Wednesday, July 18, 2012

Titulo sinungkit, kasaysayan itinala ng Futbulakenyos sa CLFL




SUBIC BAY FREEPORT—Lumikha ng kasaysayan ang ang mga manlalarong Bulakenyo  ng sungkitin nito ang kauna-unahang kampeonato sa Central Luzon Football League (CLFL).

Ito ay dahil sa matagumpay na kampanya na tinampukan ng pananaig sa lahat ng laban, bukod sa pagtanggap ng manlalaro ng FutBulakenyos Football Club na si Larry Ramos ng Golden Boot Award na katumbas ng pagkilalang most valuable player.

Sa pagkasungkit ng kampeonato, naiuuwi ng Futbulakenyos ang tropeong Sinukuan, ang perpetual trophy ng liga na muling paglalaban sa mga susunod na season.

Ang tropeo at parangal ay tinanggap ng Futbulakenyos sa Trader’s Hotel sa Subic Bay Freeport sa Zambales noong Sabado ng gabi, Hulyo 14 matapos ang dalawang kambal na sagupaan sa Remy Field noong araw ding iyon.

“Nagpapasalamat kami sa pakiisa ng lahat sa tagumpay ng ligang ito, siguro time lang namin ngayon kaya nakuhan yung magandang break,” ani Emmanuel Robles, coach ng Futbulakenyos, an ang mga kasapi ay karaniwang mag-aaral ng Bulacan State University (BulSU).

Iginiit pa niya na sa sa kabila ng kakulangan sa pananalapi, ay nanaig ang mga Bulakenyo sa bawat laro dahil sa pagkakaisa at indibidwal na kakayahan ng manlalaro.

Isa sa palatandaan ng kakulangan sa pananalalapi ng Futbulakenyos ay ang kakulangan ng bilang nga manlalaro nito na nakadalo s amga nagdaang laro.

Ang bawat koponan sa football ay may 25 manlalaro, ngunit may mga pagkakataon na 14 hanggang 16 na manlalaro lamang ang naglalaro sa koponan ng Bulacan.

Ito ay dahil sa kakulangan ng pamasahe na pansamantalang tinugunan ng ilang manlalarong nagsisipagtrabaho na.

Sa loob ng dalawang round ng liga, nagtala ng anima na panalo ng Futbulakenyos ng talunin nila ang lahata ng kasaling koponan sa liga.

Unang nilang tinalo ang Lighthouse Amihan FC sa iskor na 5-0; kasunod ay ang Pampanga FC, 5-1; at Tarlac FC, 3-1.

Sa ikalawang round, muli nilang tinalo ang Tarlac FC, 2-0; Lighthouse Amihan FC, 3-2; at Pampanga FC sa iskor na 9-1 noong Sabado.

Ang kampeonato ay nasungkit na ng Futbulakenyos ng talunin nila sa ikalawang pagkakataon ang Lighthouse Amihan FC noong Hulyo 1, ngunit hindi ito naging balakid sa paghahangad nila ng mataas nga antas na laro noong Sabado ng talunin nila ang Pampanga FC sa pagtatapos ng unang season ng CLFL.
“Kahit sigurado na kaming champion, gusto pa rin naming ipakita ang mataas na antas ng paglalaro kahit no-bearing game ang laban,” ani Robles at idinagdag pa na “the CLFL deserves the best game.”

Dahil sa ikalawa nilang panalo sa Pampanga FC, tinuldukan ng Futbulakenyos ang ang unang season ng CLFL na walang talo.

Ang huling panalo naman ng FutBulakenyos ay tinampukan ng anim na goal mula kay Larry Ramos na tumanggap ng golden boot award.

Sa anim na laro, umabot sa 12 ang goal ni Ramos, ngunit ang puntos na naitala niya laban sa Pampanga FC ay ang pinakamataas sa isang laro na itinala ng isang manlalaro sa liga.

Bukod sa golden boot award, nagkaloob din ng CLFL ang Best Goal Keeper award kay Edriel Tagaan ng Lighthouse Amihan FC.

Ang Lighthouse Amihan ang tumanggap ng parangal na first runner-up sa inaugural season ng CLFL kasunod ang Talrac FC at ang Pampanga FC.

Sa ikalawang laro noong Sabado, tinambakan ng Lighthouse Amihan ang Tarlac FC sa iskor na 7-3.

Para sa susunod na season ng CLFL, inihayag ni John Bayarong, coach ng Lighthouse Amihan ang plano para sa pagsasagawa ng liga ng Futsal o indoor football.

Sinabi ni Bayarong na napapanahon ang Futsal dahil sa ito ay maisasagawa kahit tag-ulan.

Tinatayang 10 koponan mula sa ibat-ibang lalawigan ng Gitnang Luzon ang lalahok sa liga ng Futsal.

Kaugnay nito, nagpasalam din si Christian de Ocampo, coach ng Tarlac FC at isa sa unang nag-organisa ng CLFL sa paglahok ng bawat koponan.

Sinabi niya na matagal na nilang pangarap ang pagkakaroon ng liga ng football sa rehiyon.

Binigyan diin niya na layunin nito ay hindi lamang mapataas ang popularidad ng football, sa halip ay upang makahikayat at makatuklas ng mga kabataang manlalaro. (Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment