Tuesday, July 3, 2012

Bilang ng mga kaso ng dengue mas mataas ng 12 porsyento kumpara noong nakaraang taon


Ni Carlo Lorenzo J. Datu

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga Hulyo 3 (PIA) -- Tumaas ng 12 porsyento ang mga naitalang kaso ng dengue sa Gitnang Luzon mula Enero hanggang ika-30 ng Hunyo ngayong taon kumpara sa kahalintulad na panahon noong nakaraang taon.

Inilahad ni Jesse Fantone, hepe ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit ng Department of Health-Center for Health Development 3 (DOH-CHD 3), na pumangalawa ang Gitnang Luzon sa Metro Manila sa may pinakamaraming naitalang kaso sa buong kapuluan na umabot sa 6,241.

Sa pitong lalawigan, Nueva Ecija ang may pinakamaraming kaso na pumalo sa 1,785 kasunod na Bulacan- 1,745, Pampanga- 1,167, Bataan- 677, Tarlac-488, Zambales-348 at Aurora- 31.

Dagdag pa ni Fantone na umabot sa labing isa ang bilang ng mga namatay dahil sa dengue sa Rehiyon Tres sa nabanggit na panahon kung saan lima rito ay mula sa Nueva Ecija, tatlo sa Pampanga at tig-isa mula sa Bataan, Bulacan at Tarlac.

At ngayong patuloy na lumolobo ang bilang ng mga kaso, hinihimok ng DOH-CHD 3 ang publiko na magsagawa ng mga clean-up drive sa kani-kanilang mga komunidad at puksain lahat ng posibleng maging mga breeding sites ng mga lamok tulad ng mga lumang gulong, bote, lata, at baradong alulod.

Iginiit ng ahensya ang importansya ng paglilinis hindi lamang ng mga tahanan at paaralan kundi iba pang lugar tulad ng simbahan at palengke at maging ng mga kalye at playground dahil hindi malalaman kung saan maaaring makagat ng lamok na may dalang dengue kaya importanteng maging malinis ang buong paligid.

Ang dengue ay isang sakit na nakukuha sa kagat ng lamok na tinatawag na Aedes aegypti.

Karaniwang sintomas nito ang mataas na lagnat, matinding pananakit ng ulo, pananakit ng katawan at kasukasuan, pagsusuka, pananakit ng mata, at mapupulang butlig sa balat. (WLB/CLJD-PIA 3)

No comments:

Post a Comment