Wednesday, July 2, 2014

Bagong kurso para sa mga lokal na opisyal binuksan ng BulSU


  


MALOLOS—Isang bagong kurso ang binuksan at iniaalokng Bulacan State University sa mga lokal na opisyal sa lalawigan sa layuning makahubog ng mga mapanagutan at tumutugong lingkod bayan.

Ito ay ang Local Governance Specialist Certificate Course na sisimulan ngayong Hulyo.

Ayon kay Dr. Ray naguit, direktor ng Institute of Local Government Administration (ILGA) sa nasabing pamantasan,ang nasabing kurso ay may apat na bahagi at ito ay bukas sa lahat ng opisyal sa lalalwigan ng Bulacan.

Kabilang sa mga pag-aaralan sa intensibong kurso ay ang pagbuo ng mga ordinansa, partikular na sa pagtatakda ng buwis, at mga resolusyon; parliamentary procedures, pagsasagawa ng pampublikong pagdinig,pagsasagawa ng quasi judicial function, pagbuo ng batas sa fiscalmanagement , oversight functions, pamamahala sa mga Sanggunian,backstopping at tracking analysis of ordinances hanggang sa pagsasakodigo ng mga ordinansa.

Ayon kay Naguit,ang nasaqbing kurso ay isasagawa sa loob ng pitong sunod-sunod na Sabado para sa pagsasanay sa excellence in local legislation para sa mga bago at muling halal na kasapi ng mga  Sangguniang Bayan at Panglungsod.  Bukas din ito para sa mga kalihim ng Sanggunian, at maging sa kanilang mga kawani.

Batay sa pahayag ni Naguit, ang bagong kurso ay nabuo sa pamamamagitan ng kolaborasyon sa pagitan ng BulSU ILGA at ng Department of Interior and Local Government-Bulacan (DILG-Bulacan).

Ipinaliwanag ng direktor na ang kurso ay naglalayon na higit na mapataas ng kakayahan ng mga halal na opisyal at maging nakahulugan ang kanilang paglilingkod sa pagnanais namapaunlad ang bawat pamayanan sa lalawigan.

Dahil naman sa  sa pagbubukasng bagong kurso, sinabi ni Naguit na handa na ang BulSU-ILGA na pangunahan ang Gitnang Luzon sa pagpapataas ng kakayahan ng mga pamahalaang lokal.

Inayunan din ito ni Darwin David,ang direktor ng DILG-Bulacan.

Sa maikling pahayag, sinabi ni David na ang bagong kurso ay hindi nakadisensyo lamang sa pagpapataas ng kakayahan, sa halip ay nakatutok din ito sa paglinang ng mga positibo at akmang pag-uugali para sa epektibo at tumutugong pamamahala.

Ipinagmalaki rin ni David ang ilan samga magiging guro ng bago kurso tulad nina Dr. Oliva Feliciano, Vice Mayor. Zacarias Candelaria ng Calumpit, Vice Mayor Gilbert Gatchalianng Malolos, Bokal Enrique dela Cruz, Dr. Arsenio Pascua, Dr. Mariano de Jesus na siya ring Pangulo ng BulSU, Ricardo Capule, Lydia Baltazar. at Abogado Bobby Villote. Dino Balabo

PLARIDEL: Hindi lang propagandista, siya ang utak ng Katipunan





MALOLOS—Hindi lamang isang progandista si Gat Marcelo H. Del Pilar, siya ang utak ng Katipunan.

Ito ang bunga ng masusing pananaliksik ni King Cortez sa mga nalathala at hindi nalathalang salaysay ng mga kasapi ng Kataas-taasang Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK) patungkol kay Del Pilar na kilala rin sa kanyang pangalan sa panulat na Plaridel.

Bukod dito, ipinaliwanag ni Cortez na ang kilusang Propaganda na pinangunahan nina Plaridel, Mariano Ponce, Dr. Jose Rizal at Graciano Lopez-Jaena sa Espanya ay hindi hiwalay sa Kilusang Katipunan sa Pilipinas na iniuugnay ng mga aklat pangkasaysayan kay Gat Andres Bonifacio.

Sa halip, ang Kilusang Propaganda ay bahagi ng Samahang Katipunan na kumilos sa Pilipinas, Espanya at Hongkong na ang pangulo  ay si Plaridel na siya ring may inisyatiba ng pagtatayo nito.

Bilang isang kilusan, ang Samahang Katipunan ay may sariling Saligang Batas, istraktura ng gobyerno, at mga sistema dahil ang pangunahing layunin nito ay mapabagsak ang noo’y naghaharing pamahalaang Kastila sa bansa, at mapalitan ng pamahalaan ng mga Pilipino.

Ngunit ang layuning ito ng Samahang Katipunan ay lihim at nasa dulo na ng agenda, at ang nasa una at ang pangharap na layunin ay isinulong ng kilusang Propaganda sa pamamagitan ng kampanya sa Espanya  upang magkaroon ng reporma sa Pilipinas.

“Buong-buo ang plano ni Marcelo H. Del Pilar para sa pagpagpapalaya sa bayan at pagkakaroon ng mga Pilipino ng sariling pamahalaan.  Lahat ng kilos nila ay nakaplano at may malinaw na layunin,” sabi ni Cortez sa isang esklusibong panayam.

Bahagi ng mga plano ni Plaridel ay ang pagsusulong ng reporma bago magsagawa ng rebolusyon.


Ipinaliwanag ni Cortez na sa kabila na si Plaridel ay nakilala bilang isang dakilang propagandista, hindi nakahiwalay ang kilusang ito sa kilusang Kaitpunan sa bansa at maging isa ibayong dagat.

Iginiit niya na batay sa mga nalathalang libro,ang kilusang propaganda na bahagi lamang ng mas malawak na kilusang Katipunan na ang pagtatayo ay nagmula sa inisyatiba ni Plaridel.

Bilang patunay, ipinakita niya ang nilalaman ng nalathalang salaysay ni Aguedo del Rosario, isa sa mga unang kasapi ng KKK.

Batay sa salaysay ni Del Rosario, ang Katipunan ay itinatag noong Hulyo 7,1892 sa pangunguna nina Deodato Arellano, Teodoro Plata, Ladislao Diwa, Valentin Diaz at Andres Bonifacio sa pamamagitan ng inisyatiba ng abogadong si Plaridel na noo’y nasa Barcelona kasama ng iba pang Pilipinong nagsasagawa ng kampanya para sa reporma sa Pilipinas.

Sa nasabi ring salaysay, inihayag ni Del Rosario ang layunin ng Katipunan na magkamit ang Pilipinas ng lehitimong reporma na magpapaunlad sa mga kondisyon sa bansa noon; at sa huli ay mapalaya ang Pilipinas sa pamamahala ng Espanya.

“Malinaw sa pahayag ni Aguedo Del Rosario na si Del Pilar ang utak o mastermind ng pagbubuo at pagtatayo ng Katipunan, pero ang dahil nasa Espanya siya noon, ang nanguna dito sa Pilipinas ay ang bayaw niyang si Deodato Arellano at sina Bonifacio,” ani Cortez.

Bukod dito, binanggit din ni Cortez ang bahagi ng librong inilathala ni Father John Schumacher patungkol sa Katipunan kung saan ay sinabi nito na ang propaganda ay “the first step rather than the ultimate goal.”

Binigyang diin pa niya na batay sa mga nalathalang tala ng kasaysayan, sumali na lamang si Bonifacio sa Samahang Katipunan na nagpapatunay na hindi siya ang nagbuo at nagtatag nito.

Ayon pa kay Cortez, ang pahayag na ito ni Del Rosario na inilathala ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ay nagpapatunay na hindi lamang isang inspirasyon sa Katipunan ang panulat ni Plaridel, sa halip ay may direktang partisipasyon ang panglalawigang bayani ng Bulacan.

Batay sa iba pang tala, hindi naputol sa inisyatiba ang partisipasyon ni Plaridel sa Katipunan, sa halip ay siya ang umakda ng by-laws o mga batas nito, maging ng Kodigo penal ng Katipunan na ang mga kopya ay nakuha ng mga Kastilang sumalakay sa pinagtataguan ng mga dokumento ni Bonifacio matapos mabunyag ang Kilusang Katipunan.

Ayon kay Cortez, ang pag-akda ng mga patakaran at Saligang Batas ng Katipunan ay isa sa mga kontribusyon ni Plaridel bilang isang matagumpay na abogado.

Dahil ang mga impormasyong ito ay hindi na bago, iginiit ni Cortez na maging sina Epifanio Delos Santos, Renato Constantino at ang manunulat ng kasaysayan na si Zaide ay alam ang mga ito.

Ngunit isa man sa kanila ay walang tumindig at nagpakilala kay Plaridel bilang utak ng Katipunan.
 
Ang mananaliksik na si King Cortez.
Batay sa kanyang pananaliksik, ang mga paninindigan ni Plaridel ay nagsimula sa Bulacan kaya’t sinabi niya na ang konsepto ng pagkabansa ng Pilipinas ay nagmula sa Bulacan.

Binigyang diin niya na batay sa mga ulat ng mga Kastila sa  Bulacan, si Plaridel at ang kanyang kaanak na si Luis Del Pilar ay ang mga “di na nasusulat na batas sa Bulacan.”

Ito ay nangangahulugan na kahit walang opisyal na posisyong hinahawakan sina Plaridel sa Bulacan ay sila ang nasusunod.

“Isang edukadong lider at mula sa pamilyang ilustrado si Del Pilar, pero ang kanyang husay at galing ay napag-ugnay niya ang pagiging edukado at ilustrado sa masang Pilipino. Nakatuntong ang kanyang mga paa sa lupa at hindi nanatili sa pedestal ng  mga ilustrado.  Kaya ilustrado man o mayaman at mahirap, maging mga Kastila ay pinakikinggan siya. Ganyan kalaki ang impluwensiya ni Plaridel, siya ang kingpin sa Bulacan noong panahon niya,” ani Cortez.

Bilang patunay na si Plaridel ang di nasusulat na batas sa Bulacan, binanggit ni Cortez ang bahagi ng nilalaman ng aklat na inilathala ng Bulakenyong si Antonio Valeriano.

Sa libro din ni Valeriano natala ang plano ni Plaridel para sa Katipunan kung saan ay binigyang diin niya ang dalawang kilusan nakikilos sa liwanag at sa dilim—ito ay ang kilusang Propaganda na kumilos sa liwanag at Kilusang Katipunan na kumilos ng palihim hanggang sa nabunyag.

Iginiit pa niya na batay sa mga tala, may pagkakataon sa Malolos na halos ay dalawang buwan na walang nagpapabinyag dahil sa utos ni Plaridel na nagpapatunay ng kanyang impluwensiya maging sa mga masa.

Batay naman sa salaysay ni Mariano Ponce, sinabi ni Cortez na si Plaridel ang nagturo sa kanila (Ponce) ng pagmamahala sa tinubuang lupa.

Ang pagtuturong ito ay naganap sa Distrito Trozo ng Tondo malapit sa bakuran ng University of Santo Tomas (UST) sa Maynila kung saan ay natira si Plaridel sa bahay ni Padre Maraino Sevilla noong 1880.
 
Ang nasabing distrito, ayon kay Cortez ay pugad ng mga Pilipinong may makabayang kaisipan katulad nina Pedro Serrano-Laktaw, Emilio Jacinto, Jose Dizon, Macario Sakay, Jose Ramos, Jose Rizal at marami pang iba.

Sa nasabi ring lugar unang nabuo ang plano sa pagtatayo ng masonriya sa Pilipinas noong 1891 na pinangunahan nina Serrano-Laktaw at Ramos; at ang La Liga Filipina.

Batay sa pananaliksik ni Cortez, ang diwa ng masonriya ay isa sa mga pundasyon ng Katipunan, na pinayabong ng edukasyon dahil ang Distrito Trozo ay malapit lamang sa UST. Dino Balabo

Saturday, June 14, 2014

2 gusali ng ICSM naabo, higit sa P20-M ang pinsala




MALOLOS— Tinupok ng apoy sa loob lamang ng halos tatlong oras noong Biyernes ang dalawang gusali ng Immaculate Conception School of Malolos (ICSM) na sa loob ng mahigit 70 taon ay nagsilbing bantayog sa paghubog sa mga kabataan sa lungsod na ito.

Tinatayang aabot naman sa mahigit P20-M ang halaga ng pinsala ng sunog na umabot ng anim na oras bago tuluyang naapula, samantlang isang rumespondeng bumbero ang nasugatan sa sunog na umabot ng ikatlong alarma.

Kaugnay nito, tiniyak ng pamunuan ng ICSM na magbabalik sa klase ang may 1,600 mag-aaral nito sa loob ng dalawang linggo makaraang magpalabas ng pahayag ilang oras matapos ang sunog.

Nag-alok naman ng mga pasilidad ang pamahalaang lungsod ng Malolos para pansamantalang magamit ng  ng mga mag-aaral, ngunit mas pinili ng pamunuan ng paaralan ang pasilidad ng Simbahan ng Barasoain na kanilang isasaayos sa susunod na isang linggo.

Himala namang nakaligtas sa sunog ang katabing Basilica Minore na noong 1899 ay ipinasunog ni dating Heneral Antonio Luna habang tumatakas ang mga rebolusyunaryo mula sa paparating na puwersa ng mga Amerikano.


Ang Basilica Minore na dating kilala bilang Katedral ng Malolos,ang sentro ng pamunuan ng Diyosesis ng Malolos sa Bulacan at Lungsod ng Valenzuela.

Ang sunog sa ICSM ay nagsimula bandang alas-3 ng madaling araw noong Biyernes,Hunyo 13.  Ang apoy nito ay nakontrol sa ganap na alas-5:09 ng umaga at tuluyang naapula sa ganap na alas-9:14 ng umaga.

Ayon sa security guard ng City of Malolos Water District (CMWD) na nakilalang si Abdul Hassan, nagsimula ang sunog ng magliyab ang kawad ng kuryente sa poste sa labas ng bakod ng paaralan.

Ito ay agad na gumapang sa dalawang gusali at sa loob lamang ng ilang oras ay natupok ito.

Kinatigan ni Monsignor Pablo Legazpi, rector ng ICSM ang pahayag ni Hassan ng kanyang sabihing mabilis ang pagkalat ng apoy dahil sa malakas ang hangi at yari sa kahoy ang dalawang gusali.

Ikinuwento niya na ang dalawang gusali ay itinayo noong 1937.


Hinggil sapinamulan ng sunog, sinabi ni Legazpi na tuwing gabi ay ibinababa nila ang breaker ng kuryente sa mga gusali upang walang dumaloy na kuryente.

Ito raw ay bahagi ng kanilangpag-iingat sa dalawang matandang gusali na yari sa kahoy na nasunog.

Nilinaw pa ni Legazpi na kapapalit lamang nila ng mga kawad ng kuryenteng nakainstalasyon sa gusali, bukod pa sa magkakahiwaly ang linya para sa ilaw, bentilador at mga airconditioners upang matiyak na hindi iyon mag-o-overload.

Sa kanyang pagtaya, aabot sa mahigit P20-M ang halaga ng ari-ariang nasunog kasama ang limang sasakyang ginagamit para sa pagsundo at paghahatid sa mga mag-aaral.

Batay naman sa pahayag ng Bureau or Fire Protection (BFP) walang tao sa loob ng paaralan ng maganap ang sunog, ngunit isang rumespondeng bumbero ang nasugatan sa pag-apula sa apoy.

Siya ay nakilalang si FO1 Edward Sullivan ng BFP-Malolos.

Kinatigan din ng BFP-Malolos ang mabilis na pagkalat ng apoy, kaya’t sa umpisa pa lang ng sunog ay itinaas na nila sa ikatlong alarma ang pagtawag ng saklolo sa mga kapwa bumbero.

Sa kasalukuyan patuloy pa ang imbestigasyon ng BFP upang matukoy ang pinagmulan ng sunog.  Dino Balabo

Monday, June 9, 2014

Di tapos na kalsada’t tulay sumalubong sa mga mag-aaral sa pagbubukas ng klase


Calumpit bridge



CALUMPIT, Bulacan—Handang-handa ang mga paaralang pampubliko sa lalawigan sa pagbubukas ng klase noong Lunes, Hunyo 2, ngunit ang sumalubong sa kanila ay mga di pa natatapos na kinukumpuning tulay at mga lansangan.

Kaugnay nito, pinalalahanan Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga kontraktor ng mga pagawaing bayan sa lalawigan na madaliin ang mga proyekto upang hindi makaabala at di abutan ng tag-ulan.

Ikinagalak naman ni Gob. Wilhelmino Alvarado ang maayos at payapang pagbubukas ng klase sa buong lalawigan kung saan ay daan libong mag-aaral ang nagbalik eskwela.

Ipinagmalaki ng punong lalawigan ang paghahanda sa 457 paaralang elementarya  at 87 paaralang sekundarya sa lalawigan na noong nakaaarang linggo ay nilinis at kinumpuni kaugnay ng pagsasagawa ng taunang Brigada Eskwela.

Bukod dito, ipinagmalaki rin ng punong lalawigan na sapat ang mga silid aralan salalawigan dahil sa halos 2,000 silid aralan na naitayo sa nagdaaang dalawang taon.

Ang konstruksyon sa mga  nasabing silid aralan ay pinondohan ng kapitolyo at ng Department of Education (DepEd).

Hinggil sa kapayapaan at kaayuna, naging maagap dinang kapitolyo sapag-uutos sakapulisan upang magtalaga ng mga pulis sa mga istratehikong lugar upang matiyak ang kaayusan at kapayapaan.

Ngunit ang sa kabila ng mga paghahandang ito, ang naiwasan ng maraming mag-aaral partikular na sa sekundarya ay ang trapiko sa mga piling lansangan sa lalawigan sanhi ng mga di pa natatapos konstruksyon at rehabilitasyon ng mga lansangan at mga tulay.

Kabilang dito ang tulay sa bayang ito na noong huling linggo ng Mayo ay bumagsak; at ang tulay sa bayan ng Balagtas na sa kahabaan din ng MacArthur Highway.

Ang tuilay sa Balagtas ay nadadaanan ng mga sasakyan tulad ng mga bus at public utility jeepney.

Ngunit ang tulay sa bayang ito ay hindi dahil kasalukuyan pa itong kinukumpuni, bukod pa sa pagbagsak ng gitnang bahagi nito noong Mayo 25.

Dahil sa sarado pa ang tulay sa bayang ito,ang mga tao ay nagsisitawid sa pinatatag na hanging bridge na katabi nito.

Ang mga motorsiklo naman ay isinasakay sa mga bangka at itinatawid sa ibayo ng Ilog Angat.
 
Malis Elementary School sa Guiguinto. Larawang kuha ni Anjeline Domingo
Ito ay dahil sa hindi pa natatapos ang idinadagdag na tig-isang metro espasyo sa magkabilang gilid ng hanging bridge.

Ayon sa DPWH, kapag natapos ang nasabing dagdag na espasyo, makakatawid na rin ang mga mottorsiklo sa nasabing hanging bridge.

Hinggil naman sa konstruksyon at mga rehabilitasyon ng mga lansangan, hindi pa rin natatapos ang lansangan sa bahagi ng bayang ito, maging sa Hagonoy, Paombong at Lungsod ng Malolos.

Mahaba pa rin ang kalsadang kinukumpuni sa kahabaan ng MacArthur Highway sa bahagi ng mga bayan ng Bocaue, Marilao, at Lungsod ng Meycauayan.

Ayon sa ilang magulang,kailngang gumising ang kanilang mga anak ng maaga upang makatiyakna makakarating sa oras sa paaralan.

Ito ay upang makaiwas din sa mabagal na daloy ng trapiko sa mga nasabing lugar.

Bukod rito, iginiit ng ilan na dapat ng ipakumpuni ang hanging bridgena nag-uugnay sa Barangay Iba, Hagonoy at Barangay Iba Este sa bayang ito.

Maging ang hanging bridge sa Sitio Parong-parong sa Barangay San Agustin sa bayan ng Hagonoy ay ipinanawagang maipakumpuni agad.

Nagpasalamat naman ang mga guro at mag-aaral sa Barangay Abulalas sa Hagonoy dahil nakumpuni na ang hanging bridge sa kanilang lugar.  (Dino Balabo)

Diwa at konsepto ng kalayaan ng bansa, nagmula kay Plaridel





MALOLOS—Kailan at kanino nagsimula ang mga katagang “malaya” at “kalayaan” sa Pilipinas?

Ito ang pangunahing katanungan inilahad ni King Cortez, isang mananaliksik kaugnay ng nalalapit na pagdiriwang ng ika-116 guning taon ng pagdiriwang ng kalayaan ng bansa sa Hunyo 12.

Kaugnay nito, inaasahang pangungunahan ni Pangulong Benigno Aquino III ang pagdiriwang sa ng Araw ng Kalayaan sa Bicol, samantalang si Metropolitan Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino ang inaasahang magsisilbing panauhing pandangal sa makasaysayang simbahan ng Barasoain.

Makakasama ni Tolentino si Technical Education Skills and Development Authority (TESDA) Director General Joel Villanueva na napabilang sa listahang may 100 kongresistang nasasangkot sa pork barrel scam.

Batay sa pananaliksik ni Cortez, ang mga Tagalog na katagang “malaya” at “kalayaan” ay nagmula sa dakilang Bulakenyong bayani na si Gat Marcelo H. Del Pilar na siya ring panglalawigang bayani ng Bulacan.

Ang 35-anyos na si Cortez ay nagtapos ng kursong BA Communication sa Universidad De Manila at kasalukuyang nagtuturo din sa nasabing pamantasan.

Siya ay nagtrabaho bilang isang security guard sa Macau, naging bahagi ng mga samahang nagboboluntaryo saibat-ibang bansa at napasama sa komite sa pagdiriwang ng ika-150 kaarawan ni Andres Bonifacio noong nakaraang taon.

Sa kanyang pagtuturo sa UdM, naging kontrobersyal si Cortez dahil sa ang kanyang karaniwang bihis ay uniporme ng isang security guard.

“Pag nagtuturo po akoay nagugulat ang mga estudyante at kapwa guro dahil nakasuot security guard ako,” aniya.

Kabilang sa kaniyang itinuturo ay ang kasaysayan kung saan at tampok ang mga bunga ng kanyang pananaliksik.

Kabilang dito ay ang pinagmulan ng mga salitang “malaya” at “kalayaan.”

Sa esklusibong panayam ng Mabuhay kay Cortez, nilinaw niya na unang nalathala sa pahayagang Diaryong Tagalog ang mga nasabing kataga.

Ang Diaryong Tagalog ay inilathala ni Del Pilar sa Maynila noong 1882.

Ayon pa kay Cortez, ang paglalathala ng mga salitang “malaya” at “kalayaan” ay nakapaloob sa artikulong “Amor Patrio” na isinalin ni Del Pilar sa Tagalog—Pag-ibig sa Tinubuang Lupa.

“Before na ma-publish sa Dirayong Tagalog ni Del Pilang ang mga salitang “malaya” at “kalayaan”, di alam ng mga Pilipino, maging ng mga personalidad  tulad ni Rizal ang salitang iyon.  Si Del Pilar ang nagpa-uso ng “malaya” at “kalayaan” at sa kanya nagsimulaang konsepto nito.”ani Cortez.

Bilang patunay na hindi alam ni Rizal ang mga nasabing salita, ipinakita ni Cortez ang sipi ng liham ng bayani sa kanyang kapatid na si Paciano na kanyang sinulat sa Leipzig, Alemanya noong Oktubre 12, 1886.

Narito ang nailalaman ng liham ni Rizal kay Paciano, “Kuya, ipinadadala ko sa iyo ang aking salin ng William Tell ni Friedrich Schiller sa Tagalog. Kayo na ng ating mga bayaw ang magwasto nito. Marami akong salitang di na alam dahil wala akong makausap ng Tagalog dito. Kulang ang aking mga salita, halimbawa para sa salitang "freiheit" o "liberty" (sa Ingles). Hindi ko magamit ang salitang "kaligtasan" dahil nangangahulugan ito na napiit siya, o naging esclavo kaya. Natuklasan ko sa salin ng "Amor Patrio" (nalathala sa Diariong Tagalog noong 1882) ang salitang "malaya, kalayaan" na ginamit ni Marcelo del Pilar. Sa kaisa-isang aklat na dala-dala ko-- ang Florante -- wala akong nakitang katulad na salita.”

Bilang patunay na lingid sa mga Pilipino angmga salitang “malaya” at “kalayaan,” binanggit din ni Cortez ang mga naunang sipi ng mga diksyunaryong Pilipino-Espanyol.

Kabilang dito ang diksyunaryong nilimbag ni Tomas Pinpin noong 1610, at nina Buenaventura noong 1613, at Noceda noong 1860.

“Walang salitang kalayaan sa mga diksyunaryong unang nilimbag nina Pinpin, Buenaventura at Noceda,” ani Cortez.

Iginiit niya nab ago ilathalat ni Del Pilar ang Dirayong Tagalog, ang salitang “freedom” sa Ingles ay hindi nangangahulugan ng “kalayaan” sa tagalog.

Ang katumbas ng salitang Ingles na “freedom”  sa salitang Kastila “libertad”, at ang salitang Ingles na “free” ay “libre” sa salitang Kastila.

Muli, bago ilathala ni Del Pilar ang Diaryong Tagalog, ang salitang Kastilang “Libertad” ay isinalin sa tagalog ng Vocabulario de Lengua Tagala ni Buenaventura bilang “Camaharlicaan,” “Libre,” “Timaua,” at “Maharlica.”

Ang salitang Kastilang “Libertar” at isinalin sa Tagalog ng Vocabulario de Lengua Tagala ni Noceda bilang “Timaua,” at  “mahadlica” o timawa at maharlika.  (Dino Balabo)