Ang larawang ito ay mula sa www.truthonair.com |
MALOLOS—Ikinagalak ng mga
abogado at Bulakenyo ang desisyon ng Senado na tanggalin sa pwesto si Renato
Corona bilang punong mahistrado matapos ang may limang buwang paglilitis na
natapos noong Martes, Mayo 29.
Ang nasabing desisyon na bumura sa pananaw ng mga partidong
kinasasapian ng mga senador ay nagpapatunay na ang lahat ay pantay-pantay sa
mata ng batas, na ayon sa mga opisyal ay magbibigay daan para sa mas
mapanagutang pamamahala.
Batay sa resulta ng makasaysayan pagboto ng 23 senador, 20
ang bumoto ng “guilty” na nangangahulugan ng pagpapatalsik kay Corona,
samantalang tatlo naman ang bumoto para siya absuweltuhin.
Ayon sa mga tagamasid, ang botong 20-3 ay “overwhelming” o
sobra sa inasahan, dahil ang kailangan lamang ay 16 na boto mula sa mga senador
upang mapatalsik si Corona, at walo naman upang siya manatili sa puwesto.
Ayon kay Abogado Harry Roque ng Center for International
Law, natutuwa siya sa desisyon ng senado dahil naging malinaw na ang hindi
makatotohanang statement of assets, liabilities and net worth (SALNs) ay isang
impeachanble offense o batayan sa pagpapatalsik sa tungkulin.
Sa panayam sa telepono, sinabi ni Roque na ang desisyon ng
Senado ay nagpapakita na“ the rule of law works that no one including the Chief
Justice is above the law.”
Inayunan ito ng Integrated Bar of the Philippines-Bulacan
Chapter sa pangunguna ni Abogado Ted Villanueva.
Iginiit ni Villanueva na ang posisyon ng IBP-Bulacan sa
desisyon ng Senado ay maituturing na isang bukang liwayway sa hudikatura at pamamahala
ng katarungan sa bansa.
Gayundin ang pahayag ni Abogado Christian Natividad, ang
alkalde ng lungsod na ito na nagsabing, “this is just a start.”
“We can expect people to clamor for more transparency on
every public servant,” ani ng alkalde.
Iginiit pa niya
na ang desisyon ng Senado ay makaaapekto di lamang sa sistema ng hudikatura,
kungdi maging sa sistema ng pamamahala sa bansa.
“It is a new and positive era in accountability and
integrity in Philippine governance,” sabi ni Natividad.
Inayunan din ito ng mga Bulakenyong tulad nina Hermie Del
Rosario ng Marilao, Isagani Giron ng Samahang Pangkasaysayan ng Bulacan,
Fortunato Dionisio ng Radyo Bulacan, at Bokal Ariel Arceo.
Binigyang diin nila na kanilang kasiyan sa pagsasantabi ng
mga senador sa paninindigan ng kanilang mga partido, sa halip ay binigyang
pansin ang sentimyento ng mamamayan.
“It’s clear that politics can prevail over party principle,”
ani Del Rosario.
Ipinaliwanag naman ni Abogado Jesus Ricardo Degala na mas
matimbang ang pagiging political proceeding kaysa judicial proceeding sa
paglilitis kay Corona.
Ipinaliwanag niya na ang impeachment ay ang pinakamabilis na
paraan upang papanagutin at mapatalsik ang punong mahistrado na inakusahan ng
paglabag sa batas.
“The senators are right in giving a guilty verdict. It tells
the world that the chief justice must be a model in following the letter and
spirit of the law,” ani Degala na isa ring konsehal ng lungsod ng Malolos.
Kaugnay nito, nagpahayag din ng kagalakan ang Diyosesis ng
Malolos sa resulta ng paglilitis at sinabing patuloy nilang ipananalangin ang
bansa at ang mga namumuno.
“We welcome the decision of the Senate and move on to attend
to important business of building a better Philippines. We continue to pray for
good government because we deserve a better life. We are all humbled by this
situation.
No one is above the law, we keep praying for Corona,” ani
Fr. Dario Cabral, ang tagapangulo ng Commission on Social Communications ng
diyosesis.
Matatandaan na noong Sabado, Mayo 26 ay inihayag ni Obispo
Jose Francisco Olivero na ipananalangin ng diyosesis ang mga Senador upang
kasihan ng Banal na Espiritu at mabigyan ng malinaw na kaisipan para sa
pagbibigay ng hatol kay Corona.
Ayon kay Oliveros mahalaga ang paggabay ng Banal na Espiritu
sa pagdedesisyon ng mga senador upang maipakita ang katotohanan.
Hinggil naman sa mga mamamayan, ipinayo ng obispo na anuman
ang naging desisyon ng Senado ay dapat tanggapin ito upang mamayani ang
pagkakaisa.
“The impeachment trial has divided us, sana ay huwag tayong
maging partisan at sa halip ay magkaisa,” ani ng Obispo.
Noong Lunes, sinabi ni Joel Villanueva, director general ng
Technical Education Skills Development Authority (TESDA) na dapat ibatay ng mga
senador ang kanilang desisyon sa ebidensya at sentimyento ng mamamayan.
Bilang kasapi ng partylist Citizens Battle Agaisnt
Corruption (Cibac) na isa sa mga lumagda sa isinampang impeachment laban kay Corona, ipinahayag ni
Villanueva ang paninindigan na ang punong mahistarado ay dapat walang bahid
dungis at hindi pinagdududahan ng mamamayan.
No comments:
Post a Comment