Friday, June 7, 2013

Marilao Interchange ng NLEX, muling bubuksan sa trapiko sa Hunyo 15



ni Shane F. Velasco

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Hunyo 6 (PIA) -- Madadaanan nang muli ang
mas pinatibay na tulay ng Marilao Interchange ng North Luzon
Expressway (NLEX) sa Hunyo 15 matapos isara sa trapiko noong Mayo 31.

Sinabi ni Manila North Tollways Corporation (MNTC) President Rodrigo
Franco na pinalitan ng mga bagong girder o biga ang nasabing tulay na
mula sa dating konkreto ay ginawa nang puro bakal.

Bahagi aniya ito ng ginagawang modernisasyon sa kahabaan ng NLEX mula
nang hawakan ito ng MNTC noong 2005.

Lahat ng lumang tulay na tumatawid sa NLEX ay tinitibayan para sa
kaligtasan ng mga dumadaan dito.

Malaki ang bahagi ng ginagawang tulay dahil pinagdudugtong nito ang
NLEX at Mac Arthur Highway sa kanlurang bahagi ng Bulacan habang
nagsisilbi naman itong gateway ng mga bumibiyahe sa lungsod ng San
Jose del Monte sa silangan.

Pansamantala, naglatag ng rerouting plan ang MNTC at pamahalaang bayan
ng Marilao para sa mga motorista at biyaherong naapektuhan ng
pagsasara ng Marilao Interchange bridge.

Lahat ng sasakyan na magmumula sa Mac Arthur highway na papuntang
southbound lane ng NLEX patungong Balintawak ay makakalabas pa rin ng
Marilao Interchange.

Habang kung manggagaling din ng Mac Arthur Highway at papunta naman ng
Tabang, maaaring gamitin ang Marilao service road na tatawid sa tulay
ng Duhat sa Bocaue hanggang makarating sa Patubig road na dederecho sa
Marilao exit ng NLEX.

Ito rin ang daan na magmumula sa San Jose del Monte papasok at palabas
ng NLEX. (CLJD/SFV-PIA 3)

No comments:

Post a Comment