Sunday, January 27, 2013

Philippine Dome at paglipat ng ABS-CBN sa Bulacan, tanda ng kaunlaran


Ang itinatayong Philippine Dome ng Iglesia ni Cristo na matatagpuan sa Bocaue, Bulacan.



MALOLOS—Umaasa ang Bulacan sa higit na madaragdagan ang negosyo sa lalawigan sa napipintong paglipat ng ABS-CBN Network  sa taong ito at pagtatapos ng Philippine Dome ng Iglesia ni Cristo sa susunod na taon.

Bukod sa mga ito, kinukunsidera din ng negosyanteng si Ramon Ang ang pagtatayo ng isang international port sa baybayin ng lalawigan.

Ayon kay Gob. Wilhelmino Alvarado, malaki ang posibilidad na magsimula ang pagli[pat ng ABS-CBN sa Lungsod ng San Jose Del Monte sa taong ito.

Ito ay dahil sa ang nasabing television network ay may pag-aaraing 100 ektrayang lupain sa nasabing lungsod.

Sa kanyang lingguhang palatuntunan sa Radyo Bulacan na isinasahimpapawid tuwing Sabado, sinabi ng gobernador na hindi na makakaiwas sa malawakang kaunalaran ang Bulacan.

“Ang  trend ng  economic development ngayon ay  going north of Manila and Bulacan is poised to benefit from it,” ani Alvarado.

Sinabi niya sa kanilang pag-uusap ni Gabi Lopez, ang pangulo ng ABS-CBN, binanggit nito ang planong paglipat ng television network sa lungsod ng SJDM.

Hindi binanggit ni Alvarado kung saan sa nasabing lungsod lilipat ang television network, ngunit ayon sa mga resident eng nasabing lungsod na malaki ang posibilidad na ang lipatan ay ang New Town subdivision sa Barangay Bagong Bayan ng nasabing lungsod.

Ang nasabing subdivision ay pag-aari ng pamilya Puyat na sinimulang i-debelop noong dekada 70 ngunit hindi naibenta dahil sa nabubugahan ito ng mga pabrika ng semento noong mga panahong iyon. 

Sa kasalukuyan ay wala na ang mga nasabing pabrika ng semento.

Ayon kay Alvarado, balak ng ABS-CBN na magtayo ng malaking studio sa SJDM na makakahalintulad ng Universal Studios sa Estados Unidos.

Ang lumang gusali naman ng television network sa Lungsod ng Quezon ay gagamiting commercial space tulad ng call center.

Idinagdag pa ng gobernador na sa kanilang pag-uusap ni Lopez, isa sa mga naging katanungan nito ay kung maaapektuhan ng planning international port ni Ramon Ang ang magiging lokasyon ng kanilang studio.

Nguniy sinabi umano ni Alvarado na hindi dahil ang proyekto ni Ang ay ilalatag sa baybayin ng Bulacan.

Bukod naman sa dalawang higanteng proyekto, inaasahang matatapos sa susunod na taon ang Philippine Dome ng Iglesia ni Cristo sa bayan ng Bocaue.

Ang nasabiong dome ay sinasabing pinakamalaki sa buong mundo.

Ito ay inaasahang pasisinayaan sa susunod na taon kaugnay ng pagdiriwang ng ika-100 anibersaryo ng pagkakatatag ng Iglesia ni Cristo.

Bukod sa nasabing dome, nakaplano at itinatayo na rin ang konstruksyon ng malaking pagamutan, sports complex at pamantasan sa tabi ng pasilidad ng Philippine Dome.

Kaugnay nito, itinanggi naman ni Mayor Patrick Meneses na may itatayong malaking port sa baybayin ng bayan ng Bulakan.

Sinabi niya na hindi totoo ang nasabing balita.

Ngunit ayon sa mga resident eng nasabing bayan, marami na ang namimili ng palaisdaan sa baybayin ng nasabing bayan at kabilang doon ang ilang kaanak at kaibigan ni Meneses.  (Dino balabo)

No comments:

Post a Comment