Saturday, September 8, 2012

Pagdiriwang ng Singkaban Fiesta 2012, tuloy pa rin



LUNGSOD NG MALOLOS—Tuloy pa rin ang masayang pagdiriwang ng taunang Singkaban Fiesta 2012 kung saan pormal itong bubuksan sa Setyembre 10, ganap na ika-pito ng umaga sa harap ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.

May temang, “Lalawigang Huwaran ang Pamahalaan, Tahanan ng Dakilang Lahi, Sentro ng Kasaysayan ng Bansa – Bulacan, sa daigdig ay ibandila!”, itatampok sa Singkaban Fiesta 2012 ang mabuting pamamahala at ang mayamang pamana ng kultura at kasaysayan sa Bulacan. 

Sinabi ni Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado na bagaman simple at payak ang magiging pagdiriwang ngayong taon, kumpleto naman ito sa mga aktibidad na nagtataas ng kamalayan tungkol sa turismo at iba pang maipagmamalaki ng lalawigan.

“The province had undergone calamities that cause massive damages in our infrastructure, agriculture, properties and even lives of some Bulakenyos. Still, we would like to show the world that no disaster can bring down the Bulakenyos. Amid the unfortunate events, there are countless blessings that the province receives and several reasons why we should be thankful to God Almighty,” wika pa ni Alvarado.

Kabilang sa mga aktibidad na isasagawa ang Panaderong Bulakenyo kung saan ibibida sa gawaing ito ang gulay na malunggay bilang pangunahing sangkap sa paggawa ng pandesal, Kapeng Bulacan kung saan itatampok ang kape na produkto mula sa Doña Remedios Trinidad, at ang Float Parade kung saan isasagawa ang parada ng mga karosa mula sa iba’t ibang pribadong kumpanya na magmumula sa Bulacan Sports Complex hanggang Capitol Grounds.

Bubuksan din ang mga eksibit tulad ng Tatak Bulakenyo Trade Fair  na nagpapakita at nagbebenta ng mga produktong Tatak Bulakenyo katulad ng sweets at delicacies, beverages at specialty food, bags, shoes, fashion accessories, handicraft, woodcraft at educational toys, embroiled linen at fabric; Lakan Sining Exhibit na nagpapamalas sa angking husay at talino ng mga alagad ng sining biswal mula sa lalawigan; at ang Dakilang Bulakenyo Series: Eusebio “Maestrong Sebio” Roque na nagbibigay halaga sa mga Dakilang Bulakenyong bayani o alagad ng sining tulad ni “Maestrong Sebio”.

Isasagawa naman sa hapon, ganap na ika-2:00 n.h. ang paggagawad ng mga tropeo sa Bulacan bilang Outstanding Local Government Unit (LGU) at Provincial PESO Partner in Luzon (ukol sa pagsasagawa ng Pre-Employment Orientation Seminar, information dissemination at PAIR Help Desk) at ng National TESDA Kabalikat Award.  Gayundin, lalagdaan ang isang memorandum of understanding sa pagitan ng LGU, POEA, OWWA, CFO at DOLE para sa paglaban sa anti-illegal recruitment (AIR), anti-trafficking in persons (TIP), at child labor (CL).

Simula naman noong Setyembre 8, isinasagawa na ang Kakarong Show sa Nicanor Abelardo Auditorium, na isang pagtatanghal sa pangunguna ng Barasoain Kalinangan Foundation, Inc. na nagtatampok sa pagkakatatag ng Republika ng Kakarong De Sili.
Ito ang ika-25 taong pagdiriwang ng Singkaban Fiesta na tinaguriang “mother of all fiestas in Bulacan” na itatampok sa Linggo ng Setyembre 8 hanggang 15, 2012.

No comments:

Post a Comment