Showing posts with label Manila Bay. Show all posts
Showing posts with label Manila Bay. Show all posts

Tuesday, July 29, 2014

Presyo ng bangus bumagsak



HAGONOY, Bulacan—Bumagsak ang presyo ng bangus sa bayang ito matapos ang pananalasa ng bagyong Glenda noong Hulyo 16.

Ito ay dahil sa pagkasira ng mahigit sa 50 porsyento ng may 13,000 ektaryang palaisdaan at mga fish cages sa baybayin ng bayaing ito na nakaharap sa Manila Bay kung saan dumaan ang mata ng bagyo.

Ayon Pedro Santos, bise-alkalde ng bayang ito, bumaba sa P30 hanggang P40 bawat kilo ang presyo ng bangus matapos ang pananalasa ng bagyo.

“Hanggang nitong Biyernes (Hulyo 18), bumaba sa P40 ang kilo,” ani ng Bise-Alkalde patungkol sa presyo ng bangus na ang dating presyo bago bumagyo ay umaabot ng P110 bawat kilo.

Isa sa itinuturong dahilan ay ang pagkasira ng mga pilapil ng palaisdaan at mga bakod ng fish cages na nasa baybayin ng Hagonoy.

Dahil dito, tumapon onakawala sakailugan ay baybayin ng Manila Bay ang inaalagaang bangus.

Ayon kay Santos, nagdulot ng pagkalugi sa mga namamalaisdaan ang pagkasira ng kanilang palaisdaan, ngunit nakinabang naman ang maliliit na mangingisda.

Kinatigan din ni Mayor Raulito Manlapaz ang pahayag ni Santos hinggil sa pakinabang ng maliliit na mangingisda na naglarawan sa karanasan bilang pamamaraan ng kalikasan upang ipamahagi ang biyaya.

Sa panayam ng Mabuhay kay Manlapaz, sinabi niya na halos 50 porsyento ng may 13,000 ektrayang palaisdaan sa bayang ito ang nasalanta.

Ito ay nangangahulugan na halos 5,000 ektarya ng mgha palaisdaan at fish cages ang napinsala ng storm surge na hatid ng bagyong Glenda.

“Malaki ang pinsala sa ating aquaculture, pero nakinabang ang maliliit nating kababayan. Sana ay makatulong iyon sa kanilang mabilis na pagbangon,” ani Manlapaz.

Sa pagbisita naman ng Mabuhay sa mga Barangay Pugad at Tibaguin noong Biyernes, Hulyo 18 ay nasaksihan ang masaganang huli sa bayabaying dagat.


Ito ay masasalamin sa mga bangus na dinaing at ibinilad sa araw upang matuyo na nakunan ng larawan sa Barangay Tibaguin.

.Bukod dito, nakunan din ng larawan ngMabuhay ang mga batang naglalaro sa gilid ng dagat habang hawak ang maliit na lambat na may huli o nakatingang isda.

Para namn sa mga Kagawad ng Barangay Pugad na sina Ariel Dela Cruz at Renato Gregorio, karaniwang nakakaranas ng masaganang huli sa baybayin ng Bulacan matapos ang bagyo.

Ngunit sa paglisan ng bagyong Glenda, sinabi nila na mas marami ang nahuhuling bangus sa karagatan.

“Parang ipinamahagi lang ang biyaya sa maraming tao,” sabi ni Dela Cruz.

Kaugnay nito, iniulat ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) na umabot sa P29,349,965 ang halaga ng inisyal na pinsala sa pangisdaan sa lalawigan.

Bahagi ng nasabing inisyal na ulat na umabot sa 1,087.10 ektarya ng palaisdaan sa lalawigan ang nasalanta at naapektuhan ang 322 namamalaisdaan.  Dino Balabo

Obando isinailalaim sa state of calamity






OBANDO, Bulacan—Isinailalim sa State of Calamity ang bayan ng Obando noong Biyernes, Hulyo 18 o dalawang araw matapos manalasa ang bagyong Glenda.


Sa panayam kay Mayor Edwin Santos, ipinaliwanag niya na ang pagdedeklara ng State of Calamity ay isa ring paghahanda sa posibilidad ng pananalasa ng iba pang bagyo tulad ng bagyong Henry.

Ayon kay Santos, umabot sa mahigit 300 pamilya ang naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Glenda, bukod pa sa 30 pamilya sa Barangay Salambao na ang mga tahanan ay nawasak.

Batay pa sa laiwanag ng alaklde, mahalaga ang pagsasailalim sa kanilang bayan sa state of calamity upang makapaglabas ng pondo sa relief operations.

Bukod dito, isa ring paraan ang state of calamity of mapigilan nila ang posibilidad ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

 Kaugnay nito, iniulat ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office na umabot sa anim katao ang nasugatan sa pananalasa ng bagyo sa lalawigan, bukod sa isang nasawi.

Sa hanay ng pinsala sa pagsasaka, inulat ng PDRRMO na umabot sa P29,501,510 ang inisyalna halaga ng pinsala.

Kabilang dito ang P151,545 na halaga ng pinsala sa palayan, at P29,349,965.00 na halaga ng pinsala sa pangisdaan.

Hindi pa kasama sa ulat ang pinsala sa gulayan, maisan, manggahan, at maging sa mga ari-arian at imprastraktura. Rommel Ramos, Dino Balabo

Sunday, March 9, 2014

Epekto ng operasyon ng fishpen sa pangisdaan






HAGONOY, Bulacan—Maramot na dagat.

Ito ang minsa’y nasambit ni Kagawad Alfredo Lunes ng Barangay Pugad sa bayang ito kaugnay ng pagbaba ng dami ng nahuhuling isda sa baybayin ng Manila Bay ng mga maliliit na mangingisda.

Ang pahayag na ito ay nasabit ni Lunes tatlong taon na ang nakakaraan, at muli pang kinumpirma ng iba pang mangingisda sa nasabing barangay noong 2012.

Nitong nakaraang Biyernes, Pebrero 28 ay muling inulit ng mga mangingisda at opisyal sa bayang ito ang patuloy na pagbaba ng dami ng isdang nahuhuli sa karagatan.

Ang tinutukoy nilang sanhi ngayon ay ang operasyon ng mga fishpen sa baybayin ng mga Barangay ng Pugad, San Roque at San Pascual.

Ang mga naturang fishpen ay dating mga palaisdaan na ang nagsisilbing pamigil sa tubig at isdang laman ay ang pilapil na yari sa lupa.

Ngunit dahil sa pagkaubos ng mga tanim na bakawang nagsisilbing panangga sa mga alon, ay nadurog at tuluyang nawasak ang mga pilapil ng may 800 ektrayang palaisdaan sa baybayin.

Hindi tumigil ang operasyonng mga nasabing palaisdaan dahil ito ay binakuran ng matataas na lambat, kaya’t sa halip na tawagin itong palaisdaan at tinatawag na ngayong fishpen o kulungan ng isda.

Ayon kay Konsehal Elmer Santos, ang operasyon ng mga fishpen ay nakakasira sa kalidad ng tubig sa baybayinng bayang ito.

Ito ay dahil sa ang mga fishpen ay nagsasagawa ng intensive fish farming gamit ang mga aqua feeds.


“Madalang na ngayon ang talaba, tahong, pati alimasag saka mga biya,” sabi Santos.

Maging ang iba pang lamang dagat tulad ng hipon at maliiit na isda ay apektado.

Dahil dito, halos walang kinikita ang mga maliliit na mangingisdang namamanti, umuumang ng baklad at bukatot.

“Parang nalalason ng tubig ang mga semilya ng isda at iba pang lamang dagat,”sabi naman ni Louie Libao, ang fishery officer ng bayang ito.

Binigyang diin pa niya na dahil sa pagkasira ng mga pilapil ng palaisdaan, maging ang daloy ng agos sailog ay apektado.

Bilang isang dating konsehal ng bayan na nagtaposng kursong Fisheries, sinabi ni Libao na hindi lamang mga operator ng fishpen ang gumagamit ng aqua feeds, kungdi maging ang namamahala sa malalaking palaisdaan o bigtime fishpond operators sa bayang ito.

Subalit bibigyang diin niya na dahil sa ang tubig sa fishpen ay labas pasok lamang, ang katas ng mga aqua feeds ay natatangay na rin agos.

Ayon kay Libao, ang katas ng aqua feeds sa mga palaisdaang buo ang pilapil ay medyo humuhupa pa ang epekto dahil matagal ito bago patapunin sa ilog.

Bukod dito, ang mga palaisdaan ay napapatuyuan pa ng tubig na naibibilad sa araw ang lupa,samangtaolang ang fishpen ay hindi.

Ipinaliwanag pa niya na ang mga banlik o burak samga fishpen ay kinakayod ng mga operator gamit ang lambat na may pinong butas.

Ito ay upang matanggalang banlik ng nadurog na aqua feeds at mga dumi ng isda na naiwan sa fishpen.

Ngunit ang mga burak na ito ay sa dagat din lamang itinatapon kaya’t ito ay nakakapekto pa rin sa mga semilya ng isda.

Dahil dito, ipinayo niya ang pagbuo ng isang ordinansa na magtatakda ng regulasyon  sa operasyon ng mga fishpen.

Para naman kay Santos, sinabi niya na nagbubuo na ang Sangguniang Bayan ng Hagonoy ng isang katulad na ordinansa.

Bilang patunay, nagsagawa na sila ng water sampling at ito ay kasalukuyang nilang ipinasusuri sa laboratoryo ng Department of Science and Technology (DOST).

“Hinihintay na lamang naming yung resulta ng lab test ng DOST dahil isa iyon sa magsisilbing batayan namin,” ani Santos.

Iginiit pa niya na patuloy ang pakikipag-ugnayan ni Mayor Raulito Manlapaz sa operator ng fishpen sa bayang ito.

Si Manlapaz at ang pamilya ng kanyang maybahay ay nabibilang sa mga malalaking namamalaisdaan sa bayang ito.

Ayon kay Santos tutol si Manlapaz sa operasyon ng fishpen dahil sa epekto nito sa pangisdaan.

Ngunit ang iginigiit ng mga operator ng fishpen ay hindi nilakayang pigilan ang pagkasira ng mga pilapil ng kanilang palaisdaang binubuwisan.

Nagpahayag din ang mga operator ng fishpen na nakahanda silang tumigil sa operasyon kung ang mga pilapil ng palaisdaan sa baybayin ng bayang ito ay maipakukumpuni ng pamahalaang lokal.  (Dino Balabo)

Tuesday, November 12, 2013

Misa ng pasasalamat sa pagkaligtas sa bagyo tampok sa Pistang Dagat






HAGONOY, Bulacan— Isang araw matapos manalasa sa Visayas ang bagyong Yolanda, matagumpay na naisagawa ang taunang  pagdiriwang ng Pistang Dagat sa bayang ito.

Ang pagdiriwang na nilahukan ng mahigit 100 residente ng mga Barangay Pugad at Tibaguin ay bilang pasasalamat sa pagkakaligtas ng Bulacan partikular ng mga baybayin ng Bulacan sa mapaminsalang epekto ng bagyo.

“Magpasalamat po tayo dahil hindi tayo nasalanta ng bagyong Yolanda, pero patuloy nating ipanalangin ang mga kapwa nating Pilipino na napinsala at naapektuhan samga bayan at lungsod sa Visayas, Bicol at iba pang bahagi ng bansa,” sabi ni Padre Efren Basco sa pagsisimula ng misa para sa taunang Pistang Dagat.

Ang misa ay isinagawa habang nakasakay sa mga bangkang naka- angkla di kalayuan sa parola ng Pugad ang pari, mga deboto at maging mga imahe nina Sta. Elena, San Rafael, San Ignacio, San Nicolas, Sta.Ana, at Sagrada Familia.

Bukod sa nasabing pasasalamat, ipinagpasalamat at ipinagdasal din sa misa ang karagatan ng Maynila at katubigang nasasakop nito na pinagkukunan ng kabuhayan ng mga residente. Sa kanyang sermon, binigyang diin ni Basco ang pangangalaga sa kalikasan partikular na sa karagatan at katubigan.

Pistang Dagat 2013
Sa huling bahagi ng misa, ipinaalala niya sa mga lumahok sa Pistang Dagat na magsisikain habang nakasakay sa bangka na sinupin ang kanilang basura. Bago tuluyan matapos ang pagdiriwang sa baybayin ng karagatan, binasbasan ng pari ang mga bangka at kagamitan sa pangingisda ng mga lumahok.

Una rito, halos isang oras ding nagprusisyon sa bunganga ng ilog ng Pugad ang mga residente. Ito ay tinawag nilang “ligid”kung saan ay tampok ang pag-ikot o pagligid ng mga mas maliliit na bangkang de motor sa mas malaking bangka kinasasakyan ng mga imahe ng mga patron.

Friday, May 24, 2013

Pagbaba ng lupa, panibagong problema ng mga namamalaisdaan




PAOMBONG, Bulacan—Bukod sa polusyon sa katubigan na nagpababa sa produskyon ng mga isda at iba pang lamang tubig sa Bulacan, pinoproblema na rin ngayon ng mga namamalaisdaan ang pagbaba ng lupa sa baybayin ng lalawigan.

Ang kalagayang ito ay ilang beses ng naiulat ng Mabuhay kaugnay ng pagpapataas ng kalsada sa mga barangay na karaniwang lumulubog sa high tide bilang pagtawag pansin sa mga namumuno sa pamahalaan.

Ngunit sa kauna-unahang pagkakataon ay nakumpirma ang epektong land subsidence o pagbaba ng lupa sa mga palaisdaang matatagpuan sa baybayin ng lalawigan na nakaharap sa Manila Bay.

Ito ay sa pamamagitan ng panayam sa mga beteranong namamalaisdaan sa Bulacan, partikular na sa bayang ito ay sa bayan ng Hagonoy.

Ayon kay Pedro Geronimo, mahigit isang metro na ibinaba ng lupa sa may 15-ektaryang palaisdang kanyang pinamamahalaan sa bayang ito.

Bilang isang beteranong namamalaisdaan, si Geronimo ay mahigit ng 40 taong namamahala sa palaisdaan.
Si Pedro Geronimo habang pinagmamasdan ang huling alimango.

Sa esklusibong panayam, inihayag niya ang karanasan sa pamamalaisdaan.

“Dati kahit tag-ulan nakakapagpatuyo kaming palaisdaan,” kuwento niya.

Ito ay sa pamamagitan lamang ng pagbubukas ng prinsa ng palaisdaan kung mababa ang tubig sa sapat at ilog.

“Tingnan mo ngayon, kahit tag-araw, kailangan pang bombahin palabas ang tubig para makatuyo,” ani Geronimo habang naghihintay matuyo ang palaisdaang pinag-aanihan ng sugpo, bangus at alimango.

Ang pagbobomba ng tubig palabas ng palaisdaan ay ginagamitan ng bangkang de motor na kinakabitan ng lonang nagsisilbing daluyan ng tubig palabas ng prinsa habang umaandar angmakita ng bangka.

Ang tubig na inilalabas na naitutulak elisi ng bangka habang umaandar.

“Mahigit isang metro na ang ibinaba ng lupa dito kaya dagdag na gastos sa pagpapatuyo,” sabi ni Geronimo.

Ayon sa mga dalubhasang sina Kelvin Rodolfo at Fernando Siringan ng University of the Philippines (UP), ang baybayin ng Maynila,Bulacan,Pampanga at Bataan ay bumaba ng dalawa hanggang tatlong sentimetro bawat taon.

Nakakadagdag pa rito ang pagtaas ng lebel ng tubig sanhi ng pagkalusaw ng niyebe sa mas malalamig na bansa.

Batay sa mga pahayag ng mga dalubhasa, ang land subsidence o pagbaba ng lupa sa baybayin ng Bulacan ay sanhi ng over water extraction o sobrang paghugot ng tubig mula sa ilalim ng lupa dulot ng lumalaking pangangailangan sa sariwang tubig ng lumolobong populasyon.

Ang kalagayang ito at naidokumento nina Rodolfo at Siringan sa mga barangay sa baybayin ng Manila Bay.

Bilang pagtugon naman sa paglubog ng lupa sa high tide, nagsasagawa ng pagtaaas ng kalsada sa mga barangay ang mga lokalna pamahalan.

Ngunit sa hanay ng mga palaisdaang pinagkukunan ng malaking produksyon ng isda at iba pang lamang dagat, halos wala pa ring interbensyon o pag-aaral ang pamahalaang lokal.

Ayon kay dating Bokal Patrocinio Laderas, apektado ng pagbaba ng produksyon sa isda ang ekonomiya ng isang bayan partikular na ang Hagonoy at Paombong.


Ito ay dahil sa maraming  mamamayan ang umaasa sa produksyon ng pangisdaan ng Bulacan hindi lamang para sa pagkain, kundi para sa trabaho at negosyo.

“Hindi kasing lucrative dati ang fishpond sa Bulacan dahil sa samut-saring factors,  sabi ni Laderas na isang beterano sa larangan ng pamamalaisdaan.

Inayunan din ito ni Kagawad Alfredo Lunes ng Barangay Pugad sa bayan ng Hagonoy.

Inihalimbawa niLunes ang kanilang barangay na nakadelintera sa Manila Bay na kapag tumataas ang tubig sa dagat o high tide ay lumulubog at kung may bagyo ay sinasampa ng alon maging ang bubong ng kanilang bahay.

“Malaki na talaga ang ibinaba ng lupa sa tabing dagat,” sabi ni Lunes at inihalimbawa ang Aroma Beach na ngayon ay lubog na tubig dagat.

Ang Aroma Beach ay isang sand bar sa baybaying ng Barangay Pugad na dinarayo noong dekada 80 at 90.   (Dino  Balabo)