Showing posts with label Plaridel. Show all posts
Showing posts with label Plaridel. Show all posts

Wednesday, July 2, 2014

PLARIDEL: Hindi lang propagandista, siya ang utak ng Katipunan





MALOLOS—Hindi lamang isang progandista si Gat Marcelo H. Del Pilar, siya ang utak ng Katipunan.

Ito ang bunga ng masusing pananaliksik ni King Cortez sa mga nalathala at hindi nalathalang salaysay ng mga kasapi ng Kataas-taasang Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK) patungkol kay Del Pilar na kilala rin sa kanyang pangalan sa panulat na Plaridel.

Bukod dito, ipinaliwanag ni Cortez na ang kilusang Propaganda na pinangunahan nina Plaridel, Mariano Ponce, Dr. Jose Rizal at Graciano Lopez-Jaena sa Espanya ay hindi hiwalay sa Kilusang Katipunan sa Pilipinas na iniuugnay ng mga aklat pangkasaysayan kay Gat Andres Bonifacio.

Sa halip, ang Kilusang Propaganda ay bahagi ng Samahang Katipunan na kumilos sa Pilipinas, Espanya at Hongkong na ang pangulo  ay si Plaridel na siya ring may inisyatiba ng pagtatayo nito.

Bilang isang kilusan, ang Samahang Katipunan ay may sariling Saligang Batas, istraktura ng gobyerno, at mga sistema dahil ang pangunahing layunin nito ay mapabagsak ang noo’y naghaharing pamahalaang Kastila sa bansa, at mapalitan ng pamahalaan ng mga Pilipino.

Ngunit ang layuning ito ng Samahang Katipunan ay lihim at nasa dulo na ng agenda, at ang nasa una at ang pangharap na layunin ay isinulong ng kilusang Propaganda sa pamamagitan ng kampanya sa Espanya  upang magkaroon ng reporma sa Pilipinas.

“Buong-buo ang plano ni Marcelo H. Del Pilar para sa pagpagpapalaya sa bayan at pagkakaroon ng mga Pilipino ng sariling pamahalaan.  Lahat ng kilos nila ay nakaplano at may malinaw na layunin,” sabi ni Cortez sa isang esklusibong panayam.

Bahagi ng mga plano ni Plaridel ay ang pagsusulong ng reporma bago magsagawa ng rebolusyon.


Ipinaliwanag ni Cortez na sa kabila na si Plaridel ay nakilala bilang isang dakilang propagandista, hindi nakahiwalay ang kilusang ito sa kilusang Kaitpunan sa bansa at maging isa ibayong dagat.

Iginiit niya na batay sa mga nalathalang libro,ang kilusang propaganda na bahagi lamang ng mas malawak na kilusang Katipunan na ang pagtatayo ay nagmula sa inisyatiba ni Plaridel.

Bilang patunay, ipinakita niya ang nilalaman ng nalathalang salaysay ni Aguedo del Rosario, isa sa mga unang kasapi ng KKK.

Batay sa salaysay ni Del Rosario, ang Katipunan ay itinatag noong Hulyo 7,1892 sa pangunguna nina Deodato Arellano, Teodoro Plata, Ladislao Diwa, Valentin Diaz at Andres Bonifacio sa pamamagitan ng inisyatiba ng abogadong si Plaridel na noo’y nasa Barcelona kasama ng iba pang Pilipinong nagsasagawa ng kampanya para sa reporma sa Pilipinas.

Sa nasabi ring salaysay, inihayag ni Del Rosario ang layunin ng Katipunan na magkamit ang Pilipinas ng lehitimong reporma na magpapaunlad sa mga kondisyon sa bansa noon; at sa huli ay mapalaya ang Pilipinas sa pamamahala ng Espanya.

“Malinaw sa pahayag ni Aguedo Del Rosario na si Del Pilar ang utak o mastermind ng pagbubuo at pagtatayo ng Katipunan, pero ang dahil nasa Espanya siya noon, ang nanguna dito sa Pilipinas ay ang bayaw niyang si Deodato Arellano at sina Bonifacio,” ani Cortez.

Bukod dito, binanggit din ni Cortez ang bahagi ng librong inilathala ni Father John Schumacher patungkol sa Katipunan kung saan ay sinabi nito na ang propaganda ay “the first step rather than the ultimate goal.”

Binigyang diin pa niya na batay sa mga nalathalang tala ng kasaysayan, sumali na lamang si Bonifacio sa Samahang Katipunan na nagpapatunay na hindi siya ang nagbuo at nagtatag nito.

Ayon pa kay Cortez, ang pahayag na ito ni Del Rosario na inilathala ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ay nagpapatunay na hindi lamang isang inspirasyon sa Katipunan ang panulat ni Plaridel, sa halip ay may direktang partisipasyon ang panglalawigang bayani ng Bulacan.

Batay sa iba pang tala, hindi naputol sa inisyatiba ang partisipasyon ni Plaridel sa Katipunan, sa halip ay siya ang umakda ng by-laws o mga batas nito, maging ng Kodigo penal ng Katipunan na ang mga kopya ay nakuha ng mga Kastilang sumalakay sa pinagtataguan ng mga dokumento ni Bonifacio matapos mabunyag ang Kilusang Katipunan.

Ayon kay Cortez, ang pag-akda ng mga patakaran at Saligang Batas ng Katipunan ay isa sa mga kontribusyon ni Plaridel bilang isang matagumpay na abogado.

Dahil ang mga impormasyong ito ay hindi na bago, iginiit ni Cortez na maging sina Epifanio Delos Santos, Renato Constantino at ang manunulat ng kasaysayan na si Zaide ay alam ang mga ito.

Ngunit isa man sa kanila ay walang tumindig at nagpakilala kay Plaridel bilang utak ng Katipunan.
 
Ang mananaliksik na si King Cortez.
Batay sa kanyang pananaliksik, ang mga paninindigan ni Plaridel ay nagsimula sa Bulacan kaya’t sinabi niya na ang konsepto ng pagkabansa ng Pilipinas ay nagmula sa Bulacan.

Binigyang diin niya na batay sa mga ulat ng mga Kastila sa  Bulacan, si Plaridel at ang kanyang kaanak na si Luis Del Pilar ay ang mga “di na nasusulat na batas sa Bulacan.”

Ito ay nangangahulugan na kahit walang opisyal na posisyong hinahawakan sina Plaridel sa Bulacan ay sila ang nasusunod.

“Isang edukadong lider at mula sa pamilyang ilustrado si Del Pilar, pero ang kanyang husay at galing ay napag-ugnay niya ang pagiging edukado at ilustrado sa masang Pilipino. Nakatuntong ang kanyang mga paa sa lupa at hindi nanatili sa pedestal ng  mga ilustrado.  Kaya ilustrado man o mayaman at mahirap, maging mga Kastila ay pinakikinggan siya. Ganyan kalaki ang impluwensiya ni Plaridel, siya ang kingpin sa Bulacan noong panahon niya,” ani Cortez.

Bilang patunay na si Plaridel ang di nasusulat na batas sa Bulacan, binanggit ni Cortez ang bahagi ng nilalaman ng aklat na inilathala ng Bulakenyong si Antonio Valeriano.

Sa libro din ni Valeriano natala ang plano ni Plaridel para sa Katipunan kung saan ay binigyang diin niya ang dalawang kilusan nakikilos sa liwanag at sa dilim—ito ay ang kilusang Propaganda na kumilos sa liwanag at Kilusang Katipunan na kumilos ng palihim hanggang sa nabunyag.

Iginiit pa niya na batay sa mga tala, may pagkakataon sa Malolos na halos ay dalawang buwan na walang nagpapabinyag dahil sa utos ni Plaridel na nagpapatunay ng kanyang impluwensiya maging sa mga masa.

Batay naman sa salaysay ni Mariano Ponce, sinabi ni Cortez na si Plaridel ang nagturo sa kanila (Ponce) ng pagmamahala sa tinubuang lupa.

Ang pagtuturong ito ay naganap sa Distrito Trozo ng Tondo malapit sa bakuran ng University of Santo Tomas (UST) sa Maynila kung saan ay natira si Plaridel sa bahay ni Padre Maraino Sevilla noong 1880.
 
Ang nasabing distrito, ayon kay Cortez ay pugad ng mga Pilipinong may makabayang kaisipan katulad nina Pedro Serrano-Laktaw, Emilio Jacinto, Jose Dizon, Macario Sakay, Jose Ramos, Jose Rizal at marami pang iba.

Sa nasabi ring lugar unang nabuo ang plano sa pagtatayo ng masonriya sa Pilipinas noong 1891 na pinangunahan nina Serrano-Laktaw at Ramos; at ang La Liga Filipina.

Batay sa pananaliksik ni Cortez, ang diwa ng masonriya ay isa sa mga pundasyon ng Katipunan, na pinayabong ng edukasyon dahil ang Distrito Trozo ay malapit lamang sa UST. Dino Balabo

Monday, June 9, 2014

Diwa at konsepto ng kalayaan ng bansa, nagmula kay Plaridel





MALOLOS—Kailan at kanino nagsimula ang mga katagang “malaya” at “kalayaan” sa Pilipinas?

Ito ang pangunahing katanungan inilahad ni King Cortez, isang mananaliksik kaugnay ng nalalapit na pagdiriwang ng ika-116 guning taon ng pagdiriwang ng kalayaan ng bansa sa Hunyo 12.

Kaugnay nito, inaasahang pangungunahan ni Pangulong Benigno Aquino III ang pagdiriwang sa ng Araw ng Kalayaan sa Bicol, samantalang si Metropolitan Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino ang inaasahang magsisilbing panauhing pandangal sa makasaysayang simbahan ng Barasoain.

Makakasama ni Tolentino si Technical Education Skills and Development Authority (TESDA) Director General Joel Villanueva na napabilang sa listahang may 100 kongresistang nasasangkot sa pork barrel scam.

Batay sa pananaliksik ni Cortez, ang mga Tagalog na katagang “malaya” at “kalayaan” ay nagmula sa dakilang Bulakenyong bayani na si Gat Marcelo H. Del Pilar na siya ring panglalawigang bayani ng Bulacan.

Ang 35-anyos na si Cortez ay nagtapos ng kursong BA Communication sa Universidad De Manila at kasalukuyang nagtuturo din sa nasabing pamantasan.

Siya ay nagtrabaho bilang isang security guard sa Macau, naging bahagi ng mga samahang nagboboluntaryo saibat-ibang bansa at napasama sa komite sa pagdiriwang ng ika-150 kaarawan ni Andres Bonifacio noong nakaraang taon.

Sa kanyang pagtuturo sa UdM, naging kontrobersyal si Cortez dahil sa ang kanyang karaniwang bihis ay uniporme ng isang security guard.

“Pag nagtuturo po akoay nagugulat ang mga estudyante at kapwa guro dahil nakasuot security guard ako,” aniya.

Kabilang sa kaniyang itinuturo ay ang kasaysayan kung saan at tampok ang mga bunga ng kanyang pananaliksik.

Kabilang dito ay ang pinagmulan ng mga salitang “malaya” at “kalayaan.”

Sa esklusibong panayam ng Mabuhay kay Cortez, nilinaw niya na unang nalathala sa pahayagang Diaryong Tagalog ang mga nasabing kataga.

Ang Diaryong Tagalog ay inilathala ni Del Pilar sa Maynila noong 1882.

Ayon pa kay Cortez, ang paglalathala ng mga salitang “malaya” at “kalayaan” ay nakapaloob sa artikulong “Amor Patrio” na isinalin ni Del Pilar sa Tagalog—Pag-ibig sa Tinubuang Lupa.

“Before na ma-publish sa Dirayong Tagalog ni Del Pilang ang mga salitang “malaya” at “kalayaan”, di alam ng mga Pilipino, maging ng mga personalidad  tulad ni Rizal ang salitang iyon.  Si Del Pilar ang nagpa-uso ng “malaya” at “kalayaan” at sa kanya nagsimulaang konsepto nito.”ani Cortez.

Bilang patunay na hindi alam ni Rizal ang mga nasabing salita, ipinakita ni Cortez ang sipi ng liham ng bayani sa kanyang kapatid na si Paciano na kanyang sinulat sa Leipzig, Alemanya noong Oktubre 12, 1886.

Narito ang nailalaman ng liham ni Rizal kay Paciano, “Kuya, ipinadadala ko sa iyo ang aking salin ng William Tell ni Friedrich Schiller sa Tagalog. Kayo na ng ating mga bayaw ang magwasto nito. Marami akong salitang di na alam dahil wala akong makausap ng Tagalog dito. Kulang ang aking mga salita, halimbawa para sa salitang "freiheit" o "liberty" (sa Ingles). Hindi ko magamit ang salitang "kaligtasan" dahil nangangahulugan ito na napiit siya, o naging esclavo kaya. Natuklasan ko sa salin ng "Amor Patrio" (nalathala sa Diariong Tagalog noong 1882) ang salitang "malaya, kalayaan" na ginamit ni Marcelo del Pilar. Sa kaisa-isang aklat na dala-dala ko-- ang Florante -- wala akong nakitang katulad na salita.”

Bilang patunay na lingid sa mga Pilipino angmga salitang “malaya” at “kalayaan,” binanggit din ni Cortez ang mga naunang sipi ng mga diksyunaryong Pilipino-Espanyol.

Kabilang dito ang diksyunaryong nilimbag ni Tomas Pinpin noong 1610, at nina Buenaventura noong 1613, at Noceda noong 1860.

“Walang salitang kalayaan sa mga diksyunaryong unang nilimbag nina Pinpin, Buenaventura at Noceda,” ani Cortez.

Iginiit niya nab ago ilathalat ni Del Pilar ang Dirayong Tagalog, ang salitang “freedom” sa Ingles ay hindi nangangahulugan ng “kalayaan” sa tagalog.

Ang katumbas ng salitang Ingles na “freedom”  sa salitang Kastila “libertad”, at ang salitang Ingles na “free” ay “libre” sa salitang Kastila.

Muli, bago ilathala ni Del Pilar ang Diaryong Tagalog, ang salitang Kastilang “Libertad” ay isinalin sa tagalog ng Vocabulario de Lengua Tagala ni Buenaventura bilang “Camaharlicaan,” “Libre,” “Timaua,” at “Maharlica.”

Ang salitang Kastilang “Libertar” at isinalin sa Tagalog ng Vocabulario de Lengua Tagala ni Noceda bilang “Timaua,” at  “mahadlica” o timawa at maharlika.  (Dino Balabo)

Saturday, January 25, 2014

Quarantine dapat ipatupad sa Bulacan upang di kumalat ang kurikong sa mangga





GUIGUINTO, Bulacan—Dapat ng ipatupad sa Bulacan ang isang quarantine o ang pagbabawal ng paglalabas ng mga aning mangga upang mapigilan ang pagkalat ng isang sakit na tinatawag ng mga magsasaka na “kurikong.”

Ang panawagan ay iginiit ng mga magsasaka matapos isama ang ilang piling mamamahayag sa taniman ng mangga sa Barangay Pritil sa bayang ito upang patunayan ang lawak ng pinsalang hatid ng mapanirang sakit.

Bukod sa bayang ito, ang iba pang bayan at lungsod sa lalawigan ay nakapagtala na rin ng sakit na kurikong tuladng Plaridel, Pulilan, at Malolos.

Ngunit ang kakatwa sa kalagayan ng pagkalat ng mapanirang sakit samanggahan ay ang kawalan ng impormasyon ng mga opisyalng agrikkultura sa lalawigan at sa mga bayan at lungsod.

Isa sa kanila ang nagsabi pa ng “eh hindi namin alam, hindi naman nila (magsasaka) ipinapaalaam sa amin.”

Ang pahayag na ito ay ipinabatid ng Mabuhay sa mga opisyal sa lalawigan partikular na kay Gob. Wilhelmino Alvarado na agad na nag-utos na pulungin ang mga Municipal Agriculture Officers sa Bulacan upang masuri ang kalagayan.


Ang utos ay inilabas ni Alvarado matapos magbanta ang mga magsasakang mangga sa Malolos at Guiguinto na puputulin nila ang mga sanga ng mangga nila at itatambak sa paradahan ng gobernador sa kapitolyo upang bigyan diin ang kawalan ng monitoring ng mga opisyal ng agrikultura na hindi nagpupunta sa mga barangay upang makita ang problemang mga magsasaka.

“Malawakna po ang pinsala,maraming bayan na ang infested ng kurikong,” sabi ni Melencio Domingo ang tagapangulo ng Malolos City Agriculture and Fisheries Council (MCAFC).

Dahil sa nabanggit na kalagayan,iisa na lamang ang nakikitang solusyon ng magsasakang tulad ni Domingo.

“Dapat ng mag-quarantine, ipagbawal na ang paglalabas ng mangga mula sa Bulacan para hindi mahawa ang ibang bayan at lalawigan,” sabi ni Domingo na isa rin kontratista na nagbobomba ng gamot sa manggahan.


Ang panawagan ni Domingo patungkol sa pagpapatupad ng quarantine ay may kaugnayan sa pahayag ng mga opisyal ng agrikultura sa Bulacan at Gitnang Luzon.

Ayon kina Cristina Geronimo ng Provincial Agriculture Office at Felicito Espiritu ng Department of Agriculture (DA) sa Gitnang Luzon, wala pang natutukalsang gamot laban sa sakit na kurikong.

Ang nasabing sakit ay tinatawag na “bulutong”, “inarmalite” at “patse sa ibang bahagi ng Bulacan.

Sa ibang lalawigan ito ay tinatawag na “Gloria Gloria”o kaya ay “Nora Nora”.

Ito ay dahil sa ang sakit na kurikong ay nakakahalintulad ng itim na nunal namukha ng tao, tulad nina dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at artistang si Nora Aunor.

Ayon kay Domingo, ang sakit na kurikong ay nagmula sa lalawigan ng Batangas noong unang bahagi ng dekada 90.

Noong 1999, umabot na ito sa Lungsod ng San Jose Del Monte sa Bulacan at mula noon hanggang sa kasalukuyang ay sinasabing ito ang pangunahing pumipinsala samanggahan sa Bulacan.

Batay sa mga unang pahayag ng opisyal ng agrikultuira sa Bulacan,tinatayang ang sakit na kurikong ay dulot ng pagkalbo ng kabundukan.


Ito ay dahil sa ang cecid fly na nagsasanhi nito ay dating matatagpuan sa kabundukan at sa pagkasira at pagkaubos ng mga puno sakanundukan ay lumipat ito sa mga manggahan sa kapatagan.

Dahil wala pang gamot o pestisidyong natutuklasan laban sa sakit na dulot ng cecid fly,  ipinapayo ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic  and Nature Resources Research and Development (PCARRD) ang pagsasagawa ng paglilinins ng mga lilim ng mangga, bukod pa sa pruning o pagbabawas ng sanga ng mangga.

Ayon sa mga dalubhasa ng PCARRD, ang cecid fly ay karaniwang nananatili sa mga damuhan sa lilim ng mangga,kaya’t kung lilinisin iyong ay mawawala ito.

Ang pruning naman ay ipinapayo dahil sa pagtaya na ang cecid fly ay takot sa sinag ng araw at kapag binawasan ang mga sanga at dahon ng punon ay nagbabalik ito sa mga damuhan.

Ayon sa PCARRD, ang cecid fly ay nakakalintuladng lamok at karaniwang nangingitlog sa mga dahon ng mangga.

Kapag ang itlog ng cecid fly ay napisa,ang larvae nito ay nagsisiksik sa mga dahon at bumubutas.

Bumubutas din sa bunga ang larvae ng cecid fly at nagiiwan ito ng itim na sugat o patse.  Dino Balabo

Saturday, September 28, 2013

Bahang may lalim na 60 feet ang magpapalubog sa Bulacan pag nasira ang dam?



  

HAGONOY, Bulacan—Alam ba ninyo kung gaano kalalim ang bahang magpapalubog sa Bulacan kung sakaling masisira ang Angat Dam?

May nagsasabing depende sa lugar, pero may nagsasabing isa hanggang 30 metro ang lalim ng bahang raragasa pag nasira ang Angat Dam na matatagpuan sa bulubunduking bahagi ng bayan ng Norzagaray. 

Batay sa ulat ng Tonkin & Taylor International, ang kumpanyang nagsagawa ng anim na buwang feasibility study sa Angat Dam, ang ang bahang may lalim na 10 hangang 30 metro ay maaring maranasan sa mga bayan ng Angat, Bustos, Baliwag, San Rafael at Plaridel.

Sa ibabang bahagi naman ng Ilog Angat kung saan matatagpuan ang mga bayan ng Calumpit, Hagonoy, at Paombong ay tinatayang aabot lamang sa isa hanggang aqpat na metro ang lalim. 

Ang bawat isang metro ay katumbas ng tatlong talampakan kaya’t ang 20 metro o 30 metro ay nakakatumbas ng 60 hanggang 90 talampakan.

Ngunit batay sa pag-aaral ni Inhinyero Roderick Dela Cruz, ang ulat ng Tonkin & Taylor ay posibleng bumaba ng 20 metro o tumaas pang 20 metro. 

Ito ay ang tinatawag na margin of error na ayon sa ulat ay 20 meters plus or minus.
  
Ayon kay Dela Cruz, walang dapat ipangamba kung ang ulat ng Tonkin & Taylor ay lalabas na minus 20 meters.

Ito ay nangangahulugan na halos walang baha sa bayan ng Hagonoy na sinasabing lulubog sa isa hanggang apat na metrong lalim ng baha.
  
Ngunit paano kung ang pagtaya ng Tonkin & Taylor ay mali at ang lumabas na baha ay plus 20 meters.

“Delikado yan, wala na tayong mapupuntahan,” ani Dela Cruz ngunit iginiit na “hindi na tinatakot natin ang taumbayan, dapat lang kasi na nauunawaan natin ang mga posibilidad upang mas higit tayong handa.”
  
Ilan sa mga pinagbabasihan ni Dela Cruz ng pananaw na posibleng maging plus 20 meters ang bahang ihahatid ng posibleng pagkasira ng dam ay ang karanasan noong 1978 at nitong 2011 kung kailan nanalasa ang mga bagyong Pedring at Quiel.


Matatandaan na noong Oktubre 1978, lumubog sa anim hanggang pitong talampakang baha ang bayan ng Hagonoy matapos ang bagyong Kading dahil sa nagkamali ang namamahala sa Angat Dam.
  
Batay sa tala, aksidenteng napalaki ang bukas sa floodgate ng ng Angat Dam at tumapon ang 5,000 cubic meters per second ng tubig sa Ilog Angat na naging sanhi ng pagkasawi ng may 100 katao at pagkasalanta ng maraming ari-arian.

 Noonfg 2011, lumubog sa tatlo hanggang limang talampakang baha ang Hagonoy dahil sa pagpapatapon ng may 1,500 cms a tubig ng Angat Dam.

 “Simpleng subjective analysis lang ito, kung 5,000 cms ipinatapon ng Angat Dam noong 1978 at lumubog sa halos dalawang metrong baha ang Hagonoy, paano kung masira ang dam,” sabi ni Dela Cruz.

 Batay sa tala ng National Power Corporation, ang Angat Dam ay may kakayahang magtinggalng mahigit sa 800-milyong kubiko metro ng tubig; at ito ay posibleng rumagsang lahat kung masisira ang dam.

 Ayon kay Dela Cruz, tinataya ng Tonkin & Taylor na aabot sa 22,000 cms ng tubig ang tatapon sa Angat River pag nasira ang dam.

 Ito ay nangangahulugan na posibleng umabot sa 20 metro o 60 talampakang lalim ng tubig ang maghpalubog sa bayan ng Hagonoy dahil noong 1978 ay 5,000 cms lamang ang tumapon ngunit halos dalawang metro ang lalim na nagpalubog sa nasabing bayan.


 Sa kabila ng pagsusuring ito,ipinayo ni Dela Cruz ang dagdag na pag-aaral upang higit na matantiyan ang posibleng baha na ihatid ng pagkasira ng dam.

 Binigyang diin niya na hindi ito maaring ipagwalang-bahala dahil buhay at kamatayan ang nakataya.

 Matatandaan na ilang araw bago manalsa ang bagyong Ondoy sa kalakhang Maynila at mga bayan ng Sta.Maria,Marilao,Bocaue at Lungsod ng Meycauayan noong Setyembre 2009 ay naging bisita ng Sangguniang Panglalawigan ng Bulacan si Dr. Renato Solidum, ang direktor ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

 Sa kanyang pahayag sa Sangguniang Panglalawigan na noo’y pinamumunuan ni Bise Gob. Wilhelmino Alvarado, nagbabala si Solidum na dapat paghandaan ng Bulacan ng posibilidad na masira ang Angat Dam.

 Sa panayam ng Mabuhay matapos ang kanyang presentasyon sa Sangguniang Panglalawigan, itinanong kung anogn antas ng paghahanda ang dapat gawin ng Bulacan.

Ayon kay Solidum,” Bulacan must prepare for the worst!” Dino Balabo