Wednesday, October 31, 2012

Happy All Saints Day



Tuesday, October 30, 2012

PANGGULO O HINDI: 6 na kandidato posibleng matanggal sa listahan



Balite

 MALOLOS—Anim na indipendienteng kandidato sa panglalawigang posisyon,kabilang ang dalawang kandidato sa pagka-gobernador ang posibleng matanggal sa listahan bago dumating halalan sa 2013.

Almera
Ito ay matapos silang ipatawag at imbestigahan ng Commission on Elections (Comelec) noong Sabado, Oktubre 20 upang matukoy kung may kakayahan silang magsagawa ng malawakang kampanya sa halalan.

Ang imbestigasyon ay bahagi ng polisiya ng Comelec na linisin ang talaan ng kandidato o alisin ang mga nuisance o kandidatong itinuturing ng panggulo sa halalan.

Ang mga inimbestigahan ay sina Jaime Almera at Ernesto Balite na kapwa indipendienteng kandidato bilang gobernador; Sahiron Salim at Joseph Cristobal na kandidato bilang kongresista sa una at ikalawang distrito ayon sa pagkakasunod; at sina Jose Cundangan at Carlito Bernabe na kandidatong Bokal sa una at ikatlong distrito ng lalawigan, ayon sa pagkakasunod.

Maliban kay Salim, ang lahat ay ipinatawag ng Comelec batay sa bagong polisiyang ipinatutupad kaugnay ng pagtatanggal ng ng panggulong kandidato sa listahan. 
Salim

Si Salim ay ipinatawag dahil sa nagsampa ng petisyon sa Comelec si Kinatawan Marivic Alvarado na ipinadedeklara siya bilang isang nuisance candidate.

Ito ay dahil sa noong 2010 ay kumandidatong gobernador ng lalawigan ng Sulu si Salim na isang dating koronel ng pulisya, ngunity natalo dahil illang libo lamang naipong boto.

Ayon sa petisyon ni Kint. Alvarado, magiging katawa-tawa ang halalan sa unang distrito dahil wala daw kakayahan si Salim na magsagawa ng kampanya.

Sa panayam kay Abogado Elmo Duque, provincial election supervisor ng Bulacan,nilinaw niya na ang kanilang ginawa ay bahagi ng pagpapatupad ng polisiya ng Comelec.

Sinabi niya na dapat linisin ang listahan ng kandidato batay sa itinatakda ng batas.

Isa sa kanilang batayan ay kung may sapat na pananalapi ang kandidato na gagamitin sa halalan.

Cristobal
Batay sa batas, ang isang indipendienteng kandidato ay gagastos ng P5 sa bawat botante sa kanyang posisyong kinakandidatuhan.

Para sa mga kandidatong tulad nina Almera at Bernabe, hindi sapat na batayan ang pananalapi sa pagkandidato.

Ngunit nilinaw ni Duque na ang nasabing probisyon ay isa lamang sa mga minimum requirement ng batas.

Iginiit pa niya na hindi siya ang magdedesisyon sa magiging kapalaran ng mga indipendienteng kandidato.

“Our part is just to investigate and explore their capabilities, then we will submit a recommendation to our Law Department,”  ani Duque.

Ilan pa sa mga pinagbabatayan ng Comelec kung ang isang kandidato ay panggulo o nuisance lamang ay kung may kapangalan siyang kapwa kandidato sa katulad na posisyong kakandidatuhan.

Isa man sa anim na indipendiente ay walang kapangalan sa posisyong kakandidatuhan.

Bernabe
Dahil dito pinagsumite ng Comelec ang mga kandidato ng mga dokumento upang patunayan na may sapat silang ari-arian at pananalapi na magagamit sa kampanya.

Ayon kay Cundangan, hindi problema sa kanyang ang pananalapi dahil may mga supporters at ari-arian siya.

Si Cundangan ay dating tagapangulo ng Sangguniang Kabataan sa Barangay Matimbo sa lungsod ng Malolos. Siya ay kasalukuyang pangulo ng Federation of Parents Teachers and Community Association sa Bulacan State University.

Si Bernabe naman ay naging kapitan sa Barangay Poblacion sa Norzagaray.  Ang kanyang dalawang kamay ay naputol mataopos maputukan ng pillbox na napulot noong siya ay bata pa.

Si Cristobal naman ay dating Provincial Tourism Officer ng Kapitolyo na nagbitiw sa tungkulin bago maghalalan.
Cundangan

Samantalang si Almera ay nagsabing nag-aral ng drafting sa Bulacan State University; at si Balite ay isang retiradong guro.

Ayon sa mga tagamasid sa pulitika sa Bulacan, kapag nadiskwalipika sina Almera at Balite, wala ng makakalaban si Gob. Wilhelmino Alvarado.

Gayundin ang kanyangmaybahay na si Kinatawan Marivic Alvarado kapag nadiskwalipika si Salim.

Dagdag pa ng mga tagamasid sa pulitika, matatala sa kasaysayan pulitika sa lalawigan ang mag-asawa dahil sila ang kauna-unahang mag-asawang pulitiko na magiging unopposed sa kanilang kandidatura.  (Dino Balabo)

Monday, October 29, 2012

SPECIAL FEATURE:Pamanang-yaman sa mga sementeryo dapat pangalagaan


Ang mga larawan sa special feature na ito ay pawang kuha sa Sto. Cristo Catholic Cemetery sa Baliwag, at kuha ni Dino Balabo.


BALIWAG, Bulacan—Kinatatakutan ng marami ang mga lumang sementeryo kaya’t umiiwas na magpagabi doon lalo na kung nag-iisa.

Kapag Undas o Araw ng mga Santo at mga Kaluluwa na ginugunita tuwing una at ikalawang araw ng Nobyembre, animo’y parke o piyesta sa mga sementeryo dahil sa dami ng mga tao na dumadalaw sa puntod ng yumaong mahal sa buhay.
 
Ayon sa mga dalubhasa, ang mga nasabing araw ay dalawa lamang sa pinakamahahalagang araw sa buhay ng pamilyang Pilipino dahil iyon ang mga araw na nagsililbing daan upang sila’y muling magkita-kita.

“Reunion” ang wikang karaniwang ginagamit ng mga dalubhasa sa paglalarawan ng pagtitipon; at ang lugar ng nasabing okasyon ay sementeryo na itinuturing ding “ikalawang tahanan”, ayon kay Jaime Corpuz ng Heritage Conservation Society (HCS) Bulacan.

Ang pananaw na ikalawang tahanan ang sementeryo ay higit na nagkakulay ng di sinasadyang makita ng Mabuhay ang mga musoleo sa loob ng Sto. Cristo Catholic Cemetery sa bayang ito.

Karaniwan sa mga musoleo sa nasabing sementeryo ay kongkreto at ibat-iba ang anyo.

May anyong bahay na may dalawa hanggang tatlong palapag, may parang kapilya o maliit na simbahan at may krus pa sa tuktok, mayroon din parang waiting shed.

Ang ibang puntod naman ay may mga pigura ng ibat-ibang iskultura, bukod sa ibat-iba ang kanilang mga kulay.

Bilang pangulo ng HCS-Bulacan, sinabi ni Corpuz sa Mabuhay na dapat pangalagaan ang mga pampublikong sementryo sa  lalawigan, maging ang mga pag-aari ng simbahan.

Ito ay dahil sa bukod sa itinuturing na ikalawang tahanan ang mga sementeryo, ito rin ay himlayan ng mga dakilang mamamayan na naging bahagi ng kasaysayan, at ang mga disenyo ng musoleo at mga iskultura doon ay kayamanang pagkalinangan.

“Those are historical and cultural time pieces na dapat ingatan at alagaan,” ani Corpuz.

Iginiit pa niya na ang mga sementeryo ay tahanan ng mahahalagang koleksyong pangkasaysayan na naghahatid ng kaalaman sa nakaraang panahon.

“Hindi lang nakikita ng ating mga lokal na pamahalaan ang kahalagahan ng mga sementeryo,” ani Corpus at idinagdag na ang mga ito ay maaaring magsilbing destinasyon ng mga turista.

Ipinayo pa niya na dapat bumuo ng mga programa pang turismo at pangkalinangan ang mga pamahalaang lokal tulad ng “Lakbay-Kaluluwa” kung saan ay bahagi ay bahagi ng pag-aaral sa koleksyong pangkalinangan sa mga sementeryo.

Inihalimbawa niya ang Sto. Cristo Catholic Cemetery kung saan nakahimplay ang puntod ng bayaning si mariano Ponce, at ang sementero sa Meycauayan kung saan matatagapuan angmga punto ng mga Obispo ng simbahang katoliko.

Inayunan din ito ni Isagani Giron ng Samahang Pangkasaysayan ng Bulacan na nagsabing ang pinakamatandang sementeryo sa lalawigan ay ang Malolos Catholic Cemetery kung saan nakalibing ang ilan sa mga kasapi ng 20 kababaihan ng Malolos na nagsulong na pagtatayo ng paaralan sa mga kababaihan noong panahon ng Kastila.

“Dapat pagtulungan ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP), City government ng Malolos at simbahang katoliko ang pagsasaayos ng mga libingan tulad ng Malolos Catholic Cemetery,” ani Giron.

Ipinaliwanag din ni Giron na ang pagtatayo ng sementeryo at paglilibing doon ng mga pumanaw ay nagmula sa kaugaliang Europeo, partikular na ng mga Kastila.

Ayon kay Giron, ang kaugalian ng mga katutubong Pilkipino maging ang mga Tsinong unang nanirahan sa bansa ay kakaiba sa kaugalian ng mga Kastila.

Ito ay dahil ang mga katutubong Pilipino ay mga unang Tsino ay sa gilid ng ilog naglilibing ng kanilang mahal sa buhay.

Para naman kay Father Ruel Arcega, ang pag-alala at pagdalaw sa mga yumao ay isang pagkilala ng mga Pilipino sa katuruan ng simbahan hinggil sa muling pagkabuhay.

“Ito ay pagkilala natin sa muling pagkabuhay, at sa huling araw ng paghuhukom, ang muling pagsasama ng kaluluwa at katawan katulad ng ipinakita ni Panginoong Hesus at Birheng Maria,” ani Arcega.

Hinggil naman sa naglalakihan at mga engrandeng musoleo, sinabi ng pari na ito ay isang palatandaan ng agwat ng mayaman at mahirap.

“Sa pangkulturang pananaw, ipinakikita ng iba ang agwat ng mahirap at mayaman dito sa lupa, pero sa Diyos, lahat ay pantay-pantay,” ani Arcega.

Inayunan din ni Corpuz ang pananaw na ito dahil mapapansin sa mga sementeryo ang kalagayan ng mga puntod ng pamilyang may kaya at pamilyang mahihirap.
 
Ang mga mahihirap ay maliliit at walang disenyo ng punto, at kung minsan ay sa mga puntod na “apartment-type” inihihimlay ang mahal sa buhay na pumanaw.

Batay naman sa pahayag ng isang sepulturero sa bayan ng Hagonoy, ang mga nakalibing sa puntod na apartment type ay karaniwang tumatagal ng limang taon.

“Nasa limang taon ang kontrata diya, pero pag hindi pa gagamitin yung nitso, pwede pang ma-extend,” ani ng sepulturero sa Sta. Ana Catholic Cemetery sa Hagonoy  (Dino Balabo)

Friday, October 19, 2012

Bakit dumarami ang babaeng pumapasok sa pulitika?

Senador Loren Legarda at Mayor Lorna Silverio ng San Rafael.



SAN RAFAEL, Bulacan—Araw pa lamang ng Lunes ay abala na si Mayor Lorna Silverio ng bayang ito sa dami ng haharapin at kakausaping tao; at mga dokumentong pipirmahan.

Bukod dito, abala rin ang kanyang isip sa presentasyong inihanda para sa mga negosyante na posibleng mamuhunan sa bayang ito na noong nakaraang taon ay pinagbuhusan ng mahigit sa P500-Milyon puhunan ng ibat-ibang negosyante.
Ito ang buhay ng alkalde ng isang bayan na ang pangunahing layunin ay mapaglingkuran ang kanyang mga kababayan sa pamamagitan ng makabuluhang serbisyo na kadalasan ay umaagaw ng kanyang oras para sa pamilya, at sa karanasan ni Silverio, bilang ina at asawa.

Mas kilala sa tawag na Tita Lorna, si Silverio ay isa sa mga babaeng naglilingkod bilang punong bayan sa lalawigan.  Ang iba pang babaeng punong bayan ay sina Mahyor Tessie Vistan ng Plaridel, Mayor Paula Carla Galvez-Tan ng San Ildefonso at Mayor Joan Alarilla ng Lungsod ng Meycauayan.

Batay sa tala ng Mabuhay, may pito pang bayan sa lalawigan na pinaglingkuran ng isang babae bilang punong bayan o bise alkalde sa ibat-ibang panahon mula noong 1998.  Ito ay ang mga bayan ng Donya Remedios Trinidad, Norzagaray, Sta. Maria, Guiguinto, Hagonoy, at Bulakan at Paombong.

Ang pagdami ng pagpasok ng mga kababaihan sa larangan ng pulitika sa lalawigan ay sinasabing hatid panunungkulan ni Pangulong Corazon Aquino mula 1986 hanggang 1992; at pagkakahalal kay dating Gob. Josefina dela Cruz noong 1998.

Makasaysayan ang pagkakahalal kay Dela Cruz dahil siya ang kauna-unahang babeng gobernador sa100-taong kasayasayan ng pamumuno ng mga Bulakenyo sa lalawigan, bukod ipinagdiwang noong 1998 ang ika-100 guning taon ng kasarinlan ng bansa.

Ayon kay Tita Lorna, ang pagpasok ng mga kababaihan sa larangan ng pulitika ay nagpapatunay lamang na patuloy na pagkilala sa kanilang kakayahan na mamuno.

Nagpapatunay din ito na ang larangan ng pulitika ay hindi na isang teritoryo na lamang ng mga kalalakihan.

Katunayan, sa may 651 kandidatong nagsumite ng kanilang certificate of candidacy (COC) noong unang linggo ng Oktubre para sa halalan sa susunod na taon sa lalawigan ay 109 ang babae.

Sa nasabing bilang, walo ang kandidatong alkalde, 11 ang bise alkalde, 90 ang konsehal, isa ang bise gobernandor, dalawa ang bokal at tatlo ang kandidato para sa kongreso.

Sa 109 na babaeng kandidato sa lalawigan, umabot naman sa 15 ang kandidatong indipendiente.

Bilang isa sa mga beteranang babaeng pulitiko sa lalawigan, sinabi ni Tita Lorna na ang kanihaan ng mga babae ay nagsisilbi ring kalakasan nila.

“Pag babae ka, you are seen as weaken than men physically, kasi ang mga lalaki ay malalakas pero mainitin ang ulo,” ani Tita Lorna.

Binigyang diin niya na sa pamamahala sa isang bayan, hindi p-wede ang mainitin ang ulo, sa halip ay kailangan ang akma at tamang pagsusuri sa mga sitwasyon upang makabuo ng akmang hakbang at aksyon.

Bukod dito, sinabi ni Tita Lorna na naniniwala siya sa kasabihan na “if you want the best man for a job, give it to woman.”

Inihalimbawa niya ang katangiang matkiyaga ng mga kababaihan bukod pa sa masusing pagtutok sa trabaho.

“Hindi madali ang pamumuno sa isang bayan, kailangan ang pagiging mahinahon kalmado at tiwala sa sarili.  Hindi pwede yung basta-basta na lang, naku maliligaw ka ng desisyon,” sabi ni Tita Lorna na nagsilbing akalde ng bayang ito noong 1998, pagkatapos ay nahalal na kongresista ng ikatlong distrito noong 2001 at naglingkod sa nasabing posisyon hanggang 2010  kung kailan siya nagbalik bilang alkalde.

Si Tita Lorna ay maybahay ng industrialist na si Ricardo Silverio Sr., na naglingkod bilang kinatawan ng ikatlong distrito at alkalde ng bayang ito.

Inayunan naman ni dating Bokal Patrocinio Laderas  ang mga binanggit na katangian ng mga babae sa paglilingkod bayan na nagsisilbing bentaheng mga ito.

Bilang dating bokal ng unang distrito, sinabi Laderas na ang Bulacan ay may mahabang tradisyon ng mga kababaihang nagsilbing lider ng pamayanan.

Ilan sa mga inihalimbawa niya ay sina Trinidad Tecson, ang isa sa mga bayani Biak na Bato; at ang 20 kababaihan ng Malolos na nagsulong ng pagtatayo ng paaralan para sa mga kababaihan sa Malolos noong panahon ng Kastila.

Ayon kay Laderas, ang inisyatiba ng mga kababaihan ng Malolos ay binigyang diin pa ni Dr. Jose Rizal ng kanyang purihin angmga ito sa kanyang liham na hiniling ni gat Marcelo H. Del Pilar na sulatin para sa mga nasabing kababaihan.

Sa mga nagdaang taon naman, ang tapang ng kababaihan ng Malolos ay nasalin sa larangan ng pulitika ng mahalal na alkalde nito si dating Mayor Purificacion Reyes noong dekada 60.

Si Reyes ay kilala sa tawag na “Cancion” , at siya rin ang itinuturing na kauna-unahang babaeng pulitiko na nahalal bilang alkalde sa lalawigan.

Ayon kay Laderas, ang pagkakahalal kay Reyes bilang alkalde ay naunahan lamang ng ilang taon ng panungkulan ni Mayor Ramona Trillana ng Hagonoy.

Ngunit si Trillana ay hindi nahalal na alkalde, sa halip siya pumalit kay mayor Jose Suntay ng ito ay mahalal sa Kongreso noong 1960.  Si Trillana ang bise alkalde ni Suntay.

“Nana Monang (Trillana) was elected as vice mayor and by succession he assumed office as Mayor,” ani Laderas.

Ang panungkulan ni Trillana ay nasundan pa ng panunungkulan ni mayor Maria Garcia ng Hagonoy sa huling bahagi ng dekada 60 ng siya ay pumalit sa napaslang na si dating Mayor Emilio G. Perez.  (Dino Balabo)

Thursday, October 18, 2012

‘3G’ ibabangga ng baguhan sa 50-taong dinastiya


BULAKAN, Bulacan—Inilatag na ng dalawang baguhang kandidato ang kanilang plano upang basagin ng mahigit sa 50-taong dinastiya ng mga Meneses sa bayang ito.

Ang dalawang baguhan ay sina Dr. Roberto Ramirez at Abogada Ana Marie Pagsibigan na kandidato ng Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP) bilang alkalde at bise alkalde sa Bulakan.

Ang kanilang sasagupain ay sina incumbent Mayor Patrick Neil Meneses at incumbent Vice Mayor Alberto Bituin ng National Unity Party (NUP).

Si Meneses ay kasapi ng angkan na naghawak ng pinakamataas na posisyon sa bayang ito mula pa noong 1956.

Ayon kay Ramirez, hindi madali ang kanilang magiging laban dahil ang nakakahalintulad nito ang pagbangga sa isang matibay na moog na pinatatag ng mahabang panahon.

“Sa tagal nila sa pulitika, nakabaon na sa kaisipan ng mga tao ang kanilang sistema at mga pamaraan, pero naniniwala kami na mababasag iyan,” sabi ng doktor na napilitang kumandidato sa unang pagkakataon upang magkaroon ng pagbabago sa bayang ito.

Ayon kay Ramirez, bilang isang tradisyonal na angkan ng pulitiko, ang mga Meneses ay may kakayahan magkaroon ng tradisyunal na “3G” o “guns, goons, and gold.”

Ito ay dahil sa mayaman ang angkan na itinuturo ng mga residente ng bayang ito na nagpauso ng maruming pamamaraan sa pulitika katulad ng pamimili ng boto.

Ang akusasyong ito ay ilng beses nang pinatunayan ng ilang kaanak ng mga Meneses at tinampukan pa ng pagkapaslang kay Luisito Sta. Maria na sinasabing “bagman” ng pamilya tatlong araw bago maghalalan noong 2007 kung kailan ay sinasabing natangay din ng mga salarin ang milyong halaga ng salapi na gagamitin sana sa halalan.

Ayon kay Ramrez, ang 3G ng mga Meneses ay tutumbasan din nila ng “3G.” Ito ay nangangahulugan ng “God, goodness, and guts.”

Ipinaliwanag niya na ang Diyos, kabutihan at lakas na loob lamang ang makakabasag sa dinastiya ng mga Meneses.

“Wala kaming itatapat sa pera nila kungdi ang lakas ng loob at kredibildad sa tulong ng Diyos,” aniya.

Inamin ng duktor na wala silang planong pumasok sa larangan ng pulitika, ngunit dahil sa kawalan ng pagbabagong pangkaunlaran sa kanilang bayan ay naglakas na rin sila ng loob.

“Kung hindi kami papasok ngayon, sino at kailan,” aniya.

Nagpahayag din siya ng kalungkutan sa mabagal na pag-unlad ng kanilang bayan sa ilalim ng mahigit na 50 pamumuno ng mga Meneses.

“Ang hamon namin sa mga taga-Bulakan ay iba naman, subukan nila kami ng tatlong taon lang,:” sabi ng duktor at iginiit na napag-iwanan na ng Guiguinto ang Bulakan samanatalang dating bahagi lamang ng kanilang bayan ang Guiguinto.

Bukod dito, sinabi ni Ramirez na ang bayan ng Bulakan ang dating kabisera ng lalawigan sa panahon ng Kastila, ngunit napagiwanan na rin ito ng mga katabing bayan at lungsod tulad ng Balagtas at Malolos.