Sunday, March 9, 2014

Epekto ng operasyon ng fishpen sa pangisdaan






HAGONOY, Bulacan—Maramot na dagat.

Ito ang minsa’y nasambit ni Kagawad Alfredo Lunes ng Barangay Pugad sa bayang ito kaugnay ng pagbaba ng dami ng nahuhuling isda sa baybayin ng Manila Bay ng mga maliliit na mangingisda.

Ang pahayag na ito ay nasabit ni Lunes tatlong taon na ang nakakaraan, at muli pang kinumpirma ng iba pang mangingisda sa nasabing barangay noong 2012.

Nitong nakaraang Biyernes, Pebrero 28 ay muling inulit ng mga mangingisda at opisyal sa bayang ito ang patuloy na pagbaba ng dami ng isdang nahuhuli sa karagatan.

Ang tinutukoy nilang sanhi ngayon ay ang operasyon ng mga fishpen sa baybayin ng mga Barangay ng Pugad, San Roque at San Pascual.

Ang mga naturang fishpen ay dating mga palaisdaan na ang nagsisilbing pamigil sa tubig at isdang laman ay ang pilapil na yari sa lupa.

Ngunit dahil sa pagkaubos ng mga tanim na bakawang nagsisilbing panangga sa mga alon, ay nadurog at tuluyang nawasak ang mga pilapil ng may 800 ektrayang palaisdaan sa baybayin.

Hindi tumigil ang operasyonng mga nasabing palaisdaan dahil ito ay binakuran ng matataas na lambat, kaya’t sa halip na tawagin itong palaisdaan at tinatawag na ngayong fishpen o kulungan ng isda.

Ayon kay Konsehal Elmer Santos, ang operasyon ng mga fishpen ay nakakasira sa kalidad ng tubig sa baybayinng bayang ito.

Ito ay dahil sa ang mga fishpen ay nagsasagawa ng intensive fish farming gamit ang mga aqua feeds.


“Madalang na ngayon ang talaba, tahong, pati alimasag saka mga biya,” sabi Santos.

Maging ang iba pang lamang dagat tulad ng hipon at maliiit na isda ay apektado.

Dahil dito, halos walang kinikita ang mga maliliit na mangingisdang namamanti, umuumang ng baklad at bukatot.

“Parang nalalason ng tubig ang mga semilya ng isda at iba pang lamang dagat,”sabi naman ni Louie Libao, ang fishery officer ng bayang ito.

Binigyang diin pa niya na dahil sa pagkasira ng mga pilapil ng palaisdaan, maging ang daloy ng agos sailog ay apektado.

Bilang isang dating konsehal ng bayan na nagtaposng kursong Fisheries, sinabi ni Libao na hindi lamang mga operator ng fishpen ang gumagamit ng aqua feeds, kungdi maging ang namamahala sa malalaking palaisdaan o bigtime fishpond operators sa bayang ito.

Subalit bibigyang diin niya na dahil sa ang tubig sa fishpen ay labas pasok lamang, ang katas ng mga aqua feeds ay natatangay na rin agos.

Ayon kay Libao, ang katas ng aqua feeds sa mga palaisdaang buo ang pilapil ay medyo humuhupa pa ang epekto dahil matagal ito bago patapunin sa ilog.

Bukod dito, ang mga palaisdaan ay napapatuyuan pa ng tubig na naibibilad sa araw ang lupa,samangtaolang ang fishpen ay hindi.

Ipinaliwanag pa niya na ang mga banlik o burak samga fishpen ay kinakayod ng mga operator gamit ang lambat na may pinong butas.

Ito ay upang matanggalang banlik ng nadurog na aqua feeds at mga dumi ng isda na naiwan sa fishpen.

Ngunit ang mga burak na ito ay sa dagat din lamang itinatapon kaya’t ito ay nakakapekto pa rin sa mga semilya ng isda.

Dahil dito, ipinayo niya ang pagbuo ng isang ordinansa na magtatakda ng regulasyon  sa operasyon ng mga fishpen.

Para naman kay Santos, sinabi niya na nagbubuo na ang Sangguniang Bayan ng Hagonoy ng isang katulad na ordinansa.

Bilang patunay, nagsagawa na sila ng water sampling at ito ay kasalukuyang nilang ipinasusuri sa laboratoryo ng Department of Science and Technology (DOST).

“Hinihintay na lamang naming yung resulta ng lab test ng DOST dahil isa iyon sa magsisilbing batayan namin,” ani Santos.

Iginiit pa niya na patuloy ang pakikipag-ugnayan ni Mayor Raulito Manlapaz sa operator ng fishpen sa bayang ito.

Si Manlapaz at ang pamilya ng kanyang maybahay ay nabibilang sa mga malalaking namamalaisdaan sa bayang ito.

Ayon kay Santos tutol si Manlapaz sa operasyon ng fishpen dahil sa epekto nito sa pangisdaan.

Ngunit ang iginigiit ng mga operator ng fishpen ay hindi nilakayang pigilan ang pagkasira ng mga pilapil ng kanilang palaisdaang binubuwisan.

Nagpahayag din ang mga operator ng fishpen na nakahanda silang tumigil sa operasyon kung ang mga pilapil ng palaisdaan sa baybayin ng bayang ito ay maipakukumpuni ng pamahalaang lokal.  (Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment