Showing posts with label rehab. Show all posts
Showing posts with label rehab. Show all posts

Wednesday, July 2, 2014

ANGAT REHAB UPDATE: Naantala ang rehab dahil di pa natuloy ang take-over ng K-Water sa ARHEPP





NORZAGARAY, Bulacan—Posibleng bigyan pa ng dagdag na panahon ng gobyerno ang Korean Wate Resources Corporation (K-Water) upang maisalin dito ang pamamahala sa Angat River Hydro Electric PowerPlant (Arhepp).

Ito ay dahil muling nabigo nitong Mayo 25 ang K-Water na pormal na kunin ang pamamahala mula sa National Power Corporation (Napocor).

Dahil dito, apektado ang planong rehabilitasyon sa Angat Dam na ayon sa mga opisyal ay hindi masisimulan hanggang hindi natatapos ang pagsapribado sa Arhepp.

Kaugnay nito, matatapos sa buwan ng Hulyo ang 270 araw na palugit na itinakda ng Power Sector Assets and Liabilities Management (Psalm) Corporation upang maisagawa ang pagsasapribado ng Arhepp na matatagpuan sa bayang ito.

Ayon kay Inhinyero Rodolfo German, general manager ng Arhepp, nabigo ang pagsasapribado ng Arhepp noong Abril at Mayo dahil hindi pa nakumpleto ang papeles ng  K-Water.

Kabilang dito ang pagkuha ng business permit mula sa pamahalaang bayan ng Norzagaray na noong unang bahagi ng taon ay tumangging magbigay hanggat hindi pa nababayaran ng K-Water ang milyong-milyon pisong buwis na dapat sana ay binayaran ng Napocor sa panahon ng pamamahala nito sa Arhepp.

Ayon kay German, naging mabagal ang proseso dahil ang bawat hakbang ng K-Water ay isinasangguni pa sa punong tanggapan nito sa Seoul, South Korea.

Ito ay kinatigan ni Gob. Wilhelmino Alvarado at Vice Mayor Arthur Legazpi ng bayang ito.

Ayon dalawa, pansamantala munang hindi sisingilin ng buwis ang K-Water, at hahayaan muna na makapagsimula ng operasyon.

“Humingi pa raw ng approval sa main office nila sa Seoul,” ani Alvarado.

Kaugnay nito, dalawa ang posibleng mangyari kapag natapos ang 270 araw na palugit na ipinagkaloob ng Psalm sa K-Water upang makuha ang pamamahala.

Una ay posibleng mawalang bisa ang kontrata nito, at ikalawa ay posibleng palawigin ng gobyerno ang itinakdang palugit.

Ngunit ayon sa ilang source, kapag pinawalang bisa ang kontrata ng K-Water  ay lalong maaantala ang planogn rehabilitasyon sa dam dahil muling ipapasubasta ang pagsasapribado sa Arhepp.

Para sa mga opisyal ng Napocor, mas malaki ang posiblidad na palawigin ang palugit na ipinagkaloob sa K-Water.

“Most likely ay bigyan ng extension,” ani Gladys Cruz-Sta. Rita, ag pangulo ng Napocor.

Gayunpaman, sinabi ni Cruz-Sta. Rita na umaasa sila matutupad sa Hulyo ang pagsasapribado na ang proseso ay nasimulan bago pa siya manungkulan bilang pangulo ng Napocor.

Kinatigan din ni German ang pananaw ito, at iginiit na hanggat hindi natatapos ang pagsasapribado sa Arhepp, patuloy na maaantala ang panukalang rehabilitasyon sa Angat Dam.

“Siyempre, tiyak na made-delay din yung planong rehab sa dam,” ani German.

Binigyang diin ni German na bahagi ng responsibilidad sa pagugol para sa rehabilitasyon ng dam ay maaatang sa K-Water.

Nilinaw din niya na hindi tuluyang iniurong ng gobyerno ang pondong P5.7-Bilyon para sa rehabilitasyon ng dam.

“Nandiyan pa rin yung pondo, pero hindi ginagalaw hanggat hindi natatapos ang usapin sa privatization ng Arhepp,” aniya.

Batay sa naunang pahayag ng ilang matataas na opisyal ng Napocor, pansamantalang iniurong ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) noong nakaraang taon matapos katigan ng Korte Suprema ang K-Water bilang winning bidder sa pagsasapribado ng Arhepp.

Ayon sasource, kung nasimulan ang rehabilitasyon sa dam at nagastos ang pera tiyak na makakasuhan ang mga opisyal ng MWSS dahil lalabas na dalawang ahensiya ng nagpondo sa rehabilitasyon ng dam.

“Kaya medyo inurong muna nila yung P5.7-B, pero nandiyan pa rin naman at hindi ginagastos,” ayon pa sa source.

Ayon naman sa isa pang source, ang halos P2-B lamang ang nakahandang gastusin ng K-Water para sa rehabilitasyon ng dam kaya magagamit pa rina ng malaking bahagi ng pondong P5.7-B na naunang inihanda ng MWSS.

Samantala, patuloy pa ring umaasa ang mga Bulakenyo na sa madaling panahon ay masisimulan ang rehabilitasyon sa dam upang mapawi ang kanilang pangamba.

Una rito, nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na posibleng masira ang Angat Dam kung gagalaw ang West Valley Fault Line (WVF) na posibleng lumikha ng lindol na may lakas na 8 magnitude.  Dino Balabo

Saturday, February 1, 2014

Angat rehab masisimulan na raw, paglilipat sa K-Water ng pamamahala sa ARHEPP naantala


Angat Dam



MALOLOS—Paulit-ulit na inihayag ng may pagbubunyi ni Gob. Wilhelmino Alvarado na masisimulan ang pagkukumpuni sa Angat Dam.

Ngunit ang tanong ay kailan at sino ang gugugol sa pagpapakumpuni samantalang nag-alangan ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa paghahandang pondong P5.7-Bilyon noong nakaraang taon.

Kaugnay nito,muling naantala ang pagsasalin sa Korea Water Resources Corporation (K-Water)ng pamamahala sa sa Angat River Hydro Electric Power Plant (ARHEPP) nitong Enero.

Matatandaan na noong Disyembre ay inihayag ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM) na na maisasalin sa K-Water ang pamamahala sa ARHEPP bago matapos ang Enero.

Ngunit bago matapos ang Enero, muling nagapalabas ng pahayag ang PSALM na sa Marso na magsisimula ang pamamahala ng K-Water sa ARHEPP.

Noong Enero 23, isiningit ni Alvarado sa kanyang talumpati sa harap ng libo-libong Bulakenyo na masisimula na ang implementasyon ng pagkukumpuni sa Angat Dam.

Ang talumpati ni Alvarado ay kanyang binigkas sa pagdiriwang ng ika-115 guning taon ng Araw ng Republika sa makasaysayang simbahan ng Barasoain.

Ang pahayag na ito ay inulit pani Alvarado sa sakanyang lingguhang pagsasahimpapawid sa Radyo Bulacan noong Sabado, Pebrero 1.

Engr. Dela Cruz and Gov. Alvarado
Sa kanyang pahayag sa himpapawid, sinabi ni Alvarado na maaaring masimulan na sa buwan ng Mayo pagpapasubasta para sa rehabilitasyon ng Angat Dam.

 Ngunit ito ay depende kung matutuloy ang pagsasalin sa K-Water ng pamamahala sa ARHEPP sa Marso.

Ayon kay Alvarado, pinag-uusapan na sa Malakanyang ang mabilisang pagpapasubasta sa rehabilitasyon matapos maging pormal ang paghawak sa pamamahala ng K-Water.

Batay naman sa mas naunang pahayag ni Inhiyero Roderick Dela Cruz, isang dam safety expert na Bulakenyo na kasalukuyang nakabase sa Estado Unidos, hindi simple ang pagpapakumpuni sa Angat Dam.

Ito ay dahil sa hindi pa nagbibigay ng opisyal na pahayag ang K-Water na inaako nila ang responsibilidad na sila ang gagastos sa pagpapakumpuni sa dam.

Ngunit ayon kay Arkitekto Gerardo Esquivel, administrador ng MWSS, kasama sa kontrata ng K-Water ang responsibilidad sa pagpapakumpuni sa dam.

Bukod dito, binigyang pansin din ni Dela Cruz ang proseso ng pagsasagawa ng rehabilitasyon.

Sinabi niya sa Mabuhay na ito ay nangangailangan ng mas masusi at mahabang pag-aaral upang matukoy ang pinakamalakas na lindol na maaaring magpayanig sa dam.

Kung matutukoy ang lakas ng lindol, magsisimula ang pagbuo ng disenyo sa dam na hindi kayang sirain ng pinakamalakas na linsol na lilikhain ng pagggalaw ng Marikina West Valley Fault line na may 200 metro lamang ang layo sa pangunahing dike ng dam.

Matatanda na noong Disyembre 2011 ay sinimulan ng Tonkin and Taylor at ng Engineering and Development Corporation of the Philippines(EDCOP) ang pag-aaral sa katatagan ng dam.

Ang nasabing pag-aaral o feasibility study na pinondohan ng PSALM ng $1-M ay natapos noong Mayo 2012 o makalipas ang anim buwan.

Angat dike cross section
Ayon kay Dela Cruz, “hindi sa wala akong tiwala, pero masyadong maikli ang pag-aaral na isinagawa.”

Bibigyang diin niya na sa Estados Unidos kung saan ay 80 dam ang kanyang pinamamahalaan, kapag magsasagawa ng rehabilitasyon, inaabot sila ng tatlong taon sa pagsasagawa ng pag-aaral.

Ang pananaw na ito ay inayunan ng isang mataas na opisyal na National Power Corporation (Napocor) at ni Alvarado.

Binigyang diin ng opisyal ng Napocor na masyadong mababaw ang pag-aaral sa katatagaan ng dam.

Dahil dito, sinabi ni Dela Cruz na posibleng hindi kilalanin ng K-Water ang pag-aaral na isinagawa ng Tonkin and Taylor at ng EDCOP.

Ngunit iginiit din niya na maaaring dagdagan pa ng K-Water ang nauang pag-aaral na isinagawa upang matukoy ang tinatawag na probable maximum  earthquake o ang posibleng pinakamalakas na lindol na magpapayanig sa dam.

Kaugnay nito, sinabi Noel Ortigas, executive vice president ng EDCOP na kasalukuyan ng nagsasagawa ng trenching o pag-aaral ang Philippine Institute of Volacanology and Seismology (Phivolcs) sa kahabaan ng WMVF.   (Dino Balabo)

Saturday, December 21, 2013

Pagkukumpuni sa Angat dam, masisimulan daw sa 2014





MALOLOS—Inaasahang masisimula sa susunod na taon ang pagkukumpuni sa Angat Dam matapos maisalin ang isasapribadong bahagi nito sa pamamahala ng Korrean Water Resources Corporation (K-Water) sa unang bahagi ng 2014.

Ngunit ang pahayag na ito ay posibleng hindi matuloy ayon sa naunang pahayag ng isang dam safety expert dahil mahaba pa ang prosesong dadaanan ng pagsasapribado at pagkukumpuni sa dam.

Sa isang pahayag na inilabas noong Disyembre 9 ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (Psalm), kabilang sa obligasyon ng K-Water ang pagsasagawa ng mandatory rehabilitation sa dam.

Ang K-Water  ay isang kumpanyang Koreano na nagkamit ng kontrata para pamahalaan ang bahagi ng 218 megawatt ng isinasapribadong Angar River Hydro Electric Power Plant (Arhepp)).

Ang Arhepp ay ang bahagi ng Angat Dam na ginagamit sa paglikha ng kuryente sa pamamagitan ng mga turbinang pinatatakbo ng tubig mula sa dam.

“Under the Angat HEPP operation and maintenance (O&M) agreement, K-Water has the obligation to perform the mandatory rehabilitation activities to make Angat dam and its related facilities conform to international standards,” sabi ni Emmanuel Ledesma, pangulo ng Psalm.

Nilinaw ni Ledesma na ang pagsasagawa ng pag-aaral sa katatagan ng Angat Dam ay isinagawa bago pa ipagkaloob ng Psalm ang kontrata sa K-Water.

Iginiit pa niya na maaaring gamitin ng K-Water ang mgas naunang pag-aaral hinggil sa katatagan ng  Angat Dam, at maaari din itong magsagawa ng sariling pag-aaral para sa pagbuo ng pinal na disenyo para sa pagpapatibay sa dam.

“K-Water under the O&M agreement for the non-power components, however, can engage the services of at least two independent consultants to conduct its own study,” sabi ni Ledesma.

Ayon pa sa pahayag ng Psalm, sinab i naman ni Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) administrator Gerardo Esquivel na, “Angat dam and dyke rehabilitation is one of the key infrastructure projects of the government which we’re hoping will start next year through K-Water.”

Ito, ayon kay Esquivel ay matapos magpulong ang mga kinatawan ng MWSS, PSALM, National Power Corp., K-Water  at pamahalaang panglalawigan ng Bulacan noong Nobyembre 20 hinggil sa implementasyon ng panukalang rehabilitasyon sa dam.


Ayon kay Esquivel, isinasapinalna nila ang mga iskedyul samantalang bumubo na ng modelo ng Angat Dam ang K-Water sa kanilang laboratoryo sa Korea.

Ang scale modeling dam ay inaasahang matatapos ngayong Disyembre, at pagkatapos nito ay magsasagawa ng pagsusuri ang K-Water sa mga impormasyong naipon na inaasahang matatapos sa Marso 2104.

“We already gave them a Tonkin and Taylor study. So using this study and their laboratory and whatever independent studies they have, then we’re ready to proceed with the project,” sabi ni Esquivel.

“So we hope in the middle of next year, they already have an actual method that will be used in the rehabilitation and the project will already start by then,” dagdag pa niya.

Ayon pa kay Esquivel, ang pagbuo ng disenyo at pagsasagawa ng rehabilitasyon sa dam ay tatagal ng 42 buwan.

Una rito, sinabi ni Inhinyero Roderick Dela Cruz, isang Bulakenyong dam safety expert na nakabase sa California na kung ang K-Water ang gagastos sa pagpapatibay sa Angat Dam ay maaaring matagalan ito.

Sinabi ni Dela Cruz na metikuloso ang mga K-Water dahil may sarili itong mga dalubhasa sa pag-aaral sa dam.

“May posibilidad na hindi gamitin ng K-Water ang pag-aaralna isinagawa ng Tonkin & Taylor dahil mas sanay silang gumawa ng pag-aaral sa dam,”sabi ni Dela Cruz patungkol sa anim na buwang feasilibity study sa katatagan ng dam.

Nilinaw niya na maikli ang anim na buwang  ginugol ng Tonkin & Taylor sa pagpaaral, at inihalimbawa na sa Estados Unidos, umaabot sa tatlong taon ang pag-aaral sa dam bago simula ang rehabilitasyon.

Isa sa binigyang pansin ni Dela Cruz ay ang kawalan ng site specific seismic study sa isinagawang pag-aaral ng Tonkin and Taylor.

Ang site specific seismic study sa Angat Dam ay lubhang mahalaga upang matukoy kung gaano kalakas ang lindol na ihahatid ng paggalaw ng MWVF.

Ayon pa kay Dela Cruz isinasaad ng Terms of Reference sa nasabing feasibility study na ang pangunahing dahilan ng pag-aaral ay upang matukoy ang katatagan ng dam.

Ngunit ayon kay Noel Ortigas, Executive Vice President ng Engineering and Development Corporation of the Philippines (Edcop), hindi sila nagsagawa ng site specific seismic study dahil nasasagawa na ng pag-aala ang Philippine Institute of Volcanology and Sesimology (Phivolcs) sa kahabaan ng MWVF.

Ito naman ay kinumpirma ni Inhinyero Romualdo Beltran ng Napocor Dam Management Division ng kanyang sabihing ngsasagawa ng trenching study ang Phivolcs sa MWVF.

Gayunpaman, sinabi ni Dela Cruz na gamitin man ng K-Water ang pag-aaral ng Tonkin and Taylor at Phivolcs, magsusuri pa rin ang K-Water upang matiyak ang katatagan ng dam.

Kasunod nito ay ang pagbuo ng disenyo at aktwal na rehabilitasyon.  Dino Balabo

Friday, October 11, 2013

Pagyanig ng Bustos dam, pinangangambahan

 
Bustos Dam

BUSTOS, Bulacan—Hindi pa man umaabot sa spilling level na 17.80 meters above sea level (masl) ang tubig sa Bustos Dam ay nagpapatapon ng ito ng tubig.

Ito ay bahagi ng pangangalaga sa nasabing dam na may anim na rubber gates, kaya’t ito ang itinuturing na longest rubber gate dam, sa buong Asya.

Ayon kay Inhinyero Precioso Punzalan ng National Irrigation Administration na siyang namamahala sa dam, iniiwasan nila na umbot sa 17.70 masl ang water elevation doon upang maiwasan ang pagyanig.

“Pag mataas ang water elevation, yumayanig ang mga rubber gates, lalo na pag may alon sa reservoir,” sabi ni Punzalan.
Engr. Punzalan habang kinakapanayam ng BulSU students

Ipinaliwanag niya na ang nasabig pagyanig ay maaaring maging sanhi ng pagkasira ng rubber gate dahil ang mga ito inflatable o may hangin sa loob at nakaturnilyo lamang.

“Siyempre, kagagalaw niyan dahil sa vibrations, maaaring masira yung pagkakaturnilyo at tuluyang matanggal ang rubber gate,” sabi niya.

Ito ay maaaring magbunga ng pagbaha sa mga bayan sa ibaba ng Ilog Angat, tulad ng mga bayan ng Pulilan, Calumopit at Hagonoy; bukod pa sa maaaring maging problema sa kakulangan sa patubig ng magsasaka sa panahon ng tag-araw.

Ayon kay Punzalan, kapag nabuksan ang isang rubber gate ng Bustos Dam ay tatapon ang 500 hanggang 600 cubic meters per second ng tubig.

Ang dami ng tubig na ito ay maaring maghatid ng pagbaha sa Calumpit at Hagonoy, depende sa kalagayanng ng panahon at lalim ng tubig sa kailugan.

Bukod sapag-iingat sa pagyanig ng mga rubber gate, iginiit pa ni Punzalan, sa talagang pinananatili nila ang water elevation sa dam upang hindi ito umabot sa lalim na 18 masl.

Ipinaliwanag niya na kapag umabot sa nasabing water elevation ang tubig sa dam, awtomatikong  iimpis ang dalawang inflatable rubber gate nito.


Ang pag-impis na ito ay magiging daan sa pagtapon ng 1,200 hanggang 1,500 cms na tubig depende sa lalimng tubig sa reservoir at kalagayan ng panahon.

Ang dami ng tubig na tatapon ay tiniyak ni Punzalan na muling magpapalubog s amga bayan ng Pulilan,Paombong, Hagonoy at Calumpit.

Matatandaan na noong 2011, lumubog ang mga nasabing bayan sa malalim na baha dahil sa pagpapatapon ng Bustos Dam ng 1,700 cms ng tubig hatid ng malakas na ulan ng Bagyong Pedring.

Ang 700cms na pinatapon ng Bustos Dam noon ay nagmula sa Angat Dam sa bayan ng Norzagaray.

Sa kabila namn ng unti-unting pagpapatapon ng tubig ng Bustos Dam, ipinaliwanag ni Punzalan, na hindi naman maaring pababain ng husto ang water elevation sa dam.

“Hanggang 17.40 masl lang ang pinakamababa naming dahil kailangang may tumapong tubig sa ibabaw ng rubber gates,”sabi niya.

Ipinaliwanag na Punzalan naang pagpapaapaw ng tubig sa rubber gates ay bahagi rin ng pangangalaga sa mga ito.

Ayon kay Punzalan,kailangan panatilihin nilang malamig ang rubber gate sa pamamagitanng pagpapaapaw ng tubig upang hindi ito direktang nasisinagan ng araw.

Katuladng ibang produktong yari sa goman, ang direktang sikat ng araw ay nagpaparupok sa rubber gate ng dam.

Inihalimbawa ni Punzalan ang sumabot na rubber gate dam sa Florida sa Estados Unidos.

Ang nasabing rubber gate ay halos kasabay na ikinabit ng rubber gates sa Bustos Dam.

Iyon ay nasira dahil init ng araw na halos nakakatulad ng panahon sa Pilipinas.


“Tropical country ang Pilipinas at halos nakakatulad ng panahon sa Florida kaya, maaring masira din agad ang mga rubber gates natin,” sabi niya.

Batay sa pag-aaral,ang rubber gates ay mag life span na 30 taon, ngunit ang sumabog sa Florida ay nasa 15 taon pa lamang.

“Dahil yan sa constant exposure to element katulad ng sunlight,”sabi niya.

Ang kalagayang ito ay ikinabahala ng mga opisyal ng NIAat ni Gob. Wilhelmino Alvarado kaya’t nanawagan sila sa Malakanyang para sa mabilisang pagpapakumpuni sa Bustos Dam.

Ito ay upang palitan ng kongkreto ang mga rubber gate.

Agad namang tumugon ang Malakanyang sa pamamagitan ng paglalaan ng may P1.5-Bilyong pondo.

Ngunit hanggang sa kasalukuyan ay  hindi panasisimulan ang pag-aaral sa gagawing disenyo sa dam, at hindi pa rinnasisimulan ang pagpapasubasta sapagkukuni nito.  Dino Balabo

PAALALA:  Ang artikulong ito ay unang nalathala sa October 4-10, 2013 edition ng Mabuhay.