Friday, September 7, 2012

Kakarong, Maestrong Sebio at kumperensiyang pangkasaysayan tampok sa Singkaban Fiesta



MALOLOS—Tampok ang dalawang palabas at isang kumperensiyang
pangkasaysayan sa walong araw na pagdiriwang ng Singkaban Fiesta sa
Bulacan na magsisimula sa Sabado, Setyembre 8.

Kaugnay nito, muling iginiit ng kapitolyo na magiging payak ngunit
Masaya ang nasabing pagdiriwang matapos ibaba sa P2.5-Milyon ang
pondong gugugulin saw along araw na pagdiriwang kumpara sa P10-M na
ginugol sa nagdaang taon.

Ang pagiging simple ng pagdiriwang ay dahil na din sa kalamidad na
nananalasa sa lalawigan nitong Agosto at ayon kay Gob. Wilhelmino
Alvarado, lalabas na insulto sa mga Bulakenyong nasalanta ng kalamidad
kung magiging engrande ng taunang pagdiriwang.

Binigyang diin ng punong lalawigan, ang natipid na pondo sa
pagdiriwang ay gugugulin bilang dagdag na ayuda sa mga nasalanta ng
kalamidad.

Batay sa impormasyong inilabas ng kapitolyo noong Miyerkoles,
Setyembre 5, ang tema ng pagdiwang sa taong ito ay “Lalawigang Huwaran
ang Pamahalaan, Tahanan ng Dakilang Lahi, Sentro ng kasaysayan ng
Bansa—Bulacan, sa digdig ay ibandila.”

Ang walong araw na pagdiriwang ay tatampukan ng “Kakarong Show”,
eksibisyon hinggil kay Eusebio Roque, at tatlong ara na kumperensiyang
tinawag na “El Pueblo Soberano 200.”

Ang pagtatanghal ng “Kakarong Show” ay pangungunahan ng  Barasoain
Kalingan Foundation kung saan ay itatampok ang pagtatatag ng Republika
ng Kakarong De Sili.

Ang Republika ng Kakarong De Sili ay itinatag noong Disyembre 4, 1896
ni Eusebio Roque na mas kilala sa tawag na Mestrong Sebio.  Ito ay
kinilala noong 1996 ng Kongreso bilang kauna-unanang republika sa
bansa.

Ang kakarong De Sili ay matatagpuan sa bayan ng Pandi. Ang
pagtatanghal ng Kakarong Show ay isasagawa sa Nicanor Abelardo
Auditorium sa gusaling Gat Blas Ople sa bakuran ng kapitolyo.

Ito ay itatanghal mula  Setyembre 8 hanggang 15, tuwing ika-9 ng umaga
at ika-1 ng hapon.

Simula naman sa Setyembre 10, Lunes, ay bubuksan ang eksbisyong
Dakilang Bulakenyo Series kung saan ay tampok ang mga larawan ni
Maestrong Sebio na nagsilbing heneral ng hukbo sa Kakarong De Sili.

Si Maestrong Sebio ay isinilang noong ika-14 ng Agosto 1865 sa
Caingin, Bocaue.  Siya ay ay umanib sa Katipunan at nanumpa sa harap
ni Gat Andres Bonifacio noong Disyembre 24, 1895.

Itinatag niya sa Kakarong de Sili ang isang Balangay ng Katipunan sa
Bulacan na tinawag na  Balangay Dimasalang noong 1896.

Ayon sa historyador na si Jaime Corpuz, si Maestrong Sebio ang
nagtatag ng ng rebolusyunaryong Republika ng Kakarong De Sili sa Pandi
noong ika-4 ng Disyembre 1896.

Matapos lusubin ng mga Kastila ang Real de Kakarong, si Maestrong
Sebio ay nadakip sa Bonga Mayor sa bayan ng Bustos noong Ika-14 ng
Enero, 1897.

Siya ay nilitis ng hukumang military at nahatulang mamatay sa
pamamagitan ng pagbaril.

Si Maestrong  Sebio ay binaril noong Enero 16, 1897.

Kaugnay nito, isang tatlong araw na kumperensiya ang isasagawa sa
Barasoain Center for Innovative Education (BarCIE) sa Setyembre 13.

Ito ay tinawag na “El Pueblo Soberano 200” na pangungunahan ng
Samahang Pangkasaysayan ng Bulacan (Sampaka).

Inaasahang dadalo sa nasabing kumperensiya ang embahador ng Espanya sa
Pilipinas na si Jorge Manuel Domecq.

Ang nasabing kumperensiya ay may kaugnayan sa ika-200 taong
pagdiriwang ng unang Saligang Batas ng Espanya at ika-114 guning taon
Congreso Revolucion 1898 sa Malolos.

Bukod sa mga nasabing tampok na gawain magsasagawa rin ng ilang
pangkulturang gawain ang kapitolyo kaugnay ng pagdiwang ng Singkaban
Fiesta.

Ayon kina Provincial Administrator Jim Valerio at Bokal Michael
Fermin, ang tagapangulo ng Lupong Pang-Kalinangan ng  Sangguniang
Panglalawigan, magsasagawa rin ng trade fair sa kapitolyo mula
Setyembre 10 hanggang 15.

Kikilalanin namanangmga natatanging barangay na magwawagi sa Gawad
Galing Barangay sa sa Setyembre 8, at ang mga magwawagi sa Gawad
Dangal ng Lipi sa Setyembre 15 ng agbi.

Ito ay matapos isagawa ang ika-114guning taon ng pagdiriwang ng
pagbubukas ng Kongreso ng Malolos sa makasaysayang simbahan ng
Barasoain.

No comments:

Post a Comment