Sunday, August 18, 2013

Misteryosong barko, sumadsad sa Malolos



LUNGSOD NG MALOLOS—Nababalot pa rin ng misteryo ang sumadsad na barko sa baybayin ng Barangay Pamarawan sa lungsod na ito sa kasagsagan ng bagyong Labuyo noong Lunes ng gabi, Agosto 12.

Ito ay dahil magkakasalungat na pahayag hinggil sa kung bakit ito napadpad at sumadsad sa lungsod na ito ay kung sino ang tunay na may ari.

Ang barko ay may pangalang MV Yuan Heng.

Batay sa mga ulat, ipinahayag ng pulisya ng Bulacan na ang barko ay dating nakapundo sa punduhan ng Mariveles sa lalawigan ng  Bataan at tinangay ng alon sanhi ng malakas na hangin ng bagyong Labuyo.

Dahil dito, lumalabas na napadpad lamang sa Pamarawan ang barko bandang alas-10 ng gabi noong Lunes.

Ngunit ayon sa mga mangingisda sa Pamarawan, bandang alas-10 ng gabi noong Lunes ng una nilang mamataan ang barko.

Sinabi ni Felipe Abdon, 57, isang mangingisda, na sa kabila ng malaking alon at madilim na gabi ay nakita niya ang barko mula sa kanyang bahay dahil may ilaw ang barko na halos dalawang kilometro ang layo sa kanyang bahay na matatagpuan sa baybayin.

Bukod rito,iginiit ni Ignacio Cruz, kapitan ng Barangay Pamarawan na may namataang kalalakihan sa barko ang ilang kabarangay niyang mangingisda noong Martes ng umaga.

Ito ay inayunan pa ni Mayor Christian Natividad ng lungsod na ito kung saan ay binanggit pa niyang may mga namataang armadong kalalakihan sa barko noong Martes ng umaga.

Ayon pa kay Natividad, imposible ang ilang pahayag na napadpad lamang ang barko at walang nakasakay doon ng sumadsad dahil na rin sa ang angkla nito sa harap at likod ay kapwa nakababa.

Isa sa pinagbasehan ni Natividad ay ang mga larawang kuha ng mamamahayag na noong Martes ng tanghali kung saan ay malinaw na makikita ang tanikala ng angkla ng barko.

Ang barko na naakyat at napasok ng pinasanib na elemento ng Malolos Police at ng Army Special Forces bandang alas 4:30 ng hapon noong Martes.

Ngunit ng ma[pasoknilaito ay natuklasang abandonadoang barko dahilni isang tripulante ay wala silang natagpuan sa barko.

Una rito, ilang beses na nagtangkang lumapit sa barko ang mga pulis at sundalo sakay ng bangkang de motor, ngunit napigilan ng malalaking alon.

Maging ang mamamahayag na ito, kasama ang dalawa pa ay nagtangkang lumapit sa barko sakay din ng bangka, ngunit napilitang bumalik sa pampang dahil muntik ng tumaob ang bangkang sinasakyan ng hampasin ng naglalakihang alon.

Hinggil sa pagmamay-ari ng barko, sinabi ni Natividad na hanggang noong Huwebes ng tanghali ay wala pa ring nakikipag-ugnayan sa kanila upang angkinin ang pagmamay-ari ng barko.

Ito ay sa kabila na halos araw-araw mula noong Martes ng gabi na iniuulat sa telebisyon ang pagsadsad ng barko sa Pamarawan.

Ilang himpilan ng telebisyon ang nag-ulat naang barko ay pag-aari diumanong isang negosyanteng Filipino-Chinese.

Ngunit batay sa pananaliksik ni Natividad at ng mamamahayag na ito sa maritime database sa internet, ang barkong napadpad na may pangalang MV Yuan Heng ay nakarehistro sa Phnom Penh sa Cambodia.

Batay sa maritime database, ito ay pag-aari ng S. America Far Eastern Shipping Co. Ltd., at ang operator nito ay ang Shandong Jianghai Industrial Group na nakabase sa Rongcheng sa Shandong, mainland China.

Ayon pa sa matitime database,ang MV Yuan Heng ay isang Panamanian flagged ship, ngunit batay sa ulat ni Supt. David Poklay,hepe ng pulisya ng Malolos, nakarekober silang isang watawat ng Peoples Republic of China sa loob ng barko matapos nila itong maakyat at mapasok. Dino Balabo

VNG Rescue 184, handang tumulong at sumaklolo






HAGONOY, Bulacan—Handang-handa ang paglaban sa kalamidad ang bagong tatag na rescue group sa bayang ito na sa nagdaang dalawang taon ay sinalanta ng malawakang pagbaha.

Ang bagong tatag na pangkat ay ang Voce of New Generation (VNG) Rescue 184 na binubuo ng 30 kasapi mula sa iba-ibang barangay ng bayang ito.

Ang pangkat ay pinamumunuan ni 1Lt.Nelson Pangilinan ng Barangay San Sebastian sa bayang ding ito.

Sa panayam, sinabi ni Pangilinan na dumaan na sa ibat-ibang pagsasanay ang mga kasapi ng VNG Rescue 184 na isang sangay ng katulad na pangkat na nakabase sa Estados Unidos.

Kabilang sa mga pagsasanay na kanilang pinagdaanaan ay ang water safety and rescue, first aid at iba sa pamamagitan ng Special Forece Batalliong Philippine Army na nakabase sa Barangay Iba-ibayo sa bayang ito.

Ayon kay Pangilinan,bukod sa pagtugon sa pangangailangan sa panahonng kalamidad,ang VNG Rescue 184 ay nagsasagawa rin mga pansibikong gawain tulad medical at dental mission.

Sa kasalukuyan ang pangkat at nag-iipon ng kanilang mga gamit tuladng bangka, mga floating vest at mga first aid kits na gagamitin sa panahon ng pagsaklolo.

Ang VNG Rescue 184 ay dumalaw na sa tanggapan ni Mayor Raulito Manlapaz noong Hulyo 15 kasama sina Brigadier General Quirino Calonzo ng Armed Forces of the Philippines Reserved Command (AFPRescom) at Col. Virgilio Garcia na kapwa rin nagmula sa bayang ito.

Si Calonzo ay nagmula sa Barangay Carillo at si Garcia ay nagmula sa Barangay San Sebastian.

Ayon kay Pangilinan, suportado ng dalawang mataas na opisyal ang VNG Rescue 184 hindi lamang dahil sa sila ay nagmula sa bayang ito kundi dahil sa ang mga kasapi ng pangkat ay pawang mga kasapi ng AFP Rescom.

Bukod pa rito, sinabi ng dalawang opisyal na nais nilang tumulong anumang oras na magkaroon ng kalamidad sa bayan ng Hagonoy. (Dino Balabo)

Saturday, August 10, 2013

Saan pwedeng magtayo ng socialized housing sa Bulacan?





MALOLOS--Nagpahayag ng suporta si Gob. Wilhelmino Alvarado  sa mga programa ng administrasyong Aquino sa paglilinis ng mga estero sa kalakhang Maynila sa pamamagitan ng paglilipat ng mga iskwater.

Ito ay kaugnay ng moratorium sa Lungsod ng SJDM hinggil sa pagpapatigil sa pagpapatayo ng socialized housing.

Ayon sa gobernador, kahit may moratorium sa SJDM, may iba pang mga bayan sa lalawigan na maaring pagtayuan ng mga socialized housing projects na malilipatan ng mga iskwater.

Kabilang dito ang mga bayan ng Pandi, Bustos, San Rafael, San Ildefonso at Norzagaray.

Sa kabila naman ng pagbubukas ng ilang bayan para sa mga socialized housing, iginiit ni Alvarado na dapat ay magkaroon ng tamang koordinasyon sa kanya at maging sa mga punong bayan.

Bukod rito, ipinaalala niya na anumang socialized housing project ang itayo sa ibang bayan sa lalawigan, ito ay kailangan pa ring sumunod samga umiiral na land use plan.

Idinagdag paniya na bukod samga iskwater sa Maynila, mayroon ding mga iskwater sa lalawigan ng Bulacan na dapat bigay ng marangal na tirahan sa mga mas ligtas na lugar.

Ito ay dahil sa ang mga Bulakenyong iskwater ay karaniwang nakatira sa mga gilid ng ilog at sapa na natukoy bilang mga geo-hazard areas.


Isa sa halimbawa ay ang may 6,000 iskwater sa SJDM, na ayon kay Ignacio ay unti-unti na ring naililipat dahil ang 10 porsyento ng mga proyektong pabahay ay ipinagkakaloob sa mga iskwater sa lungsod na ito.

Ang lungsod ng SJDM ito ay sinasabing dating isang barangay lamang ng lungsod ng Meycauayan, ngunit ito ang may pinakamataas na bilang ng populasyon sa lalawigan ngayon.

Ito ay dahil na rin sa mahigit 50 taong paglilipat ng mga iskwater sa kalakhang Maynila patungo sa lungsod na ito.

Batay sa mga tala, ang mga unang iskwater na inilipat sa SJDM ay ang mga retiradong sundalong nakatira sa gilid ng Fort Bonifacio sa Taguig.

Ngunit noong 1959 ay naapektuhan sila ng bahang hatid ng malakas na bagyo at inilipat sa dating Haceinda Sapang Palay, sa silangang bahagi ng SJDM.
 
Nasundan pa ito na mga sunod-sunod na maramihang paglilipat ng mga iskwater mula sa Intramuros, Maynila noong Disyembre 3,1963.

Ito ay matapos puwersahin ni dating Manila Mayor Antonio Villegas ang paglilipat ng mga iskwater na sa Intramuros, sa pamamagitan ng pagbabaklas ng kanilang mga barong-barong.

Ang mga pamilya ng iskwater ay isinakay sa trak at inihatid sa Sapang Palay sa kalagitnaan ng gabi.

Bukod rito, sinasabi ng mga nakasama sa unang inihatid na ibinaba lang sila sa trak at umalis, at wala pang bahay na nakatayo na malilipatan.

Ayon kay Fr. Edward Kelly, isang pari nanagmula sa Ireland at naboluntaryong magsagawa ng misyon sa Sapang Palay, umabot sa 20,000 pamilya ang nailipat sa Sapang Palay sa pagitan ng Disyembre  1963 at Abril 1964.

Si Kelly ay dumating sa bansa noong 1961, at nagsimula ng kanyang misyon sa Sapang Palay noong Mayo 1964.  Siya ay kasalukuyang pa ring nakatira sa Sapang Palay. Dino Balabo

Tigil mula ang pagtatayo ng pabahay sa SJDM





LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE, Bulacan—Tigil muna ang pagtatayo ng mga bahay para sa mga pamilyang iskwater o socialized housing sa lungsod na ito matapos magdeklara ng moratorium.

Gayunpaman, sa kabila ng moratorium na matatapos sa Abril 2014, magpapatuloy ang paglilipat ng mga pamilyang iskwater mula sa kalakhang Maynila patungo sa lungsod na ito nagsimula mahigit 50 taon na ang nakakaraan.

Kaugnay nito, ipinahayag ni Gob. Wilhelmino Alvarado ang patuloy na pagsuporta sa programa ng administrasyong Aquino hinggil sa paglilipat sa lalawigan ng mga iskwater mula sa kalakhang Maynila.

Dahil sa moratorium sa SJDM, inialaok niya ang ibang bayan sa lalawigan upang mapaglipatan, ngunit binigyang diin niya na kailangan ang pakikipag-ugnayan sa mga pamahalaang lokal at pagsunod sa mga itinatakda ng kasalukuyang land use plan o gamit ng lupa.

Ayon kay Eduard Ignacio, ang administrator ng lungsod ng SJDM, ang moratorium ay ipinabatid ni Mayor Reynaldo San Pedro kay Kalihim Mar Roxas ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa isang pulong na isinagawa sa lungsod na ito noong Lunes, Agosto, 5.

Ang pulong na isinagawa matapos ihatid ni Roxas at nina Social Welfare Secretary Dinky Soliman at Public Works Secretary Rogelio Singson sa lungsod na ito ang 87 pamilyang iskwater mula sa Lungsod ng San Juan sa kalakhang Maynila.

Ang mga nasabing pamilya ay inihatid sa San Jose Heights, isang proyektong pabahay ng National Housing Authority (NHA) sa Barangay Muzon.


Nilinaw ni Ignacio na ang pansamantalang ipinatitigil ng moratorium ay ang reklasipikasyon o pagsasalin ng gamit ng lupa sa lungsod upang pagtayuan ng mga socialized housing projects.

Ang mga socialized housing project ay karaniwang pinaglilipatan ng mga iskwater at maralitang mga taga-lungsod,

Ayon kay Ignacio, ang moratorium ay may bisa hanggang sa katapusan ng Abril sa susunod na taon, maliban na lamang kung ito ay paiikliin o higit na palalawigin ng Sangguniang panglungsod na naunang nagpatibay nito.

 Iginiit pa niya na layunin ng moratorium na pansamantaolang pabagalin ang paglobo ng populasyon ng SJDM na ayon sa 2010 census ay nasa 454,000 na ngunit ngayon ay tinatayang umaabot sa 730,000.

“Sobra na talaga ang laki ng populasyon naming,punong-puno na ang San Jose,” ani Ignacio at iginiit na hindi sila nawawalan ng problema sa paghahatid ng socialservices dahil sa kinakapos ng pondo.

Bukod dito, mga iskwater lamang ang inililipat sa SJDM, at hindi ang pondo na nakatakda sa mga ito mula sa pinagmulang pamahalaang lokal. Dino Balabo

Saturday, August 3, 2013

Rehabiltasyon sa 100 ektaryang palaisdaan sa Hagonoy, sisimulan na




HAGONOY, Bulacan—Nagagalak ang mga residente ng islang Barangay Pugad sa bayang ito dahil sa nalalapit na rehabilitasyon ng pambayang palaisdaan na katabi ng kanilang pamayanan.

Ngunit ang kanilang kagalakan ay hindi lamang dahil sa dagdag kita na ihahatid nito sa barangay o kaya ay ang dagdag na oportunidad sa trabaho at hanapbuhay.

Sa halip, higit nilang ikinagagalak ang posibilidad na mabigyan sila ng proteksyon ng itatayong pilapil ng palaisdaan laban sa malalaking alon na nagmumula sa Manila Bay.

Ayon kay Ramon Atienza Jr., kapitan ng Pugad, nagkausap sila noong Lunes, Hulyo 22 ni Mayor Raulito Manlapaz at tiniyak sa kanya na masisimulan ang rehabilitasyon ng pambayang palaisdaan bago matapos ang taon.

“Baka daw sa November ay masimulan na,” sabi ni Atienza patungkol sa napipintong rehabilitasyon ng pamabayang palaisdaan na may sukat na 98 ektarya.

Sinabi pa ng kapitan na gagamitan ito ng draga upang mapabilis ang pagtatayo ng pilapil.

Sa pagtatanong ng mamamahayag na ito, nilinaw niya na hindi lamang lambat ang ilalagay sa pilapil, sa halip ay lupa na gagawing dike.

Ngunit ilang residente ng Pugadang nagpahayag ng posibilidad na ang lot number 2 lamang nag propius ng Hagonoy ang isailalim sa rehabiltasyon.

Ang lot number 2 ay ang may sukat na 98 ektarya, at ang lot number 1 ay ang mas malaki na may sukat na 108 ektarya.

Ayon kay Atienza, kapag muling naitayo ang pilapil ng propius na tinatawag na lot number 2, mabibigyan sila ng proteksyon nito sa malalaking alon na hatid ng storm surge kapag tag-ulan.

Ngunit para makumpleto ang proteksyon ng Barangay Pugad sa malalaking alon mula sa Manila Bay, kailangan ding makumpuni ang lot number 1.

Inayunan ito ni Kagawad Alfredo Lunes na nagsabi na halos 10 taon na rin ng abandonahin ng dating namamahala ang dalawang lote ng pambayang palaisdaan.

Dahil sa pag-abandona, napabayaan ang mga palaisdaan at tuluyang dinurog ng alon ang mga pilapil nito.

Sa pagkawasak ng mga pilapil ng propius ng Hagonoy, nalantad sa malalaking alon na nagmumula sa Manila Bay ang Barangay Pugad lalo na kung umiihip ang hanging habagat kapag tag-ulan na pinalulubha pa ng epekto ng climate change.

Sa paglalarawan ni Lunes, sinabi niya na ang mga alon mula sa dagat ay humahampas sa bubong ng kanyang bahay na bungalow-type o isang palapag.

Ang bahay ng kagawad ay matatagpuan sa gilid ng sea-wall dike ng barangay na nakaharap sa Manila Bay.

Hinggil sa napipintong rehabilitasyon, ipinayo ng mga residente ng Pugad pamamaraan sa pagtatayo ng dike na kanilang natutunan sa kanilang mga ninuno.

Ito ay ang pagtutulos ng mga istakang kawayan upang magsilbing pamigil sa putik at mga batong itatambak upang maging pilapil.

Ipinaliwanag nila na kung walang istaka ang itatayong pilapil, madudurog din ito katulad ng isinagawang proyekto sa nasabing barangay na ginugulan lang halos P5-M.

Ito ay ang proyektong pagtatambak sa gilid ng  barangay sa pamamagitan ng draga, ngunit nadurog din ng alon ang itinambak, maging ang tinanim na may 140,000 binhi ng bakawan ay naglaho, kaya nasayang lamang ang perang ginugol sa dalawang proyekto.

Una rito, ipinangako ni Manlapaz sa kanyang pasinayang talumpati noong Hulyo 1 na muli niyang bubuhayin  ang propius ng Hagonoy, ngunit hindi niya sinabi kung lahat ng lote ay kanilang isasailalim sa rehabilitasyon.

Noong nakaraang linggo, pinasimulan ang pagtatambak ng mga lansangan ng Pugad upang itaas iyon maging ang pagdadagdag ng apat na patong ng hollow block sa hanay ng sea wall dike.

Ngunit sa pagmamasid noong Hulyo 23 ng mamamahayag na ito, lumubog sa kasagsagan ng high tide na may lalim na 4.6 feet above sea level ang bahagi ng kalsada na pinatambakan ni Manlpaz.

Sa kabila ng tambak, umabot pa rin sa halos dalawang talampakan ang lalim ng tubig sa  ilang bahagi ng lansangan ng Pugad.

Kaugnay nito, nagpahayag ng tiwala si Bokal Felix Ople sa kakayahan ni Manlapaz na masolusyunan ang problema sa Barangay Pugad.

Sa panayam, sinabi ni Ople na dating alkalde ng bayang ito na ang pamilya ng maybahay ni Manlapaz ay ang pinakamalalaking namamalaisdaan sa bayang ito.

“They have the resources and they can do it,” ani ng Bokal na isa sa mga anak ng yumaong si Senador Blas F. Ople.  (Dino Balabo)