LUNGSOD NG MALOLOS—Inendorso ng pamilya ng bayaning si Gat
Marcelo H. Del Pilar ang konseptong disenyo para sa bantayog nito na hiniling
na itayo sa harap ng Kapitolyo.
Ang kahilingan sa pagtatayo ng bantayog ng dakilang
propagandista ay hiniling ng Sangguniang Bayan (SB) ng Bulakan batay sa
mungkahi ni Konsehal Rosalie Lava na ipatupad ng Kapitolyo ang nilalaman ng
Seksyon 24, Kabanata ika-2 ng New Provincial Administrative Code (NEPAC) ng
Bulacan.
Ito ay matapos lumiham sa SB ng Bulakan si Alex Balagtas,
ang kurator ng Pamabansang Dambana ni Gat Marcelo H. Del Pilar sa bayan ng
Bulakan, na nagpapaalala ng nilalaman ng NEPAC.
Ayon sa NEPAC, si De Pilar ay ang piling bayani ng Bulacan
at ang kanyang bantayog ay dapat itayo sa sentrong isla ng parke sa harap ng
Kapitolyo malapit sa MacArthur Highway.
Ayon kay Abogada Benita Marasigan-Santos, isa sa mga apo ng
bayani, nakarating sa kanilang kaalaman ang pagkilos para sa panukalang
pagtatayo ng bantayog.
Sinabi niya na natanggap din nila ang konseptong disenyo
mula kay Isagani Giron, ang dating pangulo ng Samahang Pangkasaysayan ng
Bulacan (Sampaka).
Ang kosepto ay nilakipan pa ng dibuho ng iskultor na si Ernie
Mandap.
“Magalang namin itong ini-endorso upang agad na maipatupad
at nang mailantad sa madla sa ika-15 ng Agosto ng kasalukuyang taon bilang
hudyat ng pagbubukas ng Buwan ng Bulakan, bilang bahagi rin ng Buwan ng
Kasaysayan at paggunita sa ika-162 guning taong pagsilang ng ating dakilang
bayani mula sa ating dakilang lalawigan,” ani Marasigan-Santos sa kanyang liham
kay Gob. Wilhelmino Alvarado noong Mayo 28.
Idinagdag pa niya ang paunang pasasalamat sa punong
lalawigan at iginiit na ang bantayog ay magsisilbing paalala at inspirasyon sa
mga kabataan sa kasalukuyan at sa mga susunod na panahon.
“Nawa’y patuloy nating isulong ang buhay, diwa, panulat at
kabayanihan ni Gat Marcelo H. Del Pilar, isang dakilang Bulakenyo ay bayani ng
lahing Pilipino,” ani Marasigan Santos.
Batay naman sa koseptong disenyo nina Giron at Mandap, ang
bantayog ni Del PIlar ay may taas na 10 talampakan mula sa paa hanggang sa
tuktok ng ulo upang ipamalas sa lahat ang kadakilaan nito.
Ang bantayog ay ititindig sa isang pedestal na may limang
talampakan ang taas na may hugis na malaking sisidlan ng tinta kung saan
isinasaok ang pluma o dip pen na ginamit ni Del Pilar sa kanyang pagsulat.
Sa likod naman ng pedestal at rebulto ng bayani ay ang dip
pen nib o aserong ulo ng pluma na may taas na 25 talampakan mula sa paanan ng
pedestal.
Ang dip pen nib ay sumisimbulo sa buhay ni Del Pilar na
ginamit sa paglaban sa mga prayle at kolonyanistang Kastila at paghikayat sa
sambayanan sa paninindigan para sa karapatang pangkabuhayan at panglipunan, ani
Giron.
Idinagdag pa niya na sa likod ng rebulto at aserong ulo ng
pluma ay ang magkapatong na pader na may taas na 14 na talampakan.
Ang kanang bahagi ng pader ay kapapalooban ng apat na
pahayag at pamphlet na sinulat ni Del Pilar. Ito ay ang Diaryong Tagalog, La Soberania Monacal en Filipinas, La
Frailocracia Filipinas, at La Solidaridad.
Ang kaliwang
bahagi naman ng pader ay kapapalooban ng imahe ng bituin at araw katulad ng
nakalagay sa pambansang bandila.
Ayon pa kay Giron, ang sahig na pagtatayuan ng bantayog ay
kulay berde na humigit kumulang sa 10 talampakan, at sa palibot ng bantayog sa
gitna ng sahig na berde ay ang kulay dilaw na imahe ng araw. (Dino Balabo)
No comments:
Post a Comment