Tuesday, April 23, 2013

Gusali ng STI-Malolos gumuho




MALOLOS CITY—Apat na stay-in worker ang nasugatan matapos gumuho ang isang bahagi ng itinatayong STI building sa lungsod na ito kamakalawa ng hapon.

Ang mga nasugatan ay agad na isinugod sa Bulacan Medical Center (BMC) sa lungsod na ito, at isa sa kanila ay nakilalang si Ricky Watiwat, 37, isang mason na tubong Marinduque.

Ang tatlo pang kapwa obrero ni Watiwat ay hindi nakilala dahil agad ding pinauwi ng mga duktor sa BMC, samantalang si Watiwat ay kasalukuyan pang inoobserbahan.

Batay sa ulat ng pulisya, sinabi ni Mayor Christian Natividad ng lungsod na ito na ang insidente ay naganap sa itinatayong gusali ng STI na matatagpuan sa harap ng lumang relay station ng Radio Veritas sa kahabaan ng MacArthur Highway sa Barangay Dakila ng lungsod na ito pasado alas-5 ng hapon noong Lunes..

Sa pagsisiyasat ng pulisya, natukoy na ang pagguho ay sanhi ng pagbagsak ng scaffolding na sumusuporta sa ikalawang palapag ng gusaling sinasabing gagamiting academic center ng STI.

Ayon pa sa pulisya, kasalukuyang binubuhusan ng sariwang semento ang ikalawang palapag ng gusali nang gumuho ito.

Ang konstruksyon ng nasabing gusali ay nagsimula noong nakaraang taon. Dino Balabo

Monday, April 22, 2013

Larawan ng mga kadidatong lumahok sa talakayan sa Radyo Bulacan

 Tagumpay,maayos,payapa at mahinahon ang isinagawang talakayan ng mga kandidato mulasa Lungsod ng Malolos sa Radyo Bulacan noong Linggo ng gabi, Abril 21.  Narito ang mga larawan ng ilan sa mga kandidatong lumahok:




































Wednesday, April 17, 2013

Bantayan ang mga dam upang matiyak ang katatagan




LUNGSOD NG MALOLOS—Ligtas pa rin ang mga dam sa Gitnang Luzon matapos yumanig ang isang lindol na may lakas na magnitude 5.4 noong Huwebes, Abril 4 na tumama sa Baler, Aurora.

Ngunit ipinayo ni Inhinyero Roderick Dela Cruz na kailangang magsagawa ng pagbabantay at pagsusuri sa mga dam upang matiyak ang katatagan ng mga ito.

Sa kanyang presentasyon noong araw ding iyon sa mga opisyal ng Kapitolyo, National Power Corporation (Napocor) at Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), sinabi ng dam safety expert na sa Amerika, kapag lumindol ng mas malakas sa magnitude 5, agad silang nagsasagawa ng mga pagsusuri.

Ito ay dahil sa iyon ang itinatakda ng kanilang batas at pamantayan sa pamamahala sa mga dam.

“We want to be sure of the safety of our facilities,” ani Dela Cruz sa pagsisimumula ng kanyang presentasyon mahigit isang oras matapos lumindol.

Bilang isang lead dam safety engineer ng Southern California Edison (SCE), si Dela Cruz ay namamahala sa 82 naglalakihang dam na ang mga edad ay nasa pagitan ng 80 hanggang 100 taon.

Inihayag niya na ang mga kritikal na istraktura ng dam na dapat suriin matapos ang lindol ay ang dike, spillway at iba pang bahagi.

Ito ay upang matukoy kung may naiwang pinsala ang lindol, maliit man o malaki.

Ayon kay Dela Cruz, ang regular na pagsusuri sa mga istraktura ng dam ay isa sa mga benepisyong pagkakaroon ng isang national dam safety law na itinakda ng pamahalaang pederal at estado ng Amerika.

Sa Pilipinas,nagpahayag siya ng kalungkutan na hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring national dam safety law.

Binigyang diin pa niya ang kalagayang ibat-ibang pangkat ang namamahala sa mga dam sa bansa.

“There are many stakeholders in dam operations in the Philippines, but there is no single office that monitors the dams because there is no law on dam safety,” ani Dela Cruz.


Nagpahayag din siya ng kalungkutan na sa kasalukuyan ay natutulog sa Kongreso ang panukalang batas para sa national dam safety program.

Kaugnay nito, tiniyak ng Napocor na nananatiling matatag ang Angat Dam sa bayan ng Norzagaray matapos ang lindol noong Abril 4.

“Hindi naman masyadong naramdaman dito,” sabi ni Inihinyero Rodolfo German, ang general manager ng Angat River Hydroelectric Power Plant (Arhepp).

Iginiit pa ni German na ang karaniwang nagsasagawa ng pagsusuri sa Angat Dam ay ang Napocor Dams and Waterways division kasama ang mga kinatawan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Gayunpaman, hindi masagot ni German ang katanungan kung agarang nagsagawa ng pagsusuri sa Angat dam ang Napocor at ang Phivolcs matapos ang lindol.

Ang Angat Dam ay itinayo at sinimulang gamitin 43 taon na ang nakakaraan.

Ito ay napipintong isailalim sa kauna-unahang rehabilitasyon matapos matukoy sa mga pag-aaral na ang dike ng dam ay nakatayo di kalayuan sa splay o sanga ng Marikina West Valley Faultline.

Ayon sa Philvolcs, ang nasabing faultline ay gumagalaw sa pagitan ng 200 at 400 taon. Sa kasalukuyan, natapos na ang 200 taon ng di paggalaw ng faultline.

Ito ay nangangahulugan na anumang oras ay maaaring gumalaw at lumikha ng lindol na may lakas na magnitude 7.2 ang faultline. Dino Balabo

IWMF humanga sa unang pangkat ng Pilipinong mamamahayag na sumailalim sa fellowship



LUNGSOD NG PASIG—Humanga ang International Women’s Media Foundation (IWMF) sa siyam na Pilipinong mamamahayag na sumailalim sa Environmental Investigative Reporting Fellowship na natapos noong Sabado, Abril 6.

Kaugnay nito, ikinagalak ng beteranang investigative journalist na si Marites Vitug ang pagbubukas ng programa ng IWMF sa bansa upang mapataas ang antas ng kasanayan ng mga mas batang mamamahayag.

“Nagulat si Nadine sa quality ng mga report ninyo, hindi niya inaasahang ganoon kabigat at kaganda ang magiging produkto ninyo,” sabi ni Imelda Abano, ang program manager ng IWMF sa bansa at pangulo ng Philippine Network of Environmental Journalists (PNEJ).

Ang tinutukoy ni Abano ay Nadine Hoffman-De Cicco, ang director of programs ng IWMF na nakabase sa Washington DC, sa Estados Unidos.

Sina Abano at Hoffman-De Cicco ay nagkausap sa telepono noong gabi ng Biyernes, Abril 5 o ilang oras bago isagawa ang huling sesyon at pagtatapos ng fellowship na nagsimula noong Hunyo 2012.

Idinagdag pa ni Abano na ikinumpara ni Hoffman-DeCicco ang kakayahan ng mga Pilipinong mamamahayag sa ibang mamamahayag na lumahok sa ibang programa ng IWMF sa ibang bansa.

Ang siyam na piling mamamahayag sa bansa na nakasama sa walong buwang pagsasanay at fellowship ay sina Purple Romero ng Rappler.com, Riziel Cabreros ng ANC, Rouchele Dinglasan ng GMA Network, Anna Valmero ng Loqal.ph, Malou Guieb ng Business Mirror, Rhodina Villanueva ng Philippine Star, Bong Sarmiento ng BusinessWorld at MindaNews, Lira Fernandez ng Interaksyon.com, at Dino Balabo ng Radyo Bulacan, Mabuhay, Punto Central Luzon at Philippine Star.

Hindi nakasama sa mga nagsipagtapos ng fellowship si Kate Alave ng Philippine Daily Inquirer at GMA Network dahil sa tawag ng tungkulin sa ibayong dagat.

Ang bawat isa sa siyam na IWMF fellow ay sumailalim sa mga serye ng pagsasanay sa loob ng walong buwan at nakapaglathala at nakapagsahimpapawid ng tatlo hanggang apat na special report.

Ang mga special report ay karaniwang tumalakay sa mga usaping may kaugnayan sa kalikasan tulad ng pagmimina, pagsisinop ng basura, pagbaha, pagkakalbo ng kabundukan, biodiversity, pagsasaka at produksyon ng isda.

Bawat isa sa siyam na IWMF fellows ay ginabayan ng mga beteranong mamamahayag na tulad nina Marites Vitug, Howie Severino, Miriam Grace Go, Robert Jaworksi Abano, Abner Mercado, Red Batario, Nonoy Espina, Malou Mangahas at Tonette Orejas.

Ayon sa IWMF, layunin ng walong buwang fellowship na maihanda ang mga kalahok sa pagbuo ng mga “innovative, in-depth reporting on environmental issues in the Philippines, highlighting the voices of women.

Ang bawat isa siyam na fellows ay tumanggap ng sertipiko ng pagkilala at tig-P80,000 suporta sa panahon ng pagsasanay at pagbuo ng mga special report.

Kaugnay nito, magpahayag ng kagalakan si Vitug sa pagbubukas ng IWMF ng programa sa bansa
“I am glad IWMF started a program in the Philippines, which our young journalists deserve,” ani Vitug.

Bilang isa sa mga mentor na gumabay sa mga kalahok sa fellowship, idinagdag pa niya na, “I really feel helping the successor generation, it was good chance to mentor you all. We don’t like to end up in the field with only the gray hair dominant.”

Ayon pa kay Vitug, nararapat sa larangan ng pamamahayag ngayon ang batang mamamahayag na may “fresh mind, innovative spirit and lots of imagination.” Dino Balabo

Pagpapatibay ng tatlong dam sa Bulacan, nakalinya na sa 2014



 
LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan-- Inilinya na ng pambansang pamahalaan sa susunod na taon ang pagpapatibay sa tatlong dam ng Bulacan-Angat, Bustos, at Bulo.

Sa isang panayam, sinabi ni Gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado na unang patitibayin ang Angat na siyang nagsusuplay ng 95 porsyento ng tubig at kuryente sa kalakhang Maynila.

Matatandaan na nirekomenda ng Tonkin & Taylor na kinakailangan nang mas patatagin at mas tumibay pa ang istraktura dahil ito ay nakatayo sa gilid ng West Marikina Valley Fault .

Tinatayang aabot sa hanggang sa limang bilyong piso ang kabuuang halaga ng
rehabilitasyon na katumbas ng dalawang financial package. Shane Frias Velasco, PIA 3

Friday, April 12, 2013

Lubog na ang Aroma Beach ngunit tigib ng alaala





HAGONOY, Bulacan—Punta tayo sa Aroma Beach!

Ito ang karaniwang maririnig kung tag-araw sa mga kabataan sa bayang ito ilang dekada na ang nakakaraan.

Ang kanilang tinutukoy ay ang isang mabuhanging paltok sa baybayin ng bayang ito sa pagitan ng mga islang barangay ng Pugad at Tibaguin.

Libre ang paliligo sa Aroma Beach na ang pangalan ay hango sa halaman sa tabing dagat na ang tinik ay may isa hanggang dalawang pulgada ang haba.

Dahil nasa baybayin ng dagat, ang Aroma Beach na ayon sa matatandaan nag-iisang beach sa lalawigan, ay nararating lamang sa pamamagitan ng bangkang de motor.


Ito ay hindi kakatwa dahil sa kabila na ang lalawigan ng Bulacan ay may baybaying dagat, ito ay napapaligiran ng mga palaisdaan.

Para sa mga residente ng bayang ito sa baybayin ng look ng Maynila, ang Aroma Beach ay isang paraisong paliguan kung tag-araw.

Bukod sa libre ang paliligo doon, maaari pang makahuli ng mga isdang dagat o kaya mangapa ng mga talaba at alimasag na naiuulam o napupulutan ng mga dumarayo.

“Mahirap malimutan ang Aroma Beach, naging bahagi na iyan ng aming kabataan,” sabi ni Manolito Fabian, 43, dating residente ng Barangay Mercado na ngayon ay nakatira sa bayan ng Paombong.

Inayunan din ito ni Inhinyero Bernardo Vicente ng Maynilad Water Services Incorporated na dating nakatira sa barangay Sta. Monica ng bayang ito ngunit ngayon ay nakatira sa bayan ng Plaridel.

Ikinuwento ni Vicente na bilang dating mag-aaral ng St. Anne’s Catholic High School (SACHS) sa bayang ito, nakarating siya Aroma Beach noong siya ay nasa high school nong huling bahagi ng dekada 80.

Ang mga karanasan nila at alaala sa nagdaang panahon patungkol sa Aroma Beach at dala pa rin nila sa muling pagbisita sa nasabing lugar noong Linggo, Marso 31.

Ngunit ang mga matulain larawang nakintal sa kanilang isipan ay naglaho.

Ito ay dahil sa ang dating mabuhanging paltok na tinatawag na Aroma Beach ay lumubog na sa tubig dagat.

Sa paglusong nina Fabian at Vicente sa dating paltok ng Aroma Beach, umabot sa leeg nila ang tubig ng dagat.

Ngunit katulad sa nagdaang panahon, nadoon pa rin ang kanilang kasiyahan na marating at makapaligo sa Aroma Beach kasama ang kanilang mga kaklase noong High School sa SACHS na ngayon ay tinatawagng St. Anne’s Catholic School (SACS).

“Talon na, mababaw naman, kayang kaya natin ito,” ang pag-aanyaya ni Fabian sa mga kaklaseng noo’y nakasakay pa sa bangkang malaki.

Matapos magtanong sa piloto ng bangka, nagtalunan na rin sa tubig ang mga kaklase niyang sina Froilan Alvarado, Roderick Dela Cruz, Alfredo Lunes, Arnel Sebastian, at Emelito Villanueva.

Siyempre, habang nagsisipaligo panay naman ang kuha ng larawan ng mamamahayag na ito na kaklase rin nila.

Nakasabay rin nilang maligo ang isang pangkat ng mga bakasyunistang nagmula pa sa Lungsod ng Malabon na dumayo sa Aroma Beach sakay din ng isa pang malaking bangka.

Nandoon din ang mga kabataang residente ng Barangay Pugad at Tibaguin na mga nagsipagpasikat sa pagta-tumbling sa tubig mula sa balikat ng kanilang kasama.

Katulad noong kanilang kabataan, nagkayayaan ang magkakaklase na mangap sa baklad na pag-aari ni Lunes na isang kagawad ng Pugad.

Nanguna si Fabian na buong kasiyahang nanisid ng huli sa baklad, ngunit sa kanyang paglitaw ay isang maliit na alimangong bato ng nakasipit sa kanyang hinlalaki.

Lalong nadagdagan ang kasiyahan ng magkakaklase at nagpatuloy si Fabian sa paninisid. Sa muling paglitaw niya at isang kanduli naman ang hawak.

 Sa panayam, nagbalik tanaw si Lunes sa dating kalagayan ng Aroma Beach.

Ikinuwento niya malaki na ang nabago sa bayabayin ng Bulacan.

Ayon kay Lunes, noong dekada 80, kahit maglakad ka ng isang kilometro sa dagat ay hanggang bewang lang ang tubig, ngunit ngayon, sa dating paltok ay hanggang leeg ang tubig.

Sinabi niya na nagsimulang lumubog ang Aroma Beach nong kalagitnaan ng dekada 90.

Batay sa mga naunang pahayag ng mga dalubhasa, ang paglubog ng baybaying dagat katulad ng Aroma Beach ay sanhi ng pagtaas ng tubig sa dagat na dulot ng pagkalusaw ng mga niyebe sa mas malalamig na bansa.

Bukod dito, sinasabi rin ng mga dalubhasa na ang baybayin ng Bulacan ay lumulubog dahil sa land subsidence o paglubog ng lupa.

Ito ay sanhi raw ng sobrang paghugot ng tubig mula sa ilalim ng lupa o ground water na pinadadaloy ng water district sa bawat tahanan.

Dahil sa mga kalagayang ito, ang kabuhayan sa baybaying dagat at lumiiit, maging ang posibilidad ng turismo.

Gayunpaman, ilan ang nagpapayo na sa kabila na lubog na ang Aroma Beach ay maaari pa rin itong maging destinasyon ng mga turista sa lalawigan.

Ayon kina Alvarado at Vicente, ang kailangan lamang ay makabuo ng tour packages kung saan ang mga turista ay susunduin ng malaking bangka mula sa kabayanan ng bayang ito upang marating at makapaligo sa Aroma Beach.  Dino Balabo