Thursday, February 20, 2014

Palayan sa Bulacan natutuyo


KAPOS SA TUBIG. Nananawagan sa gobyerno ang mga magsasaka sa Bulacan upang matulungan sa pangangailangan sa tubig. Makikita sa larawan na nakatindig sa tabi ng nalabing tubig sa isang small farm reservoir ang dalawang magsasakang ito sa Barangay Lambakin sa bayan ng San Miguel, Bulacan. D. Balabo



SAN MIGUEL, Bulacan— Nananawagan sa gobyerno ang mga magsasaka sa bayang ito para sa mabilisang rehabilitasyon ng mga small farm reservoir (SFR) o tinggalan ng tubig upang masustinihan ang kanilang pananim sa susunod na taniman.

Ito ay dahil sa natuyo na ang kanilang tinggalan ng tubig at nasunog sa init ng panahon ang pananim na palay na isinisisi nila sa epekto ng pagbabago ng klima. Batay sa pagtaya ng mga magsasaka, di bababa sa 100 ektarya sa Barangay Lambakin ang napinsala ng kawalan ng tubig, samantalang tinatayang aabot sa mahigit 1,000 ektarya ang apektado sa mga karatig bayan tulad ng San Ildefonso, San Rafael at mga katabing lalawigan ng Nueva Ecija at Pampanga.

“Pag hindi kumilos agad ang gobyerno, imposibleng matupad ang pangarap ng Department of Agriculture (DA) para sa rice sufficiency,” sabi ni Simeon Sioson, 64, isa sa mga opisyal ng Lambakin Agricultural Marketing Cooperative sa bayang ito.

Binigyang diin niya na isa sa mga susi sa produksyon ng pagkain ay ang tubig para sa irigasyon.

Sa panayam ng Mabuhay Online noong Sabado, sinamahan ni Sioson ang ilang mamamahayag at ipinakita ang kalagayan ng kanilang bukirin. Karaniwan sa kanilang tanim na palay ay nasunog na o namumula, ang mga tanim na gulay ay natuyo, at ang mga tinggalan ng tubig ay nagkabitak na sobrang pagkatuyot dahil sa kawalan ng tubig.
 
Natuyong small farm reservoir. DB
Ilan sa mga bukiring ipinakita ni Sioson ay nakasapaw na ang palay, ngunit nasunog na ito sa init kaya’t hindi na rin pakikinabangan. Ang ibang palay naman ay pinagsugahan na ng baka upang ang nakatanim doong palay ay makain ng hayop bago tuluyang matuyo. Ipinaliwanag niya na ang kalagayang ito ay sanhi ng kawalan ng ulan mula noong Disyembre. Dahil dito, naubos at natuyo na rin ang kanilang mga SFR o tinggalan ng tubig.

Ayon pa kay Sioson, ang pagkatuyo ng kanilang pananim ay ikalawang sunod na sa dalawang magkasunod
na taon. Ito ay dahil sa kinapos din silang tubig sa unang bahagi ng 2013 dahil walang ulan na pumatak noong huling bahagi ng 2012.

Ang kalagayang ito ay ipjnabatid na nila sa pangrehiyong tanggapan ng National Irrigation Administration (NIA) sa pangunguna ni Inhinyero Reynaldo Puno na diumano’y inendorso na ang kanilang kahilingan ngunit hindi pa nasisimulan.

Inayunan din ito ng mga magsasakang sina Mauro Santos, Maria Libunao at Peter Balde. Iginiit pa ng mga magsasaka na dahil sa nalugi sila sa loob ng dalawang magkasunod na taon, nakabaon na sila sa utang sa kanilang mga kaanak.

Batay sa pagtaya ni Libunao, umaabot sa P100,000 ang nalugi sa mga magsasaka sa bawat isang ektaryang bukirin. Ito ay dahil sa umaabot sa mahigit 100 kabang palay ang kanilang inaani doon sa bawat anihan.

Iginiit din nila na dapat ng kumilos ang mga local na pamahalaan sa pamamagitan ng pagpapahiram ng backhoe upang mapabilis ang paghukay. Ito ay dahil sa nagdaang panahon ay sinubukan na nilang magbayanihan sa paghukay ng mga SFR ngunit hindi naging sapat ito. Dino Balabo

Monday, February 3, 2014

Malawakang prayer rally para sa rehab ng Angat Dam, kasado na






MALOLOS—Isang malawakang prayer rally para sa mabilisang rehabilitasyon ng Angat  Dam ang ikinakasa ng kapitolyo.

Ito ay nakatakdang isagawa sa Biyernes, Pebrero 7 sa mini-forest park sa harap ng kapitolyo.

Ang nasabing prayer rally at pangungunahan ng mga halal na opisyal ng lalawigan, mga pastor at pari, kasama ang Bulakenyong televangelist na si Bro. Eddie Villanueva.

Ito ang ikalawang prayer rally na isasagawa sa lalawigan sa loob ng isang buwan, matapos ang pagsasagawa ng day of prayer sa kapitolyo noong Enero 20 bilang pakikiisa sa national day of prayer and solidarity na pinangunahjan ng Malakanyang.

Ayon kay Gob. Wilhelmino Alvarado ang malawakang prayer rally ay uang pinlano matapos ang pagsasagawa ng Angat Dam break drill sa lungsod na ito noong Disyembre 13 na nilahukan ng may 12,500 katao.

Sa panayam ng Mabuhay, sinabi ng governador na nais nilang higitan ang bilang ng mga taong lumahok sa dam break drill noong Disyembre.


Binigyang diin niya na layunin ng isasagawang prayer rally na matawag ang pansin ng mga opisyal sa pambansang pamahalaan upang madaliin ang pagpapakumpuni sa Angat Dam.

Bukod dito,layunin din ng prayer rally na higit na mapalawak ang pagkakaunawa ng Bulakenyo sa panganib na ihahatid ng posibleng pagkasira ng Angat Dam kung sakaling lilindol ng malakas.

Ito ay batay na rin sa resulta ng mga pag-aaral na tumukoy sa Marikina Valley Fault line na matatagapuan may 200 metro sa silangan ng dike ng Angat dam.

Batay sa pag-aaral ng PhilippineInstitute of Volcanology and Seismology (Philvolcs), anumang oras ay maaaring gumalaw ang Marikina Valley Faultline.

Kapag gumalaw ito ay maaring lumikha ng lindol na may lakas na 7.2 magnitude na maaaring maging dahilan ng pagkasira ng Angat Dam.

Batay naman sa pag-aaral ng Tonkin and Taylor at Engineering and Development Corporation of the Philippines (EDCOP), aabot sa 21 bayan at lungsod sa Bulacan ang maapektuhan ng pagkasira ng Angat Dam.

Ito ay kinumpirma pa ni Noel Ortigas ng EDCOP na nagsabing 50 hanggang 60 poryento ng populasyon ng Bulacan ang maapektuhan.

Batay sat ala ng National Statitics Office noong 2010, ang Bulacan ay may populasyong 2.8-Milyon, at sa kasalukuyan ay tinatayang nasa 3-M hanggang 3.2-M.

Dahil dito, nilinaw ng Mabuhay ang pahayag ni Ortigas kung ilan ang posibleng mamatay sa Bulacan kung masisira ang Angat Dam.

“Hindi naman lahat nay an ay fatal,” ani Ortigas sa panayam ng banggitin ng Mabuhay na ang 50 hanggang 60 ng populasyong na kanyang binanggit ay katumbas ng mahigit sa 1.5-M Bulakenyo.

Sa pagtatanong Mabuhay, sinasabi ni Ortigas na tinatayang aabot sa 100,000 Bulakenyo ang masaswi kung masisira ang Angat Dam.

Ang nasabing bilang ay halos kasing laki ng bilang ng populasyon ng bayan ng Hagonoy na umaabot sa 130,000.  Dino Balabo

Sunday, February 2, 2014

Ka Blas



Kung siya ay nabubuhay ngayon, si Blas Fajardo Ople ay 87 taong gulang.

Ngunit siya ay inagaw ng kamatayan noong Disyembre 14, 2003 habang patungo sa Bahrain upang tumupad sa isang misyong diplomatiko bilang Kalihim ng Department of Foreign Affairs.
***
Kilala sa tawag na “Ka Blas”, siya ay isinilang sa bayan ng Hagonoy noong Pebrero 27, 1927.

Ang kanyang ama ay si Felix Antonio Ople, isang mandadaras o taga-kumpuni ng bangka; at ang kanyang ina ay si Segundina Fajardo.
***
Sa kanyang pagsilang, kayakap niya ang kahirapan, ngunit hindi ito naging hadlang sa kanya upang magsikap hanggang sa magtagumpay.

Ngunit hindi isang simpleng tagumpay ang kanyang nagawa.  Sa halip naging susi siya siya ng pagbabago sa buhay ng maraming pamilya.
***
Ito ay dahil si Ka Blas ang umakda ang Philippine Labor Code na nilagdaan upang maging batas ni dating Pangulong Ferdinand Marcos noong 1974.

Ang nasabing batas, ayon sa mga abogado ay halos di nababago o”basically intact.”
***
Sabi pa ng mga abogado at mag-aaral ng abogasya sa Bulacan, ang Philippine Labor Code na inakda ni Ka Blas ay kahanga-hanga.

Ito ay dahil sa ang umakda ay hindi naman isang abogado.
***
Ngunit ang higit na kahanga-hanga ay ang pagsisikap ni Ka Blas na makaahon mula sa kahirapan.

Ito ang bahagi ng kanyang buhay na hindi niya inilihim kanino man sapagkat  ang mga hamong kanyang pinagdaanan ang humubog sa kanya bilang isdang tao, bilang isang mamamayan, bilang isang mambabatas, at lider ng kanyang henerasyon na hanggang ngayon ay nararamdaman ang kontribusyon sa kasalukuyang salinlahi.
***
Sa batang edad, nagsikap si Ka Blas. Araw-araw naglalakad siya ng nakatapak makapasok lamang saHagonoy Central School.

Sa kabila ng kalagayang ito, nagtapos siya bilang valedictorian ng kanyang klase.
***
Sa ilang panayam ng Promdi kay Ka Blas sa Senado sa pagitan ng 2000 at 2001, ilang beses niyang nabanggit na noong graduation day niya nanghiram, lamang siya ng sapatos sakanyang kaanak upang makadalo at mai-deliver ang kanyang valedictory address, bukod sa personal na tanong na “kumusta na ang Central” (Hagonoy central School).

Ngunit hindi pa natatapos ang kanyang valedictory address ay masakit na ang kanyang paa dahil maliit ang sapatos na nahiram.  Dahil dito, pauwi pa lang siya ay hinubad na niya ang sapatos.
***
Noong high school, nag-aral siya sa Hagonoy Institute (HI) kung saan siya ay naging numero unong mag-aaral, sa kabila ng pagiging isang working student.

Kasama ang kanyang kapatid na si dating Bulacan Vice Governor Bernardo Ople, kapwa sila nagsilbi bilang janitor sa HI. At kapag may pagkakataon at nagpapahinga sila sa bahay ni dating Bulacan Governor Tomas Martin naang bahay ay di kalayuan sa HI.
***
Sa edad na 16 hanggang 18 ay napasama si Ka Blas sa mga mandirigmang Bulakenyo na nakipaglaban sa mga sundalong Hapones.

Kabilang siya sa mga sundalong Bulakenyo na nagpasuko kay Heneral Yamashit sa Kiangan Province noong 1945.
***
Bilang isang kabataang gerilya, hindi lamang kagitingan ang nakita ng mga kasama kay Ka Blas.  Nakita rin sa kanya ang sipag sa pag-aaral at pagbabasa.

Ito ay dahil sa hindi lamang riple ang laging dala ni Ka Blas, kadalasan ay may dalang libro, at kapag may libre oras ay nagbabasa kahit sa ilalim ng mga dayami na pinagkukublihan.
***
Matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig, nagtungo sa kalakhang Maynila si Ka Blas at nagtrabaho sa pier bilang isang estibador.

Dito niya nakita at naranasan ang ‘cabo system’ sa trabaho na ipinangako niyang babaguhin pagdating ng panahon at nabago nga niya ng siya ay maging Ministro ng Paggawa simula noong 1967.
***
Ang buhay ni Ka Blas matapos ang digmaan hanggang sa mapabilang sa hanay ng mga technical assistant ni dating Pangulong Ramon Magsaysay ay hindi simple, ngunit makulay.

Ito ang panahon kung kailan siya ay nakilala bilang isang magaling na mamamahayag.
***
Ayon sa kuwento ni Benjamin Gamos, isang beteranong mamamahayag sa Bulacan, ipinasok si Ka Blas ng kanyang Ninong bilang isang public relations writer ng Boy Scout of ther Philippines (BSP).

Ang kuwento ay nagsimula sa pagsundo kay Ka Blas sa kanyang bahay sa Hagonoy hanggang sa tanggapan ng BSP kung saan ay inuri siyang mabuti ng nooy chairman ng ahensiya.
***
Ayon kay Tatang Ben, hindi agad nagtiwala ang chairman ng BSP kay Ka Blas ngunit dahil kaibigan ang Ninong ni Ka Blas ay pinagbigyan na magsulat.

Kahit medyo may hangover pa daw ay hiniram lang ni Ka Blas ang typewriter ng BSP chairman at sinimulan ang pagsusulat ng isang editoryal.
***
Ilang minuto lamang ay natapos ang ipinasulat kay Ka Blas at ng mabasa ng BSP Chairman ay hindi lamang ito humanga, sa halip ay nagsabi pang, “superman ba yang inaaanak mo?”

Ang isa pang kuwento ay ang pagpasok ni Ka Blas sa Manila Times bilang desk editor.  Kaalinsabay nito ang pagsusulat niya ng kolum na “Jeepeney Tales” sa Daily Mirror, isang sister publication ng Manila Times.
***
Kung si dating Senador Benigno Aquino ang itinuturing na pinakabatang reporter ng Manila Times noong panaghong iyon; si Ka Blas naman ang pinakabatang kolumnista ng sister publication nito na Daily Mirror.

Kasunod nito ay ang pagkakasama ni Ka Blas sa grupo ni Magsaysaya, hanggang sa makilala siya ni Marcos at italaga bilang Minister at Labor at iakda ang Philippine Labor Code.
***
Bilang Labor Minister, si Ka Blas ang kauna-unahang Pilipino na naging pangulo ng International Labor Organization noong 1975. Itinalaga rin siya ni dating Pangulong Corazon Aqjuino bilang bahagi ng Constitutional Commission na umakda ang 1987 Freedom Constitution.

Unang nahalal si Ka Blas bilang Senador noong 1992, at noong 1996 bilang Senate President Pro Tempore; at 1999  bilang Senate President. Noong Hulyo 2000, nagbitiw siya bilang Senador at tinanggap ang pagtatalaga ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo bilang Secretary ng Department of Foreign Affairs.  

(Ang artikulong ito ay mula sa kolum na Promdi ni Dino Balabo sa pahayagang Mabuhay.  Ang larawan ni Ka Blas na black and white ay nagmula sa files ng Blas F. Ople Policy Center at ni Carlo Ople)

Saturday, February 1, 2014

Mayor Natividad nakaligtas, body guard nasawi, 2 pa sugatan sa aksidente



Makikita sa larawang kuha ni Kevin De Guzman ang pinsala sa sasakyan ni Mayor Natividad matapos ang aksidente. Nasa ibaba naman ang larawan ni Roderick Santiago na kuha ni Rolan Surio.



PULILAN, Bulacan—Ilang araw bago sumapit ang ika-30 kaarawan ni Roderick Santiago ay biniro ang mga kaibigan na bumisita sa kanyang bahay sa Barangay Canalate sa Malolos upang samahan siya sa pagdiriwang.

Ngunit hindi lamang mga inimbita niya ang dumating sa sa kanyang bahay, sa halip ay ang iba pang mga kaibigan, mga kakilala, kaanak at mga kasama sa trabaho.

Ang kanilang pagdalaw ay hindi lamang upang gunitain ang kaarawan ni Santiago, kundi upang ipagluksa ang kanyang pagkasawi noong Huwebes ng gabi, ilang oras bago sumapit ang kanyang ika-30 kaarawan.

Si Santiago ay nasawi matapos araruhin ng isang 14 wheeler trailer truck ang Mitsubishi Montero ni Mayor Christian Natividad ng Malolos noong Enero 30 sa Barangay Sto. Cristo sa bayang ito.

Nasugatan sa nasabing aksidente ang alkalde maging ang driver na si Nicanor Reyes at isa pang body guard na nakilalang si Maverick Jake Perez.

Bilang isa sa mga close in body guard ni Natividad, si Santiago ay nakaupo sa likod ng driver na si Reyes habang minamaneho sasakayan; samantalang si Natividad ay nasa harap katabi ni Reyes, at si Perez ay nasa likod ni Natividad, katabi ni Santiago.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, kasalukuyang tinatahak ang sasakyan ni Natividad ang kahabaan ng kalsada mula sa Baliwag patungo sa Plaridel sa bahagi ng Barangay Santo Cristo sa bayang ito noong  Huwebes, bandang alas-10:15 ng gabi.

Payapa ang biyahe ng sasakyan ngunit pagdating sa kanto ng Sto.Cristo at Plaridel-Pulilan diversion road ay inararo ito ng trailer truck na nagmula sa tulay ng Plaridel-Pulilan at patungo sa junction ng Pulilan.

Ang tinamaang bahagi ng sasakyan ay ang panig ng driver na si Reyes ngunit higit na mas malaki ang tama sa bahagi kung saan nakaupo si Santiago.

Nasugatan si Natividad at mga kasama niya, samantalang nawasak ang kanyang sasakyan.

Naisugod pa sa Bulacan Medical Center si Santiago, ngunit binawian din ng buhay sanhi ng mga tinamong pinsala sa katawan.

Habang sinusulat ang balitang ito ay wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang tanggapan ni Natividad hinggil sa kanyang kalagayan, ngunit ilang kaibigan ang nagsabing, ligtas ang alkalde at nasa maayos na kondisyon.

Sumuko naman ang driver ng trailer truckna na nakilalang Roger Garces na nagmula sa Tandang Sora sa Quezon City.

Nahaharap naman sa kasong reckless imprudence resulting to damage to property si Garces na kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ng Pulilan.  Dino Balabo at Rommel Ramos

Angat rehab masisimulan na raw, paglilipat sa K-Water ng pamamahala sa ARHEPP naantala


Angat Dam



MALOLOS—Paulit-ulit na inihayag ng may pagbubunyi ni Gob. Wilhelmino Alvarado na masisimulan ang pagkukumpuni sa Angat Dam.

Ngunit ang tanong ay kailan at sino ang gugugol sa pagpapakumpuni samantalang nag-alangan ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa paghahandang pondong P5.7-Bilyon noong nakaraang taon.

Kaugnay nito,muling naantala ang pagsasalin sa Korea Water Resources Corporation (K-Water)ng pamamahala sa sa Angat River Hydro Electric Power Plant (ARHEPP) nitong Enero.

Matatandaan na noong Disyembre ay inihayag ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM) na na maisasalin sa K-Water ang pamamahala sa ARHEPP bago matapos ang Enero.

Ngunit bago matapos ang Enero, muling nagapalabas ng pahayag ang PSALM na sa Marso na magsisimula ang pamamahala ng K-Water sa ARHEPP.

Noong Enero 23, isiningit ni Alvarado sa kanyang talumpati sa harap ng libo-libong Bulakenyo na masisimula na ang implementasyon ng pagkukumpuni sa Angat Dam.

Ang talumpati ni Alvarado ay kanyang binigkas sa pagdiriwang ng ika-115 guning taon ng Araw ng Republika sa makasaysayang simbahan ng Barasoain.

Ang pahayag na ito ay inulit pani Alvarado sa sakanyang lingguhang pagsasahimpapawid sa Radyo Bulacan noong Sabado, Pebrero 1.

Engr. Dela Cruz and Gov. Alvarado
Sa kanyang pahayag sa himpapawid, sinabi ni Alvarado na maaaring masimulan na sa buwan ng Mayo pagpapasubasta para sa rehabilitasyon ng Angat Dam.

 Ngunit ito ay depende kung matutuloy ang pagsasalin sa K-Water ng pamamahala sa ARHEPP sa Marso.

Ayon kay Alvarado, pinag-uusapan na sa Malakanyang ang mabilisang pagpapasubasta sa rehabilitasyon matapos maging pormal ang paghawak sa pamamahala ng K-Water.

Batay naman sa mas naunang pahayag ni Inhiyero Roderick Dela Cruz, isang dam safety expert na Bulakenyo na kasalukuyang nakabase sa Estado Unidos, hindi simple ang pagpapakumpuni sa Angat Dam.

Ito ay dahil sa hindi pa nagbibigay ng opisyal na pahayag ang K-Water na inaako nila ang responsibilidad na sila ang gagastos sa pagpapakumpuni sa dam.

Ngunit ayon kay Arkitekto Gerardo Esquivel, administrador ng MWSS, kasama sa kontrata ng K-Water ang responsibilidad sa pagpapakumpuni sa dam.

Bukod dito, binigyang pansin din ni Dela Cruz ang proseso ng pagsasagawa ng rehabilitasyon.

Sinabi niya sa Mabuhay na ito ay nangangailangan ng mas masusi at mahabang pag-aaral upang matukoy ang pinakamalakas na lindol na maaaring magpayanig sa dam.

Kung matutukoy ang lakas ng lindol, magsisimula ang pagbuo ng disenyo sa dam na hindi kayang sirain ng pinakamalakas na linsol na lilikhain ng pagggalaw ng Marikina West Valley Fault line na may 200 metro lamang ang layo sa pangunahing dike ng dam.

Matatanda na noong Disyembre 2011 ay sinimulan ng Tonkin and Taylor at ng Engineering and Development Corporation of the Philippines(EDCOP) ang pag-aaral sa katatagan ng dam.

Ang nasabing pag-aaral o feasibility study na pinondohan ng PSALM ng $1-M ay natapos noong Mayo 2012 o makalipas ang anim buwan.

Angat dike cross section
Ayon kay Dela Cruz, “hindi sa wala akong tiwala, pero masyadong maikli ang pag-aaral na isinagawa.”

Bibigyang diin niya na sa Estados Unidos kung saan ay 80 dam ang kanyang pinamamahalaan, kapag magsasagawa ng rehabilitasyon, inaabot sila ng tatlong taon sa pagsasagawa ng pag-aaral.

Ang pananaw na ito ay inayunan ng isang mataas na opisyal na National Power Corporation (Napocor) at ni Alvarado.

Binigyang diin ng opisyal ng Napocor na masyadong mababaw ang pag-aaral sa katatagaan ng dam.

Dahil dito, sinabi ni Dela Cruz na posibleng hindi kilalanin ng K-Water ang pag-aaral na isinagawa ng Tonkin and Taylor at ng EDCOP.

Ngunit iginiit din niya na maaaring dagdagan pa ng K-Water ang nauang pag-aaral na isinagawa upang matukoy ang tinatawag na probable maximum  earthquake o ang posibleng pinakamalakas na lindol na magpapayanig sa dam.

Kaugnay nito, sinabi Noel Ortigas, executive vice president ng EDCOP na kasalukuyan ng nagsasagawa ng trenching o pag-aaral ang Philippine Institute of Volacanology and Seismology (Phivolcs) sa kahabaan ng WMVF.   (Dino Balabo)