Monday, April 14, 2014

100,000 inaasahang dadagsa upang saksihan ang pagpapako sa 6 na deboto


Pagpapako kay MichaelKatigbak sa Kapitangan, Paombong noonf 2013. DB


 
PAOMBONG, Bulacan—Inaasahang muling aabot sa 100,000 katao ang muling dadagsa sa bayang ito upang tuparin ang panata at saksihan ang pagpapako sa krus sa anim na deboto sa bakuran ng kapilya sa Barangay Kapitangan ngayong semana santa.

Bukod dito, magsasagawa rin ng pagtatanghal ng senakulo ang ang mga kasapi ng Teatro Paombong sa Kapitangan sa Miyerkoles Santo ng gabi, na susundan ng pagtatanghal sa munisipyo sa Biyernes Santo ng gabi.

Bilang paghahanda, ibinili na ng mga bagong baterya ang mga mobile radio phones na ginagamit ng mga tanod upang mapadali ang kanilang komunikasyon sa lahat ng panig ng Kapitangan sa loob ng tatlo hanggang limang araw na pangingilin.

Inihanda na rin ang mga “directional signs” na gagamitin upang hindi maligaw ang mga taong gustong magpunta rito.

Iba’t ibang kasapi ng kapulisan, tanod ng baranggay at marshalls ang nakahanda rin para mapaigting ang kaayusan at kasiguraduhan ng dadagsang tao.

Ayon kay Cleotilde Gaspar, kapitan ng Barangay Kapitangan, tinatayang aabot sa mahigit 100,000 katao ang muling dadagsa sa kanilang batangay simula Miyerkoles Santo hanggang Biyernes Santo.
 
Pagpapako kay Precy Valencia sa Kapitangan, Paombong.
Ito ay bilang patupad ng mga deboto sa kanilang panata at pangingilin, bukod sa pagsaksi sa taunang pagpapako sa krus.

Ayon kay Gaspar, aabot sa anim na deboto ang nakatakdang ipako sa krus.

Ang bilang na ito ang pinakamataas na bilang ng mga debotong lalahok sa pagpapapako sa krus sa bakuran ng Kapilya ng Sto.Cristo sa Kapitangan.

“Batay sa impormasyong ipinabatid sa amin, isa ang ipapako sa Huwebes Santo, at lima sa Biyernes santo,” ani ng Kapitana.

Binigyang diin ni Gaspar na ito ang kauna-unahang pagkakataon na may iappako sa Kapitangan sa araw ng Huwebes Santo.

Inihalad naman ni Konsehal Myrna Valencia, tagapamuno ng Lupon ng Turismo sa Sangguniang Bayan ng Paombong na na inihahanda na nila ang masterplan para sa turismo sa Kapitangan.

Kasama ang Bulacan Tourism Convention and Visitors Board (BTCVB), isa sa mga planong inihanda nina Valencia ay ang pagpapagawa ng observation deck sa bakuranng kapilya.

Matatandaan na noong nakaraang taon ay pinangunahan ng BTCVB kasama si Valencia ang pagpapagawa sa entablado sa bakuran ng kapilya kung saan isinasagawa ang taunang pagpapako sa krus.

Dahil naman sa pagdagsa ng tao sa kapitangan,sinabi ni Melinda Bautista, kalihim ng barangay na aabot sa 500 volunteer ang kanilang makakaagapay sa panahon ng Semana santa.

Kabialng dito ang mga medical volunteers na nakahandang sumaklolo sa mga debotong sasamain ang pakiramdam o mahiihilo sa kasagsagan ng init ng araw.

Ayon sa pangulo ng simbahan ng Kapitangan na si Sonny Tarrayo, Miyerkules Santo pa lamang ay dagsa na ang kalsada ng mga deboto.
 
Penitente sa Ilogng Halang, Hagonoy. 2013.
Hatinggabi ng Miyerkules ginaganap ang paligo sa poon na matatagpuan sa kapilya ng Sto. Cristo kung saan ito ay ibinababa mula sa pader ng kapilya.

Iba’t ibang uri ng pabango ang ginagamit sa pagpapaligo. Anupa’t lahat ng likidong dadampi sa katawan ng imaghe ay sinasahod ng mga deboto at kanilang iniuuwi o iniinom sapagkat pinaniniwalaan itong nakagagamot ng iba’t ibang uri ng sakit.

“Minsan pa nga, babasain nila yung dala nilang bimpo at tuwalya at ipapahid sa katawan nila o ng may-sakit,” sambit ng sekretarya ng baryo na si Melinda Bautista.

Sa ganap naman na ika-4:30 ng hapon ng Huwebes ay isasara na ang kalsada upang maiwasan na rin ang gitgitan.

May nakahandang parking lots para sa mga gustong magparada ng sasakyan. Ito ay matatagpuan di-kalayuan sa kapilya ng Kapitangan.

Gagamitin din ang bukid sa gawing likuran ng kapilya na ngayon ay walang tanim upang hindi magsiksikan ang kalahatan at dahil na rin sa kakiputan ng kalsada rito.

Dahil lubhang masikip na sa dami ng tao, nagpapalipas na ng gabi ang karamihan at aantayin ang kinabukasan ng Huwebes.

“Naglalatag na lamang ang mga tao doon, nagaantay ng pag-umaga. Para talagang Luneta,” paliwanag ni Gaspar.

Sa ika-labing isa ng tanghali ng Hewebes santo ay may isang ipapako at lima naman pagsapit ng Biyernes Santo.

Pinaniniwalaang ang kapilya ng lugar na ito na Sto. Cristo Chapel ay milagroso kaya’t isa din ito sa dahilan kung bakit dinarayo ito, na sinang-ayunan din ng pangulo ng kapilya.

Nagbahagi ng kanyang karanasan ang isa sa mga baranggay tanod ng Kapitangan na si Rony Victoria na siya’y namanata noong binata pa siya para sa kanyang anak na may sakit.
 
2013 crucifixion rites, Kapitangan, Paombong. DB
“Nung ipinanganak kasi iyon eh may hingal. Nagkokombulsyon siya. Hirap huminga. Ipinanata ko siya. Nanampalataya ako s sto. Cristo dito. Makaraan ang isang taon eh gumaling,” aniya.

Ngayong ay labingtatlong taong gulang na ang kanyang anak at nasa ikalawang taon na sa hayskul.

Ayon naman sa Kapitana ay kanyang nakamulatan na ang ganitong tradisyon sa Kapitangan.

 Dinadagsa di-umano ang lugar na ito sapagkat natuklasan na lahat ng puno na puputulin dito ay may lumitaw na marka ng krus sa loob ng kahoy na pinutol.

“Lahat ng puno na nakapaikot sa santa bisita, lahat ng putulin, kahit saang parte, may krus na lumilitaw. Inilalaga ng tao iyon at nakagagaling. Hanggang sa naubos ang mga puno doon,” kwento ng Kapitana.

Ilan sa mga nagsisilbing dahilan ng patuloy na pagdayo ng bulto bultong tao para magnilay ay ang sari sariling panata ng bawat isa. Karaniwan sa mga pinapanata ay mga kamag anak na may sakit na nais gumaling.

Ayon kay Ronnie Victoria, Baraggay Tanod sa Kapitangan at dati ring namamanata, ang dahilan ng kanyang pagpipinitensya dati ay para maipamanata ang kanyang anak na may hika at kinukumbulsyon. Nagging malaki ang kanyang pasasalamat dahil isang taon buhat ng kanya itong ipanata ay gumaling ito at ngayoy nakakapag aral na ng walang iniindang sakit.

Gayunpaman, may iba namang nagpipinitensya na matapos mamatay ng kanilang ipinapanata ay siyang pagtatapos na din ng kanilang pamamanata. (Annejoelica Esguerra at Elaine Bautista, may dagdag na ulat mula kay Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment