Sunday, September 1, 2013

Pagsuko ni Napoles kay Pnoy, idinepensa

 
BULAKAN, Bulacan—Ipinagtanggol ni Senador Teofisto Guingona III ang ang pagsuko ni Janet Lim Napoles kay Pangulong Benigno Aquino III sa Malakanyang noong Miyerkoles ng gabi, Agosto 28.

Kaugnay nito, iginiit ni Guingona na pabor ang 15 sa 24 na Senador na tuluyang buwagin ang pork barrel, ngunit idinepensa rin niya ang pork barrel ng Pangulo na tinatawag ding Presidential Social Fund (PSF).

Sa isang ambush interview matapos magsalita si Guingona sa ika-163 pagdiriwang ng kaarawan ni Gat Marcelo H. Del Pilar sa bayang ito noong Biyernes, Agosto 30, nilinaw ng senador na hindi “scripted”ang pagsuko ni Napoles sa Pangulo.

 “He is the commander in chief, lahat ay nagrereport sa Pangulo at siya rin ang kinikilalang walang kinikilingan sa pagpapatupad ng batas,”ani Guingona.

Iginiit niya na walang ibang mapagkatiwalaan si Napoles kungdi ang Pangulo.

Ito ay dahil sa posibilidad ng banta sa buhay ni Napoles na itinuturing na utak sa paglustay ng mahigit P10-Bilyon pork barrel fund ng mga kongresista at Senador mula 2007 hanggang 2009.

Hinggil naman sa pananaw ng mga kapwa senador sa kontrobersyal na pork barrel, sinabi ni Guingona na 15 sa mga ito ay pabor na tuluyang alisin ang pork barrel.

“After reading the COA report, at least 15 of us favored the abolition. That’s a majority already,” ani ng Senador na nagpahayag na isa siya sa mga pabor ba alisin ang pork barrel ng mga senador.

Sa pagtatanong ng Mabuhay, inayunan din ni Guingona ang pananaw na bilang mga senador, ang kanilang trabaho ay humubog at magpatibay ng batas at hindi mangasiwa sa P200-M pork barrel bawat taon.

Gayunpamn, ipinagtanggol niya ang PSF ng Pangulo dahil sa ito raw ay nagagamit lalo na panahon ng kalamidad.

Ngunit sa pananaw ng dumaraming Pilipino,ang pork barrel pati na ang PSF ng Pangulo ay isang ugat ng korapsyon.

 Ilan na ang nagpayo na dapat ito ay ipagkaloob sa mga ahensiyang nagpapatupad ng proyekto at maging sa mga pamahlaang lokal.

Hinggil sa paggamit ng PSF sa mga kalamidad, ilan na ang nagsabi na mas makabubuting gamitin iyon sa pagpapatatag sa mga Disaster Risk Reduction Management Councils (DRRMCs).

Matatandaan na noong Biyernes, Agosto 23 ay ipinahayag ng Pangulo ang pagbuwag sa pork barrel.

Ang pahayag ay isinagawa, ilang araw bago isagawa ang million man march sa Luneta noong Lunes, Agosto 26 kung saan ang nagkakaisang panawagan ay buwagin ang pork barrel.

Ang pananaw na ito ay inayunan ng ilang Bulakenyo na nagsabing kung ang pork barrel ng mga kongresistang Bulakenyo ay ginamit sa paghahanda sa kalamidad, hindi sana binaha ang Bulacan at isinailalim sa state of calamity sa nagdaaang tatlong taon.  Dino Balabo

No comments:

Post a Comment