Sunday, March 16, 2014

UMUUSAD NA: Kasong pandarambong vs. Alvarado, 6 pa





MALOLOS—Umuusad na ang reklamong pandarambong na isinampa laban kay Gob. Wilhelmino Alvarado at anim pang opisyal ng kapitolyo.

Ito ay sa kanilang pahayag ng punong lalawigan na hindi pa sila nakakatanggap ng liham mula sa Ombudsman upang magpaliwanag.

Ayon kay Antonio Manganti, nagbalik siya sa tanggapan ng Ombudsman noong Biyernes, Marso 7 at napag-alaman niya na may numero na ang reklamong pandarambong na kanyang inihain noong Pebrero 14.

Si Manganti ay isang dating aktibista at rebelde na sumuko at naglingkod sa kapitolyo mula 2001 hanggang 2009.

“Sa wakas, na-evaluate at may numero na ang kaso.  Ibig sabihin ay mabilis ang paggulong ng kaso,” sabi ni Manganti saMabuhay ng siya ay makapanayam sa telepono noong Lunes ng gabi, Marso 10.

Ang nasabing pahayag ay inilathala rin Manganti sa kanyang Facebo0ok account, kasama ang numero ng kaso na FF-L-14-0057.

Ang kasong isinampa ni Manganti ay nagh-ugat sa ulat ng Commission on Audit para sa taong 2012 kung saan ay binaggit na umaabot sa P287-Milyon ang pondo ng kapitolyo na unliquidated.

Ngunit sa pahayag ni Gob. Alvarado, iginiit niya na walang masama sa ulat ng COA, bukod pa sa na-liquidate na raw ang nasabing pondo.

Ito ay muling binanggit ng punong lalawigan sa mga mamamahayag na dumalo sa biglaang press conference na ipinatawag noong Biyernes, Marso 7.

Matapos ang paliwanag, inusisa ng Mabuhay kay Alvarado kung binigyan na sila ng katibayan ng COA na ang inungkat na pondo ni Manganti ay na-liquidate na.

Ayon sa gobernador, wala pa silang natanggap, at wala paring inilalabas na credit advise ang COA.

Binigyang diin niya na hindi lang ang kapitolyo ang hindi pa nabigyan ng credit advise ng COA, kungdi maging ang ibapang pamahalaang lokal sa bansa.

Kaugnay nito, nananawagan si Manganti sa bawat Bulakenyo na maki-isa sa paglaban sa katiwalian.

“Magsama-sama tayo, itaguyod at ipagtanggol natin ng sama-sama an gating kapakanan at karapatan laban pandarambong at katiwalian sa pamahalaan,” aniya.

Bukod dito, nilinaw niya hindi magkaugnay ang kasong isinampa niya laban kay Alvarado at isinusulong na na recall election sa punong lalawigan.

Ngunit ayon kay Alvarado, ginagamit ng mga kalaban niya sa pulitika ang kasiong pandarambong upang mahikayat ang mga Bulakenyo na lumagda sa isinusulong na recall election.

Binigyang diin pa niya na ito ay isang pamumulitika at isang demolition job.

Ngunit para kay Manganti, dapat sagutin ni Alvarado ang usapin ng pandarambong sa halip na ilarawan ito bilang isang pamumulitika.

Iginiit pa ng dating rebel returnee na malinaw ang usapin sa kasong kanyang isinampalaban sa gobernador at anim pang opisyal ng kapitolyo.

Ang iba pang opisyal ng kapitolyo na kasama sa kasong pandarambong ay ang mga kasapi ng finance committee ng kapitolyo na sina Provincial Treasurer Belinda Bartolome, Provincial Budget Officer Marina Flores, Provincial Accountant Marites Friginal, Provincial Planning and Development Officer Arlene Pascual, dating Provincial Administrator Jim Valerio,  at Provincial General Services Officer Inhinyera Marina Sarmiento na nagbitiw sa tungkulin noong nakaraang taon.  Dino Balabo

No comments:

Post a Comment