Sunday, September 1, 2013

Gen. Calonzo nanguna sa pamamahagi ng tulong sa kababayan





HAGONOY, Bulacan—Hindi pa tuluyang humuhupa ang bahang hatid ng bagyong Maring at hanging habagat ay nagsimula na rin ang pagbaha ng tulong sa mga apektadong lugar sa Bulacan.

Kabilang dito ay ang pamamahagi ng relief goods mula sa pamahalaang panglalawigan, mga pamahalaang pambayan, pribadong indibidwal at mga pangkat.

Ngunit sa bayang ito, hindi lamang relief goods ang ipinamahagi ng Armed Forces of the Philippines Reserved Command (AFP Rescom), naghatid din sila ng tulong medikal.

Ito ay sa pangunguna ni General Quirino Calonzo, ang commanding general ng AFP Rescom na nagmula sa Barangay Carillo ng bayang ito.

Ang unang pinuntahan ng AFP Rescom ay ang Barangay Tampok kung saan ay may pinakamalalim pang baha  noong Lunes, Agosto 26.

Kasama ng heneral ang kanyang mga tauhan tulad ni Col. Virgilio Garcia na nagmula naman sa Barangay San Sebastian, mga kasapi ng Association of Medical Doctors of Asia,  at ng Voice of New Generation (VNG) Rescue 184 sa pangunguna ni 1Lt. Nelson Pangilinan.

Sa kanyang maikling talumpati bago ipamahagi ang mga relief goods at magsimula ang medical mission, ipinahayag ni Calonzo ang kagalakan na makatilong sa kanyang mga kababayan sa kanyang pagbabalik.


Binigyang diin niya na sa mahabang panahon ay naghahatid ng tulong ang AFP Rescom sa mga nasalanta ng kalamidad, ngunit ito ang unang pagkakataon na naghatid sila ng tilong sa bayang ito.

Gayunpaman, nilinaw ni Calonzo na sa mga nagdaang kalamidad sa Bulacan, ang AFP Rescom ay umagapay sa mga Bulakenyo sapamamagitan ng tulong na hatid ng mga AFP Reservist na kasapi ng mga rescue group na inorganisa ni Pangilinan.

Nagpasalamat din si Calonzon samga grupong nakaagapay nila sa paghahatid ng tulong,tulad ng mga kasapi ng AMDA na nagbigay ng libreng konsultasyong medikal, at gamot kasama ang mga duktor ng AFP, gayundin ang mga San Miguel Foundation na nagdonasyon ng mga pagkain at ibang gamit; at ang VNG Rescue 184 na kasamang umalalay sa pamamahagi ng relief goods at sa medical mission.

Sa pagsisimula naman ng medical mission, agad pumila ang mga residente ng Barangay  Tampok upang sila ay masuri.

Ang karaniwang karamdamang kanilang ikinonsulta at ubo, sipon, lagnat at maging alipunga.

“Malaking tulong ito para sa aking mga kabarangay na matagal ng apektado ng baha,” sabi ni Kapitan Tocs Libao ng Barangay Tampok na siya ring namumuno sa Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) ng bayang ito.

Sa ibang barangay sa bayang ito, tulad ng San Sebastian, Sto. Nino, San Miguel at Sta. Monica, namahagi rin ng relief goods si Gob. Wilhelmino Alvarado noong Linggo, Agosto 25.


Ito ay matapos mamahagi ng relief goods sa mga bayan ng Obando, Balagtas, mga lungsod ng Malolos at Meycauayan.

Katulad ng pahayag ni Libao, nagpahayag din ng pasasalamat si Kapitan Roldan Umali ng Barangay San Sebastian sa mga naghatid ng tulong.

Kabilang dito ay sina Gob. Alvarado, Bise Gob. Daniel Fernando, Bokal Ayee Ople, Bokal Michael Fermin at mga pribadong mamamayan tulad ni Dr. King Santos.

Kaugnay nito, namahagi rin Fermin ng mga relief goods na personalniyang ginastusan sa Brgy. Sto.Rosario, Paombong; Sitio Pulo sa Barangay San Jose, Calumpit, at maginf sa ilang barangay  Bulakan, Malolos at Pulilan. Dino Balabo

No comments:

Post a Comment