Monday, April 14, 2014

Maynila pinagtitipid sa tubig dahil mababa na ang tubig sa Angat Dam


Engr. Rodolfo German at Angat Dam.  Dino Balabo



MALOLOS—Pinayuhan ng National Power Corporation (Napocor) ang mga residente ng kalakhang Maynila na magtipid sa tubig dahil sa mabilis na pagkaubos ng tubig sa Angat Dam.

Kaugnay nito, binawasan na ng National Water Resources Board (NWRB) ang alokasyon sa tubig inumin ng kalakhang Maynila.

Batay sa tala ng Napocor,ang water elevation sa dam ay bumaba sa 188.9 meters above sea level noong Huwebes, Abril 10.

Ito ay mahigit walong metro na lamang bago sumayad sa kritikal na 180 masl kung kailan ay ititigil ang alokasyon para sa patubig ng magsasaka sa Bulacan at Pampanga.

Ayon kay Inhinyero Rodolfo German, mas makabubuting magsimula ng magtipid sa tubig ang kalakhang Maynila.

“Mababa na ang tubig kumpara sa ideal na 200 meters at this time of year,” sabi ni German,ang general manager ng Angat River Hydro Electric Power Plant (ARHEPP).

Ang ARHEPP ay isang ahensiya ng Napocor na namamahala sa 53,000 ektaryang Angat watershed kung saan nagmumula ang 97 porsyentong tubig inumin ng kalakhang Maynila.

Sa kabila ng babala hinggil pagtitipid sa tubig, hindi nagbigay ng impormasyon si German kung hanggang kailan tatagal ang tubig sa dam upang mapadaloy sa kalakhang Maynila.

Sa halip ay kanyang inihayag na binawasan na ng NWRB ang alokasyon ng kalakhang Maynila mula sa regular na 46 cubic meters per second (cms) ay naibaba na ito sa 41 cms, at nitong nakaraang linggo ay 34 cms na lang ang alokasyon.
 
AngatDam reservoir. DB
Ang pagbabawas na ito ay nangangahulugan na may posibilidad na kapusin ng tubig ang Kalakhang Maynila dahil sa init ng panahon at kawalan ng ulan.

Ang dalawang kalagayang ito ay nagtutulak sa mga taon na gumamit ng mas maraming tubig.

Masasalamin din sa desisyon ng NWRB ang mga nakaraang desisyon nila hinggil sa pagbabawas ng alokasyon.

Ito ay upang matiyak na aabot hanggang sa tag-ulan ang nakatinggal na tubig sa dam.

Batay papahayag ni German, ang water elevation sa dam ay bumababa ng 20 sentimetro bawat araw.

Para naman sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Office, ang mabilis na pagbaba ng tubig sa dam at kasalukuyang alokasyon ay posibleng magtulak sa dam upang sumayad sa kritikal na 180 masl ang tubig doon sa loob ng ilang linggo.

Batay sa tala, naitala noong Hunyo 2010 ang pinakamababang water elevation sa dam na 157.57 masl.

Una rito, naitala noong Hulyo 1997 ang 158 masl na water elevation  sa dam.

Matatandaan na noong 1997 ay sinagasaan ng El Nino Phenomenon ang bansa, parti,kular na ang Gitnang Luzon.

Ang El Nino ay tinampyukan ng kawalan ng ulan na naging sanhi upang matuyo ang dam maging ang mga bukirin sa mga lalawigan ng Bulacan at Pampanga. (Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment