Saturday, June 14, 2014

2 gusali ng ICSM naabo, higit sa P20-M ang pinsala




MALOLOS— Tinupok ng apoy sa loob lamang ng halos tatlong oras noong Biyernes ang dalawang gusali ng Immaculate Conception School of Malolos (ICSM) na sa loob ng mahigit 70 taon ay nagsilbing bantayog sa paghubog sa mga kabataan sa lungsod na ito.

Tinatayang aabot naman sa mahigit P20-M ang halaga ng pinsala ng sunog na umabot ng anim na oras bago tuluyang naapula, samantlang isang rumespondeng bumbero ang nasugatan sa sunog na umabot ng ikatlong alarma.

Kaugnay nito, tiniyak ng pamunuan ng ICSM na magbabalik sa klase ang may 1,600 mag-aaral nito sa loob ng dalawang linggo makaraang magpalabas ng pahayag ilang oras matapos ang sunog.

Nag-alok naman ng mga pasilidad ang pamahalaang lungsod ng Malolos para pansamantalang magamit ng  ng mga mag-aaral, ngunit mas pinili ng pamunuan ng paaralan ang pasilidad ng Simbahan ng Barasoain na kanilang isasaayos sa susunod na isang linggo.

Himala namang nakaligtas sa sunog ang katabing Basilica Minore na noong 1899 ay ipinasunog ni dating Heneral Antonio Luna habang tumatakas ang mga rebolusyunaryo mula sa paparating na puwersa ng mga Amerikano.


Ang Basilica Minore na dating kilala bilang Katedral ng Malolos,ang sentro ng pamunuan ng Diyosesis ng Malolos sa Bulacan at Lungsod ng Valenzuela.

Ang sunog sa ICSM ay nagsimula bandang alas-3 ng madaling araw noong Biyernes,Hunyo 13.  Ang apoy nito ay nakontrol sa ganap na alas-5:09 ng umaga at tuluyang naapula sa ganap na alas-9:14 ng umaga.

Ayon sa security guard ng City of Malolos Water District (CMWD) na nakilalang si Abdul Hassan, nagsimula ang sunog ng magliyab ang kawad ng kuryente sa poste sa labas ng bakod ng paaralan.

Ito ay agad na gumapang sa dalawang gusali at sa loob lamang ng ilang oras ay natupok ito.

Kinatigan ni Monsignor Pablo Legazpi, rector ng ICSM ang pahayag ni Hassan ng kanyang sabihing mabilis ang pagkalat ng apoy dahil sa malakas ang hangi at yari sa kahoy ang dalawang gusali.

Ikinuwento niya na ang dalawang gusali ay itinayo noong 1937.


Hinggil sapinamulan ng sunog, sinabi ni Legazpi na tuwing gabi ay ibinababa nila ang breaker ng kuryente sa mga gusali upang walang dumaloy na kuryente.

Ito raw ay bahagi ng kanilangpag-iingat sa dalawang matandang gusali na yari sa kahoy na nasunog.

Nilinaw pa ni Legazpi na kapapalit lamang nila ng mga kawad ng kuryenteng nakainstalasyon sa gusali, bukod pa sa magkakahiwaly ang linya para sa ilaw, bentilador at mga airconditioners upang matiyak na hindi iyon mag-o-overload.

Sa kanyang pagtaya, aabot sa mahigit P20-M ang halaga ng ari-ariang nasunog kasama ang limang sasakyang ginagamit para sa pagsundo at paghahatid sa mga mag-aaral.

Batay naman sa pahayag ng Bureau or Fire Protection (BFP) walang tao sa loob ng paaralan ng maganap ang sunog, ngunit isang rumespondeng bumbero ang nasugatan sa pag-apula sa apoy.

Siya ay nakilalang si FO1 Edward Sullivan ng BFP-Malolos.

Kinatigan din ng BFP-Malolos ang mabilis na pagkalat ng apoy, kaya’t sa umpisa pa lang ng sunog ay itinaas na nila sa ikatlong alarma ang pagtawag ng saklolo sa mga kapwa bumbero.

Sa kasalukuyan patuloy pa ang imbestigasyon ng BFP upang matukoy ang pinagmulan ng sunog.  Dino Balabo

No comments:

Post a Comment