Monday, June 9, 2014

Diwa at konsepto ng kalayaan ng bansa, nagmula kay Plaridel





MALOLOS—Kailan at kanino nagsimula ang mga katagang “malaya” at “kalayaan” sa Pilipinas?

Ito ang pangunahing katanungan inilahad ni King Cortez, isang mananaliksik kaugnay ng nalalapit na pagdiriwang ng ika-116 guning taon ng pagdiriwang ng kalayaan ng bansa sa Hunyo 12.

Kaugnay nito, inaasahang pangungunahan ni Pangulong Benigno Aquino III ang pagdiriwang sa ng Araw ng Kalayaan sa Bicol, samantalang si Metropolitan Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino ang inaasahang magsisilbing panauhing pandangal sa makasaysayang simbahan ng Barasoain.

Makakasama ni Tolentino si Technical Education Skills and Development Authority (TESDA) Director General Joel Villanueva na napabilang sa listahang may 100 kongresistang nasasangkot sa pork barrel scam.

Batay sa pananaliksik ni Cortez, ang mga Tagalog na katagang “malaya” at “kalayaan” ay nagmula sa dakilang Bulakenyong bayani na si Gat Marcelo H. Del Pilar na siya ring panglalawigang bayani ng Bulacan.

Ang 35-anyos na si Cortez ay nagtapos ng kursong BA Communication sa Universidad De Manila at kasalukuyang nagtuturo din sa nasabing pamantasan.

Siya ay nagtrabaho bilang isang security guard sa Macau, naging bahagi ng mga samahang nagboboluntaryo saibat-ibang bansa at napasama sa komite sa pagdiriwang ng ika-150 kaarawan ni Andres Bonifacio noong nakaraang taon.

Sa kanyang pagtuturo sa UdM, naging kontrobersyal si Cortez dahil sa ang kanyang karaniwang bihis ay uniporme ng isang security guard.

“Pag nagtuturo po akoay nagugulat ang mga estudyante at kapwa guro dahil nakasuot security guard ako,” aniya.

Kabilang sa kaniyang itinuturo ay ang kasaysayan kung saan at tampok ang mga bunga ng kanyang pananaliksik.

Kabilang dito ay ang pinagmulan ng mga salitang “malaya” at “kalayaan.”

Sa esklusibong panayam ng Mabuhay kay Cortez, nilinaw niya na unang nalathala sa pahayagang Diaryong Tagalog ang mga nasabing kataga.

Ang Diaryong Tagalog ay inilathala ni Del Pilar sa Maynila noong 1882.

Ayon pa kay Cortez, ang paglalathala ng mga salitang “malaya” at “kalayaan” ay nakapaloob sa artikulong “Amor Patrio” na isinalin ni Del Pilar sa Tagalog—Pag-ibig sa Tinubuang Lupa.

“Before na ma-publish sa Dirayong Tagalog ni Del Pilang ang mga salitang “malaya” at “kalayaan”, di alam ng mga Pilipino, maging ng mga personalidad  tulad ni Rizal ang salitang iyon.  Si Del Pilar ang nagpa-uso ng “malaya” at “kalayaan” at sa kanya nagsimulaang konsepto nito.”ani Cortez.

Bilang patunay na hindi alam ni Rizal ang mga nasabing salita, ipinakita ni Cortez ang sipi ng liham ng bayani sa kanyang kapatid na si Paciano na kanyang sinulat sa Leipzig, Alemanya noong Oktubre 12, 1886.

Narito ang nailalaman ng liham ni Rizal kay Paciano, “Kuya, ipinadadala ko sa iyo ang aking salin ng William Tell ni Friedrich Schiller sa Tagalog. Kayo na ng ating mga bayaw ang magwasto nito. Marami akong salitang di na alam dahil wala akong makausap ng Tagalog dito. Kulang ang aking mga salita, halimbawa para sa salitang "freiheit" o "liberty" (sa Ingles). Hindi ko magamit ang salitang "kaligtasan" dahil nangangahulugan ito na napiit siya, o naging esclavo kaya. Natuklasan ko sa salin ng "Amor Patrio" (nalathala sa Diariong Tagalog noong 1882) ang salitang "malaya, kalayaan" na ginamit ni Marcelo del Pilar. Sa kaisa-isang aklat na dala-dala ko-- ang Florante -- wala akong nakitang katulad na salita.”

Bilang patunay na lingid sa mga Pilipino angmga salitang “malaya” at “kalayaan,” binanggit din ni Cortez ang mga naunang sipi ng mga diksyunaryong Pilipino-Espanyol.

Kabilang dito ang diksyunaryong nilimbag ni Tomas Pinpin noong 1610, at nina Buenaventura noong 1613, at Noceda noong 1860.

“Walang salitang kalayaan sa mga diksyunaryong unang nilimbag nina Pinpin, Buenaventura at Noceda,” ani Cortez.

Iginiit niya nab ago ilathalat ni Del Pilar ang Dirayong Tagalog, ang salitang “freedom” sa Ingles ay hindi nangangahulugan ng “kalayaan” sa tagalog.

Ang katumbas ng salitang Ingles na “freedom”  sa salitang Kastila “libertad”, at ang salitang Ingles na “free” ay “libre” sa salitang Kastila.

Muli, bago ilathala ni Del Pilar ang Diaryong Tagalog, ang salitang Kastilang “Libertad” ay isinalin sa tagalog ng Vocabulario de Lengua Tagala ni Buenaventura bilang “Camaharlicaan,” “Libre,” “Timaua,” at “Maharlica.”

Ang salitang Kastilang “Libertar” at isinalin sa Tagalog ng Vocabulario de Lengua Tagala ni Noceda bilang “Timaua,” at  “mahadlica” o timawa at maharlika.  (Dino Balabo)

1 comment:

  1. THIS IS NOT KING CORTEZ'S RESEARCH. Your article states that this information came from the research of Mr. Cortez. That is absolutely incorrect and untrue. This is the research work by National Artist Rio Almario! This video from the November 30, 2012 celebration of Gat Andres Bonifacio's birthday proves that. I strongly advise that you watch the video. I hope Mr. Almario is reading this article, too so he can see that his good work is being claimed by someone else. https://www.youtube.com/watch?v=4z3gh-u2ivc

    ReplyDelete