MALOLOS—Hindi
lamang isang progandista si Gat Marcelo H. Del Pilar, siya ang utak ng
Katipunan.
Ito
ang bunga ng masusing pananaliksik ni King Cortez sa mga nalathala at hindi
nalathalang salaysay ng mga kasapi ng Kataas-taasang
Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK) patungkol kay Del Pilar
na kilala rin sa kanyang pangalan sa panulat na Plaridel.
Bukod
dito, ipinaliwanag ni Cortez na ang kilusang Propaganda na pinangunahan nina
Plaridel, Mariano Ponce, Dr. Jose Rizal at Graciano Lopez-Jaena sa Espanya ay
hindi hiwalay sa Kilusang Katipunan sa Pilipinas na iniuugnay ng mga aklat
pangkasaysayan kay Gat Andres Bonifacio.
Sa
halip, ang Kilusang Propaganda ay bahagi ng Samahang Katipunan na kumilos sa
Pilipinas, Espanya at Hongkong na ang pangulo
ay si Plaridel na siya ring may inisyatiba ng pagtatayo nito.
Bilang
isang kilusan, ang Samahang Katipunan ay may sariling Saligang Batas,
istraktura ng gobyerno, at mga sistema dahil ang pangunahing layunin nito ay
mapabagsak ang noo’y naghaharing pamahalaang Kastila sa bansa, at mapalitan ng
pamahalaan ng mga Pilipino.
Ngunit
ang layuning ito ng Samahang Katipunan ay lihim at nasa dulo na ng agenda, at
ang nasa una at ang pangharap na layunin ay isinulong ng kilusang Propaganda sa
pamamagitan ng kampanya sa Espanya upang
magkaroon ng reporma sa Pilipinas.
“Buong-buo
ang plano ni Marcelo H. Del Pilar para sa pagpagpapalaya sa bayan at
pagkakaroon ng mga Pilipino ng sariling pamahalaan. Lahat ng kilos nila ay nakaplano at may
malinaw na layunin,” sabi ni Cortez sa isang esklusibong panayam.
Bahagi
ng mga plano ni Plaridel ay ang pagsusulong ng reporma bago magsagawa ng
rebolusyon.
Ipinaliwanag
ni Cortez na sa kabila na si Plaridel ay nakilala bilang isang dakilang
propagandista, hindi nakahiwalay ang kilusang ito sa kilusang Kaitpunan sa
bansa at maging isa ibayong dagat.
Iginiit
niya na batay sa mga nalathalang libro,ang kilusang propaganda na bahagi lamang
ng mas malawak na kilusang Katipunan na ang pagtatayo ay nagmula sa inisyatiba
ni Plaridel.
Bilang
patunay, ipinakita niya ang nilalaman ng nalathalang salaysay ni Aguedo del
Rosario, isa sa mga unang kasapi ng KKK.
Batay
sa salaysay ni Del Rosario, ang Katipunan ay itinatag noong Hulyo 7,1892 sa
pangunguna nina Deodato Arellano, Teodoro Plata, Ladislao Diwa, Valentin Diaz
at Andres Bonifacio sa pamamagitan ng inisyatiba ng abogadong si Plaridel na
noo’y nasa Barcelona kasama ng iba pang Pilipinong nagsasagawa ng kampanya para
sa reporma sa Pilipinas.
Sa
nasabi ring salaysay, inihayag ni Del Rosario ang layunin ng Katipunan na
magkamit ang Pilipinas ng lehitimong reporma na magpapaunlad sa mga kondisyon
sa bansa noon; at sa huli ay mapalaya ang Pilipinas sa pamamahala ng Espanya.
“Malinaw
sa pahayag ni Aguedo Del Rosario na si Del Pilar ang utak o mastermind ng
pagbubuo at pagtatayo ng Katipunan, pero ang dahil nasa Espanya siya noon, ang
nanguna dito sa Pilipinas ay ang bayaw niyang si Deodato Arellano at sina
Bonifacio,” ani Cortez.
Bukod
dito, binanggit din ni Cortez ang bahagi ng librong inilathala ni Father John
Schumacher patungkol sa Katipunan kung saan ay sinabi nito na ang propaganda ay
“the first step rather than the ultimate goal.”
Binigyang
diin pa niya na batay sa mga nalathalang tala ng kasaysayan, sumali na lamang
si Bonifacio sa Samahang Katipunan na nagpapatunay na hindi siya ang nagbuo at
nagtatag nito.
Ayon
pa kay Cortez, ang pahayag na ito ni Del Rosario na inilathala ng National
Historical Commission of the Philippines (NHCP) ay nagpapatunay na hindi lamang
isang inspirasyon sa Katipunan ang panulat ni Plaridel, sa halip ay may
direktang partisipasyon ang panglalawigang bayani ng Bulacan.
Batay
sa iba pang tala, hindi naputol sa inisyatiba ang partisipasyon ni Plaridel sa
Katipunan, sa halip ay siya ang umakda ng by-laws o mga batas nito, maging ng
Kodigo penal ng Katipunan na ang mga kopya ay nakuha ng mga Kastilang sumalakay
sa pinagtataguan ng mga dokumento ni Bonifacio matapos mabunyag ang Kilusang
Katipunan.
Ayon
kay Cortez, ang pag-akda ng mga patakaran at Saligang Batas ng Katipunan ay isa
sa mga kontribusyon ni Plaridel bilang isang matagumpay na abogado.
Dahil
ang mga impormasyong ito ay hindi na bago, iginiit ni Cortez na maging sina
Epifanio Delos Santos, Renato Constantino at ang manunulat ng kasaysayan na si
Zaide ay alam ang mga ito.
Ngunit
isa man sa kanila ay walang tumindig at nagpakilala kay Plaridel bilang utak ng
Katipunan.
Batay
sa kanyang pananaliksik, ang mga paninindigan ni Plaridel ay nagsimula sa
Bulacan kaya’t sinabi niya na ang konsepto ng pagkabansa ng Pilipinas ay
nagmula sa Bulacan.
Binigyang
diin niya na batay sa mga ulat ng mga Kastila sa Bulacan, si Plaridel at ang kanyang kaanak na
si Luis Del Pilar ay ang mga “di na nasusulat na batas sa Bulacan.”
Ito
ay nangangahulugan na kahit walang opisyal na posisyong hinahawakan sina
Plaridel sa Bulacan ay sila ang nasusunod.
“Isang
edukadong lider at mula sa pamilyang ilustrado si Del Pilar, pero ang kanyang
husay at galing ay napag-ugnay niya ang pagiging edukado at ilustrado sa masang
Pilipino. Nakatuntong ang kanyang mga paa sa lupa at hindi nanatili sa pedestal
ng mga ilustrado. Kaya ilustrado man o mayaman at mahirap,
maging mga Kastila ay pinakikinggan siya. Ganyan kalaki ang impluwensiya ni
Plaridel, siya ang kingpin sa Bulacan noong panahon niya,” ani Cortez.
Bilang
patunay na si Plaridel ang di nasusulat na batas sa Bulacan, binanggit ni Cortez
ang bahagi ng nilalaman ng aklat na inilathala ng Bulakenyong si Antonio
Valeriano.
Sa
libro din ni Valeriano natala ang plano ni Plaridel para sa Katipunan kung saan
ay binigyang diin niya ang dalawang kilusan nakikilos sa liwanag at sa
dilim—ito ay ang kilusang Propaganda na kumilos sa liwanag at Kilusang
Katipunan na kumilos ng palihim hanggang sa nabunyag.
Iginiit
pa niya na batay sa mga tala, may pagkakataon sa Malolos na halos ay dalawang
buwan na walang nagpapabinyag dahil sa utos ni Plaridel na nagpapatunay ng
kanyang impluwensiya maging sa mga masa.
Batay
naman sa salaysay ni Mariano Ponce, sinabi ni Cortez na si Plaridel ang nagturo
sa kanila (Ponce) ng pagmamahala sa tinubuang lupa.
Ang
pagtuturong ito ay naganap sa Distrito Trozo ng Tondo malapit sa bakuran ng
University of Santo Tomas (UST) sa Maynila kung saan ay natira si Plaridel sa
bahay ni Padre Maraino Sevilla noong 1880.
Ang
nasabing distrito, ayon kay Cortez ay pugad ng mga Pilipinong may makabayang
kaisipan katulad nina Pedro Serrano-Laktaw, Emilio Jacinto, Jose Dizon, Macario
Sakay, Jose Ramos, Jose Rizal at marami pang iba.
Sa
nasabi ring lugar unang nabuo ang plano sa pagtatayo ng masonriya sa Pilipinas
noong 1891 na pinangunahan nina Serrano-Laktaw at Ramos; at ang La Liga
Filipina.
Batay
sa pananaliksik ni Cortez, ang diwa ng masonriya ay isa sa mga pundasyon ng
Katipunan, na pinayabong ng edukasyon dahil ang Distrito Trozo ay malapit
lamang sa UST. Dino Balabo
No comments:
Post a Comment