Friday, June 8, 2012

Araw ng Kalayaan sa Barasoain pangungunahan ni PNoy



LUNGSOD NG MALOLOS- Pangungunahan ni Pangulong Benigno S. Aquino III ang pagdiriwang ika-114 taong anibersaryo ng  Araw ng Kalayaan ng Pilipinas na gaganapin sa makasaysayang Simbahan ng Barasoain sa Hunyo 12 sa lungsod na ito.

Ipinahayag ito ni Dr. Maria Serena I. Diokno, tagapangulo ng National Historical Commission of the Philippines, sa isinagawang Talakayang Bulakenyo na inorganisa ng Philippine Information Agency at Provincial Public Affairs Office (PPAO) sa Hiyas ng Bulacan Convention Center.

Sinabi pa ni Diokno na simple ngunit may dignidad ang gagawing programa kung saan pasisimulan  ito sa marangal na pagtanggap kay Pangulong Aquino sa ganap na ikawalo ng umaga. Susundan ito ng sabayang pagtataas ng watawat at pag-aalay ng bulaklak sa  dambana ng unang Pangulo ng Republika na si Hen. Emilio Aguinaldo.

Idinagdag pa niya na ang tema ng pagdiriwang sa taong ito na “Kalayaan: Pananagutan ng Bayan para sa Tuwid na Daan”ay alinsunod sa mithiin ng administrasyong Aquino na maitaguyod ang mabuting pamamahala na malaya mula sa anumang uri ng kurapsyon.

Sinabi naman ni Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado na ito ang unang pagkakataon na ang pinakamataas na opisyal ng bansa ang dadalo sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa makasaysayang Simabahan ng Barasoain.

“It’s about time that the historic events and significance of Barasoain church will be recognized. Kung wala ang Barasoain Church ay hindi magkakaroon ng ratification and declaration ng independence sa Kawit, Cavite on June 12, 1898. Sa simbahang ito nilikha ang unang Saligang Batas na siyang nagsilang sa demokrasya sa rehiyon ng Asia at Africa,” ani ng gobernador.

Pinuri rin ni Alvarado ang Malacañang sa pagbibigay ng lubos na pagpapahalaga sa mga makasaysayang pangyayaring naganap sa Malolos at inaasahan niyang ito na ang panahon upang mabigyang katuparan ang kahilingan ng mga Bulakenyo na opisyal na ideklara ang Enero 23 –anibersaryo ng Unang Republika- na isang okasyon na dapat sariwain sa buong bansa.

“Kung ang Baguio ay kilala sa Bulaklak ng Panagbenga at ang Pampanga ay tanyag naman sa kanilang makukulay na parol, ang dakilang lalawigan ng Bulakan ay maitatanghal naman na lalawigan ng mga bayani,” wika pa ng punong lalawigan.

Ayon kay PPAO chief Maricel Santos-Cruz at Provincial Tourism Officer Sonny Cristobal, magkakaroon din ng  job fair at  medical mission na matatagpuan sa gilid ng Simbahan ng Barasoain bilang bahagi ng Araw ng Kalayaan.

Tinatayang 450 pulis, 100 sundalo at 200 miyembro ng Presidential Security Group ang ipadadala sa lugar na ito upang matiyak ang seguridad ng publiko.

No comments:

Post a Comment