Tuesday, July 3, 2012

Bulacan Med Center, tuloy ang bigay ng libreng gamutan sa mga may dengue



Ni: Shane Frias Velasco
 
LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Hulyo 3 (PIA) -- Patuloy ang pagkakaloob ng libreng serbisyong pangkalusugan para sa mga Bulakenyong tinamaan ng dengue sa Bulacan Medical Center (BMC) at mga ospital na pinapatakbo ng pamahalaang panlalawigan.

Sa ginanap na ikalawang “Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Anti-Dengue Day” sa lungsod ng San Jose del Monte, ipinahayag ni gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado na naglaan ng malaking pondo upang masigurong magagamot ang mga Bulakenyong tinamaan nito.

“Kung nagkataon naman po na walang handang gamot para sa dengue sa ating ospital, lumapit lamang po sa ating tanggapan sa kapitolyo at ibibili po namin kayo (ng gamot) sa Mercury Drug,” dagdag pa niya.

Kaugnay nito, nagpalabas naman ng Executive Order No. 2012-10 si Alvarado na nag-uutos sa lahat ng 569 na barangay sa Bulacan na maglunsad at panatilihin ang kalinisan alinsunod sa pambansang kampanya ng Department of Health (DOH) na Aksyon Barangay Kontra Dengue (ABKD) laban sa dengue.

Para sa gobernador, “ang pagbasag at pagsira sa mga iniitlugan ng lamok ang pinakamainam na sandata laban sa dengue. Kaya kinakailangan ay lahat ng madidilim na lugar sa barangay ay paaliwalasin at linisin dahil paboritong bahayan ng lamok iyan. Dapat ding takpan ang mga lalagyan ng malilinaw na tubig dahil hindi naman dumadaloy iyan eh. Doon sila nangingitlog.”

Isang nakamamatay na sakit ang dengue kung kaya’t ipinapayo naman ni Dr. Jocelyn Gomez ng Provincial Health Office (PHO) na dalhin na sa pinakamalapit na ospital ang sinumang magkakaroon ng lagnat na hindi bumababa sa loob ng dalawang araw. Maiiwasan din aniya ito kung may sapat na kaalaman ang bawat mamamayan hinggil sa sakit na dengue.

Kaugnay nito, pinag-ibayo ng DOH ang kampanya laban sa dengue sa pamamagitan ng pagtatalaga ng bagong tungkulin ng mga Barangay Health Workers (BHW). Ang sistema, araw-araw nang babantayan kung sino ang magkakaroon ng lagnat at kung ito ba ay tatagal ng dalawang araw. Kapag nagkagayon, agad na dadalin ng BHW ang pasyente sa pinakamalapit na pampublikong ospital upang agad na gamutin nang libre.
  
Unang ipinatupad ang kampanya sa lungsod na ito dahil ang San Jose del Monte ang may pinakamaraming naninirahan sa buong lalawigan. Ayon kay Dr. Bethzaida Banaag, city health officer, may 700 BHW sa kalungsuran habang ang mga rural health units (RHU) sa limang malalaking barangay ang kinumpleto ang mga gamit na pagsugpo at paggamot sa dengue.

Samantala, pinapurihan naman ni Dr. Leonita Gorgolon, direktor ng DOH-Center of Health Development (CHD), ang Bulacan dahil sa pagkakaroon ng Provincial Health and Sanitation Code. “Kinikilala natin ang kontribusyon ng lalawigan para sa masmalusog na mamamayan. Pinasasalamatan din natin si gobernador Alvarado dahil naisulong niya na magkaroon ang Bulacan ng ganitong code na nagsisilbing direksiyon sa masmabuting serbisyong pangkalusugan.” (CLJD/SFV-PIA3)

No comments:

Post a Comment