Monday, January 21, 2013

PAROLA NG SAN ROQUE: Halos dalawang taon ng nakabuwal at lubog sa tubig




HAGONOY, Bulacan—Hiniling ng mga residente ng bayang ito ang agarang rehabilitasyon sa parola ng Barangay San Roque na halos dalawang taon ng nakabuwal at nakalubog sa tubig.

Ang kahilingang ito ay nabatid ng Mabuhay ilang araw matapos makumpuni ang parola sa Barangay Pugad na halos walong taong walang dingas.

Ang parola ng Barangay San Roque ay dating nakatayo sa bunganga ng Ilog ng Angat River palabas ng Manila Bay na naghahati sa mga lalawigan ng Bulacan at Pampanga.

Ang hangganan ng Bulacan at Pampanga ay ang Barangay San Roque sa bayang ito at Barangay Sapang Kawayan sa bayan ng Masantol, Pampanga.

Ang parola naman sa Pugad ay ay malapit asa hangganan ng Hagonoy at Paombong, abot tanaw sa Barangay Masukol ng Paombong.

Ayon sa mga bantay palaisdaan at mangingisda sa Barangay San Roque, ang parola ay tuluyan nabuwal sa panahon ng pananalasa ng bagyong Pedring noong Setyembre 2011.

Sa kanilang pahayag kay Cesar Villanueva, ang Chief of Staff ni Gob. Wilhelmino Alvarado, pinag-agawan pa ng ilang residente at mangingisda ang baterya ng nasabing parola matapos na ito ay mabuwal.

Kasama ang Mabuhay, nagsagawa ng inspeksyon si Villanueva sa baybayin ng Bulacan mula sa Pugad at Tibaguin sa gawing timog at San Roque sa gawing hilaga noong Disyembre 29.

Bahagi ng layunin ng inspeksyon ni Villanueva ay ang pagtukoy sa mga lugar sa baybayin ng lalawigan na mapagtataniman ng libo-libong puno ng bakawan.

Ayon sa mga mangingisda, lubhang mahalaga para sa kanila ang parola kung gabi.

Ito ay dahil sa ang parola ang nagsisilbing gabay nila.

Iginiit pa nila na kailangan ang agarang pagkilos upang muling maitayo ang parola sa San Roque dahil mas marami ang naseserbisyuhan nito.

Ayon sa mga mangingisda, mas marami sa kanila ang pumapalaot sa dagat sa pamamagitan ng pagdaan sa wawa ng San Roque dahil ito ay mas malapit sa mga barangay ng San Pascual, San Roque, Sta, Cruz at Sto. Rosario.

Para naman kay Villanueva, sinabi niyang agad niyang ipababatid kay Alvarado ang kalagayan ng parola upang magawan ng kaukulang aksyon.  (Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment