Friday, November 23, 2012

Kalinangan at produktong katutubo tampok sa pagdiriwang ng Dayaw 2012 sa Bulacan


Katutubong Aeta ng Porac, Pampanga.
MALOLOS—Tampok ang mga katutubong kalinangan na kinabibilangan ng mga laro, ritwal, pagkain sayaw, awit at mga produkto sa taunang pagdiriwang ng buwan ng mga katutubosa Bulacan mula Nobyembre 27 hanggang 29.

Ito ay tinaguriang “Dayaw 2012” na pangungunahan ng National Commission on Culture and the Arts (NCCA) kasama ang pamahalaang panglalawigan ng Bulacan at ang pamahalaang panglungsod ng Malolos.

Ang tatlong araw na pambansa at engrandeng pagdiriwang ay may temang “Katutubong Pamumuhay, Halawan ng Aral sa Buhay.”

Ayon kina Felipe De mesa at Emelita Almosara, tagapangulo at patnugot na tagapagpaganap ng NCCA, ang Dayaw 2012 na bahagi ng pambansang pagdiriwang ng Buwan ng mga Katutubo.

Katutubong Ati ng Isla ng Boracay.
Ito ay inorganisa ng NCCA’s Subcommission on Cultural Communities and Traditional Arts (SCCTA) sa pangunguna ni Commissioner Joycie Dorado-Alegre na tatampukan ng mga pagtatanghal ng iba-ibang grupo ng katutubo sa bansa.

Itatanghal din sa tatlong araw na pagdiriwang ang mga sayaw, awit, ritwal, laro, sining, mga produkto ng mga katutubo at maging mga demonstrasyon ng pagluluto ng kanilang mga pagkain.

Ayon kay Felipe, ang Dayaw 2012 naglalayon na itanghal ang kahalagahan at mayamang katutubong kalinangan maging ang mga usapin at hamon na kinakaharap ng mga katutubo sa panahong ito.

Layunin nito na maipakita ang mga tradisyunal na karunungan upang magsilbing inspirasyon sa paghanap ng solusyon sa mga makabagong suliranin; at mapagyaman ang kaalaman ng iba pang grupo katulad ng mga Tagalog at mamamayan ng kalakhang Maynila.

Sinabi pa ni Felipe na daan-daang kinatawan ng mga grupo ng katutubo mula sa ibat-ibang panig ng bansa ang darating sa Bulacan sa tatlong araw na pagdiriwang.

Ito ay kinabibilangan ng mga katutubong Gaddang, Isinay, Tinggian, Itneg, Ibanag, Yogad, Itawit, Malaweg, Ivatan, Bugkalot, Isnag, Kalinga, Ifugao, Ibaloi, Kankanaey, Balangao, Bontok, Applai, Ayta, Mangyan, Palawani, Molbog, Jama Mapun, Tagbanua, Pala’wan, Batak, Cuyunon, Agta, Ati, Panay Bukidnon, Waray, Abaknon, Yakan, Subanen, Manobo, Higaonon, Bagobo, Mandaya, Mansaka, B’laan, Sangir, Ata Manobo, T’boli, Teduray, Arumanen, Mamanwa, Maranao, Magindanao, Iranun at mga Tausug.

Kabilang sa mga gawaing inihanada ng NCCA sa tatlong araw na pagdiriwang sa loob ng bakuran ng kapitolyo ng Bulacan ay ang pagtatanghal ng mga katutubong sayaw at awit, katutubong Laro, Kuwentuhan sa Sari-Sari Store, Dayaw Tyange, impormal na talakayan at pagbebenta ng ibat-ibang produktong katutubo.

Magsasagawa rin ng pormal na talakayan sa Capitol Gymansium kung saan ay tatalakayin ang mga paksa hinggil sa Community-based Tourism Program na naglalayoing maghatid ng trabaho s amga katutubo; usapin sa climate change; talakayan sa pagbuo ng Department of Education (DepEd) ng kurikulum para sa mga katutubo.

Magsasagawa rin ng mga pagtatanghal ang ilang grupo ng katutubo sa SM City Baliwag, SM City Marilao at sa Robinsons Pulilan.

Sa Capitol Gymansium, mapapanood ang mga piling pelikula mula sa Cinemalaya hinggil sa mga katutubo, at ang sarwelang Bulakenyo na tinawag na Kakarong ay mapapanood sa Nicanor Avelardo Auditorium sa ikalawang palapag ng gat Blas Ople Building.

Bawat taon, pinangungunahan ng NCCA ang pagdiriwang ng Buwan ng mga katutubo sa iba-ibang bahagi ng bansa sa pamamagitan ng Dayaw.  Ang pagdiriwang ay ayon sa itinatakda ng Presidential Proclamation 1906, na nagdeklara sa buwan ng Oktubre bilang buwan ng mga katutubo.

Noong 2007, isinagawa ang Kalimudan: Panaghi-usa sa Mindanao  o Mindanao Indigenous Peoples’ Gathering na isinagawa sa lungsod ng Davao Citykung saan ay itinampok ang mga katutubo sa Mindanao.

Noong 2008, isi9nagawa sa Lungsod ng Santiago sa isabela anf Timpuyog: Indigenous Peoples’ Month Celebration  sa Luzon kung saan ay itinampok ang mga katutubo sa Luzon.

Noong 2009, isinagawa ang “Dungog” o ang Indigenous Peoples’ Festival  sa Lungsod ng Roxas sa Capiz.

Ang Dayaw 2010 ay isinagawa sa Kalakhang Maynila, at noong 2011, ito ay isinagawa sa Lungsod ng Tagum sa Davao del Norte.  (dino balabo)

No comments:

Post a Comment