Thursday, October 31, 2013

Mga gabing kinatatakutan



ni Mark Erron San Mateo


Hinding-hindi ko makakalimutan ang mga takot na nararamdaman ko sa tuwing dadating ang mga ganoong pagkakataon. Dalawampu at dalawang taong gulang na ako, at ngayon ko lang nalaman na duwag pala ako. Ngayon ko lang nalaman na ang dami ko palang takot, at nalaman ko ito dahil sa pagdating ng gabi.

Kakaiba talaga ang hiwagang dala ng gabi. Sa pagsapit nito, parang nagsasabog ng kung anu-anong misteryo ang buwan at ang mga bituin. Sa mga nakalipas na gabi ng buhay ko, napatunayan ko talaga na kakaiba ang gabi.

Gustong-gusto ko ang gabi noong bata pa ako. Araw-araw kong hinihintay ang pagdating ng gabi dahil sa gabi ako nakakapaglaro, kasama ang aking mga kaibigang bata. Paborito naming laro ay taguan.

Malaking tulong ang hatid ng dilim ng gabi para sa amin na mga nagtatago. Nahihirapang maghanap ang taya dahil sa dilim ng gabi. Kadalasan, nabuburo ang taya dahil sa hirap ng paghahanap. Ang sarap maglaro noon. Ang sarap maging bata. Ang sarap kapag gabi.

Pero ngayong 22-anyos na ako, hindi ko magawang sabihin na masarap kapag gabi.

Nagsimula akong matakot sa pagdating ng gabi ngayong nasa ikatlong taon na ako sa kolehiyo. Nakakahiya mang sabihin pero sobrang natatakot ako kapag natatapos na ang klase namin at kapag gumagabi na.

Kapag nararamdaman ko ang takot na iyon, dinarasal ko na sana huminto ang oras at hindi na mag-uwian. Pero hindi pwede iyon. Hindi pwedeng huminto ang oras at hindi na mag-uwian.

Sa pagsapit ng uwian, tuluyan nang bumabalot sa akin ang takot. Nararamdaman ko ang takot na ito habang naglalakad kami ng aking kasama papalabas ng eskwelahan. Ang bigat ng mga paa ko sa mga ganitong pagkakataon. Pero wala akong magawa kundi buhatin ang mga paa ko gaano man kabigat at piliting makalakad.

Wala akong magawa dahil gabi na. Wala akong magawa dahil kailangan nang umuwi ng kasama ko. Wala akong magawa kundi ang matakot. Hinding hindi ko makakalimutan ang mga ganitong gabi.

Isa itong patunay na may mas nakakatakot pa kaysa sa mga multo: ang paghihiwalay.

Kailangan nang umuwi ng kasama ko. Sumakay na siya ng dyip. Ang tangi ko na lang nagawa ay ang kumaway. Naduwag akong sabihin ang mga salitang: "Huwag ka nang umuwi. Huwag na tayong maghihiwalay. Huwag ka nang lalayo sa akin. Hindi ko kaya nang wala ka."

Kinain ako ng karuwagan ko. Wala akong nagawa kundi ang kumaway. At sa pagbaba ko ng aking mga kamay matapos kumaway, yayakap sa akin ang lamig ng gabi, ang lamig ng pag-iisa. Nakakatakot ang ganitong mga gabi. (Mark Erron San Mateo)

(Si Mark Erron ay kabilang sa unang batch BA Journalism graduate sa Bulacan State University (BulSU).  Siya ay nagtapos noong Abril 2011.  Ang artikulong ito ay kanyang sinulat noong 2010.)

No comments:

Post a Comment