Pages

Saturday, July 6, 2013

Huwag basta maglilipat ng iskwater sa Bulacan





MALOLOS—Hiniling ni Gob. Wilhelmino Alvarado sa mga ahensiya ng pamahalaan na makipag-ugnayan muna sa mga lokal na pamahalaan bago simulan ang relokasyon ng mga iskwater mula sa kalakhang Maynila,

Ito ay kaugnay ngh planong mga ahensiya ng pamahalang pambansa na ilipat sa Bulakan ang mga ikwater na nakatira sa mga gilid ng ilog at estero mula sa ibat-ibang lungsod ng kalakhang Maynila sa layuning matuldukan ang pagbaha doon tuwing tag-ulan.

Kaugnay nito, malapit ng simulan ang paglilipat ng mga iskwater na nakatira sa gilid ng Ilog Angat sa lalawigan sa itinatayong pabahay sa bayan ng Bustos, samantalang nagsimula na ang paglilipat ng mga biktima ng mga bagyong Ondoy at Pedring sa lalawigan sa ipinatayongpabahay ng Diyosesis ng Malolos sa bayang ng Plaridel.

Sa kanyang pahayag sa kanyang lingguhang palatuntunan sa Radyo Bulacan noong Sabado, Hunyo 22, iginiit na Alvarado ang tamang koordinasyon sa relokasyon.

“Sa pagresolba ng isang problema,kailangan ay holistic,hindi yung ililipat mo lang yung problema sa ibang lugar,” sabi niya.

Iginiit niya ang masusuing pagpaaral sa lokasyon ng paglilipatan at posibleng maging pangmatagalang epekto nito sa paglilipatan.

Binanggit niya ang karanasan ng mga mga inilipat na iskwater mula sa riles sa North Ville 3 resettlement site sa Barangay Lambakin, Marilao noong 2009 kung kailan nanalasa ang bigalang pagbahang hatid ng bagyong Ondoy.

Ang nasabing pabahay ay matatagpuan sa gilid ng Ilog ng Marilao, kaya’t ng rumagasa ang biglang pagbahang hatid ng ulang bumuhos sa sa mga Lungsod ng Quezon, Caloocan, at San Jose Del Monte sa Bulacan ay nasagsaan ng tubig ang bahag9i ng pabahay na ikinasawi ng ilang residente.

Bukod sa pagkasawi ng buhay, binigyang diin ng punong lalawigan ang matagalang epekto sa kalikasan at kapaligiran ng mga proyektong pabahay.

“Hindi naman sa inaalis natin an gating hospitality, pero kailangan ng tamang pagpaplano at koordinasyon sa pamahalaang loka,”sabi ng Punong Lalawigan.

Binigyang diin niya na ang mga pabahay na karaniwang pinaglilipatan ng mga iskwater ay ang matataas at bulubunduking lugar tulad ng Lungsod ng San Jose Del Monte.

Ito ay nangangahuluganng pagputol ng mga punong kahoy, at pagkokongreto sa mga kalsada at mga bakuran.

“Isa yan sa mga dahilan ng mga flash flood, dahil yung tubig ulan ay hindi na nasisipsip ng lupa at wala na ring punong kahoy na pumipigil, kaya yung tubig ulan ay dire-diretso sa sapa at mga ilog at ang bunga ay flashflood,” sabi ni Alvarado.

Bukod dito, dapat ding ikunsidera ang mga nakahandang planong pangkaunlaran ng isang pamahalaang lokjal, tulad ng Program for Rapid Industrial Development (PRIDE) na inilunsad ng lalawigan noong Marso.

Sa nasabing lugar, tinukoy na ng mga namumuno sa lalawigan ang mga lugar sa lalawigan na gagawing technology hub, center business district, agro-industrial area at pangturismo.

Ayon kay Alvarado, malaki ang posibilidad na hindi umakma sa mga nasabhing plano ang relokasyon ng mga iskwater,kaya’t kailangang pagplanuhang mabuti ito.

Bukod pa rito ay ang mabilis na pagkaubos ng pondo ng isang pamahalaang lokal na paglilipatan dahil sa biglang dami ng mangangailangan ng social services.

Ayon sa mga unang bayang pinalipatan ng iskwater sa lalawigan tulad ng Lungsod ng Jose Del Monte at Norzagaray, hindi biro ang mapaglipatan ng daan daang bagong residente.

Ito ay sa kadahilanang ang mga bagong lipat ay hindi kasama sakanilang nakahandang pondo para sa kasalukuyang taon, at ang pinagmulang pamahalaang lokal ay wala namang ipinagkakaloob na ayuda sa mga dating nasasakupan na inilipat.

Kaugnay nito, sinabi ni Mayor Arnel Mendoza ng Bustos na malapit ng ilipat ang unang pangkat ng mga nakatira sa gilid ng Ilog Angat sa pabahay na itinayo ng National Housing Authority sa Barangay Catacte ng nasabing bayan.

Ang may pitong ektaryang pabahay ay inaasahang mapaglilipatan ng may 3,000 pamilyang nakatira sagilid ng Ilog Angat na tinukoy bilang geo-hazard area o palaging lumulubog kapag tumaas ang tubig sa ilog sanhi ng pagpapatapon ng tubig mula sa mga dam.

Bukod sa pabahay sa barangay Catacte ay may isa pang pabahay ang pinaplano sa bayan ng Pandi ang NHA para sa iba pang nakatira sa gilid ng ilog sa lalawigan.

Sa bayan ng Plaridel, nasimula na noong nakaraang taon ang paglipat ng unang pangkat ng mga nabiktima ng mga bagong Ondoy at Pedring sa lalawigan.

Ito ay ang pabahay na tinawag na Jubilee Homes na pinangunahang itayo ng Diyosesis ng Malolos kaugnay ng pagdiirwang nga kanilang ika-50 Jubileo nong nakaraang taon,

Ayon kay Father Dennis Espejo, tagapangulo ng Commission on Service ng Diyosesis, ang Jubilee Homes nakaplano bilang isang self-sustaining community kung saan ay may magkakaroon ng trabaho ang mga maninirahan. (Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment