Pages

Friday, May 24, 2013

Pagbaba ng lupa, panibagong problema ng mga namamalaisdaan




PAOMBONG, Bulacan—Bukod sa polusyon sa katubigan na nagpababa sa produskyon ng mga isda at iba pang lamang tubig sa Bulacan, pinoproblema na rin ngayon ng mga namamalaisdaan ang pagbaba ng lupa sa baybayin ng lalawigan.

Ang kalagayang ito ay ilang beses ng naiulat ng Mabuhay kaugnay ng pagpapataas ng kalsada sa mga barangay na karaniwang lumulubog sa high tide bilang pagtawag pansin sa mga namumuno sa pamahalaan.

Ngunit sa kauna-unahang pagkakataon ay nakumpirma ang epektong land subsidence o pagbaba ng lupa sa mga palaisdaang matatagpuan sa baybayin ng lalawigan na nakaharap sa Manila Bay.

Ito ay sa pamamagitan ng panayam sa mga beteranong namamalaisdaan sa Bulacan, partikular na sa bayang ito ay sa bayan ng Hagonoy.

Ayon kay Pedro Geronimo, mahigit isang metro na ibinaba ng lupa sa may 15-ektaryang palaisdang kanyang pinamamahalaan sa bayang ito.

Bilang isang beteranong namamalaisdaan, si Geronimo ay mahigit ng 40 taong namamahala sa palaisdaan.
Si Pedro Geronimo habang pinagmamasdan ang huling alimango.

Sa esklusibong panayam, inihayag niya ang karanasan sa pamamalaisdaan.

“Dati kahit tag-ulan nakakapagpatuyo kaming palaisdaan,” kuwento niya.

Ito ay sa pamamagitan lamang ng pagbubukas ng prinsa ng palaisdaan kung mababa ang tubig sa sapat at ilog.

“Tingnan mo ngayon, kahit tag-araw, kailangan pang bombahin palabas ang tubig para makatuyo,” ani Geronimo habang naghihintay matuyo ang palaisdaang pinag-aanihan ng sugpo, bangus at alimango.

Ang pagbobomba ng tubig palabas ng palaisdaan ay ginagamitan ng bangkang de motor na kinakabitan ng lonang nagsisilbing daluyan ng tubig palabas ng prinsa habang umaandar angmakita ng bangka.

Ang tubig na inilalabas na naitutulak elisi ng bangka habang umaandar.

“Mahigit isang metro na ang ibinaba ng lupa dito kaya dagdag na gastos sa pagpapatuyo,” sabi ni Geronimo.

Ayon sa mga dalubhasang sina Kelvin Rodolfo at Fernando Siringan ng University of the Philippines (UP), ang baybayin ng Maynila,Bulacan,Pampanga at Bataan ay bumaba ng dalawa hanggang tatlong sentimetro bawat taon.

Nakakadagdag pa rito ang pagtaas ng lebel ng tubig sanhi ng pagkalusaw ng niyebe sa mas malalamig na bansa.

Batay sa mga pahayag ng mga dalubhasa, ang land subsidence o pagbaba ng lupa sa baybayin ng Bulacan ay sanhi ng over water extraction o sobrang paghugot ng tubig mula sa ilalim ng lupa dulot ng lumalaking pangangailangan sa sariwang tubig ng lumolobong populasyon.

Ang kalagayang ito at naidokumento nina Rodolfo at Siringan sa mga barangay sa baybayin ng Manila Bay.

Bilang pagtugon naman sa paglubog ng lupa sa high tide, nagsasagawa ng pagtaaas ng kalsada sa mga barangay ang mga lokalna pamahalan.

Ngunit sa hanay ng mga palaisdaang pinagkukunan ng malaking produksyon ng isda at iba pang lamang dagat, halos wala pa ring interbensyon o pag-aaral ang pamahalaang lokal.

Ayon kay dating Bokal Patrocinio Laderas, apektado ng pagbaba ng produksyon sa isda ang ekonomiya ng isang bayan partikular na ang Hagonoy at Paombong.


Ito ay dahil sa maraming  mamamayan ang umaasa sa produksyon ng pangisdaan ng Bulacan hindi lamang para sa pagkain, kundi para sa trabaho at negosyo.

“Hindi kasing lucrative dati ang fishpond sa Bulacan dahil sa samut-saring factors,  sabi ni Laderas na isang beterano sa larangan ng pamamalaisdaan.

Inayunan din ito ni Kagawad Alfredo Lunes ng Barangay Pugad sa bayan ng Hagonoy.

Inihalimbawa niLunes ang kanilang barangay na nakadelintera sa Manila Bay na kapag tumataas ang tubig sa dagat o high tide ay lumulubog at kung may bagyo ay sinasampa ng alon maging ang bubong ng kanilang bahay.

“Malaki na talaga ang ibinaba ng lupa sa tabing dagat,” sabi ni Lunes at inihalimbawa ang Aroma Beach na ngayon ay lubog na tubig dagat.

Ang Aroma Beach ay isang sand bar sa baybaying ng Barangay Pugad na dinarayo noong dekada 80 at 90.   (Dino  Balabo)

Ikalawang termino ni VG Fernando sasabayan ng pagbabalik sa teleserye



MALOLOS—Tiniyak ng Bise-Gobernador ng Bulacan na higit siyang magiging aktibo sa mga teleserye at muling mapapanood sa telebisyon matapos na muling mahalal.

“Babalik ako sa mga teleserye, I will be more active this time,” sabi ni Bise-Gob. Daniel Fernando sa isang esklusibong panayam.

Isa sa sa mga layunin ng pagbabalik sa telebisyon ng aktor na naging pulitiko ay makaipon ng pondo para sa matustusan ang itinayo niyang Dunong Filipino foundation.

Ang Dunong Filipino Foundation ay nagbibigay ng iskolarsip sa mga kapuspalad na mag-aaral sa Bulacan.

“Nagsimula na kami ngayong taon ito at may 100 scholars na kami, balak namin ay magdagdag pa para mas marami ang matulungan,” ani ng Bise Gobernador.

Binigyang pa ng diin ni Fernando na ang programa ng Dunong Filipino foundation ay isang ayuda sa sa programa ng kapitolyo.

Batay sa tala, umaabot na sa 13,000 ang bilang ng mga kabataang nasa ilalim ng scholarship program ng kapitolyo.

Ngunit sa kabila nito, may mga Bulakenyo pa rin na hindi nakakapasok sa iskolarsip kaya binuo ni Fernando ang Dunong Filipino foundation.

“Tulong naming ito sa programa ni Gob. Willy Alvarado, kaya kalahati lang ng scholarship ang ibinigay namin,” sabi ni Fernando.

Iginiit pa niya na ang kanyang kikitain sa mga teleserye ay kanyang ibubuhos sa Dunong Filipino Foundation.

Dahil dito itinanong ng mamamahayag na ito ang posibilidad na maapektuhan ng pagbabalik sa telebisyon ni Fernando ang kanyang tungkulin bilang bise gobernandor ng lalawigan.

“Hindi naman, nakipag-usap na ko para sa schedule para hindi magkasabay,” sabi niya patungkol sa mga producer at network.

Ayon pa sa kanya posibleng kontrabida ang maging papel niya sa teleserye.

Bilang aktor at bise gobernador ng lalawigan itinanong din ng mamamahayag na ito kung ano ang higit na mas mahalaga kay Fernando.

“Mahirap talikuran yung isa para sa isa.  Napapaligaya ko ang mga tao kapag nasa teleserye ako dahil na-e-entertain ko sila, pero napapasaya ko rin sila kapag naglilingkod ako sa kanila,” aniya.

Si Fernando ay produkto ng mga grupo san a gumaganap sa teatro sa Bulacan hanggang gumanap siya sa pelikulang “Scorpio Nights 1.”

Siya ay nagsimula sa pulitika matapos na italaga bilang tagapangulo ng Sangguniang Kabataan sa Barangay Tabang,Guiguinto.

Noong 1998, natalo siya sa kanyang kandidatura bilang bise alklade ng Guiguinto, ngunit nahalal na Bokal ng ikalawang distrito noong 2001 at 2004.

Noong 2007, natalos siya sa kanyang kandidatura bilang bise gobernador ng Bulacan, ngunit nagwagi siya noong 2010 at muling nahalal nitong Mayo 13 kung kailan ay nakaipon siya ng kabuuang botong 914,960.

Ito ang pinakamataas na bilang ng boto na nakuha ng isang lokal na kandidato sa isang halalan sa Bulacan. (Dino Balabo)

Bokal Fermin bagong Senior Board Member



MALOLOS—Nasungkit ni Bokal Michael Fermin ang karangalan bilang Senior Board Member ng Sangguniang Panglalawigan matapos magtamo ng pinakamataas na porsyento ng boto.

Ikinagalak ito na Fermin at nagpasalamat sa pagtangkilik sa kanya ng mga botante mula sa unang distrito.

“Maraming salamat, hindi ako makapaniwala  na ako ang magiging Senior Board Member,” aniya sa isang panayam sa telepono noong Mayo 21.

Ito ay dahil sa si Fermin ay nagmula sa bayan ng Calumpit na nasasakop ng unang distrito.

Kumpara sa Lungsod ng Malolos at bayan ng Hagonoy, mas mababa ang bilang ng botante sa Calumpit.

Ang Lungsod ng Malolos ay sinasabing teritoryo ng muling nahalal na si Bokal Ayee Ople at sa Hagonoy naman nagmula ang muli ring nahalal na Bokal na si Felix Ople.

Batay sa tala ng Commission on Elections (Comelec), umabot sa 282,857 aqng botante sa unang distrito na bumoto sa katatapos na halalan.

Sa nasabing bilang, umabot sa 167,051 ang nakuhang boto ni Fermin para sa 59.05 porsyento ng kabuuang bilang ng bumotong botante.

Pumangalawa naman sa kanya si Felix Ople na nakakuha ng botong 157,104 o 55.54 porsyento; at pangatlo si Ayee Ople na ang botong 151,776  ay 53.65 porsyentong kabuuang bilang ng bumoto.

Ang pumang-apat ay si Bokal Enrique Dela Cruz na may kabuuang botong 153,263 o 52.81 porsyento ng kabuuang bilang ng bumoto na 290,164 sa ikalawang distrito.

Ang panglimang puwesto ay nakuha ni Bokal Enrique Delos Santos ng ikapat na distrito na may kabuuang botong 193,446 o 50.18 porsyento ng kabuuang bilang na 385,449 ng botante na bumoto sa ika-apat na distrito.

Ayon kay Fermin, hindi niya inaasahan na magiging senior board member dahil mas mataas ang botong nakuha ng mga kapwa halal na Bokal.

Ngunit ayon kay Abogado Elmo Duque, ang Provincial election supervisor sa Bulacan ang pagpili sa Senior Board Member ng Sangguniang Panglalawigan ay batay sa porsyento ng bilang ng boto ng nanalong kandidato at kabuuang bilang ng bumoto sa kanilang distrito.

Ang resulta ng pagpili sa Senior Board Member ay inilabas ng Comelec noong Martes, Mayo 21 o walong araw matapos ang halalan.  (Dino Balabo)

Tuesday, May 21, 2013

WINNING Bulacan Governor and Vice Governor






Candidate
Party
Votes
SY-ALVARADO, WILHELMINO (NUP)
NATIONAL UNITY PARTY
894593



Candidate
Party
Votes
FERNANDO, DANIEL (NUP)
NATIONAL UNITY PARTY
914960


SOURCE: Comelec-Bulacan

BOARD MEMBERS: Winning candidates





Candidate
Party
Votes
FERMIN, MICHAEL (NUP)
NATIONAL UNITY PARTY
167051
OPLE, TOTI (NUP)
NATIONAL UNITY PARTY
157104
OPLE, AYEE (NUP)
NATIONAL UNITY PARTY
151776



Candidate
Party
Votes
DELA CRUZ, BUKO (NUP)
NATIONAL UNITY PARTY
153263
POSADAS, MONET (NUP)
NATIONAL UNITY PARTY
121988



Candidate
Party
Votes
CASTRO, NONO (NUP)
NATIONAL UNITY PARTY
108383
SULIT, ERNING (LP)
LIBERAL PARTY
85069




Candidate
Party
Votes
DELOS SANTOS, JON JON (NUP)
NATIONAL UNITY PARTY
193446
SARMIENTO, KING (NUP)
NATIONAL UNITY PARTY
170113
BALUYUT, ALLAN RAY (NP)
NACIONALISTA PARTY
149556


SOURCE: Comelec-Bulacan