Saturday, September 28, 2013

Bahang may lalim na 60 feet ang magpapalubog sa Bulacan pag nasira ang dam?



  

HAGONOY, Bulacan—Alam ba ninyo kung gaano kalalim ang bahang magpapalubog sa Bulacan kung sakaling masisira ang Angat Dam?

May nagsasabing depende sa lugar, pero may nagsasabing isa hanggang 30 metro ang lalim ng bahang raragasa pag nasira ang Angat Dam na matatagpuan sa bulubunduking bahagi ng bayan ng Norzagaray. 

Batay sa ulat ng Tonkin & Taylor International, ang kumpanyang nagsagawa ng anim na buwang feasibility study sa Angat Dam, ang ang bahang may lalim na 10 hangang 30 metro ay maaring maranasan sa mga bayan ng Angat, Bustos, Baliwag, San Rafael at Plaridel.

Sa ibabang bahagi naman ng Ilog Angat kung saan matatagpuan ang mga bayan ng Calumpit, Hagonoy, at Paombong ay tinatayang aabot lamang sa isa hanggang aqpat na metro ang lalim. 

Ang bawat isang metro ay katumbas ng tatlong talampakan kaya’t ang 20 metro o 30 metro ay nakakatumbas ng 60 hanggang 90 talampakan.

Ngunit batay sa pag-aaral ni Inhinyero Roderick Dela Cruz, ang ulat ng Tonkin & Taylor ay posibleng bumaba ng 20 metro o tumaas pang 20 metro. 

Ito ay ang tinatawag na margin of error na ayon sa ulat ay 20 meters plus or minus.
  
Ayon kay Dela Cruz, walang dapat ipangamba kung ang ulat ng Tonkin & Taylor ay lalabas na minus 20 meters.

Ito ay nangangahulugan na halos walang baha sa bayan ng Hagonoy na sinasabing lulubog sa isa hanggang apat na metrong lalim ng baha.
  
Ngunit paano kung ang pagtaya ng Tonkin & Taylor ay mali at ang lumabas na baha ay plus 20 meters.

“Delikado yan, wala na tayong mapupuntahan,” ani Dela Cruz ngunit iginiit na “hindi na tinatakot natin ang taumbayan, dapat lang kasi na nauunawaan natin ang mga posibilidad upang mas higit tayong handa.”
  
Ilan sa mga pinagbabasihan ni Dela Cruz ng pananaw na posibleng maging plus 20 meters ang bahang ihahatid ng posibleng pagkasira ng dam ay ang karanasan noong 1978 at nitong 2011 kung kailan nanalasa ang mga bagyong Pedring at Quiel.


Matatandaan na noong Oktubre 1978, lumubog sa anim hanggang pitong talampakang baha ang bayan ng Hagonoy matapos ang bagyong Kading dahil sa nagkamali ang namamahala sa Angat Dam.
  
Batay sa tala, aksidenteng napalaki ang bukas sa floodgate ng ng Angat Dam at tumapon ang 5,000 cubic meters per second ng tubig sa Ilog Angat na naging sanhi ng pagkasawi ng may 100 katao at pagkasalanta ng maraming ari-arian.

 Noonfg 2011, lumubog sa tatlo hanggang limang talampakang baha ang Hagonoy dahil sa pagpapatapon ng may 1,500 cms a tubig ng Angat Dam.

 “Simpleng subjective analysis lang ito, kung 5,000 cms ipinatapon ng Angat Dam noong 1978 at lumubog sa halos dalawang metrong baha ang Hagonoy, paano kung masira ang dam,” sabi ni Dela Cruz.

 Batay sa tala ng National Power Corporation, ang Angat Dam ay may kakayahang magtinggalng mahigit sa 800-milyong kubiko metro ng tubig; at ito ay posibleng rumagsang lahat kung masisira ang dam.

 Ayon kay Dela Cruz, tinataya ng Tonkin & Taylor na aabot sa 22,000 cms ng tubig ang tatapon sa Angat River pag nasira ang dam.

 Ito ay nangangahulugan na posibleng umabot sa 20 metro o 60 talampakang lalim ng tubig ang maghpalubog sa bayan ng Hagonoy dahil noong 1978 ay 5,000 cms lamang ang tumapon ngunit halos dalawang metro ang lalim na nagpalubog sa nasabing bayan.


 Sa kabila ng pagsusuring ito,ipinayo ni Dela Cruz ang dagdag na pag-aaral upang higit na matantiyan ang posibleng baha na ihatid ng pagkasira ng dam.

 Binigyang diin niya na hindi ito maaring ipagwalang-bahala dahil buhay at kamatayan ang nakataya.

 Matatandaan na ilang araw bago manalsa ang bagyong Ondoy sa kalakhang Maynila at mga bayan ng Sta.Maria,Marilao,Bocaue at Lungsod ng Meycauayan noong Setyembre 2009 ay naging bisita ng Sangguniang Panglalawigan ng Bulacan si Dr. Renato Solidum, ang direktor ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

 Sa kanyang pahayag sa Sangguniang Panglalawigan na noo’y pinamumunuan ni Bise Gob. Wilhelmino Alvarado, nagbabala si Solidum na dapat paghandaan ng Bulacan ng posibilidad na masira ang Angat Dam.

 Sa panayam ng Mabuhay matapos ang kanyang presentasyon sa Sangguniang Panglalawigan, itinanong kung anogn antas ng paghahanda ang dapat gawin ng Bulacan.

Ayon kay Solidum,” Bulacan must prepare for the worst!” Dino Balabo

BANGKA: Mabentang produkto sa mga lugar na laging binabaha





CALUMPIT, Bulacan—Hindi nakaranas ng pagbaha si Ernesto Robles sa loob ng mahigit 10 taong pamamalagi sa Gitnang Silanganbilang isang overseas Filipino worker (OFW).

Ngunit sa unang walong buwan niyang pamamalagi sa bayang ito matapos siyang umuwi noong Enero, muli niyang naranasan ang baha na tumagal ng halos isang buwan.

Ito ay dahil sa ang kanilang tirahang lugar—ang Sitio Pulo sa Barangay San Jose ng bayang ito ay nagsisilbing catch basin ng bahang hatid ng ulan at pag-apaw ng Ilog Angat.

Bilang bahagi ng kanyang plano sa tuluyang pananatili sa bayang ito, plano na rin ni Robles ang bumili ng isang bangka bilang bahagi ng adaptasyon sa taon-taong pagbaha.

Dahil dito, binisita niya ang tindahang nagbebenta ng bangkang yari sa fiberglass sa Barangay Bulusang ito noong Sabado, Setyembre 7.

“Kailangan mag-adjust kami, kawawa yung mga bata kapag pumapasok sa eskwela, nababasa sa baha,” sabi ni Robles patungkol sa kanyang dalawang anak na kasalukuyang nag-aaral sa kolehiyo.

Ngunit sa plano ni Robles,hindi lamang ang mabigyan ng maayos na transportasyon ang kanyang dalawang anak kung panahon ng pagbaha.

Pinag-iisipan na rin niya ang paggamit sa bangka bilang bahagi ng kanyang bagong hanapbuhay.

Dahil dito, pinagpaplanuhan niya ang pagbili ng mas malaking bangka na yari sa fiberglass at kanyang itong palalagyan ng makina upang magamit bilang passenger boat o pampasahero.

Sa kalagayang ito, inaasahang aabot sa P25,000 hanggang P30,000 ang magagasatos ni Robles.

Ayon kay Editha Banag, isang negosyanteng nagtitinda ng bangka sa Barangay Bulusan, ang isang bangkang may habang 16 na talampakan ay nagkakahalaga ng P9,000.

Ito ay may kakayahang magsakay ng hangagng pitong pasahero.

Ang mas mahaba naman na may sukat na 24 na talampakan na makapagsasakay  hanggang 12 pasahero ay nagkakahalaga ng P14,000.

Hindi pa kasama ang makina sa nasabing presyo ng dalawang nabanggit na bangka.

Ayon kay Banag, nagsimula silang magbenta ng bangkang yari sa fiberglass sa Barangay Bulusan mahigit tatlong taon na ang nakakaraan.

Ang mga bangkang kanilang ibinebenta ay gawa sa Lungsod ng San Fernando sa lalawigan ng Pampanga.

“Palagi na kasing binabaha ang Calumpit kaya naisipan naming magbenta ng bangka,” sabi niya.

Iginiit pa ni Banag na nitong nakafraang Agosto kung kailan ay muling lumubog sa baha ang bayang ito, umabot sa 10 ang kanilang naibenta.

Ikinuwento rin niya na naubos ang kanilang bangkang itinitinda, kaya ang bangkang gamit ng kanyang pamilya ay naibenta rin.

Ito ay dahil sa pagpi[pilit ng isang kostumer sa bayan ng Hagonoy na bilhin ang kanilang bangka.

“Sabi niya, kailangang-kailangan nila ng bangka, di daw pwede na kami lang ang mabubuhay,” sabi ni Banag ng may ngiti.


Sa mas naunang pahayag, sinabi ni dating Senador Orlando Mercado,ang kasalukuyang secretary general ng Eastern Regional Organization for Public Administration (EROPA) na an gmga taong nakatira sa mga lugar na palagiang sinasalanta ng kalamidad ay natuto ng mag-adapt sa sitwasyong pinalulubha ng epekto ng climate change.

Ngunit ang adaptasyon ng mga mamamayan sa climate change ay nakadepende sa kakayahang pinansiyal ng mga ito.

Ang mga may sapat na pera ay nagagawang lumipat ng tirahan, tulad ni dating Bokal Pat Laderas na dati ay nakatira sa Hagonoy, ngunit ngayon ay lumipat na sa Malolos.

Ang mga kapos naman sa pananalapi ay walang magawa kungdi harapin ang hamon na hatid ng kalamidad.

Dahil dito,binigyang ni Mercado na kailangang kumilos ang pamahalaan upang maagapayanan ang taumbayan sa paghahanda sa kalamidad.

Ipinanukala rin niya ang paggamit ng may P24-Bilyong pork barrel ng mga kongresista sa mga programang tutugon sa disaster risk reduction sa climate change adaptation. Dino Balabo

Saturday, September 7, 2013

9 na talampakang bantayog ni Plaridel itatayo sa kapitolyo





MALOLOS—Inaasahang mapapasinayaan sa pagbubukas ng taunang pagdiriwang ng Linggo ng Bulacan ngayong Setyembre ang siyam na talampakang bantayog ni Gat Marcelo H. Del Pilar. 
Ayon kay Cesar Villanueva, chief of staff ni Gob. Wilhelmino Alvarado at tagapangasiwa sa nasabing proyekto, ang pagtitindig ng bantayog ng panglalawigan bayani ay kaugnay ng pagsunod sa itinatatakda ng New Provincial Administrative Code (Nepac) ng Bulacan.

Sinabi ni Villanueva na ang nasabing proyekto ay kaugnay ng pagtawag pansin ng mga historyador ng lalawigan sa pamahalaang panglalawigan, at pag-endorso ng pamahalaang bayan ng Bulakan noong nakaraang taon.

Batay sa naunang panayam ng Mabuhay, sinabi ni Isagani Giron ng Samahang Pangkasaysayan ng Bulacan (Sampaka) na sa nakalipas na halos limang taon ay hindi nabigyang pansin ang itinatakda ng Nepac, na itunuturing na bibliya ng mga nanunungkulan sa kapitolyo.

Ayon kay Giron, isinasaad sa Nepac na bilang pagkilala sa Del Pilar na siyang panglalawigang bayani ng Bulacan, dapat ay may nakatayong bantayog ito sa harap ng kapitolyo.

Matapos ang pag-aaral, kinatigan ng kapitolyo ang pananaw ng mga historyador sa lalawigan.

Dahil dito, ang bahtayog ni Plaridel ay ititindig sa lugar kung saan ay kasalukuyang nakatindig ang bantayog ng isang babae.

Ang nasabhing bantayog ay sinasabing ilipiat sa harap ng gusali ng Provincial Cooperative and Economic Development Office (PCEDO).  Ito ay matatagpuan sa gawaing kaliwa ng center islang ng kapitolyo kung ikaw ay nakaharap sa guasali ng kapitolyo.

Ayon kay Villanueva, ang ititindig na bantayog ni Plaridel ay may taas na siyam na talampakan at tinatayang titimbang ng 800 kilo.

Ito ay yari sa pilakat tinatayang nagkakahalaga ng P1.5-M.

Ayon pa kay Villanueva, ang siyam na talampakang imahe ni Plaridelay inihahanda ni Jose Dionas Roces, isang kilalang eskultor na nagmula sa lungsod ng Marikina.

Si Roces ay maalala sa kanyang mga likhang sining tulad ng pinakamataas na bantayog ni Dr.Jose Rizalna itinindig sa Lungsod ng Calamba sa Laguna.

Siya rina ng may likha ng ng mga rebulto ng mga artistang sina Fernando Poe Jr, Dolphy Quizon; mga direktor na sina Lino Brocka at Gerry De Leon, Manuel Conde, Chino Roces at dating Pangulong Carlos P.Garcia.

 Ang iba pang likhang sining ni Roces ay matatagpuan sa United Arab Emirates, Beligium at Dubai. (Dino Balabo)

Gayahin ang pag-iingay, pambubulabog ni Plaridel




 BULAKAN, Bulacan—Huwag tutulog-tulog, gayahin si Plaridel, mag-ingay, mambulabog.

 Ito ang buod ng mensahe nina Senador Teofisto Guingona III at Gob. Wilhelmino Alvarado sa pagdiwang ng ika-163 na kaarawan ni Gat Marcelo H. Del Pilar sa bayang ito noong Biyernes, Agosto 30.

Dahil dito,inaasahang higit na iigting ang diwang pamana ng bayaning pumanaw mahigit 100 taon na ang nakalipas at kilala sa tawag na Plaridel, sa kasalukuyang panahon,partikular na sa social media.

 Upang matiyak namang magpapatuloy na maalala ang diwang pamana ni Plaridel sa sambayanang Pilipino, inialay ni Guingona ang kanyang panukalang batas bilang regalo sa kaarawan ng bayani.

Ito ay ang crowd sourcing bill na kanyang isinusulong sa Senado.

Sa kanyang talumpati sa harap ng Pambansang Dambana ni Gat Marcelo H. Del Pilar, sinabi ng Senador na gayahin ang kasalukuyang salinlahi ang ipinamalas na paninindigan mahigit 100 taon na ang nakalipas.

 Binigyang diin niya na sa panahon ni Plaridel, ang naghahari ay mga pari at pinunong Kastila.

 Ngunit sa kabila ng paghihigpit ng pamahalaang Kastila noongpanahong iyon, hindi napigilan sa Plaridel sa pagsisiwalat ng mga mali at pagkukulang ng pamahalaan.

“Sa panahon ni Plaridel, bawal mag-ingay dahil may natutuloy, pero itong si Plaridel, parang may insomnia.  Hindi siya natulog, sa halip ay nag-ingay at nambulabog,”  ani ng Senador.

Ang pagbubulgar ni Plaridel ay lumikha ng ingay at bumulabog sa pamahalaan noon kanyang panahon dahil ito naging mitsa ng pagkamulat ng taumbayan.

Ayon kay Guingona, maging sa kasalukuyan ay napapanahon ang diwang ipinamalas ni Plardel.

 “Sa ating bansa, masama kapag tulog ang tao, masama kapag walang nag-iingay at nambubulabog dahil kapag ganyan,nakakalusot ang mga may baluktot na isip, nakakalusot ang mga taong ang kaluluwa’y gusot-gusot,” sabi niya at binaggit rin ang epekto ng social media sa pagsasagaw ang protesta laban sa pork barrel noong Lunes, Agosto 26.

“Kailangang tayo ay patuloy na mag-ingay at mambulabog para sa katotohanan,”sabi niya.

Bilang suporta sa pag-iingay at pambubulabog ng mamamayan sa gobyerno, inihayag ni Guingona ang kanyang regalo sa kaarawan ng bayani.

Ito ay ang kanyang panukalang crowd sourcing bill sa Senado na naglalayong mahikayat ang mga mamamayan na isatinig ang kanilang pananaw at damdamin sa mga plano, polisiya at mga panukalang batas ng gobyerno.

“Kailangang ipaalam sa taumbayan through the social media kung ano ang mga bagong panukala at polisiya, para maiparating naman ng taumbayan ang kanilang pananaw at damdamin sa aming mga panukalang batas,” sabi niya.
Idinagdag pa ng Senador na,” kailangang malaman namin ang inyong reaksyon, kaya bulabugin ninyo kami.”

Bilang isang senador ng republika, ipinaalala niya na sila ay may responsibilidad na makinig at tumugon sa pananaw ng taumbayan.

Ngunit ipinaalala rin niya na na may responsibilidad din ang taumbayan ng kanyang sabihing, “responsibildad ninyo sa bayan ang mag-ingay sa para sa katotohanan, at obligasyon sa Pilipino ang mambulabog para sa kapakanan ng lahat. Iyan ang diwa ng isang tunay na Plaridel.”

Kinilala rin ni Gob. Alvarado ang pagpapatuloy ng diwang pamana ni Plaridel maging sa social media.

Ayon sa gobernador,  “sa panahon ng Facebook at Twitter account, nakayungyong sa ating mga ulunan ang pumapailanglang na diwa ni Plaridel na nananatiling nakasubaybay sa atin at hindi mapapanuto hanggang mayroong katiwalian, hanggang mayroon korapsyon, hanggasng mayroong marungis na kamay na nangangahas makialam sa salapi ng bayan, at hanggang ang likas yaman ng bansa ay hindi pinakikinabangan ng mamamayan.”

Idinagdag pa niya na “ayaw na ng tao sa pang-aalipin, ayaw na sa pangloloko, ayaw na sa pagmamalabis, ayaw na sa pagsasamantala, at gusto na ng ganap na pagbabago.”  (Dino Balabo)

Kalutong Bulakenyo tampok sa Linggo ng Bulacan 2013





MALOLOS—Babandera ang masasarap na kalutong Bulakenyo sa pitong araw na pagdiriwang ng Linggo ng Bulacan na magsisimula sa Lunes, Setyembre 9 at matatapos sa Setyembre 15.

Katulad noong nakaraang taon, ang taunang pagdiriwang ay isasagawa dalawang linggo matapos masalanta ng bagyo at baha ang Bulacan na naging sanhi ng pagsasailalim dito sa state of calamity sa iktlong sunod na taon.

Sa kabila nito, tiniyak ni Gob. Wilhelmino Alvarado na hindi man magiging magarbo ang pagdiriwang ay magiging makabuluhan ito.

Tampok sa isang linggong pagdiriwang ay ang pagsasagawa ng tatlong araw na Bulacan Food Festival Exposition (Buffex) sa Hiyas ng Bulacan Convention Center simula Setyembre 9 hanggang 11.

Ang Buffex 2013 ay inorganisa ng Bulacan Chamber of Commerce and Industries (BCCI) kasama ang Provincial Cooperative and Economic Development Office at Provincial Youth Sports Education, Arts, Culture and Tourism Office.

Ito ay inaasahang lalahukan ng libo-libong Bulakenyo kabilang ang mga mag-aaral ng ibat-ibang pamantasan at kolehiyo sa lalawigan na magpapaligsahan sa paghahanda ng pagkain at pagluluto nito.

Bukod sa mga demonstrasyon at paligsahan ng mga Bulakenyong Chef,ang Buffex ay tatampukan dein libreng tikim sa pagkain at pagbebenta ng mga ito.

Ang Buffex 2013 ay sasabayan din ng pagsasagawa ng 24-K Kalutong Bulakenyo Festival sa nasabi rin lugar at tatampukan din ng paligsahan ng mga mag-aaral sa ibat-ibang pamantasan at kolehiyo sa lalawigan.

Ang kakaiba sa 24-K Kalutong Bulakenyo Festival ay pawang mga luto o recipeng Bulakenyo ang ihahanda at lulutuin ng mga kalahok.

Ayon kay Provincial Administrator Jim Valerio, ang Buffex 2013 at Kalutong Bulakenyo Festival ay naglalayon na higit na maipakilala ang mga recipeng Bulakenyo bukod sa pagtatanghal ng kahusayan ng mga Bulakenyong chef.

Sinabi pa ni Valerio na ang tema ng pagdiriwang ngayong taon ay “Makulay na Sining at Kalinanga:  Bulacan, Ipagmalaki at Ikarangal.”

Ang isang linggong pagdiriwang ay sisimulan sa Lunes, Setyembre 9 sa pamamagitan ng isang misa bilang pasasalamat at susundan ng “Parada ng Karosa at Kasaysayan,” na magtatampok sa mga parangal na nakamit ng Bulacan sa iba’t ibang larangan. Makikiisa rito ang mga lokal na pamahalaan gayundin ang mga katuwang na pribadong ahensiya.

Bubuksan din ang iba’t ibang mga eksibit at trade fairs na matatagpuan sa paligid ng gusali ng Kapitolyo. Kabilang na dito ang Bulakenyo Trade Fair na kakikitaan ng mga produkto ng Bulacan tulad ng mga pastillas, chicharon, laruan at damit; Manlilikhang Bulakenyo na magpapakilala sa mga natatanging imbensyon ng mga Bulakenyo; Dakilang Bulakenyo at Lakan Sining Exhibit na magsasalaysay ng mahalagang papel na ginampanan ng bayaning si Mariano Ponce bilang pag-alaala sa ika-150 guning taon ng kaniyang kapanganakan; at Sining sa Hardin na magpapamalas ng husay at galing ng mga artistang Bulakenyo kabilang na ang Hiyas ng Bulacan Brass Band.

Ayon sa programang inilabas ng kapitolyo, muli ring ilulunsad ang Bulacan Pasalubong Center at Bulacan Packaging Service and Toll Packing Center upang maitaas ang kamalayan ng mga mamamayan sa mga serbisyong hatid nito.

Pangungunahan naman ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at ng PYSEACTO ang isang skills Olympics sa Setyembre 11, kasabay ng isang jobs fair sa Bulacan capitol gymnasium.  Dino Balabo

Sunday, September 1, 2013

Pagsuko ni Napoles kay Pnoy, idinepensa

 
BULAKAN, Bulacan—Ipinagtanggol ni Senador Teofisto Guingona III ang ang pagsuko ni Janet Lim Napoles kay Pangulong Benigno Aquino III sa Malakanyang noong Miyerkoles ng gabi, Agosto 28.

Kaugnay nito, iginiit ni Guingona na pabor ang 15 sa 24 na Senador na tuluyang buwagin ang pork barrel, ngunit idinepensa rin niya ang pork barrel ng Pangulo na tinatawag ding Presidential Social Fund (PSF).

Sa isang ambush interview matapos magsalita si Guingona sa ika-163 pagdiriwang ng kaarawan ni Gat Marcelo H. Del Pilar sa bayang ito noong Biyernes, Agosto 30, nilinaw ng senador na hindi “scripted”ang pagsuko ni Napoles sa Pangulo.

 “He is the commander in chief, lahat ay nagrereport sa Pangulo at siya rin ang kinikilalang walang kinikilingan sa pagpapatupad ng batas,”ani Guingona.

Iginiit niya na walang ibang mapagkatiwalaan si Napoles kungdi ang Pangulo.

Ito ay dahil sa posibilidad ng banta sa buhay ni Napoles na itinuturing na utak sa paglustay ng mahigit P10-Bilyon pork barrel fund ng mga kongresista at Senador mula 2007 hanggang 2009.

Hinggil naman sa pananaw ng mga kapwa senador sa kontrobersyal na pork barrel, sinabi ni Guingona na 15 sa mga ito ay pabor na tuluyang alisin ang pork barrel.

“After reading the COA report, at least 15 of us favored the abolition. That’s a majority already,” ani ng Senador na nagpahayag na isa siya sa mga pabor ba alisin ang pork barrel ng mga senador.

Sa pagtatanong ng Mabuhay, inayunan din ni Guingona ang pananaw na bilang mga senador, ang kanilang trabaho ay humubog at magpatibay ng batas at hindi mangasiwa sa P200-M pork barrel bawat taon.

Gayunpamn, ipinagtanggol niya ang PSF ng Pangulo dahil sa ito raw ay nagagamit lalo na panahon ng kalamidad.

Ngunit sa pananaw ng dumaraming Pilipino,ang pork barrel pati na ang PSF ng Pangulo ay isang ugat ng korapsyon.

 Ilan na ang nagpayo na dapat ito ay ipagkaloob sa mga ahensiyang nagpapatupad ng proyekto at maging sa mga pamahlaang lokal.

Hinggil sa paggamit ng PSF sa mga kalamidad, ilan na ang nagsabi na mas makabubuting gamitin iyon sa pagpapatatag sa mga Disaster Risk Reduction Management Councils (DRRMCs).

Matatandaan na noong Biyernes, Agosto 23 ay ipinahayag ng Pangulo ang pagbuwag sa pork barrel.

Ang pahayag ay isinagawa, ilang araw bago isagawa ang million man march sa Luneta noong Lunes, Agosto 26 kung saan ang nagkakaisang panawagan ay buwagin ang pork barrel.

Ang pananaw na ito ay inayunan ng ilang Bulakenyo na nagsabing kung ang pork barrel ng mga kongresistang Bulakenyo ay ginamit sa paghahanda sa kalamidad, hindi sana binaha ang Bulacan at isinailalim sa state of calamity sa nagdaaang tatlong taon.  Dino Balabo