BULAKAN, Bulacan—Huwag tutulog-tulog, gayahin
si Plaridel, mag-ingay, mambulabog.
Ito ang buod ng mensahe nina Senador Teofisto
Guingona III at Gob. Wilhelmino Alvarado sa pagdiwang ng ika-163 na kaarawan ni
Gat Marcelo H. Del Pilar sa bayang ito noong Biyernes, Agosto 30.
Dahil dito,inaasahang higit
na iigting ang diwang pamana ng bayaning pumanaw mahigit 100 taon na ang
nakalipas at kilala sa tawag na Plaridel, sa kasalukuyang panahon,partikular na
sa social media.
Upang matiyak namang magpapatuloy na maalala
ang diwang pamana ni Plaridel sa sambayanang Pilipino, inialay ni Guingona ang
kanyang panukalang batas bilang regalo sa kaarawan ng bayani.
Ito ay ang crowd sourcing
bill na kanyang isinusulong sa Senado.
Sa kanyang talumpati sa
harap ng Pambansang Dambana ni Gat Marcelo H. Del Pilar, sinabi ng Senador na
gayahin ang kasalukuyang salinlahi ang ipinamalas na paninindigan mahigit 100
taon na ang nakalipas.
Binigyang diin niya na sa panahon ni Plaridel,
ang naghahari ay mga pari at pinunong Kastila.
Ngunit sa kabila ng paghihigpit ng pamahalaang
Kastila noongpanahong iyon, hindi napigilan sa Plaridel sa pagsisiwalat ng mga mali at pagkukulang
ng pamahalaan.
“Sa panahon ni Plaridel,
bawal mag-ingay dahil may natutuloy, pero itong si Plaridel, parang may
insomnia. Hindi siya natulog, sa halip
ay nag-ingay at nambulabog,” ani ng Senador.
Ang pagbubulgar ni Plaridel
ay lumikha ng ingay at bumulabog sa pamahalaan noon kanyang panahon dahil ito
naging mitsa ng pagkamulat ng taumbayan.
Ayon kay Guingona, maging sa
kasalukuyan ay napapanahon ang diwang ipinamalas ni Plardel.
“Sa ating bansa, masama kapag tulog ang tao,
masama kapag walang nag-iingay at nambubulabog dahil kapag ganyan,nakakalusot
ang mga may baluktot na isip, nakakalusot ang mga taong ang kaluluwa’y
gusot-gusot,” sabi niya at binaggit rin ang epekto ng social media sa
pagsasagaw ang protesta laban sa pork barrel noong Lunes, Agosto 26.
“Kailangang tayo ay patuloy
na mag-ingay at mambulabog para sa katotohanan,”sabi niya.
Bilang suporta sa pag-iingay
at pambubulabog ng mamamayan sa gobyerno, inihayag ni Guingona ang kanyang
regalo sa kaarawan ng bayani.
Ito ay ang kanyang
panukalang crowd sourcing bill sa Senado na naglalayong mahikayat ang mga
mamamayan na isatinig ang kanilang pananaw at damdamin sa mga plano, polisiya at mga panukalang batas ng
gobyerno.
“Kailangang ipaalam sa
taumbayan through the social media kung ano ang mga bagong panukala at
polisiya, para maiparating naman ng taumbayan ang kanilang pananaw at damdamin
sa aming mga panukalang batas,” sabi niya.
Idinagdag pa ng Senador na,”
kailangang malaman namin ang inyong reaksyon, kaya bulabugin ninyo kami.”
Bilang isang senador ng
republika, ipinaalala niya na sila ay may responsibilidad na makinig at tumugon
sa pananaw ng taumbayan.
Ngunit ipinaalala rin niya
na na may responsibilidad din ang taumbayan ng kanyang sabihing, “responsibildad
ninyo sa bayan ang mag-ingay sa para sa katotohanan, at obligasyon sa Pilipino
ang mambulabog para sa kapakanan ng lahat. Iyan ang diwa ng isang tunay na
Plaridel.”
Kinilala rin ni Gob. Alvarado ang
pagpapatuloy ng diwang pamana ni Plaridel maging sa social media.
Ayon sa gobernador, “sa panahon ng
Facebook at Twitter account, nakayungyong sa ating mga ulunan ang
pumapailanglang na diwa ni Plaridel na nananatiling nakasubaybay sa atin at
hindi mapapanuto hanggang mayroong katiwalian, hanggang mayroon korapsyon,
hanggasng mayroong marungis na kamay na nangangahas makialam sa salapi ng
bayan, at hanggang ang likas yaman ng bansa ay hindi pinakikinabangan ng mamamayan.”
Idinagdag pa niya na “ayaw na ng tao sa pang-aalipin, ayaw na sa
pangloloko, ayaw na sa pagmamalabis, ayaw na sa pagsasamantala, at gusto na ng
ganap na pagbabago.” (Dino Balabo)
No comments:
Post a Comment