Tuesday, November 27, 2012

Dayaw 2012 binatikos dahil di isinali ang mga Dumagat


Katutubong Dumagat sa Norzagaray

MALOLOS—Ikinalungkot ng mga nagsusulong ng karapatan ng mga katutubo sa lalawigan ang di pagkabilang ng mga Dumagat sa tatlong araw na 2012 Dayaw Festival sa lungsod na ito.
 

Ang Dayaw Festival ay nilahukan ng may 470 katutubo na kumatawan sa 47 grupo na nagmula sa ibat-ibang bahagi bansa.

Ang mga lumahok ay dumating sa lalawigan noong Lunes at pumarada sa kahabaan ng McArthur highway sa lungsod na ito noong Marters ng umaga para sa pagsisimula ng tatlong araw na pagdiriwang ng Dayaw na nalalayon na palawakin ang pagkakaunawa sa mga katutubo.

Suot ang kanilang makukulay na damit, ilan sa mga katutubo ay nagpakita pa ng kanilang mga sayaw sa saliw ng katutubong tugtugin habang pumaparada na ikinagalak ng mga manonood.

Ngunit sa kabila ng mahabang pila sa parade, isa mang katutubong Dumagat mula sa Sierra Madre na nasasakop ng Bulacan ay walang nakalahok.

Ang kalagayang ito ay ikinalungkot ng mga nagsusulong ng karapatan ng mga katutubong Dumagat sa lalawigan.

Kabilang sa kanila si Bro.Martin Francisco, ang tagapangulo ng Sagip Sierra Madre Environment Society (SSMES) na dating kasapi ng IP-Biskal Foundation na nasa ilalim ng pamamahala ng Diyosesin ng Malolos.

Pagbubukas ng Dayaw 2012 Festival
Sa kanyang ipinahatid na mensahe sa Mabuhay Online, hindi ikinubli ni Francisco ang kanyang damdamin.

“Iyan ang nakakalungkot sa tuwing magkakaruon ng pagdiriwang ang Bulacan mapa- kultura man o pagdiriwang pagkasayahan, laging nakakalimutan ang mga orihinal na katutubong Bulakenyo na mga Dumagat ng Bulacan,” ani Franciso.

Ang tinutukoy na ‘pagdiriwang pangkasayahan’ ni Francisco ay ang taunang pagdiriwang ng Singkaban Fiesta na hango sa mga salitang “sining, kalinangan at kasaysayan” ng Bulacan.

Batay sat ala ng Mabuhay, sa mahabang panahon ng pagdiriwang ng Singkaban Fiesta sa Bulacan ay halos dalawang beses pa lamang napabilang angmga katutubong Dumagat sa nasabing pagdiriwang.

Iginiit pa niya na “they are truly marginalized among the Bulakenyo na kahit saling pusa, eh, hindi isinali.”

Ang pahahyag ni Francisco ay batay sa mga naunang pagsasaliksik ng mga historyador sa lalawigan na ang mga katutubong Dumagat ay ang mga unang residente ng lupaing nasasakop ng lalawigan ng Bulacan, bago pa dumating ang grupo ng mga Malay.

Mga Dumagat ng Bulacan
Para sa mga katutubong Dumagat na kulot ang buhok, inilarawan nilang “unat” ang mga ninuong Malay dahil sa unat ang mga buhok ng mga ito.

Ang ninunong Malay ng mga Bulakenyo, ayon sa mga histryador ay unang nanirahan sa mga gilid ng ilog sa lalawigan at sa paglipas ng panahion ay tinawag na mga “taga-ilog” o ”Tagalog.”

Kaugnay nito, sinabi ni Felipe De Leon, tagapangulo ng National Commission on Culture and the Arts (NCCA), na nagpahatid sila ng imbitasyon sa mga Dumagat para lumahok.

Ngunit ayon kay Francisco, “ni ha o ni ho ay wala, imbitasyon pa.”


Sa panayam ng Mabuhay Online kay De Leon noong Martes, inamin  niya na dapat kalahok ang mga Dumagat sa Dayaw Festival.

Gayunpaman, itinuro niya si Joseph Cristobal na siyuang dapat nagpahatid ng imbitasyon.

Si Cristobal ay dating hepe ng Provincial Tourism Office ng kapitolyo at patnugot ng Dayaw 2012 Festival.

“Siya ang taga rito sa Bulacan at we trust in his expertise.  Siya ang nakakalam ng mga imbitasyon,” sabi ng tagapangulo ng NCCA.

Sa panayam kay Cristobal, itinuro naman nito ang isang Osie Alfonso na diumano’y siyang nangasiwa sa pag-iimbita sa mga katutubo.
Katutubong Bugkalot ng Hilagang Luzon, kalahok sa Dayaw 2012

Nilinaw pa ni Cristobal na sa pagdiriwang nga Dayaw Festival noong bakaraang taon at kasama ang mga Dumagat.

“Baka kaya hindi nakasama sa taong ito ay dahil kasama na sila noong nakaraang taon,” aniya.

Bukod dito, sinabi rin ni Cristobal na isa sa limitasyon ng pagbibigay ng imbitasyon ay ang pondo.

Ipinagmalaki pa niya na lahat ng katutubong kalahok sa festival at may honorarium at full hotel accommodation sa lalawigan.

Ngunit para kay Francisco at mamamhayag sa lalawigan, hindi sapat na dahilan ang kakapusan sa pondo upang hindi makadalo ang mga katutubong Dumagat sa Dayaw 2012 Festival.

Ito ay dahil sa malaki ang pondo ng kapitolyo at nga mga pamahalaang lokal tula dng munisipyo at lungsod ng Donya Remedios Trinidad, Norzagaray at San Jose Del Monte na nakakasakop sa tirahan ng mga katutubong Dumagat sa lalawigan.

Ayon sa ilang mamamahayag sa lalawigan, maaari namang magpahiram ng sasakyan ang mga pamahalaang bayan at lungsod upang makarating ang mga Dumagat sa kapitolyo ay makalahok sa pagdiriwang.

Iginiit pa nila na kung hindi  maaaring ibilang sa mga kalahok ang mga Dumagat dahil bawat grupo ay limitado lamang sa 10 kalahok, dapat daw ay isinama na lamang sa welcome committee ang mga Dumagat.  (Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment