Showing posts with label repair. Show all posts
Showing posts with label repair. Show all posts

Saturday, February 1, 2014

Angat rehab masisimulan na raw, paglilipat sa K-Water ng pamamahala sa ARHEPP naantala


Angat Dam



MALOLOS—Paulit-ulit na inihayag ng may pagbubunyi ni Gob. Wilhelmino Alvarado na masisimulan ang pagkukumpuni sa Angat Dam.

Ngunit ang tanong ay kailan at sino ang gugugol sa pagpapakumpuni samantalang nag-alangan ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa paghahandang pondong P5.7-Bilyon noong nakaraang taon.

Kaugnay nito,muling naantala ang pagsasalin sa Korea Water Resources Corporation (K-Water)ng pamamahala sa sa Angat River Hydro Electric Power Plant (ARHEPP) nitong Enero.

Matatandaan na noong Disyembre ay inihayag ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM) na na maisasalin sa K-Water ang pamamahala sa ARHEPP bago matapos ang Enero.

Ngunit bago matapos ang Enero, muling nagapalabas ng pahayag ang PSALM na sa Marso na magsisimula ang pamamahala ng K-Water sa ARHEPP.

Noong Enero 23, isiningit ni Alvarado sa kanyang talumpati sa harap ng libo-libong Bulakenyo na masisimula na ang implementasyon ng pagkukumpuni sa Angat Dam.

Ang talumpati ni Alvarado ay kanyang binigkas sa pagdiriwang ng ika-115 guning taon ng Araw ng Republika sa makasaysayang simbahan ng Barasoain.

Ang pahayag na ito ay inulit pani Alvarado sa sakanyang lingguhang pagsasahimpapawid sa Radyo Bulacan noong Sabado, Pebrero 1.

Engr. Dela Cruz and Gov. Alvarado
Sa kanyang pahayag sa himpapawid, sinabi ni Alvarado na maaaring masimulan na sa buwan ng Mayo pagpapasubasta para sa rehabilitasyon ng Angat Dam.

 Ngunit ito ay depende kung matutuloy ang pagsasalin sa K-Water ng pamamahala sa ARHEPP sa Marso.

Ayon kay Alvarado, pinag-uusapan na sa Malakanyang ang mabilisang pagpapasubasta sa rehabilitasyon matapos maging pormal ang paghawak sa pamamahala ng K-Water.

Batay naman sa mas naunang pahayag ni Inhiyero Roderick Dela Cruz, isang dam safety expert na Bulakenyo na kasalukuyang nakabase sa Estado Unidos, hindi simple ang pagpapakumpuni sa Angat Dam.

Ito ay dahil sa hindi pa nagbibigay ng opisyal na pahayag ang K-Water na inaako nila ang responsibilidad na sila ang gagastos sa pagpapakumpuni sa dam.

Ngunit ayon kay Arkitekto Gerardo Esquivel, administrador ng MWSS, kasama sa kontrata ng K-Water ang responsibilidad sa pagpapakumpuni sa dam.

Bukod dito, binigyang pansin din ni Dela Cruz ang proseso ng pagsasagawa ng rehabilitasyon.

Sinabi niya sa Mabuhay na ito ay nangangailangan ng mas masusi at mahabang pag-aaral upang matukoy ang pinakamalakas na lindol na maaaring magpayanig sa dam.

Kung matutukoy ang lakas ng lindol, magsisimula ang pagbuo ng disenyo sa dam na hindi kayang sirain ng pinakamalakas na linsol na lilikhain ng pagggalaw ng Marikina West Valley Fault line na may 200 metro lamang ang layo sa pangunahing dike ng dam.

Matatanda na noong Disyembre 2011 ay sinimulan ng Tonkin and Taylor at ng Engineering and Development Corporation of the Philippines(EDCOP) ang pag-aaral sa katatagan ng dam.

Ang nasabing pag-aaral o feasibility study na pinondohan ng PSALM ng $1-M ay natapos noong Mayo 2012 o makalipas ang anim buwan.

Angat dike cross section
Ayon kay Dela Cruz, “hindi sa wala akong tiwala, pero masyadong maikli ang pag-aaral na isinagawa.”

Bibigyang diin niya na sa Estados Unidos kung saan ay 80 dam ang kanyang pinamamahalaan, kapag magsasagawa ng rehabilitasyon, inaabot sila ng tatlong taon sa pagsasagawa ng pag-aaral.

Ang pananaw na ito ay inayunan ng isang mataas na opisyal na National Power Corporation (Napocor) at ni Alvarado.

Binigyang diin ng opisyal ng Napocor na masyadong mababaw ang pag-aaral sa katatagaan ng dam.

Dahil dito, sinabi ni Dela Cruz na posibleng hindi kilalanin ng K-Water ang pag-aaral na isinagawa ng Tonkin and Taylor at ng EDCOP.

Ngunit iginiit din niya na maaaring dagdagan pa ng K-Water ang nauang pag-aaral na isinagawa upang matukoy ang tinatawag na probable maximum  earthquake o ang posibleng pinakamalakas na lindol na magpapayanig sa dam.

Kaugnay nito, sinabi Noel Ortigas, executive vice president ng EDCOP na kasalukuyan ng nagsasagawa ng trenching o pag-aaral ang Philippine Institute of Volacanology and Seismology (Phivolcs) sa kahabaan ng WMVF.   (Dino Balabo)

Wednesday, March 27, 2013

HANGING BRIDGE: P5-M gugugulin sa malawakang pagkukumpuning hinihintay


 

CALUMPIT, Bulacan—Limang milyong piso na ang inihanda ng administrasyong Aquino para sa pagpapakumpuni ng hanging bridge na nag-uugnay sa mga barangay ng bayang ito at ng bayan ng Hagonoy.

Ngunit sa kabila na matagal nang naihanda ang nasabing piondo ay hindi pa rin ito na nailalabas upang magugol sa pagpapakumpuni ng nasabing hanging bridge na muling nasira noong Marso 3.

Ayon kay Gob. Wilhelmino Alvarado, ang nasabing pondo ay mula sa pondo ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC).

Ito ay nakakatulad ng pondo na ipagkakaloob din sana ng Malakanyang sa isa pang gobernador para sa pagpapakumpuni rin ng tulay.

Ngunit hindi rin nailabas ang nasabiong pondo dahil sa nagkaroon ng kalaban sa halalan sa Mayo ang nasabing punong lalawigan.

“Maghintay na lang tayo ng ilang panahon, marerelease na yung pondo para sa Iba hanging bridge.”ani Alvarado.

Ngunit sa pananaw ng ibang Bulakenyo,hindi na kailangan ang pondo mula sa NDRRMC upang maisagawa ang malawakang pagpapakumpuni sa Iba hanging bridge.

Ito ay dahil sa ang pondo ng pamahalaang panglalawigan para sa kalamidad ay umaabot sa mahigit P100-M bawat taon.

Ang calamity fund ng bawat pamahalaang lokal ay limang porsyento ng kabuuang pondo sa isang taon.

Batay sa impormasyong naipon ng Mabuhay,umaabot sa halos P3-Bilyon ang pondo ng kapitolyo sa taong 2012.


Batay sa mas naunang pahayag, sinabi ni Kapitan Celerino Fajardo ng Iba, Hagonoy na ang nasabing hanging bridge ay sinimulang itayo noong 1997.

Sa pananalasa ng malalim napagbahang hatid ng Bagyong Pedring noong 2011,nasira at pumalipit ang hanging bridge matapos bumalandra sa ilalim nito ang maraming waterlily na tinangay ng agos.

Noong Enero ay sinimulan ng kapitolyoang inisyal na pagpapakumpuni sa hanging bridge, ngunit nito Marso 3 at nasira ang pamakuan o girder nito sa gitna.

Dahil dito, nagsagawa ng pansamantalang pagkukumpuniang pamahalaang barangay ng Iba, Hagonoy.

Ngunit binigyang diin ni Fajardo na kailangan pa rin ang malawakang pagpapakumpuni.

Monday, January 21, 2013

PAROLA NG SAN ROQUE: Halos dalawang taon ng nakabuwal at lubog sa tubig




HAGONOY, Bulacan—Hiniling ng mga residente ng bayang ito ang agarang rehabilitasyon sa parola ng Barangay San Roque na halos dalawang taon ng nakabuwal at nakalubog sa tubig.

Ang kahilingang ito ay nabatid ng Mabuhay ilang araw matapos makumpuni ang parola sa Barangay Pugad na halos walong taong walang dingas.

Ang parola ng Barangay San Roque ay dating nakatayo sa bunganga ng Ilog ng Angat River palabas ng Manila Bay na naghahati sa mga lalawigan ng Bulacan at Pampanga.

Ang hangganan ng Bulacan at Pampanga ay ang Barangay San Roque sa bayang ito at Barangay Sapang Kawayan sa bayan ng Masantol, Pampanga.

Ang parola naman sa Pugad ay ay malapit asa hangganan ng Hagonoy at Paombong, abot tanaw sa Barangay Masukol ng Paombong.

Ayon sa mga bantay palaisdaan at mangingisda sa Barangay San Roque, ang parola ay tuluyan nabuwal sa panahon ng pananalasa ng bagyong Pedring noong Setyembre 2011.

Sa kanilang pahayag kay Cesar Villanueva, ang Chief of Staff ni Gob. Wilhelmino Alvarado, pinag-agawan pa ng ilang residente at mangingisda ang baterya ng nasabing parola matapos na ito ay mabuwal.

Kasama ang Mabuhay, nagsagawa ng inspeksyon si Villanueva sa baybayin ng Bulacan mula sa Pugad at Tibaguin sa gawing timog at San Roque sa gawing hilaga noong Disyembre 29.

Bahagi ng layunin ng inspeksyon ni Villanueva ay ang pagtukoy sa mga lugar sa baybayin ng lalawigan na mapagtataniman ng libo-libong puno ng bakawan.

Ayon sa mga mangingisda, lubhang mahalaga para sa kanila ang parola kung gabi.

Ito ay dahil sa ang parola ang nagsisilbing gabay nila.

Iginiit pa nila na kailangan ang agarang pagkilos upang muling maitayo ang parola sa San Roque dahil mas marami ang naseserbisyuhan nito.

Ayon sa mga mangingisda, mas marami sa kanila ang pumapalaot sa dagat sa pamamagitan ng pagdaan sa wawa ng San Roque dahil ito ay mas malapit sa mga barangay ng San Pascual, San Roque, Sta, Cruz at Sto. Rosario.

Para naman kay Villanueva, sinabi niyang agad niyang ipababatid kay Alvarado ang kalagayan ng parola upang magawan ng kaukulang aksyon.  (Dino Balabo)