Tuesday, April 2, 2013

Nagkalat ng balitang maraming namatay sa 4 na pool resort mananagot



  
MALOLOS CITY—Hindi totoo ang kumakalat na balitang maraming namatay sa apat na swimming pool resort sa Bulacan.

Kaugnay nito,nagbabala ang mga opisyal na tutugisin ang sinumang nasa likod ng mapanirang balita matapos silang makipag-ugnayan sa pulisya at National Bureau of Investigation (NBI).

Ayon kay Jose Clemente, may ari ng Ciudad Clemente Resort sa bayan ng Paombong, malaki ang nagiging epekto ng kumalat na balita simula noong Linggo.

Bilang tagapagtatag at dating pangulo ng Bulacan Association of Resort Owners (BARO), sinabi ni Clemente na inisip niyang isang April Fools Day prank ang balita noong Lunes kung kailan ginunita ang nasabing araw.

Ngunit bago matapos ang araw ng Lunes, tatlo pang resort sa lalawigan ang napabalitang may mga namatay matapos makuryente.

Ang unang napabalita ay ang 4K Resort sa Sta. Maria, kasunod ay Agatha Resort and Country Club sa Guiguinto, Jed’s Island Resort sa Calumpit at Villa Lorenzo sa Pulilan.

Iginiit pa niya na ang mga nasabing resort ay ang ilan sa pinakamalalaki sa lalawigan.

Kaugnay nito,sinabi ni Bokal Michael Fermin na nakipag-ugnayan na siya sa PNP at NBI.

Bilang tagapangulo ng Committee on Tourism sa Sangguniang Panglalawigan, inayunan ni Fermin ang naging pahayag ni Clemente.

“Hindi isang biro yung pagkakalat ng balitang iyon, sabotahe na yan sa industriya,” ani Fermin.

Batay sa tala ng pamahalaang panlalawigan may mahigit sa 101 primera klaseng resort sa Bulacan na dinarayo tuwing tag-araw.

Bukod dito,ang Bulacan ay ang itinauturing na wave pool capital ng bansa dahil dito naipon ang pinakamaraming resort na may wave pools sa Pilipinas.

Ang mga resort na may wave pool sa Bulacan ay matatagpuan sa Malolos, Calumpit, San Rafael, Pandi, Sta. Maria at Bocaue.

No comments:

Post a Comment