Sunday, March 9, 2014

Ekta-ektaryang palaisdaan nilalamon ng dagat



 
HAGONOY, Bulacan—Nagpahayag ng pangamba ang mga residente at opisyal ng bayang ito dahil sa patuloy na nilalamon ng Manila Bay ang baybaying bahagi nito.

Apektado na ang halos 800 ektaryang pribadong palaisdaan bukod pa sa mahigit 400 ektaryang propius o palaisdaang pag-aari ng pamahalaang bayan ng Hagonoy.

Ayon kay Louie Libao, fishery officer ng bayang ito, ang pagkawasak ng mga pilipil ng 800-ektaryang pribadong palaisdaan ay nagsimula may tatlong taon na ang nakakaraan.

Ito ay nangangahulugan na umaabot sa 266.6 ektarya ng palaisdaan ang nilalamon ng dagat bawat taon, o 22.2 ektarya bawat buwan sa nagdaang tatlong taon.

Sa kasalukuyan, kabilang sa mga palaisdaang nawasak ang pilapil ay matatagpuan sa mga Barangay ng Tibaguin, Pugad, San Roque at San Pascual sa bayang ito.

 Ayon kay Libao, ang mabilis na pagkasira ng mga palaisdaan sa bayang ito ay sanhi ng epekto ng climate change na pinalubha pa ng kapabayaan at pagka-ubos ng mga bakawan at iba pang puno sa baybayin na nagsisilbing panangga sa mga alon.

Inihalimbawa ni Libao ang mahigit sa 400 ektaryang propius ng bayang ito na nilamon ng dagat may anim na taon na ang nakakaraan.

Ang nasabing propius ay dating nirerentahan ng mga malalaking fishpond operator na sila na ring nagsasagawa ng rehabilitasyon sa mga pilapil nito.

Ngunit ng matapos ang kontrata sa renta ng nasabing propius, hindi agad narentahan ito dahil ang nais ng dating punong bayan ng Hagonoy ay maging mas mataas ang renta bawat taon.

Ngunit isa sa argumento ng mga rerentang fishpond operator ay ang malaking gastos sa buong taong rehabilitasyon ng pilapil ng propius.

Ang kalagayang ito, ayon kay Libao ay malaking banta hindi lamang sa kabuhayan ng mga residente at mga namamalaisdaan.

Ito ay banta rin sa mga pamayanan, partikular na samga barangay na malapit sa baybayin.

Inayunan din ito nina Konsehal Elmer Santos at Maximo Crisostomo, ang tagapamuno ng Municipal Cooperative Development Council (MCDC), isa sa mga pangunaging grupo na nagsusulong ng malawakang pagtatanim ng bakawan sa baybayin dagat ng bayang ito.

Iginiit ni Santos ang madaliang rehabilitasyon sa mga palaisdaang nakaharap sa Manila Bay na karaniwang hinahampas ng along kapag tag-ulan.

 Para naman kay Crisostomo, dapat ring magsagawa ng malawakang pagtatanim ng bakawan upang magsilbing proteksyon.

Igininiit pa niya na maging mga pilapil ng mga palaisdaang nasira ay dapat taniman ng bakawan.

Ito ay dahil sa mga nasalantang palaisdaan ay nai-convert na fishpen ng ilang malalaking fishpond operator.

Ito ay sa pamamagitan ng pagbabakod ng mataas na lambat sa paligid ng palaisdaan upang kahit wasak ang ilang bahagi ng pilapil ay mapanatiling nakakulong sa loob ang mga isdang alaga tulad ng bangus, sugpo at iba pang produkto.

Sa kabila naman ng patuloy na operasyon ng palaisdaang ginawang fishpen, nagpahayag din ng pangamba ang maliliit na mangingisda dahil sa epekto ng aqua feeds na ginagamit ng mga operator ng fishpen.  Dino Balabo

No comments:

Post a Comment