MALOLOS
CITY—Patay ang isang
babaeng negosyante matapos itong barilin sa ulo ng hindi pa nakilalang salarin
habang ito ay nakasakay sa pampasaherong jeep sa harap ng kapitolyo ng Bulacan
kahapon ng umaga.
Ang biktima ay nakilalang si Cristina Roxas, 51 anyos, may
ari ng Shell Gas station sa Sto Nino Paombong Bulacan.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ni Officer on case PO2
Danilo Torres ng Malolos PNP, dumalo sa isang pagdinig sa Bulacan RTC kaninang
umaga si Roxas kaugnay ng kasong isinampa nito laban sa isang malaking
carnapping group.
Sumakay ng jeep sa tapat ng kapitolyo si Roxas at kasunod na
sumakay sa harapan nito ang lalaking suspek.
Nagbayad daw ng pasahe ang suspek sabay baril sa ulo ni
Roxas.
Agad na bumulagta si Roxas at tumakas naman ang suspek na
umangkas sa isang nakaabang na motorsiklo.
Narekober mula sa crime scene ang isang basyo ng kalibre .45
baril at mga dokumento ng kasong isinampa ni Roxas.
Ang kaso laban sa isang carnapping group ang isa sa
anggulong tinitignan ng pulisya sa Malolos na posibleng motibo sa pagpaslang.
Ang biktima ay dinala sa Blue Cross Funeral Homes para sa
kaukulang awtopsiya samantalang patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya
hinggil sa naturang kaso.
Napag-alaman na noong ika-8 ng Pebrero 2010 ng harangin at tangayin
ng tatlong kalalakihan ang Toyota Fortuner ni Roxas habang siya ay nasa
baranggay Guinhawa sa Malolos.
Dahil dito ay nagsampa daw ng kaso ang biktima laban sa
hinihinalang malaking grupo ng carnapping na tumangay sa kanyang sasakyan.
No comments:
Post a Comment