opisyal ng Lambakin Agricultural Marketing Cooperative.

Isa sa mga solusyong binanggit ni Sioson ay ang pagdadagdag ng mag SFR at pagpapalalim sa mga kasalukuyang SFR sa kanilang bayan.

Ito ay upang maitinggalo maipon nila ang tubig ulan sa panahon ng tag-ulan at magamit sa panahon ng tag-araw at makapagpatuloy sila sa produksyon upang matiyak ang kabuhayan ng kanilang pamilya,partikular na angmga anak na pinag-aaral.

Ayon kay Sioson,humingi na sila ng tulong sa Department of Agriculture at inendorso na ng National Irrigation Administration ang kanilang kahilingan para sa rehabilitasyon ng kanilang SFR.

Ngunit ang kanilang kahilingan at nanatiling kahilingan pa rin at hindi pa umaaksyon ang mga ahensiya ng gobyerno.

Nilinaw ni Sioson,  luibhang kailangan nila ng tulong  ng pamahalaang dahil hindi nila makakaya ang pagpapahukay sa kanilang SFR at pagpapahukay para sa mga bagong SFR.

Kinatigan ito ni Santos, na nagsabing nagsagawa na sila ng bayanihan, ngunit hindi sapat ang kanilang kakayahan dahil sa malalaki ang SFR at kakailanganin ng makinaryo tulad ng back hoe.  (Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment