Saturday, August 24, 2013

Bulacan muling isinailalim sa state of calamity, halos kalahati ng lalawigan lumubog


Photo by Jeff Lobos


MALOLOS—Muling isinailalim sa state of calamity ang buong lalawigan ng Bulacan dahil sa isa hanggang apat na talampakang pagbahang hatid ng Bagyong Maring na nagpa-igting sa hanging habagat na nagdulot na walang patid na pag-ulan mula noong Linggo, Agosto 18.

Ito ang ikatlong suno na taong isinailalim sa state of calamity ang lalawigan. Una ay noong 2012 matapos manalasa ang mga bagyong Pedring at Quiel at noong Agosto 2012 ng manalasa ang bahang hatid ng hanging habagat.

Batay sa tala ng Provincial Disater Risk Reduction Management Office , halos kalahati ng 569 barangay sa Bulacan ang lumubog sa  baha.

Umabot sa 208,201  pamilya o 952,038  katao ang napektuhan ng pagbaha kung saan ay 7,790 pamilya o 31,383 katao ang inilikas mula sa 122 barangay sa 15 bayan at lungsod sa lalawigan.

Umabot naman sa P116,509,373.82  ang inisyal na halaga ng napinsalasa sakahan sa Bulacan ayon sa tala ng PDRRMO noong  Agosto 23 bukod pa sa P5,5,000,000 halaga ng nasirang imprastraktura.

Dahil dito, umabot naman sa P12,500,000 ang halaga ng relief goods na inisyal na ipinamahagi ng kapitolyo.

Ayon kay Gob. Wilhelmino Alvarado,ang pagdedeklara ng state of calamity sa lalawigan ay bahagi ng pagtatangka na mapabilis ang pagbangon ng mga apektadong Bulakenyo.

Sinabi naman ni Bokal Michael Fermin na ipinahatid ni Alvarado ang kahilingan sa Sangguniang Panglalawigan upang isailalim sa state of calamity ang Bulacan noong Miyerkoles, Agosto 21.

Kinabukasan, pinagtibay ng Sangguniang Panglalawigan ang isang resolusyon na nagsasailalim sa lalawigan sa state of calamity.


Ngunit sa kabila nito, ang pagsasailalim sa lalawigan sa state of calamity ay hindi naging bahagi ng ulat ng PDRRMO hanggang noong Biyernes, Agosto 23.

Sa halip, ang nakatala sa ulat ng PDRRMO ay ang pagsasailalim sa state of calamity sa mga bayan ng Obnado, Hagonoy, Paombong, at ilang barangay sa Calumpit.

Maging sa ulat ng Department of Trade and Industry (DTI) na nagdeklara ng price freeze mga bayang nasa ilalim ng state of calamity.

Ang tanging kabilang sa ulat ng DTI ay ang mga bayan ng Obando, Hagonoy, Paombong, at Calumpit.  Hindi pa kasama sa ulat ng DTI noong Agosto 23 ang kabuuan ng Bulacan.

Ang pagbahang dulot ng walang patid na pag-ulan ay naging sanhi rin ng pagkansela ng mga klase at trabaho sa ibat-ibang bayan at lungsod mula Lunes, Agosto 19 hanggang Biyernes, Agosto 23.

Ilang pangunahing lansangan naman ang lumubog sa malalim na baha kaya’t hindi nadaanan ng maliliit na sasakayan.

Bukod dito,napilitan ding magpatapon ng tubig angIpo at Bustos dam.

Batay sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) na inilabas noong Huwebes, Agosto 22, umabot sa 205 barangay sa 16 na bayan at lungsod sa lalawiganang lumubog sa baha.


Kabilang dito ay ang mga bayan ng Balagtas, Baliwag, Bocaue, Calumpit, Guiguinto, Hagonoy, Marilao, Obando, Paombong, Plaridel, Pulilan, San Miguel at Sta. Maria, at mga Lungsod ng Malolos, Meycauayan at San Jose Del Monte.

Batay sa tala ng PDRRMO ang bahang nagpalubog sa mga barangay sa lalawigan ay may lalim na mula isa hanggang apat na talampakan, depende sa lokasyon.

Ang pagbaha ito naging sanhi upang mapigil o mabalamang daloy ng trapiko samga pangunahing lansangan tulad ng macArthur Highway sa Bocaue, Marilao,Meycauayan, Malolos at Calumpit.

Hindi naman nadaanan ng maliliit sa sasakayan ang lansangan sa Panginay, Balagtas, gayundin sa MacArthur Highway sa pagitan ng Marilao at Bocaue; at pagitan ng Malolos at Calumpit.

Katulad noong nakaraang taon kung kailan ay pinalubog malakas ng ulan na hatid ng hanging habagat ang kahabaan ng MacArthur Highway sa Malolos mula sa Barangay Tikas hanggang Longos, ito ay muling pinalubog ng ulan na hatid ng bagyong Maring mula Lunes hanggang Huwebes.

Sa paglubog na ito ay kabilang ang kahabaan ng MacArthur Highway sa Crossing ng Malolos,sa harap ng Kapitolyo at Bulacan State University (BulSU) na nagmistula na namang malalim na ilog.

Maging ang loob ng bakuran ng kapitolyo at BulSU ay pinasok ng tubig baha.

Dahil sa malakas na buhos ng ulan nag nagbunga ng malawakang pagbaha, nagpalabas ng utos ang mga alkalde mula sa ibat-ibang bayan ay lungsod sa lalawigan upang suspendihin ang klase.

Ito ay sinundan pang deklarasyon ng Malakanyang para sa suspension ng klase.

Ang suspensyon sa mga klase ay idineklara lamang bawat araw sa pag-asa ng mga punong bayan at lungsod na huhupa ang ulan at baha.

Ngunit hanggangnoong Huwebes, Agosto 22 ay patuloy pa rin ang manaka-nakang pag ulan at hindi pa humuhupa ang baha sa ilang bahagi ng lalawigan tulad sa Hagonoy at Calumpit.

Dahil dito, nagpasiya ang ilang alklade na suspindehin ang klase noong Biyernes, Agosto 23.

Manging ang ilang pamantasan sa lalawigan tulad ng BulSU, La Consolacion University-Philippines (LaCUP),Centro Escolar University, Kolehiyo ng Guiguinto, Immaculate Conception Seminary sa Guiguinto, at Dr. Yanga’s Colleges Inc.,(DYCI) sa Bocaue ay nagkansela na rin ng klase.   Dino Balabo

No comments:

Post a Comment